"Sige na, Gabriel. Lulunin mo na!" masayang sabi ni Ellie.
Ilang araw na ang nakakalipas mula ng makauwi sina Bagwis at Gabriel mula sa pagbisita sa mga nuno. Ilang araw na rin siyang kinukulit ni Ellie tungkol sa dala niyang Matangpusa.
"Sige na," wika ng babae. "Curious lang ako."
"Ayoko nga!" galit na tugon ni Gabriel. "Ang laki-laki niyan, oh. Baka mamatay pa ako 'pag nabulunan ako."
"T-Teka! Huwag kang mag-alala. Kukuha ako ng tubig," sabi ni Ellie sabay takbo patungo sa kusina.
Napailing na lang si Gabriel. Napansin niya na tinitingnan pala siya ni Kris. Bagamat wala itong imik, alam ng batang lalaki na gusto ring makiusisa nito tungkol sa batong ibinigay sa kanya ng matandang nuno. Ayon kay Bagwis, panglima pa lamang siya na nakakatanggap ng Matangpusa. Kahit ang kanyang ama ay wala nito kaya siguro ganoon na lamang ang kasabikan nila na malamang mayroon siya nito.
Lumapit si Gabriel kay Kris. "Hay naku. Ano ba naman kasing espesyal sa batong ito?"
Napanganga si Kris na para bang may sinabing kahindik-hindik ang batang lalaki.
"Bakit?" tanong ni Gabriel ng makita ang reaksyon ng kausap.
"Hindi mo ba naintindihan ang sinabi sa'yo ni Sir Bagwis? Eh, yung ipinaliwanag ko sa'yo kanina?"
"Oo, naintindihan ko naman, noh." Muling tiningnan ni Gabriel ang batong nasa palad. "Makikita ko ang hindi nakikita ng pangkaraniwang tao. Ano naman ang maganda dun? Nakakatakot kaya. Paano kung makakita ako ng multo?"
Malakas na natawa si Kris. "Hay naku, Gabriel. Komedyante ka talaga," sabi niya sabay iling. "Hindi ko masasagot ang tanong mo na iyan. Ikaw lang ang makakasagot niyan dahil iyo ibinigay ang Matangpusa. Kailangang tuklasin mo iyan sa iyong sarili." Pagkatapos ay tumayo si Kris at iniwan si Gabriel.
###
"Saan na naman ba tayo pupunta?"
Nasa loob sina Bagwis at Gabriel sa kulay-abong kotse habang binabagtas ang Skyway. Hapon na at malapit nang lumubog ang araw.
"Di ba sinabi ko na kanina," sagot ni Bagwis, "mayroon lang tayong bibisitahin."
"Bibisitahin? Eh, nung huling bumisita tayo muntik na akong mawala habangbuhay doon sa loob ng punso!"
Hindi sumagot si Bagwis.
"Kailangan ba talaga itong mga pagbisita na ito? Saka, kailangan pa bang naka-amerikana ako? Ang init-init kaya!
Lumipas ang ilang oras dahil sa mabagal na daloy ng mga sasakyan. Sa loob ng sasakyan, panay ang inat ni Gabriel dahil sa pagkabagot.
"Alabang na ito, di ba?" tanong ni Gabriel. "Madalas ako ito dati, eh. Kaso munitk na akong mahuli doon sa Festival Mall kaya hindi na ako bumalik dito."
Napabuntong-hininga si Bagwis. "Gabriel, dapat kalimutan mo na ang mga bagay na iyan. Hindi ka na isang mandurukot."
Sa pagkakataong iyon, si Gabriel naman ang hindi nakasagot.
###
Halos hindi mailarawan ang hitsura ni Gabriel nang pumasok sila sa isang subdivision na pulos mayayaman ang nakatira. Bilog na bilog ang kanyang mga mata ng makita ang naglalakihang mga bahay at nagtataasang mga gate. Ngayon lamang siya nakapasok sa ganoong lugar kaya't hindi niya maiwasang maisip kung anu-anong mga mamahaling bagay ang makikita niya at malilimas.
"Gabriel..."
"Oo na, oo na," iritang sagot ng batang lalaki. "Ikaw ba aking konsyensya."
Di nagtagal ay tumigil ang kanilang sasakyan sa tapat ng isang parke. Madilim na sa labas at sa tantya ni Gabriel ay mga alas-otso na ng gabi. Bababa na sana siya ngunit natigilan ng mapansing hindi kumikilos ang matanda.
"Dito na ba tayo?" tanong ni Gabriel.
Nilingon ni Bagwis ang batang lalaki at tiningnan sa mata.
"Dito ka na bababa."
"Hah?" gulat na tanong ni Gabriel. "Ako lang ang bababa? Ano naman ang gagawin ko dito?"
Ibinaling ni Bagwis ang kanyang tingin sa labas. "Kailangan mong hanapin si Mansikad."
"Mang Sikad? Sinong Mang Sikad?"
