"T-Tikbalang," bulong ni Gabriel.
Biglang natigilan ang nilalang na nakaupo sa ilalim ng puno. Mabilis itong nagpalinga-linga, parang may hinahanap. Tumayo ito at inamoy-amoy ang hangin. Pagkatapos ay bigla itong humarap sa kanyang direksyon. Kitang-kita niya ang kulay pulang mga mata nito.
Naku, napansin ata ako!
Mabilis na pumulot ng bato si Gabriel. Palinga-linga pa rin ang tikbalang sa paligid. Nang hindi ito naharap kay Gabriel, mabilis niyang hinagis ang bato sa malayo.
Agad na naalerto ang tikbalang sa tunog ng bato. Tumalikod ito at dahan-dahang naglakad papalayo.
Ngayon na!
Mabilis na sumugod si Gabriel. Dahil sa likas na liksi at bilis, na lalong pang pinagbuti ng kanyang pagsasanay kasama si Bagwis, halos walang maririnig na tunog habang siya ay tumatakbo. Ngunit sadyang matalas ang pandinig at pakiramdam ng tikbalang. Agad itong tumigil at umikot upang harapin ang batang lalaki. Si Gabriel naman ay tumalon at sinunggaban ang lamanlupa.
"Huli ka!" sigaw ni Gabriel. Isang sigaw naman ang pinakawalan ng tikbalang, sigaw na pinaghalong galit at pagkagulat.
Mas mabilis si Gabriel kaysa sa tikbalang. Bago pa man tuluyang makaharap ang taong-kabayo, nahuli ito ng batang lalaki at mahigpit na kumapit sa leeg nito.
Pambihira ang laki ng tikbalang, lalo na ngayong nakasampa na siya sa likuran nito. Sa tantiya niya ay may walong talampakan ang taas nito. Napakatigas din ng katawan nito, lalo na ang leeg na sing-lapad ng isang puno. Kita rin ni Gabriel ang kamay nito, na may mahahaba at matatalas na kuko.
"Tikbalang. Huwag ka ngang malikot. Hihinga lang naman ako ng gintong buhok mo," sabi ni Gabriel.
Sumigaw sa galit ang tikbalang. Pinadyak-padyak nito ang kanyang mga paa, at pagkatapos ay biglang tumalon paitaas. Napasigaw si Gabriel at kumapit ng mahigpit sa tikbalang. Napakataas ng talon nito, halos kita na ni Gabriel ang buong parke.
Isang malakas na dagundong ang narinig ng bumaksak sa lupa ang tikbalang. Napaaray naman si Gabriel ng humampas siya sa matigas na katawan ng lamanlupa.
"Bitiwan mo ako kung ayaw mong mamatay," sabi ng tikbalang. Magaspang at nakakatakot ang boses nito.
"A-Ayoko talagang mamatay," sagot ni Gabriel na napapangiwi sa sakit. "Pero hindi rin kita bibitawan hangga't hindi mo ko binibigyan ng buhok mo."
Biglang tumawa ang tikbalang. "Sige, tingnan natin ang tibay mo."
Yumuko ang tikbalang, ang dalawang kamay ay inilapat sa lupa. Bumuga ito ng hangin sa kanyang ilong, at matapos pumadyak-padyak, ay mabilis na tumakbo.
Muling napasigaw si Gabriel. Napakabilis ng tikbalang. Halos hindi niya maidilat ang kanyang mga mata dahil sa hanging tumatama sa kanyang mukha. Ramdam niya ang bahagyang pagdulas ng kanyang mga kamay mula sa pagkakakapit sa lamanlupa. Ngunit alam niya na hindi siya maaaring bumitaw. Ayon kay Kris, sa oras na makabitaw siya ay agad siyang tatapusin ng tikbalang.
Pinilit ni Gabriel na hilahin ang sarili papalapit sa tikbalang. Lalo niyang hinigpitan ang pagkakapit sa leeg nito. Kung pangkaraniwang tao ang kakapitan niya, siguradong masasakal ito at mamamatay. Ngunit parang balewala ito sa tikbalang. Lalo pa nga bumilis ang pagtakbo nito.
Sige takbo lang, sabi ni Gabriel sa sarili. Siguradong mapapagod ka din.
Sinubukan ni Gabriel na dumilat. Sobrang lakas ng hangin ngunit nagawa niyang idilat ang kanyang isang mata. Nagulat siya sa nakita.
Edsa na to!
