Chapter 11 - Smile

HALOS magtatatlong linggo ko ng hinahanap kung saan nakatira si Caelian at sa wakas nagkita muli kami ng hindi inaasahan. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at dumikit dikit ako sa kanya upang kumuha ng tsyempo para sabihin sa kanya ang nalaman ko tungkol sa asawa niya.

Kapag gusto kong ibuka ang bibig ko para magsalita ay kusang napapatikom ang bibig ko kapag nakikita ko ang ngiti niya habang nakatingin sa picture niya sa camera. Pakiramdam ko ay ang sama kong tao para burahin ang magandang ngiti na iyon.

At kung kailan napagdesiyonan ko ng hindi muna ako magsasalita tungkol sa nalaman ko ay pagkakataon na mismo ang gumawa ng paraan at nakita niya na mismo ang picture.

"C-Caelian..."

Kinuha niya sa akin ang camera at pinakititigan ang picture. Sobrang seryoso ng mukha niya at nararamdaman ko na sa loob niya ay unti-unti siyang nawawasak ngayon sa nakikita niya.

That asshole, he hurt her!

Ramdam ko ang pinagsamang lungkot at awa sa dibdib ko para sa kalagayan niya ngayon.

"S-Si Gerwyn ito diba?" tanong niya sa akin at napalunok ako. Gumagaralgal ang boses niya at halatang konting-konti na lang ay bubuhos na ang luha niya.

"Oo," mahinang sagot ko sa kanya. Tumahimik siya sa saglit pagkatapos iniangat niya ang tingin sa akin.

"Type mo siya?" seryosong tanong niya sa akin at napaawang ang labi ko.

"A-Ano?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. Hindi ko maiwasan mapanganga sa tanong niya dahil hindi iyon ang inaasahan kong sasabihin niya.

"Tinatanong ko kung type mo ba siya?" Aba, ang lakas talaga ng loob ng babaeng 'to at ang kapal ng pagmumukha.

"Ano'ng—hindi ko siya type, 'no!" mariin na depensa ko.

"Oh?" sambit niya at medyo napanguso pa saka niya pinakita ang picture ni Gerwyn na may kasamang babae sa akin.

"Kung hindi mo siya type, bakit may stolen picture siya rito?" inosenteng tanong niya pa. Hindi ko alam kung inaasar niya talaga ako o sinasadya niyang asarin ako sa inosenteng paraan.

"Aba't talagang! Baka asawa mo 'yan diba? Saka tingnan mo, may kasama siyang ibang babae!" sigaw ko sa pagmumukha niya ngunit kumunot lang ang noo niya at tiningnan muli ang litrato.

"Ano'ng ibang babae? Si Ate Caelyn ko 'yan, asawa niya 'yan— wait!" nakakunot ang noo niya pero ilang sandali lang ay nawala at napalitan ng pinipigilang tawa. "Huwag mong sabihin na—" saka siya tumawa ng malakas. Napasimangot naman ako habang tumatawa siya ng nakakaasar sa akin. Hawak-hawak niya ang tiyan sa sobrang tawa at halos matumba tumba na siya.

"T-Tumigil ka nga. Huwag mo ako pagtawanan," nahihiyang sabi ko.

Napapatingin na kasi ang mga tao sa amin dahil sa lakas ng tawa niya, ibang klase pala 'to kapag natatawa, agaw atensyon. Pero aaminin kong natutuwa rin ako na nakikita siyang tumatawa sa harap ko, 'yong tawa at ngiti niya na ako ang dahilan.

"Ikaw kaya ang may kasalanan! Nakakatawa lang kasi isipin na inisip mong asawa ko si kuya Gerwyn, pero hindi naman kita masisisi dahil si Kyrine ang nagkakalat na asawa ko siya," may oras pa rin na natatawa siya ngunit pinilit niya na pinaseryoso ang boses niya.

"Kainis talaga ang babaeng iyon!" nakasalubong ang kilay at dikit na dikit ang labi na sabi ko.

"Malakas talaga ang trip non, wala kasing boyfriend kaya walang pinagkakaabalahan," natatawang sabi niya.

"K-Kung hindi mo asawa si Gerwyn, ibig sabihin hindi mo anak si Baby Abdiel?" tanong ko sa kanya at napangisi siya sa akin.

