Chapter 2 - Ideal

"MAGSISIMBA ka nga? Hindi ka ba masusunog doon?" tanong sa akin ni Abram, nakaharap ako sa salamin at inaayos ang long-sleeve polo ko na kulay dark blue. Tinupi ko rin ito hanggang siko. Kinuha ko ang suklay at inayos ang buhok ko.

"Kung makapagsalita ka parang ito ang unang beses na nagsimba ako," binalingan ko siya tingin saglit at muling tumingin sa salamin.

"Kasi hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na nagsisimba ka na nga. Maganda ba sa simbahan Damien? Marami bang chiks do'n?" tanong niya saka humigop ng kape sa tasa na hawak niya.

Ito ang isa sa pinaka ayaw ko sa lahat, kapag ang simbahan ay ginagawang ligawan ng mga kabataan. Pumunta ka sa simbahan para magsimba at alalahanin ang kabutihan ng Diyos sayo, hindi para maghanap ng pwedeng maging girlfriend o boyfriend.

"Sa unang tanong mo, oo maganda sa simbahan, at sa pangalawang tanong mo, wala akong panahon para maghanap ng chiks do'n tutal hindi naman iyon ang pakay ko," seryosong sagot ko sa kanya.

"Ito naman ang seryoso masyado," nakangiwing sabi niya pero agad itong naglaho. "Puwedeng ba akong sumama?" nakangiting tanong niya at nagnining ang mata niya na parang tuta.

"Huwag ka sumama kapag chiks ang hanap mo," tangi kong sagot at nagsapatos na ako.

Nagsisigaw naman siya sa tuwa at nag-umpisa na siyang kumilos.

"DAMIEN, papasok ba talaga tayo diyan? Baka hindi ako tanggapin ng simbahan," tanong niya sa akin. May hawak siyang ice cream sa magkabilang kamay niya. "Halos naka-apat na akong ice cream pero wala pa rin akong lakas ng loob, sa tingin mo kailangan sampo ba ang dapat kainin ko?"

"Everybody is welcome to the church. Kaya kung pakiramdam mo masusunog ka, hindi iyon totoo. Hindi naman dapat malinis o banal para makapasok," sagot ko sa kanya.

"Tara pasok na tayo, mag-uumpisa na ang praise and woship," anyaya ko sa kanya pero nakapako lang ang mga paa niya sa lupa at hindi siya gumagalaw.

"Sandali lang, picture-an mo muna ako. Ipo-post ko ito sa Instagram para malaman ng mga followers ko na nagsisimba ako," napailing na lang ako saka kinuha ang camera na nakasabit sa leeg ko at tumingin sa viewfinder. Nakasuot siya ng black loose shirt and jogger pants.

"Smile," sambit ko at kinuhanan siya ng litrato.

"Patingin nga!" patakbo siyang lumapit sa akin at tiningnan ang picture niya. "Sa personal o sa picture man, ang gwapo ko pa rin. Iba na talaga ang level ko, Damien," sambit niya habang tinitingnan ang litrato niya.

"Oo na lang. Tara na pasok na tayo."

Pumasok na kami sa loob, katulad ng inaasahan ay marami ng tao sa loob. Naghahanda na rin ang music team sa harap, inaayos na nila ang instrument nila at microphone. Ilang sandali pa ay nag-umpisa na rin. Una ay magkakantahan muna, sunod ay mag pre-preach ang pastor, pagkatapos no'n ay mananalangin saglit at uwian na.

"Ganito pala ang pagsisimba," tango-tango na sabi ni Abram habang palabas kami ng church. "Damien, sasama na ako sayo, lingo-linggo na rin ako magsisimba," nakangiting sambit niya at hinawakan pa ako sa balikat. Inalis ko naman ang kamay niya sa balikat ko.

"Sige," simpleng sagot ko.

"Teka," lumampas ang tingin sa akin ni Abram kaya inosente kong sinundan ang tingin niya—na sana pala hindi ko na lang ginawa. "Si Heizelle ba iyon?" untag niya sa akin.

Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko, dapat ba akong tumalon sa tuwa o masaktan o magulat? Saan doon? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong pipiliin ko dahil naghalo-halo na 'yon ngayon sa dibdib ko.