Kani-kanina lamang ay nasa Alabang sila, ngunit ngayon ay nasa Edsa na sila. Dahan-dahang lumingon si Gabriel at nakita ang SM Makati ngunit sa isang iglap ay wala na ito.
Muling napapikit si Gabriel ng tumalong muli ang tikbalang. Pagbagsak nito ay dumulas ang kanyang mga kamay mula sa leeg nito ngunit agad naman siyang nakakapit sa buhok nito. Idinilat niya ang kanyang mga mata at nakitang tumatakbo ang tikbalang sa riles ng MRT. Sumilip ang batang lalaki at tiningnan kung saan pupunta ang lamanlupa. Sa kanilang harapan ay mabilis na lumalapit ang isang tren.
"M-May tren," mahinang sabi ni Gabriel.
Natawa lang ang tikbalang at nagpatuloy sa pagtakbo. Palapit ng palapit ang tren at ng sasalpok na sila rito ay biglang tumalon ang tikbalang at bumagsak sa ibabaw ng tren. Nagpatuloy ito sa pagtakbo, ni hindi man lamang tumigil o bumagal. Nang marating ang dulo ng tren ay muli itong tumalon patungo sa kalsada.
Halos hindi na makahinga si Gabriel sa bilis ng tikbalang. Masakit na rin ang kanyang dibdib dahil sa pagtama nito sa matigas na likod ng lamanlupa. Ngunit hindi niya ito ininda at iwinaksi na lamang ang isipan sa pagkapit sa buhok ng tikbalang.
Patuloy sa pagtakbo ang tikbalang, parang walang kapaguran. Nagpaekis-ekis ito sa kalsada, iniiwasan ang mga sasakyan. Sa isang kanto ay biglang pumihit ang tikbalang. Isang pampasaherong bus na mabilis ang takbo ang napakabig sa kanyang manibela ng dumaan sa harapan niya ang tikbalang. Malakas itong sumalpok si isang nakaparadang taxi. Buti na lamang at walang gaanong nasaktan. Maya-maya, habang inaaresto ang drayber ng bus ng mga pulis, ipinagpipilitan nitong isang itim na motorsiklo ang nag-overtake sa kanya kaya inilagan niya ito.
Hindi na alam ni Gabriel kung gaano na katagal tumatakbo ang tikbalang. Nang muli siyang dumilat ay hindi na niya nakikilala kung nasaan sila. Dito niya napansin na naididilat na niya ang kanyang dalawang mata. Iginala niya ang kanyang mga mata at napagtanto na bumabagal na ang takbo ng tikbalang. Nararamdaman din niya na bahagya itong humihingal.
"Mukhang pagod ka na ha," pang-aasar ni Gabriel. "Mabuti pa magpahinga ka muna."
Sumigaw sa galit ang tikbalang ngunit nagpatuloy ang pagbagal nito.
Nakiramdam si Gabriel. Sinubukan niyang ibitiw ang kanyang kanang kamay mula sa pagkakapit sa tikbalang. Nang makitang kaya na niyang kumapit gamit lamang ang isang kamay, agad niyang dinukot ang baril sa kanyang likuran. Itinaas niya ito at malakas na hinampas ang hawakan ng baril sa ulo ng tikbalang.
Muling napasigaw ang tikbalang, ngunit sa pagkakataong ito ay dahil sa sakit. Nahilo ang tikbalang at nagpagewang-gewang. Ilang hakbang pa bumagsak at sumubsob ang taong-kabayo. Mabilis na tumalon si Gabriel at gumulong papalayo.
Dahan-dahang tumayo si Gabriel, pinapagpag ang pantalong naalikabukan. Pagkatapos ay lumapit siya sa tikbalang na pinipilit na bumabangon. Hingal na hingal ito, ang dila ay nakalaylay na.
"Ano? Suko ka na?" tanong ni Gabriel sabay tutok ng baril sa ulo ng tikbalang na hindi naman kumibo. Bumangon lamang ito at naupo sa lupa.
Muling isinuksok ni Gabriel ang hawak na baril sa kanyang likuran. Pagkatapos ay naglakad siya papunta sa likuran ng tikbalang. Hinawi niya ang buhok nito sa likod, hinahanap ang gintong hibla ng buhok nito. Kung may makakakita sa kanila, iisipin nitong kinukutuhan ni Gabriel ang tikbalang.