"Why did you ask?" she asked me, tinatago ang mapaglarong ngiti.

"Because, if Gerwyn is your sister's husband then baby Abdiel...is not your son?" pagpapaliwanag ko sa tanong ko sa kanya.

"He is my son," mabilis na sagot niya at may kung anong gumuho sa dibdib ko.

"Ahhh..." tangi kong sabi at tumango-tango.

Kung anak niya si Baby Abdiel, ibig sabihin ay maaga niyang binigay ang perla sa isang lalaki at ang batang iyon ang naging bunga.

Tumahimik kami, ngayon ay rinig na rinig na namin ang tunog ng alon sa dagat at pinapakalma ako nito. Ang sarap sa pakiramdam.

"Si Baby Abdiel ay anak ni Ate Caelyn at Gerwyn..." mahinang sabi niya ngunit sakto lang para marinig ko. Napalingon ako sa kanya ngunit ang paningin niya ay nasa dagat pa rin.

Ano? Sabi niya kanina anak niya si baby Abdiel? Tapos ngayon naman anak ng ate niya at ni Gerwyn si baby Abdiel? Ang gulo.

"Sinasabi ko lang na anak ko siya dahil tinuturing ko talaga siyang anak kahit hindi siya nagmula sa akin. Hindi ko alam paano ipapaliwanag sayo pero sabihin natin na si baby Abdiel ang nagsilbing ilaw ko sa madilim na daan at siya ang naging dahilan para ipagpatuloy ko ang paglalakbay ko palabas ng madilim na parte na iyon ng buhay ko," pagkukuwento niya at doon ko lang naintindihan lahat.

Narinig ko muli ang lungkot sa boses niya, ito rin ang boses na ginamit niya noong nag-usap kami sa labas ng KTV bar. Ngunit hindi katulad ng gabi na iyon na kinibit balikat ko lang, ngayon ay nagkakaroon na ako ng interes para malaman ang dahilan no'n ngunit umatras din ang isipan na iyon dahil naisip ko na dapat hindi ako makialam. Buhay niya 'yon at labas na ako roon. May mga bagay kasi na dapat hindi tayo nakikialam mas lalo kung hindi komportable ang tao.

"Palubog na ang araw, kapag ganitong oras ay mas maganda kumuha ng litrato," biglang sambit niya saka siya tumayo at pinagpag ang white short niya na may saktong haba para alisin ang buhangin.

Napatayo tuloy din ako at pinagpag ang khaki short ko.

"B-Babalik ka na ng room mo?" tanong ko sa kanya. Lumingon siya sa gawi ko at simpleng ngumiti, nang aasar ang ngiti na iyon. Natuwa naman ako na nakita ko ang ulit ang ngiti niya dahil kanina ang seryoso niya.

"Oo, bakit?" pabalik na tanong niya at umayos ng tayo paharap sa akin.

"Diba, wala kang kasama papunta rito?" tanong ko, kumunot ang noo niya sa tanong ko ngunit umiling din bilang sagot sa akin.

"Wala," maiksing sagot niya.

"P-Pwedeng sabay nalang tayo kumain ng dinner? W-Wala rin kasi akong kasama," nahihiya at lakas loob kong tanong sa kanya.

Ngumisi siya sa akin.

"A-Anong ngini-ngisi mo diyan? Huwag kang feelingera, sadyang hindi lang ako sanay na walang kasama kumain," depensa ko.

"Defensive mo naman masyado," nakangiwing sabi niya sa akin at napailing. "O sige na puntahan mo na lang ako sa room ko at sabay tayong kumain," sambit niya. Ngumiti muna siya sa akin bago tumalikod at lumakad pabalik sa loob.

***

TININGNAN ko ang sarili ko sa salamin, nakasuot ako ngayon ng simpleng summer dress, sa totoo lang maganda sana ang suot ko kung babagayan ko ito ng isang napakagandang ngiti ngunit paano ako ngingiti kung wala akong dahilan para ngumiti?

Gusto ko ng makita si Baby Abdiel. Kapag kasi siya ang nakikita ko ay natural na lumalabas ang ngiti sa labi ko.

Pero wala si Baby Abdiel dito.

Huminga ako ng malalim at dahan dahan na ngumiti sa salamin.

