Tirik na tirik ang araw at nakaapaso ang init nito sa mga taong naglalakad sa Divisoria. Dagdagan pa ng napakakapal na taong nagpaparoo't parito, mga namimili at tumatawad, mga nagtsitsismisan, at mga nakatambay lamang. Kaya't di nakapagtatakang pagtinginan ang isang matandang mabagal na naglalakad sa daan, na para bang wala namang pupuntahan. Naiiba kasi ito sa suot niyang itim na amerikana. At kahit na napakainit, mukhang komportableng-komportable ang matanda at hindi man lamang pinagpapawisan.
Mukhang handa na siya, naisip ni Bagwis sa sarili. Mula sa bulsa ng pantalon ay kinuha niya ang kanyang cellphone. Bagong modelo ito, siguradong mamahalin. Parang nagsasayaw ang kanyang hinlalaki habang nagda-dial ng labing anim na numero. Pipindutin na sana niya ang Call button ng bigla siyang mapalingon at matigilan.
Dahan-dahan ay lumapit siya sa isang matandang lalaking nagtitinda ng mga diyaryo, kendi, at sigarilyo. Kinuha niya ang isang tabloid at binasa ang headlines nito.
Manananggal sa Cainta!
Mabilis na binasa ni Bagwis ang balita. Napailing siya sa kanyang nabasa.
"Hoy! Magbayad ka muna bago ka magbasa," sigaw ng lalaking nagtitinda ng diyaryo.
Mabilis na dumukot si Bagwis ng barya sa kanyang bulsa at inihagis sa tindero. Ni hindi man lamang niya inalis ang kanyang tingin sa hawak na diyaryo. Pagkatapos ay tumalikod na siya at ibinulsa ang tabloid.
###
"Gabriel, magbihis ka."
Hindi maipinta ang mukha ng batang lalaki ng marinig ang mga salitang iyon.
"Ano? Akala ko ba huli na yung sa kapre?" pagalit niyang tanong kay Bagwis.
"Akala ko rin. Pero meron pa tayong kailangang gawin," sagot ng matanda. "At binabalaan kita, higit na mas mapanganib ito doon sa unang tatlong pinagawa ko sa'yo."
Tiningnan ni Gabriel si Bagwis, nagtataka sa sinabi nito.
"Kaya't sa pagkakataong ito," pagpapatuloy ni Bagwis, "tutulungan kita."
###
"Isang babaeng putol ang katawan, may pakpak na parang sa isang paniki, at lumilipad ang diumanong namataan ng ilang saksi sa Cainta, Rizal dahilan upang kumalat ang takot sa mga mamamayan."
Isinara ni Gabriel ang hawak na tabloid at tiningnan si Bagwis. Muli ay nasa loob sila ng kotse ng matanda. "Huwag mong sabihing naniniwala ka sa sinasabi ng tabloid na 'to?"
Bahagyang tiningnan ni Bagwis si Gabriel at pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa kalsada. "Kilala ko ang manananggal na iyan. Binalaan ko na siya na huwag magpapakita sa mga tao. Matigas talaga ang ulo ng babaeng iyon."
Napasipol si Gabriel sa narinig. "Ikaw na! Biruin mo, may kilala kang nuno, tikbalang, kapre, pati ba naman manananggal."
Hindi kumibo si Bagwis at nagpatuloy lang sa pagmamaneho.
Itinupi ni Gabriel ang hawak na tabloid at inihagis sa likuran ng sasakyan. Gumagabi na at may kabilisan ang kanilang takbo. Kani-kanina lamang ay dinaanan nila ang Robinson's Place, at ngayon nga ay binabagtas ang isang makitid na kalsada.
"Nakakatakot ba 'yang manananggal na 'yan?" tanong ni Gabriel.
Parang nag-isip si Bagwis. "Pangkaraniwan lang."
"Pangkaraniwan? Bakit, meron bang special na manananggal?"
Biglang tumigil ang kanilang sasakyan sa harap ng isang kulang pulang gate.
"Pangkaraniwan lang," pag-uulit ng matanda. "Kung natatandaan mo, hindi lamang pagkasira ng katawan ang epekto sa mga aswang ng pagkain ng tao. Pati isipan nila ay nasisira.
