Hindi alam ni Gabriel kung ano ang nangyayari. Kanina lamang ay napapalibutan sila ng mga aswang na mukhang gustong-gusto silang lapain. Sa isang iglap ay nagdilim ang buong paligid at para bang lumilindol dahil sa sunud-sunod na pagsabog. Napaluhod siya at itinakip ang kanyang dalawang kamay, na hawak-hawak pa rin ang kanyang mga baril, sa kanyang mga tenga. Buti na lamang at mayroon siyang matampusa at nakikita niya ang nangyayari sa kanyang paligid.
Ang mga aswang na nagsipagtalunan ay tumalsik dahil sa lakas ng pagsabog. Malakas na tumama ang iba sa pader at bumagsak na wala ng mga buhay. Ang iba naman na nakaligtas ay nagpupumilit ding bumangon, hawak ang kanilang duguang mga ulo. Ang iba naman na sumugod ay napadapa at may ilan na tinamaan ng mga tumalsik na bato at muwebles. Mayroon din namang tumatakbo papalayo, tumatakas dahil sa takot.
Sa kanyang tabi ay napaluhod din si Bagwis, ang isang braso ay nakataas upang protektahan ang kanyang ulo. Kalmado pa rin ang mukha ng matanda kahit na parang mayroong digmaan sa kanilang paligid.
"Gabriel, ayos ka lang ba?"
"O-Oo. Ayos lang ako."
"Anong nakikita? Pakana ba ito ng mga aswang?"
Umiling si Gabriel. "Hindi. Mukhang nagulat din sila sa pagsabog na 'to. May ilan ngang patay na."
Kung paano kabilis nagsimula ang pagsabog, ganoon din bigla itong tumigil. Napuno ang buong paligid ng katahimikan.
"Si Darius?" tanong ni Bagwis.
Hindi na nakasagot pa si Gabriel dahil biglang sumigaw ang Hari ng mga Aswang.
"Bagwis! Anong karuwagan ito? Ganito na ba lumaban ang mga maharlika?"
Nakita ni Gabriel na nakatayo sa ibabaw ng lamesa si Darius. Nanlilisik ang mga mata nito at nakalabas ang matutulis na ngipin.
Muling tiningnan ni Gabriel ang matanda sa kanyang tabi. Hindi ito sumagot o kumibo man lamang.
"Pagbabayaran mo ito, tanda. Magbabayad ka sa ginawa mo sa aming mga aswang!"
Biglang tumayo si Gabriel. "Hindi kami ang may gawa nito!"
Tumalon si Darius pababa ng lamesa, tila ba hindi narinig ang sinabi ng binatilyo.
Sa labas ay dinig nila ang sigawan ng mga tao. Sa malayo ay maririnig din ang mahinang sirena ng mga parating na bumbero at pulis.
"Kailangan na nating umalis dito," bulong ni Bagwis.
Tumango si Gabriel. "Akong bahala. Pumikit ka at takpan mo ang iyong mga tenga." Mula sa loob ng kanyang amerikana ay may kinuha si Gabriel. Isang bagay na kulay itim at medyo pahaba.
"Ano yan?" tanong ng matanda.
"Basta. Pag bilang ko ng tatlo, pumikit ka sabay takbo."
May kung anong bagay na tinanggal si Gabriel sa ibabaw ng bagay na hawak niya. Pagkatapos ay initsa niya ito, na bumagsak naman sa may harapan ni Darius.
"Isa, dalawa, tatlo! Ngayon na!"
Magkasabay na tumalikod si Gabriel at si Bagwis, ang kanilang mga kamay ay nakatakip sa kanilang mga tenga. Kasabay nito ay biglang sumabog ang bagay na ibinato ni Gabriel at ang buong silid ay napuno ng puting liwanag at ng isang nakabibinging ugong. Mabilis nilang tinakbo ang pintuan at agad na lumabas.
