Chereads / Just Hold Onto Destiny's Grasp / Chapter 14 - Friends

Chapter 14 - Friends

"AKALA mo iniwan na kita, 'no?" nakangiting tanong ko sa kanya at lumingon naman siya sa akin saka tumango. "Hindi pa iyan ang sinasabi ko sayo, sumunod ka sa akin," sabi ko at hinila siya papunta sa hagdan.

Ang lampara na hawak ko na may disenyo ang nagsilbing liwanag namin sa gusali na iyon, umakyat kami nang umakyat gamit ang hagdan. Dahil hindi pa tapos ang gusaling ito ay makikita mo ang baba kung gaano na kataas na ang inakyat mo at nakakalula 'yon. Nagpatuloy kami sa pag-akyat hanggang sa makarating kami sa pinaka tuktok ng gusali.

Nginitian ko si Caelian at nakita ko kung paano nadagdagan ang pagkamangha niya. Hinila ko muli siya hanggang sa makarating kami sa hangganan.

Mula dito sa puwesto namin ay kita namin ang pinaghalong pula, puti, dilaw at ibang kulay na nagpapaganda ng gabi sa Pampanga.

Binitawan ko si Caelian at nilagay ang dalawang kamay ko sa gilid ng bibig ko.

"Whooo! Hello, Pampanga!" malakas na sigaw ko na nakatingin sa mga building, mga sasakyan at maliliit na bahay.

"Na-miss niyo ba ako? Nandito ulit ako! At may kasama pa ako!" Natutuwang sabi ko na parang talagang may nakikinig sa akin mula sa lugar na ito.

Tumingin ako kay Caelian na hindi mawari kung ano ang namumutawing reaksyon sa mukha.

"Caelian, magpakilala ka," utos ko sa kanya at ngumiwi lang siya sa akin. "Sumunod ka na lang," sambit ko at napabungtong-hininga naman siya kaya napangiti ako dahil alam kong panalo ako.

Tumikhim muna siya bago naiilang na nilagay ang kamay sa gilid ng bibig niya.

"Hmm…hello, Pampanga! Ako nga pala si Caelian! Nagpapasalamat ako na sinama ako ni Damien dahil kung hindi, 'di ko makikita ang tinatagong ganda mo sa gabi!" sigaw niya na nakangiti at humarap sa akin.

"Alam mo ba ang dahilan kung bakit sinama kita rito?" hindi mapunit ang labi ko sa sobrang sayang nararamdaman.

"Bakit nga ba? Anong meron?"

Lalong lumapad ang ngiti ko, "Dahil nagustuhan ng kompanyang pinagtatatrabuhan ko ang lahat ng kuha kong litrato! That's a first, ngayon lang nila ako pinuri sa trabaho ko kaya tuwang-tuwa ako!" bakas ang kasiyahan na usal ko sa kanya.

Napangiti naman siya sa sinabi ko at kahit hindi siya magsalita ay pakiramdam ko ay nakikihati siya sa sayang nararamdaman ko at proud siya sa akin.

"Wow! Dapat talaga na mag-celebrate ka. Congratulations!" malaking ngiti na sambit niya kaya ngumiti ako pabalik.

Tumingin ako sa bag na dala ko at binuksan ko iyon, kinuha ko ang dalawang lata ng Delmonte four seasons.

"At kasama kitang mag-ce-celebrate!" sambit ko at binigay ko sa kanyang ang isang lata ng Del monte four seasons. "Let's celebrate!" sambit ko at binuksan ang akin.

"Paborito mong inumin ang Del monte four seasons?" tanong niya sa akin at tumango naman ako bilang sagot.

Napangisi siya at napailing, "Maliban sa gatas, ito rin kasi ang paborito ko. Ngayon, may pareho na tayong paborito, ah?" nakangising sambit niya at binuksan din ang kanya.

Inilapit ko ang lata ng Del monte four season ko sa kanya at inilapit niya din ang sa kanya saka pinagbangga namin iyon.