"Lalo itong totoo sa mga manananngal. Dati ay mga pangkaraniwang aswang lamang sila, ngunit naging ganoon ang kanilang itsura dahil sa pagkahilig sa pagkain ng mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Ang mas masama pa rito ay ang pagkasira ng kanilang isipan. Nagiging parang mababangis na hayop na lamang sila. Hindi na nakakaintindi o nag-iisip."
Biglang bumunot ng baril si Gabriel. "Di mabuti pang tapusin na natin itong manananggal na ito."
Umiling si Bagwis at pagkatapos ay bumaba ng sasakyan. Mabilis namang sumunod si Gabriel.
"Si Victoria ay nasa maayos na pag-iisip pa naman," sabi ng matanda.
"Victoria?"
Tumango si Bagwis. "Nahuli ko siya noong bago pa lamang siyang manananggal. Nangako siya na hinding-hindi kakain ng tao kaya't pinayagan ko siyang tumira ditto.
Lumapit ang dalawa sa bakal na gate. Kahit may kataasan ay kitang-kita ni Gabriel na malawak ang lupain, na puno ng malalaking puno.
"Sandali," biglang sabi ni Bagwis. Nakatingin siya sa pinto ng gate. Bahagyang nakabukas ito.
"Bakit?"
Binuksan ng matanda ang pinto ng gate at dahan-dahang pumasok sa loob. Sa likod niya ay nakabuntot si Gabriel. Mabilis ngunit kalmado ang mga hakbang ni Bagwis. Para lamang itong namamasyal sa isang parke.
Tumambad sa kanilang harapan ang isang malaking bahay. Patay ang lahat ng mga ilaw sa loob. Lumapit si Bagwis sa pinto ng bahay. Bukas na bukas ito.
"Mukhang makakalimutin na 'yang kaibigan mong manananggal," sabi ni Gabriel. "Nakalimutan yatang isara 'yung gate at pinto."
Pumasok ang matanda sa loob at nakiramdam. "Anong nakikita mo?"
Iginala ni Gabriel ang kanyang mga mata. Sa tulong ng Matangpusa, kitang-kita ni Gabriel ang loob ng bahay. Magulo ito, nakasabog ang ilang mga gamit.
"Parang pinasok yata ng magnanakaw ito."
Biglang tumalikod si Bagwis at lumabas.
"Teka," tawag ni Gabriel, "saan ka ba pupun-"
"Shhh," saway ng matanda. Nakatingin ito sa langit, nakikinig.
Tumahimik ang batang lalaki at nakinig din. Dinig niya ang mga kuliglig at ilang mga sasakyan na dumadaan. Mayroon ding isang ibon na lumilipad sa di kalayuan. Isang malaking ibon.
"Mananang-"
"Shhh!" muling saway ni Bagwis. Dito naalala ni Gabriel na kapag mahina ang tunog ng pagkampay ng isang manananggal na tila ba malayo ito, sa katunayan ay mlapit lamang ito at mababa lamang ang paglipad. Tumahimik si Gabriel, dama niya ang pagbilis ng pagtibok ng kanyang puso.
Ilang sandali rin silang nakinig hanggang sa biglang tumigil ang tunog. Sinenyasan ni Bagwis si Gabriel, inuutusan siyang magmasid sa paligid. Tumango naman ang batang lalaki.
Inikot niya ang kanyang tingin sa buong paligid. Sinuri niyang mabuti ang bawat sulok ng malawak na lote, ang lahat ng sanga ng mga puno, ang lahat ng anumang natatakpan ng dilim at anino.
Hanggang sa maligaw ang kanyang mga mata sa bubong ng katapat na bahay.
"Ayun," bulong ni Gabriel sabay turo.
Sinundan ni Bagwis ang itinuturo ng batang lalaki at, bagamat may kadiliman, kitang-kita niya ang isang babaeng gumagapang sa bubungan ng katapat na bahay. Kulot at mahaba ang buhok nito. Maputi ang kanyang balat. Parang nagliliwanag naman ang suot nitong sleeveless na damit na kulay pink.
Ngunit ang ikakatakot ng karamihan ay kapag nakita nila na nagtatapos ang katawan ng babae sa baywang nito. Gayundin naman ang malalaki at mala-paniking mga pakpak nito na nasa kanyang likod.
"Victoria!" tawag ni Bagwis.
