Chapter 23 - Sa Balangay

Napakaraming mga tao ang nagkukumpulan at nakikiusyoso. Ang mga reporter naman ay parang mga bata na nagsisipagtakbuhan at nagpaparoo't parito tuwing mayroong opisyal o pulis na susulpot. Hindi magkamayaw sa pagtatanong at pagtataka. Ngunit ang gustong malaman ng lahat, sino ba talaga ang may pakana ng malagim na pambobombang ito.

Isang sasakyan ang tumigil sa harap ng hotel. Ang mga pulis na naroroon ay hinawi ang mga tao upang bigyan ng daan ang lalaking bumaba. Parang mga buwitre ay nagsisuguran ang media people.

"May lead na po ba kayo kung sino ang nagbomba dito?"

"Totoo po bang isang pulitiko daw ang may pakana nito para malihis ang imbestigasyon sa kanya?"

"Ano pong masasabi niyo sa mga bulung-bulungan na isang kulto daw ang gumawa nito?"

"Sir! Sir! Totoo po ba na namataan daw ang Killer Priest dito ilang minuto bago ang pagsabog?"

"Totoo po bang may mga mababangis na hayop na nakawala dito sa Manila Pen?"

Sunud-sunod ang tanong ng mga reporter, halos hindi maintindihan ni Tano.

Hindi naman tumigil sa paglalakad ang lalaki, na napapagitnaan ng dalawang matatabang pulis.

Pagdating sa loob ay sumaludo ang ilang mga pulis na naroroon sa bagong dating na lalaki.

"Buti naman at nandito ka na, Sir Tano," bati ng isa.

Tumango si Tano. "Ano ba talaga ang nangyari dito?"

"Sir, mga alas otse y medya ng gabi, bigla na lang daw namatay ang kuryente," sagot ng isang batang pulis habang nakatingin sa kanyang hawak na clipboard. "Pagkatapos ay may sunud-sunod na pagsabog dito sa east side ng hotel. Then, after po ng mga sampung minuto, may pagsabog naman po sa west side at sa parking area."

"Mukhang organized ito, ah," sabi ni Tano sabay iling. "Na-identify na ba kung anong explosives ang ginamit."

"Kino-confirm pa po sa bomb squad. Kailangan daw po i-check sa lab para sigurado pero malamang daw po ay C4 ang ginamit at dinamita."

Pinagmasdan ni Tano ang kanyang paligid. Halos gumuho ang hotel sa lakas ng pagsabog. Ang natira naman ay halos natupok ng apoy.

"Casualties?"

Nilipat ng pulis ang pahina ng mga papel sa kanyang clipboard. "Sir, right now po meron 35 injured na naidala na sa ospital. Salamat sa Diyos at wala pa pong naitalang casualties. Pero naghahanap pa rin po yung search and rescue teams."

"May grupo na bang nag-claim ng pambobombang ito? Abu Sayaf? NPA? ISIS?"

"Wala pa po, sir. Pero itinanggi na po ng Abu Sayaf at NPA na sila ang may gawa."

"Ang mga CCTVs?"

"Kinukuha na po para mareview sa Crime Lab."

Napahimas si Tano sa kanyang nakakalbong ulo.

"Okay," sabi ng matandang pulis matapos magbuntong-hininga. "Lahat ng updates ipaalam kagad sa akin, ha. Ikordon niyong mabuti ang lugar na ito. Huwag niyong hahayaang makalapit yung media."

Medyo natigilan si Tano ng maalala ang mga tanong sa kanya kanina.

"Teka. Bakit may narinig ako na nakita daw si Father Joaquin dito?"

"Sir, meron pong ilang witness na nagsabi na nakita daw nila yung Killer Priest dito. Para daw nagmamanman. Pero kailangan pa pong i-verify. Masisigurado po natin kapag nakita na natin ang CCTV."

Joaquin, ano naman ang ginagawa mo rito?