"Ano yun, granada?" galit na tanong ni Bagwis. "At saan ka naman nakakuha ng granada?"
"Hindi granada yun," sagot ng batang lalaki ng may ngiti sa mga labi. "Flash bang ang tawag doon. Saan ko pa ba makukuha yun kung di sa mansion. Kala niyo kayo lang ang marunong magpalitaw ng mga kuwarto doon. Pasalamat kayo sa akin meron na tayong armory!"
Napailing lang ang matanda sa kanyang sinabi.
"Hoy, bumalik kayo rito!"
Sabay silang napalingon at nakitang may ilang mga aswang ang nakalabas na rin sa silid na pinanggalingan nila. Tumatakbo ang mga ito at hinahabol sila.
"Ako ng bahala sa mga ito!" Tumigil si Gabriel at muling binunot ang kanyang mga baril. Sunud-sunod niyang pinaputok ito sa sumusugod na mga aswang. Lahat ng kanyang bala ay may tinamaan, walang mintis. Napuno ng sigaw ng mga aswang ang pasilyong kinatatayuan nila.
"Mukhang meron pa taong ibang bisita," sabi ni Bagwis.
Sa kanilang harapan ay may nakaharang na ring mga aswang. Lahat sila ay nagbagong anyo. Lahat sila ay mukhang nakakatakot.
"Bagwis!"
Mula sa loob ng silid ay lumabas na rin si Darius. Sa likuran niya ay nakasunod ay apat na Maskarado.
"Ang kulit nito, ah. Mabuti pa tapusin na natin 'tong mokong na ito," sabi ni Gabriel.
"Hindi," sagot ni Bagwis. "Hindi natin sila kayang lahat, lalo na't nariyan ang mga Maskarado. Wala na rin tayong oras at maya-maya lang ay darating na ang mga pulis. Kailangan muna nating makaalis dito."
Isang malakas na putok ang kanilang narinig mula sa kanilang harapan. Pagtingin nila ay nakita nilang nakahandusay na sa sahig ang ilang aswang. Sa likuran ng mga ito ay isang lalake ang nakatayo. Nakasuot ito ng leather jacket na kulay itim at may hawak-hawak na shotgun.
"Sino naman ito?" tanong ni Gabriel.
Ikinasa ng bagong dating na lalake ang kanyang shotgun at pinaputok ito. Tatlong aswang ang bumagsak, hindi na nakailag dahil sa pagkagulat.
"Kayong dalawa," sigaw ng lalake, "alam kong mga tao kayo. Pero bakit kayo nakikipagkuntsabahan sa mga halimaw na ito? Bakit kayo sumusunod sa kanila?"
"Teka, tayo ba ang kausap niya?" tanong ni Gabriel kay Bagwis.
Hindi sumagot ang matanda. Bagkus ay humakbang ito ng isa papalapit sa lalaking may shotgun.
"Ikaw si Father Joaquin, di ba?"
Napangiti ang lalaki. "Kung gayon kilala mo ako. Siguradong nabalitaan mo na kung paano ko pinatay ang mga amo mo." Muling ikinasa ng lalaki ang kanyang shotgun at itinutok kay Bagwis.
Isang kaluskos ang narinig ni Joaquin mula sa kanyang likuran. Agad siyang tumalikod at tumambad sa kanya ang isang aswang. Malaki ito at mukhang isang galit na oso.
Sumigaw ang aswang at tinalon ang tinaguriang Killer Priest. Kasabay nito ay isang malakas na putok ang umalingangaw. Parehong bumagsak ang dalawa sa sahig.
"P-Patay na ba?" tanong ng Gabriel.
Dahan-dahan ay tumayo ang aswang, hawak hawak nito ang kanyang dumudugong dibdib. Pagkatapos ay agad din itong bumagsak, wala ng buhay.
Tumayo rin naman si Joaquin at tiningnan ang aswang. Pagkatapos ay muli niyang ibinalik ang kanyang pansin kina Bagwis.