Nakatulala lang ako sa kanya habang nakikita ko siyang tumatawa sa kausap niya, halata na sobrang saya na niya ngayon at ang sigla sigla niya.

"Umuwi na tayo," mahinang sambit ko at una ng naglakad.

"Ha?—Hoy, Damien! Hintayin mo ako!" naririnig kong sigaw sa akin ni Abram pero hindi ko na siya pinansin. Hindi na ako lumingon. Dahil alam ko kapag ginawa ko 'yon baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko at ang emosyon ko.

Ayaw ko na. Tama na.

***

"HOY, Damien! Hintayin mo ako!" nabangga ako ng isang lalaki na mukhang hinahabol ang kasama niya. Hindi naman ako natumba dahil na-balance ko naman ang katawan ko.

Naalala ko tuloy ang napanood ko, bakit kaya 'yong babae agad-agad na natutumba kapag nabangga sila? Tapos ilang weeks lang, magiging sila na. Bangga lang then boom, may instant lovelife na. Pero ako, ilang beses na nabangga wala naman nangyaring ganon sa akin.

"Sorry miss, hinahabol ko kasi ang pinsan ko, sorry talaga," paghingi niya ng tawad sa akin. Iniangat ko ang paningin ko sa kanya. Gwapo,sakto ang kulay ng pagkaputi, matangkad, medyo singkit ang mata at may mapulang labi, nginitian ko siya ng tipid.

"Ayos lang, hindi mo naman sinasadya," sagot ko sa kanya. Nagtaka ako nong kumunot ang noo niya at parang may hinahanap na dumi sa mukha ko dahil sa paraan ng pagtingin niya sa akin.

Hala, manyak pa yata ito? Pero baka hindi naman, halatang galing siyang simbahan, e.

"Pamilyar ang mukha mo, miss," sambit niya sa akin na nanliit na ang mata. Ako naman ang kumunot ang noo sa sinabi ng lalaking nasa harap ko.

Napadaan ang mata niya sa likod ko at nanlaki ang mata niya.

"Sorry ulit miss, aalis na ako, bye," nagmamadalaling sambit niya at tumakbo paalis.

"Damien! Hintayin mo ako!"

"Sino iyon?" sulpot ng kaibigan kong si Kyrine, buhat buhat niya si Baby Abdiel.

Tinaas ko ang balikat ko bilang sagot at kinuha ko sa kanya si Baby Abdiel. Tumawa naman ang anghel namin.

"Magsisimba si baby Abdiel kasama si mommy," nakangiting sambit ko sa bata at hinalikan-halikan ito sa pisngi, leeg at tiyan.

"Hmmm, ang bango-bango mo talaga," nanggigigil na sabi ko.

Tuwing linggo nagsisimba kami ng buong pamilya ko at syempre kasama si Kyrine. May apat na sunday service ang church namin pero madalas kaming uma-attend ng second service, mas ayos kasi ang time niya simula 9 am to 11am. Parte na ng buhay namin ang pagsisimba, pakiramdam namin hindi kumpleto ang buong linggo namin kapag hindi kami nagsisimba.

"Oh nandiyan na pala ang Ideal husband mo— Kuya Gerwyn!" sigaw ni Kyrine, kaya napalingon ako. "Alam mo isang katulad niya ang gusto kong mapangasawa," bulong niya sa akin. Nakita kong ngumiti ang lalaki at lumapit sa amin.

Matangkad siyang lalaki, matipuno ang pangangatawan pero hindi 'yong nakakakilabot at higit sa lahat, maganda ang ngiti niya.

"Kyrine! Gumaganda ka lalo, ah," papuri niya kay Kyrine. Ngumiti naman ang bruha at mukhang kinikilig pa.

"Huwag ka ngang pa-fall kuya," usal niya at napaikot ko na lang ang mata ko.

Binalingan ako ng lalaki.

"Kamusta ang bakasyon mo? Nag-enjoy ka ba naman do'n?" tanong niya sa akin at ginulo ang buhok ko.