Lumingon ang manananggal. Biglang nanlisik ang mga mata nito ng makita ang matanda at humuni na parang isang ahas.
"Mukhang nakilala ka niya, ah," sabi ni Gabriel.
Tumakbo papalabas ng gate si Bagwis. "Itigil mo na iyan! Hindi ba't pinagbawalan na kitang kumain ng tao?"
Nagalit ang manananggal sa narinig. Iniunat nito ang kanyang katawan at ibinuka ang mga pakpak. Sa isang malakas na pagkampay nito ay parang isang rocketship na pumailanlang ang aswang. Napasayaw ang mga puno sa paligid sa lakas ng hanging naitulak ng mga pakpak ng manananggal. Kahit si Gabriel ay napatakip sa kanyang mukha dahil sa nagliliparang mga nalagas na dahon.
"Tuluyan ng nawala sa sarili si Victoria," wika ng matanda.
"Kung gayon, dapat hulihin na natin siya."
"Dito ka lang," sabi ni Bagwis. "Ako ang hahabol sa kanya."
"Ano?" gulat na tanong ni Gabriel.
Hinarap ni Bagwis ang batang lalaki at tinitigan sa mata. "Nasa loob ng bahay na iyan ang kalahating katawan ni Victoria. Kailangan mo itong hanapin. Buhusan mo ng asin."
"Asukal, pwede?" sabat ni Gabriel.
Sumimangot ang matanda. "Kahit ano pwede. Basta't ang mahalaga ay hindi na siya makabalik ba sa kanyang kalahating katawan. Kahit buhangin pwede."
"Teka lang, bakit hindi na lang ikaw ang humanap sa kalahating katawan nung manananggal na iyon?"
Napakunot ang noo ni Bagwis, hindi naintindihan ang sinabi ni Gabriel.
"Ako na lang ang hahabol dun sa manananggal," nakangiting sabi ng batang lalaki.
"Hindi pwede," mabilis na sagot ni Bagwis. "Masyadong mapanganib."
"Mapanganib? Ngayon mo pa sa'kin sasabihin saking mapanganib matapos mo akong paharapin sa isang tikbalang at kapre?"
Hindi sumagot ang matanda.
"Huwag kang mag-alala, sisiw lang sa'kin ito." Tumalikod si Gabriel at naglakad patungo sa direksyong pinuntahan ng manananggal.
"Huwag kang magpadalos-dalos ng kilos, Gabriel," sabi ni Bagwis. "Tandaan mo ang lahat ng itinuro namin sa iyo tungkol sa mga manananggal."
"Oo, oo. Alam ko na lahat iyan. Sige, magkita na lang tayo mamaya." Sumikad-sikad si Gabriel na parang isang kabayong naghahanda sa isang karera.
"Gabriel," tawag ng matanda, "mag-iingat ka."
Napangiti si Gabriel, at sa isang iglap ay naglahong parang bula. Tanging ang malakas na hangin na lamang ang makapagsasabing dumaan doon ang batang lalaki.
###
Pumasok sa loob ng bahay si Bagwis. Kahit may kadiliman ay alam niya kung saan pupunta. Siya kasi ang may-ari ng bahay na iyon. Pinatira lamang niya roon si Victoria tatlong taon na ang nakalilipas.
Isang normal na tao si Victoria. Tulad ng nakararami, wala siyang inatupag kundi ang maghanapbuhay para sa pamilya. Ngunit ang lahat ng ito ay nabago ng magustuhan siya ng isang matandang manananggal.
Lingid sa kaalaman ni Victoria, lihim siyang sinusubaybayan ng manananggal. Inaalam nito ang bawat kilos at galaw ng babae. Nag-aabang ng tamang pagkakataon.
Isang gabi, habang papauwi galing sa trabaho, inatake ng manananggal si Victoria. Ngunit hindi para kainin. Sa halip, dinala siya nito sa isang abandonadong gusali. Doon isinagawa ng manananggal ang masamang binabalak nito.
Matanda na ang manananggal at halos naghihingalo na. Sa harap ni Victoria, nakangiti itong lumilipad-lipad, iniikutan ang takot na takot na babae.
"Huwag kang matakot. Hindi kita sasaktan."
