Chereads / Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang / Chapter 19 - Huling Pagsubok - Manananggal Part 2

Chapter 19 - Huling Pagsubok - Manananggal Part 2

Mabilis ang lipad ng manananggal kaya't binilisan din ni Gabriel ang pagtakbo. Ngunit, sa tuwing aabutan niya ito, bigla-bigla itong nagbabago ng direksiyon. Para ba itong isang lamok o langaw na mahirap patayin hindi dahil sa mabilis ang lipad nito, kundi dahil kaya nitong agad-agad na magbago ng direksyon ng paglipad. Hindi pa naman gaanong sanay ang lalaki sa kanyang bagong bilis. Madali lamang kung diretso ang kanyang pagtakbo ngunit kung kinakailangan ang biglaang pagliko, pag-ikot, o paghinto ay talagang nahihirapan siya.

Nagpaikot-ikot ang manananggal sa paligid, marahil ay upang mailigaw si Gabriel. Ngunit, salamat sa Matangpusa, hindi ito nawawala sa paningin ng batang lalaki.

Ano nga ba 'yung mga itinuro sa akin nila Kris tungkol sa manananggal? tanong ni Gabriel sa sarili.

Biglang para bang narinig niya ang boses ni Kris sa kanyang isipan.

"Tandaan mo, ang isang manananggal ay mapapapatay lamang sa dalawang paraan. Una, madali mo itong mapapatay kapag nasa anyo tao ito. Ngunit mahirap kilalanin ang mga manananggal dahil wala itong anumang palatandaan o pagkakaiba sa mga pangkaraniwang tao. Mahilig pa silang mamuhay at makihalubilo kasama ng mga tao.

"Ang ikalawang paraan ay kapag nasa anyong manananggal na ito, kapag nakahiwalay na siya sa kanyang kalahating katawan. Sa ganoong anyo, mapapatay lamang siya ng sikat ng araw. May kakayahan kasi ang mga mananananggal na pagalingin ang anumang uri ng sugat o pinsala. Kaya't ang tanging paraan lamang na mapatay ang isa ay pigilan itong makabalik sa kanyang kalahating katawan hanggang sa sumikat ang araw."

Yun lang pala! Madali lang yun, naisip ni Gabriel. Kaso hindi ako puwedeng gumamit ng baril. Siguradong maraming makakarinig.

Ilang minuto ang lumipas ngunit hindi pa rin niya maabutan ang manananggal. Hanggang sa tuluyan na siyang mainis sa ginagawa ng aswang. Itinodo niya ang kanyang pagtakbo at nilagpasan ang manananggal. Nagulat naman ang lumilipad na aswang at bahagyang natigilan. Ito naman ang iniintay ni Gabriel. Mabilis na tumalon ang lalaki patungo sa manananggal at kinuha ang dalang patalim.

Sadyang mabilis ang aswang. Kahit na halatang nagulat ay nakailag pa rin ito sa paghataw ni Gabriel. Ngunit nadaplisan naman ang isa sa mga pakpak nito. Nawala ang balanse ng manananggal at mabilis na bumulusok. Tumama ito sa isang punong mangga. Agad kumilos si Gabriel upang hulihin ang manananggal. Subalit, hindi pa man siya nakakalapit, muling itong nakalipad papalayo.

Muling nagsimula ang habulan. Ngunit sa pagkakataong iyon, pansin ni Gabriel ang pagbagal ng aswang. Alam niya na dahil ito sa sugat nito sa pakpak. Alam din niyang hindi magtatagal ay maghihilom ang sugat na iyon at manunumbalik ang bilis ng manananggal.

"Hindi pwedeng mangyari iyon," nasabi niya sa sarili.

Lumiko ang manananggal sa susunod na kanto. Bahagyang binagalan ni Gabriel ang pagtakbo upang makaliko.

Biglang natigilan si Gabriel. Nagulat siya sa maraming taong naglalakad sa kalsada. Ang iba ay nag-aabang ng masasakyan. Nakakasilaw naman ang mga headlights ng mga sasakyang dumadaan.

Nasa main highway siya!

Iginala ni Gabriel ang tingin at nakitang nakatingala ang ilang mga tao sa langit, may itinuturo. Sinundan niya ng tingin ito at nakita ang manananggal.

"Uy, ano 'yun?" narinig ni Gabriel na tanong ng isa.

"Paniki yata."

"Manananggal iyan!"

Naku, paano ba 'to? tanong ni Gabriel sa sarili. Sabi ni Bagwis, wala daw dapat makakita sa manananggal.

"Hindi!"

Lumingon ang mga tao sa batang lalaki.

"Hindi manananggal iyan," sabi ni Gabriel na biglang namula. "Ano yan, s-shooting lang yan. Tama! Shooting ng pelikula!"

