Chapter 3 - Broken

NARARAMDAMAN kong nag-iinit ang gilid ng mga mata ko. Hindi puwede. Hindi na akong puwedeng umiyak na siya na naman ang dahilan. Hindi.

Natanggap ko na sa sarili ko na naka-move on na ako sa kanya ngunit ang taksil kong puso ay nalukot at nadurog muli ng masilayan ko siya.

Ang sakit. Masakit pa rin pala hanggang ngayon.

Two years ago...

"HEIZELLE, may problema ba tayo? Kung nagseselos ka, sinasabi ko na sayong wala ka dapat ikaselos sa kanila. Sila lang naman ang dikit nang dikit sa akin at lagi ko silang sinasabihan na layuan na nila ako dahil alam kong nagseselos ka. Pati nga kaibigan ko na babae ay nilayuan ko dahil sabi mo ayaw mong nilalapitan ko siya, gusto mo ikaw lang ang dumidikit na babae sa akin. Mahal kita Heizelle, huwag ka na magalit sa akin," malungkot na sabi ko habang hawak ang kamay ni Heizelle at nakadiretsong tingin sa mga mata niya.Hindi ko talaga gustong nag-aaway kami mas lalo bukas ay mag-to-two years and six months na kami.

Mahal na mahal ko ng sobra si Heizelle noon kaya lahat ng gusto niya ay sinusunod ko dahil ayaw kong nakikitang nalulungkot at nagtatampo siya kapag hindi ko sinunod ang gusto niya.

Nagalit siya sa akin dahil naabutan niya ang dalawang babae na matagal ng humahanga sa akin na lumapit sa akin at nong nakita niya 'yon ay bigla nalang siyang naglakad paalis kaya ngayon ay sinundan ko siya at sinuyo.

"Sawa na ako sayo, Damien. Parati ka na lang may rason. Kapag naabutan kong lumapit ang dalawang babae na 'yon lagi mong sinasabi na pinagsabihan mo na sila kahit hindi naman! Kung pinagsabihan mo talaga sila hindi naman lalapit sayo 'yon! Pati 'yang bestfriend mong babae makati din 'yan, e! Simpleng landi lang din sayo! At nagpapalandi ka naman! Sawang-sawa na ako sayo, Damien. Ilang ulit ko bang sasabihin sayo na selosa ako! Gusto ko sa akin lang ang umiikot ang mundo mo! Gusto ko sa akin lang ang atensyon mo at wala ng iba!" napaawang ang bibig ko sa mga binitiwang salita niya. Ito ang unang beses na pinagtaasan niya ako ng boses at unang beses na nagsabi siya ng masama tungkol sa akin at sa kaibigan ko. Hindi ko matanggap, si Heizelle ba 'tong nasa harap ko? Napakalayo niya sa pagkakakilala ko.

"H-Heizelle, paano mo nasasabi ang mga salita na 'yan? Hindi ganyan ang pagkakakilala ko sa ugali mo," hindi mapigilang usal ko sa kanya.

Pinunasan niya ang luha niya. Umiiyak na pala si Heizelle kaya pala pumipiyok siya sa magsalita kanina. Nakaramdam ako ng lungkot sa dibdib ko, pinaiyak ko ang babaeng mahal ko. Lumapit ako sa kanya upang ako na ang magpunas ng luha niya subalit umatras siya at pinigilan ako gamit ang kamay niya.

"H-Huwag kang lumapit," gumagaralgal ang boses na sambit niya at patuloy ang pagbuhos ng luha niya ngunit hindi ko siya pinakinggan kaya naglakad ako palapit sa kanya. "Sabi ng 'wag ka ngang lumapit! Ang kulit kulit mo, Damien!" sigaw niya sa akin kaya huminto ako sa paglapit.

"Okay sige. Hindi na ako lalapit basta huwag ka lang umiyak. Please." Malungkot na sabi ko at pagpayag ko rin sa gusto niya.

Marahas niyang pinunasan ang luha niya gamit ang likod ng palad niya at lumanghap ng hangin bago ako hinarap.

"Nahihirapan na ako, Damien. Baka ito na ang panahon...baka ito na ang na oras para tapusin na natin ang relasyon natin."

Pakiramdam ko ay tumigil sa pagtibok ang puso ko sa sinabi niya at parang nabingi ako.

Ganon ba 'yon? Kapag nahihirapan na, dapat ba talagang sumuko na? Hindi naman yata tama 'yon.

"A-Ano?" nauutal na pagpapaulit ko sa kanya.

"Ayaw ko na, Damien. Tapusin na natin ang relasyon natin," muling sambit niya at nakita ko kung paano tumulo ang luha niya.

Nakaramdam ako ng pagpunit at pagpiga sa dibdib ko. Sa una ay kumikirot ngunit habang tumatagal ay bumibigat at sumasakit.