Biglang naalala ni Tano ang mga nangyari noong hinahabol niya ang pari. Naalala niya ang biglang pagdating ng tatlong lalaki (halimaw!). Naalala niya kung paano sila inatake ng tatlo (mababangis na hayop!). Nawalan siya ng malay pero bago siya tuluyang nawalan ng ulirat ay nakita niya ang hitsura ng tatlong lalaki (aswang!).

"Eh, yung tungkol sa mga mababangis na hayop?"

"Ah, yun ba, sir? Narinig ko rin lang dun sa isa sa mga rumespondeng ambulansya. Sabi daw nung iba, nakakita raw sila ng mga malalaking hayop. Para daw mga asong ulol. Saka meron daw parang oso. Natawa nga ako. Saan naman manggagaling yung oso, di po ba?"

Tumungo ang pulis at napakamot ng ulo, para bang nahiya sa dami ng kanyang sinabi.

"Sige," sagot ni Tano. "Good job. Ano nga pala ang pangalan mo?"

"Sir! Tomas po. SPO1 Tomas Reyes." Muling sumaludo ang batang pulis.

"Okay, Tomas. Ipaalam mo sa akin lahat ng updates. Sa akin lang, ha. Lalo na yung CCTV."

"Sir, yes, sir!"

###

Matulin ang paandar ni Bagwis ng kanyang kulay-abong kotse. Sa kanyang kanan ay nakaupo si Gabriel. Nakatingin siya sa likurang upuan, kung saan namimilipit sa sakit ang pari.

"May sayad ata itong isang ito, eh," sabi ng batang lalaki. "Hoy! Kung gusto mo mamatay, huwag mo kaming idadamay!"

Mabilis ang mga pangyayari sa loob ng hotel. Nang makita ni Gabriel na dumukot ng isang controller ang lalaki at pinindot ang pulang buton, alam na niya kaagad ang mangyayari. Gamit ang kanyang bilis ay kumilos siya.

"Mang Sikad! Ikaw na ang bahala kay Bagwis."

Parang hangin ang bilis ni Gabriel at ng tikbalang. Binuhat ng binatilyo sa kanyang likod ang tinawag na Father ni Bagwis kanina. Agad siyang pumihit at tumakbo. Nang marinig niya ang pagsabog ay nasa labas na sila ng hotel. Agad niyang binuksan ang likurang pinto ng kotse at isinakay ang nasugatang lalaki. Sa unahan naman ng kotse ay tumigil ang tikbalang at inilapag si Bagwis.

"Sakay na," utos ng matanda. Sa kanilang likuran ay tuluy-tuloy pa rin ang pagsabog.

"Alam ko!" sagot ni Gabriel.

"Buweno," singit ng tikbalang, "mauna na ako sa inyo." Pagkasabi nito ay biglang naglahong parang bula ang lamanlupa.

"Salamat, Mang Sikad."

Sumakay silang dalawa sa kotse at mabilis itong pinaharurot. Dinig nila na malapit nang dumating ang mga pulis at bumbero.

"Ibang klase ka talaga," sabi ni Gabriel habang tinitingnan pa rin ang pari sa likuran ng kotse. "Pari ka ba talaga? Para ka kasing si Rambo."

Nang marating nila ang mansiong Balangay, agad na bumukas ang gate. Alam ni Gabriel na walang nagbukas nito. Kusa itong bumukas. Noong una ay labis ang kanyang pagtataka ngunit wala namang makasagot kung paano ito nangyayari. Basta't ang sabi nila ay ganoon daw talaga ang Balangay.

Tumigil ang kotse sa harapang pintuan ng mansion.

"Ellie!" tawag ni Bagwis pagkababa niya ng sasakyan.

Mabilis namang lumabas ang dalaga.

"Kamusta po, Sir Bagwis? Ano po ang nangyari?" tanong ni Ellie ngunit natigilan siya ng makita ang pasahero sa likuran ng kotse.

"Nasugatan siya ng isang aswang," kalmadong sagot ng matanda. "Ikaw na ang bahala sa kanya."

"O-Opo."

Pinagtulungan nina Gabriel at Ellie na ipasok ang lalaki sa loob ng mansion. Pumasok sila sa isang kuwarto na parang isang ospital. Mayroong mga kama na nakahilera at may mga cabinet na puno ng gamot at kagamitang medikal.