Tama yan, Caelian kailangan mong isanay ang sarili mo na ngumiti. Kapag kasi nakangiti ka ibig sabihin no'n masaya ka. Ngiti ang depenisyon ng mundo ng salitang kasiyahan, peke man ang ngiti mo atleast naranasan mong maging masaya kahit panandilian lang, kahit kunwari lang.

Nakarinig ako ng katok mula sa pintuan. Si Damien. Napangiti tuloy ako dahil naalala ko ang itsura niya kanina. Ngunit unti-unting nabura iyon nang makita ko ang repleksyon ko sa salamin. Napailing ako at naglakad para buksan ang pintuan.

Mula sa mukha ay bumaba ang tingin niya pababa at muling tumingin sa mukha ko. Nailang naman ako sa tingin niya parang gusto ko tuloy isarado ang pintuan at magpalit ng jacket at jogging pants na lang.

"Summer dress sa gabi?" nakangiwing sabi niya sa akin.

"Bakit tuwing araw lang ba pwedeng magsuot ng ganito?" masungit na sabi ko, ang ganda ganda nga ng suot ko tapos...

Napailing siya sa akin. "Anyway, handa ka na ba?"

"Hindi ba halata?" sarkastikong sagot ko ngunit hindi nabura ang ngiti niya at nagulat ako nang hawakan niya ako sa pulsuhan saka ako hinila, kaya naman isinira ko na ang pintuan at nagpadala sa paghila niya.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko sa kanya habang patuloy kaming naglalakad kung saan at hawak niya pa rin ako sa pulsuhan.

Dahil nasa bandang likod niya ako at siya ang unang naglalakad sa amin ay kitang-kita ko ang ngiti niya na hindi mapunit punit, mukhang siyang excited at sobrang saya, bakit kaya?

"Charan!" tuwang tuwa na sambit niya at 'yong dalawang kamay niya ay nakalahad patungo sa nag-aalab na apoy na gawa ng kahoy.

"Wow," namamanghang sabi ko. Kanina ay ramdam ko ang lamig pagkalabas namin ngunit dahil sa apoy na ito ay nabawasan ang lamig na nararamdaman ko. "Ikaw ang gumawa niyan?" nakangiting tanong ko sa kanya at sunod sunod naman siyang tumango na parang bata.

"Oo, akala ko nga kanina hindi na ako magagawa ng apoy pero tingnan mo nga naman, totoo talagang kapag may tiyaga ka may apoy ka," nangingiting sabi niya. Halata talaga na sobrang saya niya at kitang kita ko iyon sa mga mata niya dahil maging ang mata niya ay nakangiti at kumikislap.

"Ah, binago na pala?" natatawang tanong ko at tumawa rin siya.

"Gusto mo ng kumain?" tanong niya sa akin habang inaayos niya ang kahoy.

Kumunot ang noo ko, "Anong kakainin natin? Mga kahoy na iyan?" nawala ang ngiti niya dahil sa tanong ko.

Kumuha siya ng kahoy na umaalab pa ang dulo at inilapit sa akin, "Sige, kainin mo 'to tingnan ko lang kung hindi mapaso ang dila mo," asik niya sa akin at saka tinapon ang kahoy pabalik sa nag-aalab na apoy.

"Nagtatanong lang, e." Bulong ko.

Lumapit siya sa isang tela na nakalapat sa buhanginan at merong container doon. Binuksan niya ang container at nakita kong kumuha siya ng dalawang hotdog na nakatusok sa barbeque stick. Pumunta siya sa gawi ko at binigay sa akin ang isang stick ng hotdog.

"Mag-iihaw tayo," nakangiting sabi niya at naunang inihaw ang hotdog na hawak niya kaya pati ako ay sumunod din.

Natahimik kami at nakatingin lang sa hotdog na iniihaw namin. Aaminin kong nage-enjoy ako sa pag-ihaw ng hotdog dahil ang galing lang na naluluto siya sa ganitong paraan.

"Yes! Luto na ang akin!" napalingon ako kay Damien nang sumigaw siya. Inilapit niya ang hotdog sa bibig niya at kumagat ngunit mainit yata kasi pinapaypay niya ang isang kamay niya sa bibig niya. "Whoo! Ang init!" sambit niya.