"B-Bakit? Dahil ba sa kaibigan ko? Dahil ba sa dalawang babae? S-Sorry. Pangako mas lalayuan ko pa sila at pagsasabihan na huwag na silang lumapit sa akin. B-Basta 'wag lang ang ganito. H-huwag kang makipag-break sa akin," nagmamakaawang usal ko sa kanya at hindi ko mapigilan na tumulo ang luha ko. Napakasakit. Pakiramdam ko ay unti-unti akong pinapatay ng sakit sa dibdib ko.

Umiling naman siya at patuloy sa pagluha.

"Hindi. H-Hindi dahil kay Lhea o dalawang babae. Nakikipag-break ako dahil ito ang gusto ko. Ito ang gusto kong mangyari…matagal na"

Matagal na? Ibig sabihin may plano na talaga siyang makipag-break sa akin? Bakit? May nagawa ba akong masama? Nagawang mali? Lalong kumirot ang dibdib ko sa sinabi niya.

"P-Paano kung ayaw ko? Paano kung ayaw kong makipag-break sa akin?" tanong ko sa kanya at hindi nag-abalang punasan ang mga luha ko. Wala na akong lakas. Wala na akong lakas kahit pagpunas ng luha ay hindi ko magawa.

"Ayan! 'yan ang dahilan kung bakit ayaw ko na sayo! Lagi na lang ang mga gusto mo ang masusunod! Kung ano ang gusto mo, 'yon ang mangyayari! At ngayon naman?! Gusto ko ng makipag-break, ayaw mo na naman! Damien naman! Kahit isang beses lang pagbigyan mo naman ako!"

"Paano ako papayag kung ang gusto mong mangyari ay makipaghiwalay sa akin? Malamang, Heizelle, ayaw ko no'n. Mahal kita. At ayaw kong makipag-break ka sa akin."

Nagdikit ang labi niya at dinaanan ng kamay niya ang mahaba at malambot na buhok niya, halatang hirap na hirap na siyang mag-explain sa akin.

"Pumayag ka na, please. Tapusin na natin ang relasyon natin. Napaka-toxic na. Hindi na tayo nagkakaintindihan at puro away nalang tayo. Oo, magbabati tayo pero pagkalipas lang ng ilang araw ay mag-aaway na naman tayo. Hindi ka ba nagsasawa? Ako kasi sawang sawa na. Nakakapagod na." Bakas ang pagod at hirap sa boses niya.

Nagsasawa na ba talaga siya? Nakakapagod na ba talaga? Nakakapagod ba talaga akong mahalin? Baka nga. Sinabi na niya e. Lumabas na sa bibig niya.

"Kailanman ay hindi ako nagsawa at nakaramdam ng pagod, Heizelle." Malungkot na sabi ko na nakatingin sa mga mata niya. Gusto kong maramdaman niya na totoo at tunay ang sinasabi ko sa kanya. Nakita ko kung paano lumambot ang ekspresyon niya ngunit mabilis lang 'yon at nawala agad.

"Puwes ako sawang-sawa na at napagod na. Kaya kung maaari, pumayag ka ng tapusin ang relasyon na 'to. Maawa ka sa akin, Damien." May pagmamakaawa sa boses niya at walang tigil ang pagdaloy ng luha sa mga magagandang mata niya.

May parang humiwa sa bandang dibdib ko. Napakasakit dahil nagmamakaawa ang babaeng mahal ko na makipaghiwalay na sa akin.

Ganito ba talaga kahirap ang pinagdaanan niya sa panahon na kasama niya ako? Kaya gustong gusto niya ng makipaghiwalay sa akin? Ang sakit naman non. Pakiramdam ko ay naging pasakit lang ako sa dalawang taon na magkarelasyon kami.

Lumapit ako sa kanya at mahigpit na niyakap siya. Ayaw kong tanggalin ang yakap ko sa kanya dahil pakiramdam ko sa oras na bitawan ko siya ay tatakbo na siya palayo sa akin.

"A-Ayaw ko. A-Ayaw ko, Heizelle. Tawagin mo na akong selfish pero ayaw kong makipag-break ka sa akin. Please. Huwag mo akong iwan. Mahal kita. Mahal na mahal." Lumuluhang sambit ko habang mahigpit na nakayakap sa kanya. Nararamdam ko na gusto niyang makawala sa akin ngunit mas hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya. Ayaw kong umalis siya at tuluyan iwan ako. Hindi pwede.

"Damien, pakawalan mo na ako. Hayaan mo na akong umalis," usal niya at pilit na kumakawala sa yakap ko.

"No. Hindi pwede. Ayaw ko." Paulit-paulit na sabi ko sa kanya habang nakayakap sa kanya. Tawagin na nila akong parang tanga dito pero wala akong pakialam. Mas mahalaga sa akin na manatili ang babaeng yakap-yakap ko ngayon.