"Congratulations again, Damien!"usal ni Caelian at ngumiti ako.

Tinaas ko ang akin sa ere at tumingin sa langit.

"Thank you for the achievement, Lord! You're the best!" nakangiting usal ko at nilagok na ang aking inumin.

Parte na yata iyon ng pagkatao ko, natural na lumalabas sa akin na kapag may achievement ako ay kusa akong nagpapasalamat sa Kanya dahil nalalaman ko na ang lahat lahat ng akin ay galing sa Kanya. At deserve niya na pasalamatan sa lahat ng meron ako—meron sa atin, dahil siya ang nagbigay no'n sa atin.

Nakaupo kami sa hangganan at nakababa ang mga paa namin, aaminin kong nakakatakot dahil pakiramdam ko ay para akong mahuhulog ngunit nawawala iyon kapag natutuon ang aking paningin sa ganda ng lugar ng Pampanga.

Nakaraang taon ko lamang nalaman ang lugar na ito nong minsan na naglibot libot ako at naisipan ko na umakyat sa lumang gusaling ito, syempre sa una kinakabahan at kinakilabutan ako sa dilim ngunit hindi ko alam kung anong nagtutulak sa akin na pumasok.

Lakas loob akong pumasok non kahit na namamawis na ang noo ko dahil sa kaba na baka may biglang lumitaw na lang sa harap ko. Nakakita ako ng hagdan kaya sinundan ko iyon hanggang hilain ako no'n at makarating sa tuktok, nawala ang kaninang takot na nararamdaman ko at napalitan iyon ng pagkamangha kaya simula no'n ay pabalik balik na ako rito.

"Ikaw, kumusta ang trabaho mo, Caelian?" untag ko pagkaraan ng sandali. Nilagok ko sa huling pagkakataon ang aking inumin saka nilapag yon sa gilid ko.

Sumimsim siya sa kanyang inumin bago nagsalita.

"Ayos naman. Nag-iisip na ako ng bagong plot at conflict sa bagong nobela na isusulat ko, baka sa susunod na araw ay mag-umpisa na ulit ako sa pagsusulat," sambit niya na nakatingin lamang sa magandang tanawin na nasa harap niya.

May biglang pumasok na tanong ko sa isip ko na matagal ko ng gustong itanong ko sa kanya. Pabukas sara ang bibig ko dahil nag-aalinlangan ako kung tatanungin ko ba iyon o hindi subalit sa dulo ay mas pinili ko na lamang na itanong. Bahala na.

"C-Caelian, meron sana akong tanong," sambit ko na hindi mapigilang mautal.

"Ano?" hindi lumilingong sabi niya at muling sumimsim sa inumin niya. Napakaseryoso niya at hinihintay niya talaga ang itatanong ko.

"Why do you write a tragic story? Anong meron? Hindi mo ba gusto ang happy ending?" seryosong tanong ko at tinitigan siya.

Ang mga katanungan na ito ay laging ginugulo ang isip ko. Tatlong libro na niya ang nabasa ko ngunit sa bawat wakas ng istorya ay hindi nagkakatuluyan ang mga bida.

Tumahimik ang paligid sa naging tanong ako at mayamaya ay lumingon siya sa gawi ko. Nakita ko ulit ang pinaghalong sakit at pait sa mga mata niya.

"Sinong ayaw ng happy ending? Syempre gusto ko, gustong-gusto ko...pero ang salitang happy ending ay hindi nababagay sa akin," sagot niya sa akin na may pilit na ngiti sa labi.

"Ha?" naguguluhan na sabi ko.

"I don't hate it but I just don't like it too, because not all situations in our life lead us to a happy ending. Sometimes it is either tragic or just bring so much pain," mapait na napangiti si Caelian.

"Alam ko ang pagiging masaya ay pagpipilian, kung pinili mong maging masaya ay magiging masaya ka pero sa akin, gustuhin ko man ngunit ang pagiging masaya…ay wala sa pagpipiliian ko," iniyuko niya ang ulo niya at tiningnan ang mga kamay niya.