"Ngayon, mamamatay kayong laha-"
Biglang napaluhod si Joaquin, hawak-hawak niya ang kanyang kanang braso. Nabitawan rin niya ang kanyang shotgun.
"Mukhang nakalmot siya ng aswang na iyon. Tiyak na kumakalat na ang kamandag sa buong katawan niya."
"Bagwis!"
Muling napatingin sa kanilang likuran ang dalawa.
"Tapusin na natin ito, Bagwis. Kung ibibigay mo sa akin ang bata, hahayaan kitang mabuhay."
Itinaas ni Bagwis ang kanyang kampilan bolo at itinutok ang talim nito sa direksyon ni Darius.
"Nababaliw ka na talaga, Darius. Iyan ang masamang epekto ng pagkain ng mga tao."
Ngumiti si Darius. "Huwag mong sabihing hindi kita binigyan ng pagkakataong mabuhay. Mga Maskarado, tapusin sila."
Mabilis na kumilos ang mga lalaking nakaitim.
Sunud-sunod na pinaputukan ni Gabriel ang mga sumusugod na aswang. Ngunit, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, medaling naiilagan ng mga Maskarados ang kanyang mga bala. Nagpapatalon-talon sila sa pasilyo at sa mga pader, habang patuloy na lumalapit.
"Ano ba 'tong mga to? Mga ninja?" bulalas ni Gabriel.
Biglang sumulpot sa harapan ni Gabriel ang isa sa mga Maskarados. Kita niya ang mga kuko nito na nakalabas sa itim na guwantes nito.
Mabilis na kumilos si Bagwis. Isang malakas na sipa ang kanyang pinakawalan na tumama sa pisngi ng lalaking nakaitim. Tumalsik ito sa lakas at agad namang tumayo at umatras.
"Gamitin mo ang lahat ng natutunan mo, Gabriel," sabi ng matanda. "Huwag kang masindak sa bilis nila."
Tumango si Gabriel. Pumikit siya at huminga ng malalim ng ilang beses. Pag dilat niya ay para bang nagliwanag ang kanyang isipan. Nawala na ang kanyang takot at pag-aalinlangan.
Isa sa mga Maskarados ang tumalon sa ere patungo kay Gabriel, mabilis na umikot at sumipa. Agad naman tumalon paatras si Gabriel. Bumagsak sa kanyang harapan ang Maskarado at nagpakawala naman ng sunud-sunod na suntok. Inilagan ni Gabriel ang mga kamao ng aswang, nag-iingat na huwag tamaan ng mga kuko nitong may kamandag.
Ngunit lubhang mas mabilis ang Maskarado kaysa sa kanya. Isang suntok ang tumama sa pisngi ni Gabriel. Tumalsik siya at bahagyang nagdilim ang kanyang paningin.
Pinilit niyang tumayo kahit na parang umiikot ang kanyang paningin. Inipit niya ang kanyang ilong gamit ang kanyang mga daliri at pagkatapos ay bumilang ng tatlo. Pagkatapos ay binitiwan niya ang kanyang ilong at mabilis na inalog ang kanyang ulo.
"Ang lakas nun, ah. Parang Paquiao lang."
Dahan-dahang naglalakad papalapit ang Maskarado sa kanya, marahil ay kampante na ito na hindi na makakalaban pa ang binatilyo.
"Huwag mo akong mamaliitin." Inipon ni Gabriel ang kanyang konsentrasyon at binanggit ang isang pangalan.
"Mang Sikad!"
Biglang napuno ang pasilyo ng isang dagundong na parang kidlat, na nagpatigil sa papalapit na aswang. Pagkatapos ay tunog naman ng tumatakbong kabayo ang kanilang narinig.
"Malakas ka nga sumuntok," nakangiting sabi ni Gabriel, "pero mas malakas pa rin ang sipa ng isang kabayo."