Ilang oras din silang lumagi sa gusaling iyon. At ng dumating na ang oras. Dahan-dahang lumapag sa harap ni Victoria ang manananggal. Hinawakan nito sa balikat ang babae at tinitigan sa mata.
"Ngayon, bigyan mo ako ng kapayapaan," pagkasabi nito ay nalagutan ng hininga ang manananggal.
Sumigaw ang babae. Pinilit niyang kumawala ngunit, kahit wala ng buhay, mahigpit pa rin ang pagkakakapit sa kanya ng manananggal. Lalo pa siyang nahintakutan ng biglang bumukas ang bibig ng aswang. Pagkatapos ay umalog ang katawan nito na para bang nabibilaukan.
Lumipas ang ilang minuto bago tumigil ang manananggal. Pagkatapos ay lumuwa ang dila nito. Sa dulo nito ay mayroong isang batong puti na parang isang perlas.
Natigilan si Victoria sa nakita. Hindi niya alam kung bakit ngunit para bang nahalina siya sa batong nasa dulo ng dila ng manananggal. Para bang may kung anong kapangyarihan ito at nabatobalani ang kanyang mga mata. Naging kalmado ang kanyang pag-iisip at nawala ang takot na bumalot sa kanyang katawan. Hanggang sa naramdaman na lamang niya na itinaas niya ang kanyang kamay upang kunin ang puting bato.
Malamig ito ng kanyang hawakan. Itinapat niya ito sa kanyang mga mata. Napakaganda nito, parang nagliliwanag sa dilim. Napangiti si Victoria. Mabilis niyang isinubo ang bato at niluluon. Ramdan niya ang paggapang nito sa kanyang lalamunan. Biglang nag-init ang kanyang katawan.
Umaga na ng matagpuan ni Bagwis si Victoria. Tanging abo na lamang ang natira sa matandang manananggal na nasunog sa sikat ng araw. Ang babae naman ay nakahandusay sa lapag, walang malay. Sa unang tingin pa lamang ay alam na ni Bagwis kung ano ang nangyari. Alam na rin niya ang kanyang dapat gawin. Lumapit siya sa babae at dinukot ang kanyang kampilan bolo.
Isang sumpa para sa isang tao ang maging isang manananggal. Kahit mismo ang mga aswang ay halimaw ang tingin sa mga manananggal. Tanging purong dugo lamang kasi ang may kakayahang gawing isang aswang ang isang tao. Ngunit, sa di maipaliwanag na kadahilanan, nakamit din ng mga manananggal ang kakayahang ito sa pamamagitan ng pagpasa ng kanilang diwa sa iba. May mga nagsasabing dulot ito ng patuloy nilang pagkain ng mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Kaya't mismong ang mga purong dugong aswang ay hinahanap at pinapaslang ang mga manananggal.
Lumuhod sa Bagwis at itinihaya ang babae ngunit bigla siyang natigilan. Bata pa ang dalaga at napakaamo ng mukha, siguradong wala pang bentsingko anyos ito.
Biglang nakaramdam ng pagkahabag ang matanda. Naalala niya ang araw na namatay si Leon. Kung paanong wala siyang nagawa para protektahan at iligtas ang Datu. Pati na rin si Mayumi ay napaslang. At ang kanilang anak na si Gabriel, hanggang ngayon ay nawawala pa rin.
Wala akong lakas para iligtas sila," naisip ni Bagwis. Pati ang babaeng ito.
"Hindi," bulong ng matanda.
Mabilis niyang itinago ang hawak na patalim at pagkatapos ay iniupo ang babae, na bahagyang umungol. Nang ito ay dumilat at makita si Bagwis, napasigaw ito sa takot at itinulak ang matanda papalayo.
"Shhh. Ligtas ka na."
Tatlong taon na nga ang lumipas matapos ang mga kaganapang iyon. Sa loob ng panahong iyon, Tinuruan ni Bagwis si Victoria kung paano mabuhay bilang isang manananggal na hindi kumakain ng tao. Tanging mga hayop lamang ang kinakain ng babae. Akala ni Bagwis ay tuluyan na niyang nailigtas ang babae.
"Patawarin mo ako, Victoria," sabi ni Bagwis habang tinititigan ang kalahating katawan ng manananggal. "Kailangan ko nang gawin ang dapat noon ko pa ginawa."