Nagbulung-bulungan ang mga tao sa narinig.

"Shooting?"

"Uy, baka pwede tayong maging extra."

"Baka para sa MMFF iyan."

"Siguro pelikula 'to ni Bossing."

"Hindi, baka sa Shake, Rattle, and Roll."

Nakahinga ng maluwag si Gabriel. Mukhang napaniwala niya ang mga tao na hindi totoong manananggal ang kanilang nakita. Ngunit, problema naman niya ngayon ay kung paano hahabulin at huhulihin ang manananggal.

Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid. Sa susunod na kanto ay nakita niya ang isang lalaking naka-scooter. Pumarada ito sa harap ng isang ATM machine. Pinatay nito ang makina at bumaba ngunit hindi niya kinuha ang susi.

Ayun! Mabilis na nilapitan ni Gabriel ang motor. Nang masiguradong nakatalikod ang lalaki, agad siyang sumakay at pinaharurot ang scooter.

"H-Hoy! Magnanakaw!" sigaw ng lalaki ng malaman kung ano ang nangyayari.

Lumingon si Gabriel. "Pahiram lang! Gagamitin lang sa shooting."

Tinodo ni Gabriel ang gas at humiyaw ang sinasakyan niyang scooter. Buti na lamang at mababa at may kabagalan ang lipad ng manananggal at agad niya itong inabutan. Ngunit hindi pa rin niya alam kung paano ito pipigilan at huhulihin. Pinagtitinginan na rin sila ng mga tao at ang ilan ay natatakot sa manananggal.

"Shooting lang po ito! Shooting ng pelikula," patuloy na sigaw ng batang lalaki.

Muling niyang itinutok ang tingin sa manananggal. Alam niya na hindi magtatagal ay maghihilom na ang sugat nito sa pakpak. Kapag nangyari iyon, tiyak na matatakasan siya nito.

Iwinaksi niya ang kanyang mga mata sa malayo, naghahanap ng kahit anong makakakatulong sa kanya. Mga tatlong kanto ang layo mula sa kanya, nakita ni Gabriel ang ilang mga lalaking naghuhukay ng kalsada. Kasalukuyan silang nagbababa ng malalaking mga tubo mula sa isang trak. Sa likod ng trak ay may isang malapad na bakal na nakasandal na ginagamit ng mga lalaki bilang rampa upang madaling mapagulong pabababa ang mga tubo.

"Ayun!" Muling itinodo ni Gabriel ang bilis ng scooter at dumiretso patungo sa trak.

"Tabi kayo!" sigaw ng batang lalaki sabay busina ng sunud-sunod.

Napalingon ang mga lalaking nagbababa ng tubo. Nagulat sila ng makita ang scooter na humaharurot patungo sa kanila. Binitiwan nila ang buhat na mga tubo at nagsipagkaripas ng takbo.

"Shooting lang ito." Sumampa ang scooter na sinasakyan ni Gabriel sa malapad na bakal. Mabilis ang kanyang takbo kaya't lumipad ang scooter pagrampa nito sa bakal.

"Huli ka ngayon!" sigaw ni Gabriel. Halos nasa harapan na niya ang manananggal. Tumayo si Gabriel sa upuan ng scooter at tumalon patungo sa aswang. Kasabay nito ay binunot niya ang kanyang kampilan bolo.

Lumingon ang aswang at nagulat ng makita ang batang lalaki sa kanyang likuran. Pinilit niyang umilag ngunit huli na ang lahat. Naramdaman na lamang niya na sinunggaban siya ng lalaki. Naramdaman din niya ang pagbaon ng isang matulis na bagay sa kanyang likod, na tumagos sa kanyang dibdib.

Napasigaw ang manananggal sa sakit. Dahil sa hindi na kaya pang lumipad, sabay na bumagsak ang aswang as si Gabriel. Sumalpok sila sa ibabaw ng isang nakaparadang taxi. Muli, napasigaw ang manananggal ng bumaon ang dulo ng patalim sa bubungan ng taxi.

Isang matandang lalaki ang lumabas sa taxi at napasalampak sa sementadong kalsada, ang mga mata'y nanlalaki. Ngunit lalo pa itong lumaki ng makita nito kung ano ang bumagsak sa ibabaw ng kanyang sasakyan.

"Huwag kayong matakot, manong. Shooting lang po ito," nakangiting sabi ni Gabriel.

"S-Shooting?" nangiginig ang boses ng sabi ng taxi drayber.

"Opo. Shoo—"

Biglang sumigaw ang manananggal at pinilit na kumawala.

"Ano ba? Huwag ka ngang magulo!" Isang suntok sa may batok ng mananaggal mula kay Gabriel ang nagpatulog dito. Muling nilingon ng batang lalaki ang drayber ngunit wala na ito. Nagtatakbo na pala ito at nagsisisigaw na parang baliw.