"Kung ganon, bakit hindi mo na lang pinaranas sa mga karakter mo ang maging masaya? Diba, kapag author ka, ikaw ang may hawak ng istorya mo kaya may karapatan ka kung paano mo iyon tatapusin?" suhestiyon ko sa kanya.

"Ayaw ko. Dahil sa nararamdaman kong 'to, nakakagawa ako ng mga librong maipagmamalaki ko," diretsong sabi ni Caelian at natigilan ako.

Unting-unti promoseso sa utak ko ang sinabi niya sa akin, "Ito ang masasabi ko na magandang nangyari sa buhay ko…ang makita na binabasa ng mga tao ang gawa ko," gumuhit ang simpleng ngiti sa labi niya at nakita ko kung paano kumislap ang mga mata niya.

"Nabibilib ako sayo. Paano ba maging katulad mo?" namamangha na sabi ko ngunit wala man siyang sinagot.

"How I wish na sana katulad mo na lang ako. 'Yong kinakaya ang lahat ng pagsubok, matapang na lumalaban at 'yong kayang tanggapin ang lahat ng sakit na sasalubong sa kanya," sambit ko na hindi napigilan ang bakas ng sakit sa boses ko.

Naalala ko na naman kasi ang nangyari noon sa amin ni Heizelle. Ang mga binitawan niyang salita. Ang pagtapos niya ng relasyon namin at pagtalikod sa akin.

"Four years ago, may babaeng unang nagpatibok ng puso ko..."

Tiningnan ko siya at mataman siyang nakatitig sa akin na parang hinihintay ang susunod sasabihin ko at dahil doon, tinuloy ko na ang kuwento.

Mula umpisa hanggang dulo ay kinuwento ko sa kanya ang nangyari sa relasyon namin ni Heizelle noon. Baka ito na ang panahon upang ilabas ang tunay nararamdaman ko, para makawala na rin sa dibdib ko ang tinatago ko dalawang taon na ang nakakalipas.

"Naging masaya kami sa relasyon namin nang mahigit dalawang taon, ramdam na ramdam ko na mahal na mahal namin ang isa't isa ngunit nagkamali pala ako. Minsan naabutan niyang kinakausap ako ng babaeng pinagseselosan niya at sinusuyo ko siya no'n ngunit nagulat ako nong gusto niya ng makipaghiwalay sa akin. Akala ko iyon lang ang dahilan subalit may mas malalim pa pala, napipilitan lang pala siya sa relasyon namin at mas malala hindi niya pala ako mahal." Kusang tumulo ang mainit na likido sa mga mata ko kasabay nito ay paghapdi muli sa dibdib ko. Katulad nito ang isang sugat na matagal ng panahon na hindi pa gumagaling.

"Sana sinabi niya ng mas maaga na wala siyang nararamdaman sa akin. Dahil sa ginawa niya, hindi pa rin humihilom ang sakit na iniwan niya sa akin," sa wakas ay napaamin din ako. Napaamin din akong nasasaktan pa rin ako dahil kay Heizelle na ibig sabihin ay may nararamdaman pa rin ako sa kanya.

I still love her and I hate it.

"Ang tanga niyo pareho," walang preno na sambit ni Caelian. Napasinghap ako.

"A-Anong sabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ko.

"Kung ako tatanungin, ang swerte na ng babae sayo at napakatanga dahil iniwan ka niya. Kaya kung magmamahal man ako, gusto ko ang isang katulad mo," seryosong sambit niya na tumatagos ang tingin niya sa kaluluwa ko saka siya ngumiti.

Kung magmamahal man ako, gusto ko ang isang katulad mo.

Naramdaman kong tumigil saglit sa pagtibok ang puso ko, saka mahinang tumibok ngunit habang tumatagal ay pabilis nang bilis ang kalabog.

What is this?

Pinoproseso ng utak ko ang sinabi niya at idagdag pa kung ano dahilan kung biglaang pagiging abnormal ang tibok ng puso ko.