"Oo naging maganda ang bakasyon ko. Wala kasi kayo ni Kyrine doon," sagot ko ngunit pabiro kong sabi. Tumawa naman siya.

"Hindi mo kami na-miss? Ako hindi mo na-miss?" tanong niya at mabilis naman akong umiling.

"Paano ko kayo ma-miss? Kung pagbalik ko rito, magsasawa na naman ako sa mga mukha n'yo," nakangisi at mapang asar na sagot ko.

"Sus! Nagsisinungaling 'yan! Sabi niya sa akin miss na miss ka niya! Sadyang pakipot lang 'yan!" pagsabat ni Kyrine sa usapan kaya sinamaan ko siya ng tingin. Gumagawa na naman siya ng kuwento, e.

Tumawa ang lalaki at napatingin siya kay baby Abdiel, lumawak ang ngiti niya.

"Hi baby Abdiel, natutuwa ka ba kasama ang mommy mo?" pagkausap niya sa bata, pinindot pindot niya ang pisngi nito. Mataba kasi ang pisngi ni Baby Abdiel.

"Puwedeng pabuhat?" tanong niya na tila nahihiya sa akin. Halata ang kasabikan sa mukha niya.

Natawa ako sa tanong niya, "Syempre puwede, ikaw kaya ang tatay ni baby Abdiel," sagot ko at ibinigay sa kanya ang bata. Nang mabuhat niya ay agad niya itong nilaro at hinalikan-halikan sa katawan.

"Sinong love ni baby Abdiel? Si papa. Sinong love ni papa? Si baby Abdiel," sambit niya at nilaro ang ilong nila saka ito hinalikan sa magkabilang pisngi.

"Picture na lang talaga ang kulang, happy family na," napatingin ako kay Kyrine, gumawa siya ng box sa kamay niya at nakapikit rin ang isang mata niya na tila kinukuhanan kami ng litrato. Oo nga naman, tama naman kasi ang sinabi niya, nakangiti akong nakatingin sa mag-ama habang nilalaro naman ng ama niya ang anak niya. Happy family nga. Ang ganda sana talagang litrato.

"Gerwyn, kumusta? Hindi ko alam na makakasama ka naming magsimba ngayong lingo," sambit ni papa kasama niya si mama at kakarating lang nila, nauna kasi kami ni Kyrine at baby Abdiel.

Alangan naman ngumiti ang lalaki, "Biglaan din po kasi, ngayon lang po ako nagkaroon ng oras kaya po pinilit ko ng magsimba, nakaka-miss din po kasi ang church, sakto at nakita ko sila." Tiningnan niya kami ni Kyrine saglit bago ibinalik ang tingin kila mama at papa.

"Ah ganun ba, mabuti naman kung ganon. Pumasok na tayo sa loob baka maubusan tayo ng upuan at mapunta tayo sa likod," usal ni papa at naglakad na kami papasok sa loob ng simbahan.

"Nasaan pala si Caelyn?" tanong ni mama sa akin.

"Nasa trabaho raw ma, baka susunod na araw daw siya bibisita," sagot ko sa kanya. Napatango naman si mama.

Si Caelyn ay ang nakakatandang kapatid ko. Dalawa lang kaming magkapatid at tatlong taon ang agwat ng edad namin. Mabait siyang ate sa akin at miss na miss ko na siya, no'ng nakaraang linggo ko pa kasi siya nakasama bago ako nagbakasyon. Pamilyado na rin si ate , dalawa na sana ang anak niya kaso namatay ang anak niyang babae dahil sa isang sakit pagkalipas ng ilang taon binayayaan ulit siya ng anak.

"UMUWI ka muna sa bahay Gerwyn, at doon ka na kumain naghanda ako ng maraming pagkain at sayang 'yon kapag hindi naubos," anyaya ni mama sa lalaki pagkatapos ng simba, ayaw kasi niyang sumama at sa bahay na lang daw nila siya kakain.

"Ayos lang po tita, busog naman po ako at may pagkain naman din po sa bahay," nakangiting usal niya , maingat din siyang magsalita na hindi mao-offend si mama.

"Sayang naman, o sige ingat ka na lang sa pag-uwi. Sana sa susunod ay kumain ka na sa bahay," umaasang sambit ni mama at ngumiti ng marahan.