"Damien! Ano ba! Bitawan mo nga sabi ako e!"

"Ayaw ko...ayaw ko."

Mas nilakasan niya ang puwersa niya at dahil don ay nakawala siya sa akin.Kita ko kung gaano kasama ang tingin niya sa akin kahit pa natatakpan yon ng mga luha niya.

Galit siya sa akin.

"Damien, makinig ka sa akin! Ayaw ko ituloy ang relasyon na 'to! Kaya please lang pagbigyan mo na ako!" pinunasan ko ang luha sa mukha ko gamit ang dalawang palad ko at tiningnan siya.

"Ayaw ko nga sabi, e! Ayaw kong makipaghiwalay ka sa akin! Ano ang hindi mo maintindihan do'n?!" medyo napalakas ang boses na sabi ko sa kanya. Halo halo na ang emosyon sa dibdib ko at hindi ko na alam ang pinanggagawa ko.

"Kasi nga matagal ko ng gustong makipaghiwalay sayo! Matagal na matagal na! At ngayon napagtanto ko na kahit anong gawin ko hinding hindi kita matutunan mahalin!"

Natigilan ako sa sagot niya at gulat akong nakatitig sa kanya.

"Hindi ko gustong sabihin 'to pero kung ito ang paraan para makawala sayo, gagawin ko,"sambit niya na nakatingin mismo sa mga mata ko. Nakikita ko ang katapangan at kaseryosohan sa mata niya. "Naalala mo ba yong panahon na tinanong mo ako kung pwedeng maging girlfriend mo?"tanong niya sa akin.

Mabilis na bumalik sa alaala ko ang panahon na yon, kung kailan tinanong ko siya at sinagot niya ako ng matamis na, "Oo". Tuwang tuwa ako sa araw na yon at walang mapaglagyan ang kasiyahan sa puso ko.

"Diba isanama mo pa ang mga kaklase ko at kaklase mo sa plano mo? Naghanda ka ng engrandeng supresa sa akin nong araw na 'yon at ginawa mo 'yon sa gitna ng quadrangle. At mayamaya pa tinanong mo na ang tanong na ayaw kong itanong mo sa akin...iyon ay tanungin mo ako kung pwede akong maging girlfriend mo," ramdam ko ang kalabog ng puso ko. Gusto kong tumakbo palayo at hindi ko na gusto pang marinig ang susunod na sasabihin niya ngunit ang mga paa ko ay hindi makagalaw at napako na lang sa lupa.

"Kinakabahan ako nong araw na iyon at nahihiya. Hindi ko alam kung anong isasagot sa tanong mo dahil unang-una ay hindi pa ako handa sa stage na iyon at wala pa naman akong nararamdaman sayo. Naririnig ko ang mga schoolmate natin na sumisigaw na mag-yes ako sayo. Tiningnan ko sila, halata na umaasa sila na sasagutin kita saka ako tumingin din sayo non, may pag-asa sa mga mata mo at maganda ang ngiti mo. Naisip ko nga non na parang ako lang ang hindi naging masaya sa nangyayari. Nalulungkot ako para sa sarili ko non. At sa dulo ay sinagot kita ng 'Oo' dahil natatakot akong mapahiya ka at sirain ang kasiyahan na nadarama ng mga ka-schoolmate natin."

Gumuhit ang sakit sa dibdib ko. Bumabaon at humahapdi.

"I-Ibig sabihin mula umpisa napipilitan ka lang pala?" nanghihinang tanong ko sa kanya.

Akala ko ay pareho kaming masaya nong araw na sinagot niya ako ngunit...mali pala ako.

"Naipit ako Damien, masyadong magulo sa isip ko ang nangyayari kaya sa huli mas pinili kong sagutin ka."

"T-Tama na. Ayaw ko ng marinig ang sasabihin mo. Masyado ng masakit. Umuwi na tayo, hatid na kita sa bahay n'yo," pilit na pinapa-normal ang boses na sabi ko kahit sa dibdib ko ay naghihinalo na sa sobrang sakit na nararamdaman ko.Hinawakan ko ang kamay niya para yayain umalis ngunit pinigilan niya ako.

"Damien," tawag niya sa pangalan ko at nanghina naman ang tuhod ko.

Lakas loob kong hinarap siya at hindi ko na napigilan ang emosyon na kanina ko pa tinatago.

Pinakita ko sa kanya na nasasaktan at nadudurog ako sa mga binitawang salita niya.

Gamit ang isang braso ko ay tinakpan ko ang mga mata ko at hinayaan ko na mapakinggan niya ang hikbi ko.

Sobrang sakit na.

Hindi ko alam kung ilang minuto akong umiiyak sa harap niya. Pinabayaan niya lang ako at hindi niya man lang ako nilapitan para i-comfort ako.