Napailing si Gabriel. "Sabi ng shooting lang, eh."

Tumalon ang batang lalaki mula sa ibabaw ng taxi at pinagpag ang sarili. Pagkatapos ay tiningnan niya ang manananggal sa ibabaw ng sasakyan.

"Ngayon, paano ko dadalhin 'to kay Bagwis?"

###

Naka-isang daang beses na yatang tiningnan ni Bagwis ang relos sa kanyang kaliwang kamay. Alas singko na at ilang minuto na lamang ay sisikat na ang araw.

"Nasaan ka na ba, Gabriel?"

Sa kanyang likuran ay hindi pa rin gumagalaw ang kalahating katawan ng manananggal. Nang matagpuan ito kanina ng matanda, agad niya itong sinabuyan ng asin. Sa ganitong paraan, hindi na makakabalik pa ang manananggal at mabubuo ang katawan nito. Ngunit ang mapanganib ay kapag hindi nahuli ang manananggal. Tiyak, hahanap ito ng mapapasahan ng kanyang diwa.

Isang malakas na busina ang narinig ni Bagwis mula sa gate. Sa harapan nito ay may isang dilaw na taxing nakaparada. Napataas ang kanyang kilay ng makita kung ano ang nasa ibabaw ng taxi.

Mabilis na bumaba si Bagwis at binuksan ang gate. Agad namang pumasok ang taxi.

"Oh, ayan. Sabi sa'yo mahuhuli ko rin iyan, eh," sabi ni Gabriel pagkababa niya ng sasakyan.

"At saan mo naman nakuha itong taxing ito?"

"Ah, eto ba? Hiniram ko lang. Ibabalik ko din naman mamaya?"

Lalong kumunot ang kulubot na noo ng matanda. "Bakit naman ang tagal mo? Halos pasikat na ang araw, oh."

Napakamot sa ulo ang batang lalaki. "Ah, eh kasi may mga dumating na pulis kaya kung saan-saan pa ako dumaan para hindi nila ako makita."

"Pulis?"

"Oo." Tiningnan ni Gabriel ang mukha ng matanda at natakot sa nakita. "P-Pero huwag kang mag-alala. Wala namang nakahalata dito sa manananggal. Ako pa! Siyempre ginawan ko na paraan." Isang malakas na tawa ang pinakawalan niya.

"Siguraduhin mo lang," sagot ni Bagwis. Hinarap niya ang manananggal na nasa ibabaw ng taxi. Bahagya itong kumikilos, pilit na bumabangon. Ngunit halatang nanghihina na ito, tanda na malapit ng sumikat ang araw.

¬

Patawad, Victoria, nasabi ni Bagwis sa sarili.

"Pinahirapan din ako ng manananggal na iyan, ah. Ang kulit-kulit."

"Humanda ka, Gabriel," sabi ni Bagwis pagkatapos ay mabilis na tumalikod.

"Humanda saan?"

Sa silangan ay mabilis na sumisikat ang haring araw. Unti-unti ng nagliliwanag ang buong paligid. Ang manananggal naman ay nagsimulang umusok.

"Wow!" bulalas ni Gabriel. Si Bagwis naman ay nakatalikod pa rin at nakatingin sa gate.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Sa isang iglap, ang manananggal na nagpupumiglas sa ibabaw ng taxi ay nagliyab. Sumigaw ito na parang isang sigaw na nanggagaling mula sa impyerno. Sa isang iglap din naman ay tumigil ang apoy.

"Amazing!" Lumapit si Gabriel sa taxi at pinagmasdan ang natirang abo. "Grabe, parang peliku—"

Biglang natigilan ang batang lalaki. Isang maputi at makinang na bagay ang nakakuha ng kanyang atensyon. Bahagya itong natatakpan ng abo.

"A-Ano iyon?" tanong niya. Si Bagwis ay hindi pa rin kumikibo.

Inabot ni Gabriel ang puting bagay at kinuha ito. Itinapat niya ito sa kanyang mga mata upang suriin.

"Teka, perlas ba i—"

Napakaganda!

Sa iyo na ang kapangyarihan!

Gusto mo, hindi ba?

Makukuha mo ang lahat ng gusto mo!

Sunud-sunod na para bang may bumubulong kay Gabriel. Sa kanyang pagtataka ay para bang lalong naging makinang at kaakit-akit ang batong hawak niya. Hindi niya napansin na ibinuka na pala niya ang kanyang mga labi, at dahan-dahan niyang inilalapit ang kanyang kamay sa kanyang nakaabang na bibig.

Kapangyarihan!

Kagandahan!

Walang hanggang buhay!

Dumampi ang puting bato sa labi ni Gabriel. Napakalamig nito, parang isang yelo.

Halimaw!