"Opo, sa susunod po," nakangiting sagot ng lalaki.

Binalingan niya ako at binigay sa akin si Baby Abdiel, "Ikaw muna ang mag-alaga sa kanya, ha? Paano ba yan aalis na ako, mamimiss mo lalo ako niyan," sambit niya na natatawa.

"Ba-bye na. Bye, baby Abdiel," paalam niya saka hinalikan sa baby Abdiel sa noo.

Sumakay na siya sa kotse niya. Bumusina muna siya bago niya pinaandar ang sasakyan. Itinaas ko ang kamay ni Baby Abdiel at ikinaway sa papalayong sasakyan.

NAKAHARAP ako sa laptop ko ngayon dahil may tinatapos akong nobela. Oo, isa akong manunulat pero tanging sulat at libro lang ang alam ng readers sa akin. Wala pang nakakakilala sa akin, hindi nila alam kung anong tunay na pangalan at istura ko.

"Anong ginagawa mo? Nagsusulat ka na naman ba?" Ito talagang si Kyrine parang kabute kahit saan-saan na lang sumusulpot. Agad kong sinira ang laptop ko at hinarap siya.

Hindi ko talaga trip na may nagbabasa habang nagsusulat ako. Nahihiya ako, parang pakiramdam ko ay nahuli ako sa akto na gumawa ako ng masama. Ganon ang feeling. Kaya hangga't maaari gusto ko ako lang mag-isa at nasa tahimik lang ako na lugar.

"Ubas, gusto mo?" tanong ko sa kanya. Kumuha ako nito at kumain ng dalawa. Ito kasi ang paborito kong prutas, hindi pwedeng mawalan ito ng stock sa fridge.

Bumasangot naman si Kyrine sa akin at halata ang sa mukha niya parang may hinanakit siya sa akin.

Anong nagawa ko?

"May kasalanan ka sa akin!" sambit niya at pinalo pa ako sa braso. Ang sakit. Ito ang klase ng hampas na hindi nakakatuwa.

"Ano naman iyon, ha?" tanong ko na inis sa kanya at hinihimas himas ang hampas niya. Ang bigat talaga ng kamay ng babaeng ito. Inilayo ko nga ang upuan ko sa kanya, mahirap na baka may sunod pang palo.

"Alam ko na kung bakit mo ako binilhan ng bag! Ang sama mo talaga!" Nagulat ako nang makitang umiiyak na siya habang hinahampas ako sa braso. Pilit ko naman sinasangga ang hampas niya.

"Walang hiya naman! Ikaw na nga ang binilhan ng regalo o ano man ang tawag mo do'n tapos ikaw pa ang may sama ng loob? Aba, mahiya ka naman, Kyrine!" sagot ko sa kanya.

"Hindi mo kasi ako naiintindihan! Nakakainis ka! Nakakainis ka, Caelian!" lumuluha na sambit pa rin niya.

Hindi na ako nakapagtiis kaya tumayo na ako at hinawakan ang dalawang kamay niya. Ang sakit sakit na ng hampas niya, e.

"Ano bang nginangawa mo, ha? Ang ingay-ingay mo baka magising si baby Abdiel," usal ko sa mahinang boses.

"Ih kasi naman, e! Sabi ko birthday gift mo na sa akin na magkatuluyan si Vanesse at Karlo pero hindi mo pa rin ginawa! Sinaktan mo pa rin si Vanesse! Wala kang puso! Dapat hindi ka na nagging author!" Napabukas naman bibig ko sa sinabi niya at tiningnan siya na hindi makapaniwala.

May bagong labas kasi akong libro at mukhang binasa ng babaeng ito. Pinabasa ko kasi minsan iyon sa kanya at nagustuhan niya, sinabi niya sa akin na dapat magkatuluyan ang bida. Na hindi ko man ginawa dahil iba ang nangyari sa nobela.

"Iyon lang?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya. Napahawak ako sa noo ko.