"Mansikad!" bahagyang tumaas ang boses ni Bagwis. "Isa siyang tikbalang."
"Tikbalang!" sigaw ni Gabriel. "At bakit naman ako maghahanap ng tikbalang?"
"Kailangan mong makakuha ng isang buhok sa likod ng tikbalang."
"Bakit?"
Nanlalaki ang mga matang tinitigan ni Bagwis ang kausap. "Hindi ka talaga nakikinig sa mga itinuturo namin sa iyo ni Kris, ano? Hindi ba't sinabi na namin sa iyo na ikaw ang susunod na magiging Datu, at bilang Datu kailangang mong magkaroon ng mga agimat na kakailanganin mo up-"
"Upang pamahalaan ang iba't ibang nilalang," pagpapatuloy ni Gabriel. "Alam ko na 'yan. Nakalimutan ko lang. Sorry, tao lang."
Napailing lang si Bagwis.
"Teka lang, paano ko naman makikita 'yang sinasabi mong tikbalang?"
Bahagyang napangiti ang matanda.
"Bakit?" tanong ni Gabriel. "Anong nakakata-" biglang natigilan ang binata, parang may naalala. "Teka, huwag mong sabihing..."
Dahan-dahang tumango si Bagwis.
Mabilis na dumukot si Gabriel sa bulsa ng kanyang pantalon at kinuha ang bagay na naroroon. Ang Matangpusa.
"Ito? Ito ang gagamitin ko?" tanong ni Gabriel habang nakatitig sa bato sa kanyang palad. "Ibig mong sabihin kailangan ko talagang lulunin ito?"
"Alam mo na ang sagot diyan," tugon ni Bagwis. "Mabuti pa simulan mo na. Lumalalim na ang gabi.
Sandali pang tinitigan ni Gabriel ang Matangpusa, at pagkatapos ay dahan-dahang lumabas ng sasakyan.
###
Ilang minuto ring naglakad-lakad si Gabriel sa loob ng malaking parke. Bagamat mayroong mga streetlights sa paligid, hindi sapat ang mga ito para supilin ang kadiliman. Dagdagan pa ng mahahabang anino ng naglalakihang mga puno.
"Nasaan na ba yung tikbalang na yun?" buntong hininga ni Gabriel. Tumigil siya sa paglakad at dinukot ang Matangpusa mula sa bulsa. Muli niya itong tinitigan at inamoy-amoy.
"Kailangan ko ba talagang lulunin ito?"
Palibhasa'y sumasakit na ang mga paa sa kalalakad,wala na ring nagawa si Gabriel kundi lulunin ang mahiwagang bato. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at, pagkatapos huminga ng malalim, mabilis na isinubo ang maliit na bato. Biglang nanlaki ang kanyang mga mata ng bumara ito sa kanyang lalamunan. Malakas niyang hinampas ang kanyang dibdib upang bumaba ang nakabarang bato at puwersahang lumulon.
Nang bumaba rin ang Matangpusa, saka pa lamang siya nakahinga ng maluwag. Hinihingal siyang dumilat, ang mga mata ay naluluha. Pagkatapos ay pinakiramdaman niya ang sarili. Tumayo siya ng tuwid at pinagmasdan ang paligid.
Walang nagbago.
"Wa epek," mahinang niyang sabi. "Baka meron akong kailangang isigaw."
Sandaling nag-isip si Gabriel, ang kanang kamay ay nakahawak sa baba.
"Ang pangit naman kung Darna. Alam ko na!"
Itinaas niya ang kanyang kanang kamay at huminga ng malalim. "Super Dat-"
Biglang parang nabulag si Gabriel sa liwanag. Napaatras siya at napayuko, kinusot-kusot ang mga mata. Nang siya ay dumilat, nagulat siya sa kanyang nakita.
"A-Ang liwanag!"
Iginala niya ang kanyang mga mata sa paligid. "H-Hindi. Hindi maliwanag."
Madilim pa rin, ngunit sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay malinaw na nakikita ni Gabriel ang paligid. Kitang-kita niya ang dalawang tipaklong na naghahabulan mga sampung metro ang layo sa kanya. Sa gawing kanan naman niya ay may mga ibong nagpapahinga sa sanga ng isang punong mangga. Sa isang palumpon ng mga halaman, isang gagamba ang mabilis na sinasaputan ang isang maliit na tutubing nahuli sa kanyang bahay.
"Astig!" masayang sabi ni Gabriel.
Muling dumiretso sa paglakad ang batang lalaki. Mabilis ang kanyang mga hakbang, tuwang-tuwa sa kanyang mga nakikita. Hindi nagtagal ay may nakita siyang kung ano sa ilalim ng isang malaking puno. Malaki ito, kulay itim at mabalahibo. Dahan-dahang lumapit si Gabriel mula sa likod at nagtago sa likod ng isang punong mangga. Dito ay nakita niya na ito ay isang kabayo. Kabayong nakaupo na parang isang tao!
"T-Tikbalang," bulong ni Gabriel.