"Dapat kasi hinihipan mo muna bago mo kainin," pangangaral ko sa kanya.

Luto na rin ang hotdog ko at dahil gutom na rin ako ay hinihipan ko muna ang hotdog bago ako kumagat, "Ang sarap! Pero bakit walang cheese? Mas masarap ang hotdog na may cheese," reklamo ko pagkatapos ngumuya. Kumagat muli ako sa hotdog.

Nakita ko siyang natigilan at napatikhim.

"Bakit?" tanong ko habang ngumunguya.

"Tsk, wala," sagot nalang niya at tumingin sa nagbabagang apoy na nasa harap namin.

"Salamat," sambit ko at tumingin sa kanya na saktong nakatingin na pala rin siya sa akin.

"Para saan?" tanong niya.

Hindi muna ako sumagot at tiningnan lang ang buong mukha niya.

Hindi pa kita kilala ng lubusan pero bakit kaya mong iparamdam sa akin na pwede akong maging komportable na kasama ka?

Nagtaka ako nong tumalikod siya sa akin kaya naman kinalabit ko siya.

"Bakit tumalikod ka?" tanong ko sa kanya at hinihila ang damit niya paharap sa akin ngunit matigas siya at hindi nagpapatinag.

"Paano naman ako hindi tatalikod kung ganyan ka makatingin?" naiilang na sabi niya at napatawa ako.

"Okay, sorry hindi na kita titigan, humarap ka na sa akin," sambit ko na hinihila pa siya ngunit ayaw niya talaga.

"Ayaw ko," parang bata na sambit niya.

Kaya ang ginawa ko ay ako na ang naglakad paharap sa kanya at tatalikod muli sana siya sa akin ngunit napigilan ko na siya sa braso niya.

"Makinig ka sasabihin ko," utos ko sa kanya. "At tumingin ka sa akin." Sumunod naman siya at nginitian ko siya.

"Ano bang sasabihin mo?" tanong niya sa akin.

"Gusto ko lang magpasalamat sayo, kasi sa totoo lang, hindi pa ako nakakain ng pagkain na inihaw dahil medyo ilag ako sa ihaw dahil ayaw ko ng sunog o may itim itim sa pagkain," kuwento ko sa kanya at pasimpleng tumingin sa nag-aalab na apoy at tumingin sa kanya. "Pero dahil sayo, naranasan kong kumain ng inihaw at nalaman kong masarap pala," nakangiting sambit ko at ngumiti rin siya pabalik sa akin. Nakita ko tuloy ang dimple niya sa kanang pisngi.

"Gusto ko lahat ng klase ng pagkain, at nangarap ako na sana isang araw ay makaihaw ako ng hotdog sa isang isla at tingnan mo ngayon, natupad ko na ang gusto ko at may bonus pa! Kasama kita!" natutuwang sambit ni Damien at nakangiti rin ako habang pinagmamasdan siya.

"Pareho pala tayong may na-achieve dahil sa isa't isa at dahil diyan kailangan natin mag celebrate!" sambit ko at pumalakpak.

"Kakain tayo ng maraming hotdog!" sigaw naman niya at napatawa ako.

Kumuha ulit siya sa container ng apat na hotdog at binigay sa akin ang dalawa pagkatapos ay inihaw namin iyon sa nag-aalab na apoy.

Ngunit nagulat ako nong may tumalak sa likod ko, mabuti na lang at napigilan ko gamit ang paa ko dahil kundi ay baka napaso ako.

Tiningnan ko ang hangal na tao na iyon, at ngumisi lang ang lalaki sa akin saka muli siyang lumapit sa akin at tinulak muli ako ngunit dahil aware na ako ay napigilan ko siya at siya naman ang tinulak ko papuntang apoy.

Nagtutulakan kami ni Damien at tinatakot ang isa't isa sa apoy. Nong gabing iyon ay napuno ng halakhak namin ang tahimik na isla.

Napagtanto ko rin na hindi ko na pala kailangan ngumiti ng peke dahil kusa itong lumabas sa hindi ko inaasahang pagkakataon, sa hindi ko inaasahang lugar at sa hindi ko inaasahang tao.

Salamat, Damien sa pagbibigay ng ngiti sa labi ko ngayong gabi.