Mula sa likuran ni Gabriel ay sumulpot ang isang kabayo na nakatayong parang isang tao. Napakataas nito at napakalaki. Mabilis nitong tinalunan ang binatilyong nakaupo sa sahig. Hindi na nakailag pa ang Maskarado. Dalawang malalaking paa ng mga kabayo ang tumama sa kanyang dibdib dahilan upang tumalsik ito palayo.
"Mukhang bugbog-sarado ka, bata," sabi ng natatawang tikbalang.
"Hoy! Sinong may sabi sa'yo? Pinagbigyan ko lang 'yun, no. Baka sabihin niya lugi siya."
Muling tumawa ang tikbalang.
"Tulungan mo rin si Bagwis."
Napakabilis ng kilos ng tikbalang. Bigla itong sumulpot sa harapan ni Bagwis na kinakalaban ng sabay ang tatlong Maskarado. Nang makita ang taong-kabayo, napatigil at bahagyang napaatras ang tatlong aswang na nakaitim.
Mabilis naman tumayo si Gabriel. Agad niyang nilapitan ang maskarado na nakahandusay sa sahig. Pilit itong bumabangon ngunit mukhang napuruhan siya sa sipang tinanggap niya.
Kinuha ni Gabriel ang kanyang kampilan bolo na nakatago sa loob ng kanyang amerikana. Kahit walang ilaw ay parang nagliliwanag ang talim nito.
"Mukhang hanggang dito ka na lang." Bago pa makatayo ang Maskarado ay mabilis na ibinaon ni Gabriel ang patalim na hawak sa dibdib ng aswang.
"Para ito sa mga batang pinatay niyo. At para kay Teban!"
Nagsusumigaw ang aswang sa sakit. Sigaw na ngayon lamang narinig ni Gabriel. Nakakakilabot ito at napakatinis, para bang tunog ng tubig na kumukulo na.
Napasigaw din ang tatlo pang Maskarado, na agad na sumugod kay Gabriel. Mabilis namang binunot ng binatilyo ang patalim na nakabaon sa dibdib ng aswang at tumalon paatras.
Sabay-sabay napaluhod ang tatlong Maskarado sa kanilang patay ng kauri. Sumisigaw sila sa paghihinagpis at galit. Hindi maiwasan ni Gabriel na mapangiwi dahil sa lakas ng kanilang sigawan.
"Umalis na tayo rito," sabi ni Bagwis na ngayon ay nasa tabi na ng binatilyo.
"Ano?" tanong ni Gabriel. "Bakit hindi pa natin sila tapusin ngayon?"
"Hindi ito ang tamang lugar at oras para gawin iyon. Isa pa, kailangan nating tulungan ang lalaking iyon. Kailangan niya ng gamot laban sa kamandag."
Lumingon si Gabriel at nakita si Joaquin na namimilipit pa rin sa sakit.
"Tutulungan natin siya? Eh, kanina lang gusto niya tayong patayin."
"Huwag ka ng masyadong maraming dada. Halika na."
Tumakbo ang dalawa patungo sa dating pari. Lumuhod si Bagwis upang tingnan ang kalagayan nito.
"B-Bitiwan mo ako," bulong ni Joaquin.
"Huwag ka na magsalita. Hindi kami kaaway. Huwag ka mag-alala, tutulungan ka namin.
Tinulungan ni Bagwis si Joaquin at ipinasan ang isang braso nito sa kanyang balikat.
"Hindi kayo makakatakas!"
Sabay-sabay silang napalingon at nakita si Darius. Sumusugod ito kasabay ng tatlong natitirang Maskarados.
"Anong gagawin natin?" tanong ni Gabriel.
"Akong bahala," sabi ng pari. Sa kanyang bulsa ay may dinukot itong isang bagay. Isang controller.
"Pare-pareho tayong mamamatay dito," sabi niya sabay pindot sa pulang buton sa hawak niyang controller.
Napuno ng pagsabog ang buong paligid.