"Ihiga mo siya doon," utos ni Ellie.

"May maitutulong ba ako?" tanong ni Gabriel matapos sundin ang sabi ng babae.

"Salamat, Gabriel. Pero kaya ko na 'to. Dun ka na muna sa labas."

Hindi na nakipagtalo pa ang batang lalake. Lumabas siya at nakita na nakatayo doon si Kris.

"Kris, nandyan ka pala," bati ni Gabriel.

"Sino 'yun."

"Ah, 'yung makulit na 'yun. Ewan ko. Basta sumulpot na lang dun sa hotel," sagot ni Gabriel. "Ah! Pari daw yan sabi ni Bagwis. Paring may baril at bomba."

"Pari?"

"Oo."

"Tama," sagot ni Kris. "Sabi ko na nga ba at namumukhaan ko siya. Siya ang napapabalitang Killer Priest!"

"Killer Priest?"

"Oo," sagot ng isang boses mula sa kanilang likuran.

Sabay lumingon ang dalawa at nakita si Bagwis.

"Siya nga ang Killer Priest. Isang pari na pumapatay ng mga aswang."

###

Nasilaw si Joaquin sa liwanag ng imulat niya ang kanyang mga mata. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay upang takpan ang kanyang mga mata ngunit parang kuryente ay biglang kumalat ang sakit mula sa kanyang braso papunta sa kanyang buong katawan. Muli niyang ibinaba ang kanyang kamay at iginala ang tingin sa paligid.

Nang masanay sa liwanag ay nakita niya na nasa isang ospital siya. Sa isang emergency room. Ngunit ipinagtaka niya dahil napakatahimik ng buong paligid. Walang mga pasyente maliban sa kanya. Wala ring mga doktor at mga nurse.

Muli niyang iginalaw ang kanyang braso. Masakit pa rin ito ngunit kaya na niyang tiisin. Pinilit niyang umupo upang mas makitang mabuti kung nasaan siya.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang babae na sa tantiya ni Joaquin ay isang pang teenager.

"Buti naman at gising ka na."

"Sino ka? Nasaan ako? Paano ako napunta rito?" sunud-sunod na tanong ng lalaki.

"Hindi mo ba naaalala kung paano ka napunta rito?"

Umiling si Joaquin. Ang huling naaalala niya ay nasa hotel siya kaharap ang mga aswang. Nasugatan siya kaya't pinindot na niya ang controller ng lahat ng bombang itinanim niya sa palibot ng hotel.

"P-Patay na ba ako?"

Natawa ang babaeng kaharap niya. "Sira! Buhay ka pa, no. Nandito ka sa Mansiong Balangay. Kung hindi ka dinala nina Sir Bagwis at Gabriel dito, tiyak baka na-tsugi ka na."

"Sir Bagwis? Gabriel?"

Biglang naalala ni Joaquin ang dalawang taong nakita niya sa pagpupulong ng mga aswang. Isang matandang lalaki at isang batang lalaki.

"Kung gayon, isa ka rin sa kanila!"

Pinilit ni Joaquin na tumayo. Luminga-linga siya sa paligid, hinahanap ang kanyang mga gamit.

"Sandali, kailangan mo pang magpahinga. Hindi pa ganap na natatanggal ang kamandag ng aswang sa katawan mo."

"Aswang?" Biglang pumihit ang lalaki at tinitigan ang babae. "Mga aswang na amo niyo? Bakit ba kayo naninilbihan sa mga halimaw na iyon?"

"N-Naninilbihan?"

"Dapat din kayong mamatay! Mamatay kasama ng mga halimaw na iyon?"

"Kumalma ka lang, Father Joaquin."

Napatingin sa pintuan ang pari. Doon ay nakatayo ang matandang nakita niya kanina sa hotel.

"Ellie, iwan mo na muna kami."

Hindi na sumagot pa ang dalaga at sumunod na lamang. Patakbo siyang lumabas ng silid at isinara ang pinto.