BUONG GABI AY NAKATITIG LANG SI CAMILLE sa mukha ni Brett. Kanina pa nito ibinibida ang bawat "winning moves" niya sa basketball game nung hapon na yun. Dapat ay masaya siya: hindi ba ito ang gusto niya, ang matagal na niyang pangarap? Pero parang may mali, may kulang. Tila wala sa sarili na kinukutaw niya ng plastic na kutsarita ang natunaw na niyang chocolate ice cream sundae. Maya't maya'y lihim niyang tinitingnan ang kanyang cell phone: walang text.
Hindi nagtetext ang bwiset na Jack.
"Kung nandun ka lang, you should have seen my three-point shot," pagbibida ni Brett, panay muwestra pa ng mga kamay nito. "It was so awesome, Cam! Last ten seconds, lamang sila ng two points. Imagine nanalo pa kami!"
In-imagine nga ni Camille—si Brett dini-dribble ang bola, um-anggulo, nalusutan ang dalawang guards, ibinato ang bola, pasok sa ring, swabe; dagundong ang buong gym sa excitement—kasi nga wala siya dun nung nangyari ang ikinukuwento ni Brett. Nasa jeep na kasi siya nun at kasalukuyang tumatanggap ng BEST ACTRESS AWARD, este, ini-ignore ang mga pa-cute ni Jack. Naiinis siya dito—ini-stalk ba siya ng mokong na yun? Bakit bigla na lang naroon yun sa waiting shed kung kelan pauwi na din siya? Masakit kasi ang ulo niya—sakit na nagmula pa nung nadulas siya sa pasilyo nung umaga, nung makita ni Jack ang pinakatago-tago niya. Wala naman talaga siyang dapat ikahiya—eh ano kung nakita ni Jack ang lahat ng yun? Maganda naman siya, flawless. Amputi kaya ng legs niya! Masisisi niya ba si Jack kung nalaglag ang panga nito pagkakita sa kanyang pang-Miss Universe na itinatagong alindog? At saka naiintindihan niya kung bakit natulala si Jack sa nakita—hindi nito siguro sukat-akalain na sa ilalim ng pagiging brusko ni Camille, "babaeng babae" pala siya. Ang di lang matanggap ni Camille ay ininsulto ni Jack ang underwear choice niya—anong masama sa Hello Kitty? Eh si Jack nga pa-Hanford Hanford pa, obvious na fake naman. Madalas nga niyang makita ang kulubot na rubber garter ng underwear ni Jack kapag nagtataas ito ng kamay, lihim siyang natatawa sa ka-cheap-an ng binata, pero ni minsan ba ay inasar niya ito? HINDI. Dahil FRIENDS sila. Kaya yung ginawa nito kanina—kung paano kinwestyon ni Jack ang underwear choice niya, hindi na nga siya tinulungang itayo mula sa pagkakalugmok—napaka! Akala mo kung sino! At nung ipina-paabot sa kanya ang pasahe kanina sa jeep, nung sabihin niyang, "Miss pakiabot nga," masyadong feelingero! Hindi naman kagwapuhan!
Kaya nung makababa na si Jack, sinundan niya ito ng tanaw. Madapa ka sana! Madapa ka sana! Paulit ulit niyang hiniling mentally. Kaso hindi nadapa si Jack, lumingon pa nga ito sa kanya, nakatayo lang ito dun sa kanto na akala mo nagpapa-awa.
Hinding-hindi ako maaawa sa kanya! Hindi ko siya papansinin! Sumpa ni Camille.
"Sinong hindi mo papansinin?" biglang singit ni Brett, napahinto sa pagkagat sa cheeseburger nito.
Ooops! "Ha? Ah, eh, wala. Yung mga tinalo nyo, ang yayabang pa naman ng mga yun, huwag mo na yun pansinin."
Napatawa si Brett. "Babe, hindi pwede yun. Sport lang. Yung iba dun friends ko since grade school pa."
"Ah OK."
"Siyangapala, yung iniwan ni Ma'am Santos na assignment, yung ipapasa natin after ng Foundation Week? Kaya mo kayang gawin yun?"
"Oo naman," sabi ni Camille, nakangiti pa.
"Sure ka? Ang dami mo pa namang responsibilities. Ikaw pa nagma-manage ng basketball tournament. Pati awarding ng prizes sa Thursday. Tapos yung Prom Night pa. Baka hindi mo na kayang gawin yung assignment ko, babe?"
"Kayang kaya ko yun," sabi ni Camille. "Ako pa? Basta para sa iyo, madali lang yun."
Malambing na kinurot ni Brett ang pisngi ni Camille. "Kaya love na love kita eh. You're the best girlfriend in the world, Cam."
"Love you, too," balik ni Camille. Saka biglang parang natuklaw ng ahas ni Camille. "Bwiset talaga," naibulong niya.
"Sinong buwiset?" Tanong ni Brett.
"Ah, w-wala. Wala." Pilit na ngumiti ang dalaga. "May naalala lang akong bwiset kanina. Pero huwag na natin pag-usapan."