Tumikhim ako at inalis ang tingin ko sa kanya.

Tumayo ako sa kinauupuan ko at pinagpag ang pantalon ko subalit naramdaman ko ang pananakit ng ulo ko. Kahit masakit ay hinayaan ko muna at tiniis.

Nakakita ako ng maliit na bato at pinulot iyon.

"Ano iyan?" tanong niya at tumayo saka lumapit sa akin.

Gamit ang bato ay pinangsulat ko iyon sa sahig.

"One? Anong meron sa One?" takang tanong ni Caelian.

Tinapon ko ang bato at pinunas ko ang kamay ko sa pantalon ko dahil may naiwang dumi roon.

Ngumiti ako sa kanya. Maluwang na yata ang turnilyo ko, kanina umiiyak ako at nagdadrama tapos ngayon ngumingiti na naman ako.

"Diba, sa paggawa ng istorya may tinatawag na five parts of plot in a story? May exposition, rising action, climax, falling action, at resolution," sambit ko sa kanya na nagpapaintindi.Tumamad naman ang tingin niya sa akin.

"Malamang alam ko 'yan, author yata ang kausap mo ngayon," masungit na sagot ni Caelian sa akin.

"Kaya One ang sinulat ko, dahil ito ang simula natin. Ito ang araw na mag-uumpisa ang kuwento nating dalawa at gusto kong maging kaibigan kita," gumuhit ang natural na ngiti sa labi ko. Kumunot ang noo niya sa sinabi ko at tiningnan ako ng mabuti.

"Linawin ko lang, wala po tayo sa isang nobela o teleserye kaya bakit pasimula-simula ka diyan?" panenermon niya at napalunok ako. "Okay, pagbibigyan kita. Kung nasa isang istorya man tayo ngayon, ano ang gusto mong mapunto? Diba, hindi naman nagagawa ang isang istorya kung wala kang gustong iparating at marating?" nanghahamon na sabi niya. Lumalabas na ang dugong manunulat niya.

"Meron. Meron akong dahilan," matapang na sagot ko.

"Edi, ano?" untag ni Caelian sa akin.

"Gusto ko sa wakas ng kuwento nating dalawa, gusto ko mapasaya kita," hindi kumukurap na usal ko sa kanya at nakita ko siyang natigilan.

Noon pa lang kitang-kita ko na ang lungkot at sakit sa mga mata niya, nadagdagan pa ang hinala ko dahil sa napag-usapan namin ngayon. Desidido na talaga akong mapasaya siya dahil nararapat lamang iyon sa isang babaeng katulad niya.

Naramdaman ko muli ang pananakit ng ulo ko at mas tumindi ito kesa kanina. Napahawak ako sa ulo ko, naging alerto naman si Caelian at inalalayan ako.

"Hey, ayos ka lang?" bakas ang pag-aalala sa boses niya.

"Masakit ang ulo ko, baka sa puyat ko kagabi idagdag pa ang pagod dahil sa pagtakbo natin ngayon," nakangiting usal ko na nauwi sa ngiwi dahil sa pagkirot sa bandang sentido ko.

"Kailangan umuwi na tayo para makainom ka na ng gamot," determinadong sambit at inalalayan ako para maglakad.

"Huwag na. Mamaya nalang. Gusto ko pa makita ang view dito, oh." Pangungulit ko pa at tinuro ang lugar.

"Ang tigas ng ulo mo. Babalik na lang tayo rito sa susunod na araw. Ang mahalaga ngayon ay makapag pahinga ka at makainom ng gamot," matigas na sambit ni Caelian at natigilan ako sa isang sinabi niya.

"B-Babalik tayo?" hindi makapaniwalang usal ko.

"Oo, babalik tayo. Diba, magkaibigan na tayo?" gumuhit sa labi niya ang isang ngiti.

Mas lalo akong natigilan at natulala. Dahil sa reaksyon ko ay malaya niya akong nahila para umuwi na.