"Ano?! Anong 'yon lang? Masakit kaya sa puso 'yon! Hanggang ngayon, nasasaktan pa rin ako sa nangyari sa kanilang dalawa, alam mo bang hindi ako nakakain nong araw na 'yon?! Diba hindi mo alam? Ayan, dahil wala ka naman pakialam sa mararamdaman ng mga nagbabasa ng libro mo!" Hindi ko alam kung anong dapat kong maging reaksyon sa pinagsasabi niya. Hindi ko maintindihan ang pinaglalaban niya.

"Ang ibig mong sabihin, ayaw mo ng ending ng kuwento ko? Kaya umiiyak ka?" tanong ko at paglilinaw ko sa kanya.

"Oo!" mabilis na sagot ni Kyrine.

"Edi gumawa ka ng sarili mong nobela, mag-isip ka ng istorya para magawa mo ang gusto mong mangyari sa mga karakter mo," sagot ko sa kanya. Napasimangot naman siya at pinagpadyak-padyak ang paa.

"Mahirap naman ang pinapagawa mo, e!"

Hindi ko na siya sinagot. At kumain na lang ng ubas.

"Hindi ako sinungaling," sambit ko ng tumahimik ang paligid, tumigil na kasi sa pag-aarte si Kyrine. Mabuti na lang hindi nagising baby Abdiel. Pinatulog ko na kasi ang bata sa crib.

"Ano?" nagtatakang usal niya.

"Ayaw kong magsinungaling sa mga nagbabasa ng libro ko," Panglilinaw ko sa kanya. Kumportable kong nilapat ang katawan ko sa upuan at tumingin sa bintana ng kwarto ko. Kitang-kita dito ang puno namin sa labas na nagsasayawan dahil sa hangin at sumasabay rin sa ganda ang mga butuin sa kalangitan.

"Ayaw kong bigyan sila ng pag-asa sa mga bagay na wala naman kasiguraduhan at hindi naman nangyayari sa tunay na buhay. Katulad ng mga tragic na kuwento ko, tinuturo ko sa mga readers ko na ang pag-ibig ipaparamdam sayo ang saya at bubuuin ka ngunit darating ang panahon na ito rin ang dudurog at mangwawasak sayo, ngunit lahat ng iyon ay may matutunan ka at magiging lakas mo iyon sa darating na panahon. Saka isa pa, ang tragic stories hindi naman talaga malungkot, dahil hindi man nagkatuluyan ang dalawang bida sa nobela atleast minsan nagtagpo ang landas nila at may natutunan sila sa isa't isa." Napangiti ako sa huling sinabi ko at hinarap ang kaibigan ko. Tahimik na pala siyang umiiyak habang nakatingin sa akin.

"Kapag nagka-love life ako, sayo talaga ako hihingi ng advice," sambit ni Kyrine at pinunasan ang luha niya.

"Sa tingin mo pagbibigyan kita?" ngumisi ako na mapang-asar sa kanya.

"Edi hindi na kasi! Sige na lalabas na ako! Ituloy mo na ang sinusulat mo!" naglakad na siya paalis at padabog na sinira ang pintuan. Napailing nalang ako.

Katulad ng sinabi niya, ay tinuloy ko ang pagsusulat ko. Konti na lang kasi matatapos ko na. Pangatlo ko na itong libro, at lahat ng kuwento ko ay may masasakit na wakas. Sinusulat ko lang kasi ang nasa imahinasyon ko at tinitibok ng puso ko. Kapag nagsusulat ako, pakiramdam ko ay nasa ibang mundo ako. Nagagawa ko ang mga gusto ko at ayaw ko.

Gusto ko ang pagsusulat at ang pagbabasa, dapat kasi magkasama iyon dahil paano ka magsusulat ng isang libro kung ikaw mismo hindi mo mahal ang pagbabasa? Ewan, para sa akin kasi ayan dapat ang magkapareha lagi.

Napangiti ako nang matapos ko na ang isang libro ko saka ko sinend sa Editor ng Publishing company kung saan ako nagsusulat at pinupublish ang mga libro ko. Parang nakakatanga ba? Isa akong tragic author pero ang saya-saya ko pa. Sobra kasing sarap sa pakiramdam kapag nakatapos ka ng isang libro. Wala kang mapapalagyan ng kasiyahan mo. Pakiramdam mo ang sarap magwala at magsisigaw sa tuwa.