"Huh?" biglang nagising si Gabriel.

Halimaw! Halimaw! Halimaw!

Biglang nanlaki ang mga mata ni Gabriel ng makitang halos subo na niya ang puting bato. Agad niya itong inilayo sa kanyang bibig. Kasunod nito ay parang nakaramdam siya ng panlulumo at matinding kalungkutan.

Ayaw mo ba ng kapangyarihan?

Ayaw mo ba ng buhay na walang hanggan?

Muling tiningnan ni Gabriel ang bato. Muli ay nabighani siya sa ganda nito.

Tumakbo ka na, Gab!

Sa pagkakataong ito ay nakita niya ang mukha ni Teban, duguan at naghihingalo.

Tumakbo ka na, Gab! Mga halimaw sila!

Napalitan ng galit ang nararamdaman ni Gabriel.

"Halimaw? Ayokong maging halimaw!" Kinuyumos niya ng kanyang kanang kamay ang hawak na bato at ipinikit niya ang kanyang mga mata. Biglang nag-init ito na parang nagbabagang uling.

Napasigaw ang batang lalaki. Tiniis niya ang sakit. Kapag binitiwan niya ang bato at nakita itong muli, hindi niya alam kung malalabanan pa niya ang panghahalina nito. Muli siyang sumigaw.

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na ganoon. Basta't naramdaman na lamang niya na dahan-dahang nawala ang init ng hawak niyang bato. Idinilat niya ang kanyang mga mata at dahan-dahang binuksan ang kamay.

"Ang bato..."

Sa kanyang palad ay umuusok ang puting bato. Ngunit sa pagkakataong ito ay parang isang pangkaraniwang bato na lamang ito. Nawala ang ganda at kinang nito.

"Magaling!"

Nagulat si Gabriel ng magsalita si Bagwis. Nakatalikod pa rin ito sa kanya.

"A-Ano bang nangyari?"

Dumukot sa kanyang bulsa ang matanda ng isang pulang tela. Inihagis niya it okay Gabriel ng hindi nakatingin.

"Ibalot mo iyang bato sa tela. Kahit napagtagumpayan mo iyan, may kapangyarihan pa rin iyang manghalina."

Pinulot ni Gabriel ang pulang tela at agad na ibinalot ang puting bato.

"O ayan. Nabalot ko na."

Doon lamang humarap ang matanda.

"Magaling!"

Tiningnan ng batang lalaki si Bagwis.

"Sinabi mo na yan kanina, eh. Teka, ano bang nangyari."

Muling kumunot ang noo ng matanda. "Huwag mong sabihing nakalimutan mo ang tungkol sa pagpasa ng mga manananggal sa kanilang diwa?"

"Diwa? Ano yun?"

Parang umusok ang ilong ni Bagwis sa sagot ni Gabriel. "Hindi ba't itinuro namin sa iyo na hindi mamamatay ang isang mananaggal hanggat hindi nito naipapasa ang kanyang diwa sa iba? Na kapag nakita ng pangkaraniwang tao o aswang ang puting bato na iyan ay mahahalina sila na lulunin iyan? At ang tanging makapagtatagumpay sa panghahalina ng batong iyan ay ang Datu o kaya ay isang purong-dugong aswang?"

Muling napakamot ng ulo si Gabriel. "Naku, absent yata ako ng itinuro niyo iyan."

Napatungo na lamang si Bagwis.

"Teka, ano bang gagawin ko sa batong ito?"

Lumapit si Bagwis at kinuha ang telang pula na hawak ni Gabriel. Inilagay niya ito sa bulsa ng batang lalaki.

"May kapangyarihan ang batong iyan. Yan ang diwa ng mga mananaggal. Ngayong napagtagumpayan mo iyan, mapapasaiyo na ang kapangyarihan ng pagpapagaling. Kung magtamo ka ng anumang sugat, tiyak na gagaling iyon."

"Talaga?" gulat na sabi ni Gabriel. "Ibig sabihin, imortal na ako?"

Isang hampas sa ulo ang tinanggap ni Gabriel mula sa matanda.

"Aray!"

"Hindi ka imortal. Meron ka lamang kakayahan na paggalingin ang mga sugat mo. Ngunit hindi ka pa rin ligtas sa mga sugat o pinsala na nakamamatay. Halimbawa, pinsala sa iyong ulo, utak, o sa iyong puso."

Walang naisagot ang batang lalaki.

"Mabuti pa umuwi na tayo," sabi ni Bagwis.

Nag-inat-inat si Gabriel. "Oo nga. Inaantok na ako. In fairness, nakakapagod ito, ah."

Sabay silang lumabas ng gate at tinungo ang kanilang sasakyan.

"Teka," sabi ni Bagwis, "akala ko ba ay ibabalik mo iyong taxi?"