Chereads / My Paparazzi (Tagalog) / Chapter 20 - Tragic End

Chapter 20 - Tragic End

Nakakalokong mga ngiti ang gumuhit sa mukha ni Yna habang naglalaro sa isipan kung ano na naman ang maari niyang gawing istorya patungkol kay Daniel. Matapos mag-make-up ay agad na siyang lumabas at sumakay sa kotse na minamaneho ni Fred. Si Jasmin naman ay nakahulukipkip lamang sa likuran.

"Saan tayo didiretcho, ma'am?" Tanong ni Fred ng maupo siya sa tabi nito.

"Diretcho na muna tayo sa office, Fred." Tipid niyang sagot habang kinukuha ang kanyang cellphone sa bag.

"Copy, boss!" Pabibo namang turan nito saka pinaandar ang kotse.

"What's with the face, Jasmin?" Pagpukaw sa atensyon ng babae ng makita sa maliit na salamin sa harap na tila balisa ito.

"Wala po.." Tila nahihiya na sagot nito sabay sulyap kay Fred na napatikhim.

"Fred, why?" Nagtataka niyang tanong.

"Wala po, ma'am." Sagot din nito.

Napapikit si Yna na tila hinahamig ang sarili saka napabuga sa hangin.

"Pag hindi niyo sinagot ng maayos ang tanong ko, pasasabugin ko ang sasakyan na ito!!!" Pasigaw niyang deklarasyon habang pinandidilatan ng mata ang dalawa.

"Ma'am may nag-iwan po kasi ng mga bulaklak na pampatay sa office natin kahapon." Mabilis na sagot ni Jasmin na tila natataranta.

"Pauwi na po kmi ng may nagdeliver. Para daw po sa inyo." Dagdag naman ni Fred.

"Fred! Bakit mo sinabi? Di ba usapan natin kahapon na wag ng sabihin kay Ma'am!" Paasik na singhal ni Jasmin kay Fred.

"Ang pinagusapan natin kagabi na wag sabihin ay yung sulat na-" Napahinto ang lalake sa iba pang sasabihin ng bigla nitong ipreno ang sasakyan at nanginginig na itinaas ang mga kamay na tila sumusuko.

Agad na napatingin si Yna sa harapan at nakita ang isang lalake na armado ng baril na ngayo'y nakatutok sa kanila. Ang mga tao sa tabing daan ay nagsimulang magsigawan at magtakbuhan.

"Yuko!" Sigaw ni Yna sabay bukas ng pinto ng kotse na malapit sa kanya sabay pahigang gumulong papunta sa tabi ng kalsada.

Sunud-sunod na putok ang pumailanlang kasabay ang mga tili ng mga tao. Si Yna ay kumaripas ng takbo patungo sa iba pang mga taong kanya-kanya sa pagkaripas. Lumuluhang binilisan ni Yna ang takbo habang nakasiksik sa karamihan ng tao. Blanko ang kanyang isipan habang tinatahak ang daan patungo sa malapit na himpilan ng pulisya. Agad naman niyang nakasalubong ang mga ito at humihingal na huminto sandali sa pagtakbo at tinanaw ang pagresponde ng mga ito.

Nasapo ni Yna ang ulo. Nanginginig ang buo niyang katawan. Lalo pang bumilis ang pintig ng kanyang puso ng maalala ang naiwang mga kasama sa sasakyan. Napahagulgol siya sa katotohanang maaring napahamak na ang mga ito sa kamay ng lalakeng namamaril. Nanghihina siyang napaupo sa kinaroroonan at niyakap ang sarili. Maya-maya ay narinig niya ang pagdating ng ambulasya at sasakyan ng SOCO.

"My God! Please..iligtas nyo po si Jasmin at Fred!" Lumuluhang dalangin niya habang naririnig ang serena ng ambulansya. Hinamig niya ang sarili saka naglakas ang loob na balikan ang sasakyan. Bawat hakbang niya ay pabigat ng pabigat ng makita na puno ito ng butas mula sa mga bala. Nanginginig na nasapo niya ang bibig upang mapigilan ang malakas na paghagulgol ng makitang inilalabas mula sa kotse ang mga duguang katawan nina Fred at Jasmin.

"Diyos ko! Hindi!!! Jasmin!!! Fred!!!" Hiyaw niya sa isip habang ang mga luha sa mga mata niya ay patuloy na rumaragasa.

"Miss, kasama mo ba sila?" Hindi na niya namalayan ang paglapit ng mga pulis sa kanya ng makita siyang tila nanghihinang humahagulgol ng iyak malapit sa ambulansya.

Hindi pa rin magawang makapagsalita ni Yna. Dinukot na lamang niya ang kanyang ID sa bulsa saka inabot dito.

"So kasamahan ka ng mga nasawi. Halika, Miss. Delikado na nandito ka dahil sa kasalukuyan ay hindi pa rin nahuhuli ang gumawa nito. Jeric, isama nyo na muna si Miss Reyes sa presinto habang inaayos namin ito." Wika nito saka isinoli ang kanyang ID at iginiya siya pasakay sa patrol car.

Habang nasa umaandar na sasakyan ay tila isang bangungot pa rin para kay Yna ang nangyari.

"Mga nasawi?" Isang salitang kanyang narinig kanina na kahit kailan ay parang hindi niya kayang tanggapin. Tila bumalik sa kanyang alaala na kasama pang buhay sina Jasmin at Fred. Alam niyang hindi pa ganoon katagal ang pagsasama nila ngunit alam niyang mabubuting mga katrabaho ang mga ito.