Hindi nagtagal at nakita nga ng batang lalaki ang hinahanap. Sa ilalim ng makapal na buhok ng tikbalang ay nakatago ang isang gintong hibla na parang nagliliwanag. Agad na hinawakan ito ni Gabriel ng kanyang hinlalaki at hintuturo, at malakas na binunot. Napaungol ang tikbalang ngunit hindi naman kumibo.
Tinitigan ni Gabriel ang hawak na ginintuang buhok. Hindi niya maipaliwanag ngunit may nararamdaman siyang kakaiba. Parang nagbabalik ang kanyang lakas at gumagaan ang kanyang katawan.
"A-Anong nangyayari?" tanong niya sa sarili.
Nag-inat ang tikbalang at pagkatapos ay dahan-dahang tumayo. Tumalikod ito at hinarap si Gabriel. Napatingala ang batang lalaki, ang isang kamay ay napahawak sa baril sa kanyang likuran.
"Yan ang kapangyarihan ng aking ginintuang buhok," wika ng tikbalang. Bagamat magaspang pa rin ang boses nito, tila bang para itong naging maamo.
"Kapangyarihan? Anong kapangyarihan?"
Napanganga ang tikbalang sa pagkagulat. "Huwag mong sabihing hindi mo alam ang kapangyarihan niyan?" bulalas ng tikbalang.
"Hindi," diretsong sagot ni Gabriel.
Napahalakhak ng malakas ang tikbalang. "Nakakatawa ka naman. Ibig sabihin, hinarap mo ako ng hindi nalalaman kung para saan ang ginintuang hibla ng aking buhok?" Muling tumawa ang tikbalang.
"Hindi naman masyadong ipinaliwanag ni Bagwis kung ano ito. Basta ang sabi niya, kailangan ko daw kunin 'to."
Lalong nagulat ang tikbalang sa sinabi ng batang lalaki. "B-Bagwis ba kamo?"
"Oo. Bakit? Magkakilala kayo?"
"Ang matandang iyon, siya ang nagpapunta sa iyo sa akin?" tanong ng tikbalang.
"Oo."
Napaisip ang tikbalang. "Ibig sabihin, ikaw ang susunod na..."
"Datu?" pagpapatuloy ni Gabriel. "Yun ang sabi ni Bagwis."
"Pero, hindi ko alam na may anak pala si Leon?"
"Hay naku, kahit ako hindi ko pa rin matanggap yan?" buntong hininga ni Gabriel. "Teka, nasaan na ba tayo?"
"Pampanga," sagot ng tikbalang.
"Pampanga! Naku, paano ko uuwi niyan?"
"Tumakbo ka pabalik."
"Tumakbo? Naloloko ka na ba?" sigaw ni Gabriel. "Paano ko tatakbuhin yan, ang layo-layo?"
"Talagang hindi mo nga alam ang kapangyarihan ng ginintuang buhok na iyan." Napabuntong hininga ang tikbalang at pagkatapos ay naglakad papalayo. "Dahil taglay mo na ang aking ginintuang buhok, mayroon ka na ring kakahayahang tumakbo na sing bilis ng isang tikbalang. Ang iyong mga binti at hita ay nagtataglay na ng pambihirang lakas. Kahit tumakbo ka ng magdamag, hindi ka makakaramdam ng pagod."
"Astig!" nanlalaki ang mga matang sabi ni Gabriel.
"Ang aking ginintuang buhok," pagpapatuloy ng tikbalang, "ay magbibigay din sa iyo ng kakayahang tawagin ako kahit nasaan ka man. Yun ay kung alam mo ang aking pangalan."
"T-Teka, alam ko ang pangalan mo." Nag-isip si Gabriel, pilit inaalala ang sinabi sa kanya ni Bagwis.
"Manong Siga? Ay hindi. Manong Sikat? Hindi rin? Teka, sandali lang ha."
Nagpatuloy lang sa paglakad papalayo ang tikbalang. Pagkatapos ay ipinadyak nito ang kanyang mga paa, naghahanda sa pagtakbo.
"Teka, alam ko na!" bulalas ni Gabriel. "Mang Sikad. Ikaw si Mang Sikad."
Mahinang natawa ang tikbalang. "Mali, pero pwede na. Tawagin mo na lang ako kung may kailangan ka." Pagkatapos ay tumakbo na palayo ang tikbalang.
Napangiti si Gabriel. Muli niyang tiningnan ang hawak na ginintuang hibla ng buhok.
"Sige, masubukan nga." Nag-inat-inat si Gabriel at pagkatapos, sa isang iglap, ay bigla siyang naglaho. Tanging alikabok na lamang kung saan siya dumaan ang makikita.