Tinatanong ako nila mama at papa kung sigurado ba raw talaga ako papasukan kong mundo at matapang ko naman silang sinagot na, "Oo, gusto ko talaga ito". Dito ako masaya at nakikita ang sarili ko. Wala man sinagot sila mama pero tinulangan nila akong makatapos at maabot ang pangarap ko. Sinuportahan nila ako hanggang dulo.

"Sabi ko na ba nagsusulat ka," napatingin ako kay mama, pumasok siya sa loob ng kuwarto at nilagay ang gatas sa table ko. "Ayan ang gatas mo anak, inumin mo habang nagsusulat ka," sambit niya habang nakangiti sa akin at hinihimas ang likod ko. Napangiti rin ako at niyakap siya sa bewang.

"Salamat ma," sambit ko. "Matutulog na rin po ako niyan, tapos na kasi ako magsulat at mag-edit."

"Ah ganon ba. Matanong ko lang anak, hindi sumasakit ang ulo mo? Para kasing ang hirap ng trabaho mo. Puro istorya, hindi ko iyon kaya," natawa ako ng mahina at humiwalay sa yakap.

"Hindi ko masabing madali, at hindi ko rin puwede sabihin na mahirap basta ang alam ko lang ay nage-enjoy ako sa ginagawa ko, diba ganon naman po dapat, ma?" tanong ko sa kanya.

"Oo naman anak, dapat mage-enjoy ka. Kaya nga pinipili natin ang gusto natin dahil alam natin na doon tayo magiging masaya," nakangiting tugon niya at inayos ang buhok ko. "Sige na matulog ka na. Alam kong napagod ka sa pagsusulat mo," sambit niya at kinuha ang tasa.

"Pero ma," pagpigil ko sa kanya, lumingon naman siya sa akin.

"Bakit?"

"Paano po kung pinili natin ang gusto natin pero hindi tayo naging masaya? Diba, sabi mo kapag pinili natin ang gusto natin magiging masaya tayo? Paano kung hindi ka naging masaya?" seryosong tanong ko kay mama. Tiningnan niya ako maigi at mukhang pinag-iisipan ang magiging sagot niya.

"Sabihin mo nga sa akin, Caelian Joy. May pinagdadaanan ka ba?" imbes na sagutin ang tanong ko ay tanong rin ang binato niya sa akin.

"Paano naman 'yan napasok sa usapan, ma?" tanong ko sa kanya.

"Wala naisip ko lang bigla, ang seryoso kasi ng mukha mo nong tinanong mo 'yon," sagot niya sa akin na

"Matulog na lang po tayo, antok lang po iyan," sagot ko at tumayo na sa upuan ko. Pumunta ako sa kama ko at inaayos na ito, nakita ko naman sa gilid ng mata ko na naglakad na si mama palabas ng pintuan.

"Caelian," tawag pansin niya sa akin.

"Huwag mo na po akong kulitin, mama," sagot ko sa kanya at tila pagod.

"Hindi anak," sambit niya. Nagtataka naman akong napatingin sa kanya.

"Ano po ang sasabihin mo?"

"Wala akong sasabihin sayo pero ako naman ang magtatanong sayo," may bahid ng pagkaseryoso ang boses niya kaya sumeryoso na rin ako.

"Ano ang tanong mo, ma?" tanong ko sa kanya pero nagtaka ako nong tumalikod siya at binukas ang pintuan.

"Hindi ko sasagutin ang tanong mo kanina pero tatanungin na lang kita ngayon," sambit niya. Nangunot ang noo ko at hindi maintindihan ang sinasabi niya. "Bakit mo iyon pinili kung alam mong hindi ka naman pala magiging masaya?" sambit niya at saka lumabas na kuwarto ko.

Natigilan ako sa narinig kong sinabi niya. Hanggang sa makahiga ako ay paulit-ulit kong naririnig ang sinabi ni mama.

"Bakit ko nga ba pinili ito?" mahinang bulong ko sa sarili ko at parang walang buhay na tumingin sa kisame.