Pinunasan ko ang luha ko at tumingin sa bughaw na langit para pigilan ang luhang gusto ulit tumulo. Tiningnan ko siya at nakikita ko ang lungkot sa mga mata niya.

"H-Hindi ka ba naaawa sa akin? Hindi ka ba marunong makiramdam? Nasasaktan ako, Heizelle. Durog at wasak na ako kung hindi mo pa alam."

Dahan-dahan siyang lumapit sa puwesto ko at napapikit ako nang hawakan niya ang mukha ko para punasan ang luhang bumabagsak sa mga mata ko.

"Maniwala ka man o hindi, sinubukan kong mahalin ka p-pero," sambit niya at nabasag ang boses niya. Sinalubong ko ang tingin niya sa akin. "Totoo pala ang sinabi nila, na ang pagmamahal ay hindi pinipilit at tinuturuan," lumuluhang sambit niya at nakatingin sa mga mata ko. "Mabait ka, malambing, maintindihin...madami akong dahilan para mahulog sayo kaya dumating din ang araw na nagkagusto ako sayo, hindi ako nakipag-break dahil naniniwala pa akong mas lalalim pa ang nararamdam ko...na hindi man nangyari. Sinusubukan ko, Damien pero wala talaga, wala akong maramdaman sayo na mas higit pa."

Tumulo ang mainit na luha sa mga mata ko. Inipit niya sa dalawang kamay niya ang mukha ko at pinagmasdan niya ako.

"I really like you, Damien. Sa totoo lang kung natuturuan talaga ang puso, hindi ako magdadalawang isip na sayo na lang sana tumibok ito....pero nasa reyalidad tayo, at ang ang reyalidad na iyon ay hindi kita makukuhang mahalin. Ayaw kong unfair sayo, mabuti kang tao at ayaw kong lokohin ka. Sapat na siguro ang dalawang taon at gusto ko ng magpakatotoo. I'm sorry, Damien but I'm breaking up with you"

I'm sorry, Damien but I'm breaking up with you.

Nagpaulit ulit sa pandinig ko ang huling sinabi niya. Natulala lang ako at nakatingin ng diretso sa kanya. Ngumiti siya ng malungkot sa akin at inayos ang buhok ko katulad ng madalas na ginagawa niya.

Tumulo ang luha ko habang nakatingin sa kanya na ginagawa 'yon. Ito na ang huling pagkakataon na mararamdam ko ang mga haplos niya. Wala nang susunod pa.

Lumuluha niyang hinaplos ang mukha ko na parang sa isip din niya ay ito na na huling beses na magagawa niya 'yon sa akin. Naipikit ko ang mga mata ko nang tumingkayad siya sa akin at dinampi ang labi niya sa pisngi ko...kasunod sa noo.

Lalong bumuhos ang mga luha ko. Hindi ko na kaya ang sakit. Sobra-sobra na.

Dinama ko ang labi niya na nakalapat sa noo ko.

At sa pagdilat ng mata ko,

Naglalakad na siya palayo sa akin.

NAKASANDAL ako sa pintuan habang nakatingin sa mga bubong ng mga kapit bahay ko. Maliit lang ang balcony namin sa bahay, tatlong lakad lang at 'yon na ang hangganan, katabi rin nito ang kuwarto ni Abram. Nakatingin lang ako sa mga ilaw ng mga bahay at ilaw sa daan sa lugar namin. Napakasarap din ng hangin.

Uminom ako sa lata na hawak ko. Kapag nag-iisip isip ako, ito ang iniinom ko dahil ito lang ang nagpapakalma sa akin. Naramdam ko ang pagpadaloy nito sa lalamunan ko. May hagod ito at napapikit ako.

Delmonte four seasons.

Ang sarap talaga nito. Manamis-namis.

"Iba rin ang trip mo no, pre? Kung ang iba ay red horse o emperador ang tinutungga kapag broken hearted, ikaw naman Delmonte four seasons...grabe!" iling-iling na sabi ni Abram at lumapit sa akin. Sumandal din siya sa pintuan ngunit nasa akin siya nakaharap.

"Uminom ka rin kasi. Meron pa don sa fridge. Pero isa lang ang kunin mo ha? Akin ang lima do'n," usal ko sa kanya at uminom ulit.

Hindi talaga ang magsasawa sa lasa nito. Ang sarap kasi at matamis.

Hindi siya sumagot sa akin kaya napalingon ako sa kanya. Nakatingin siya ng seryoso sa akin at pinag-aaralan ang mukha ko. Alam ko na kapag ganito siya, sigurado seryoso ang sasabihin nito.

"Aminin mo nga, Damien. Mahal mo pa ba si Heizelle?" seryosong tanong niya at nakatingin ng diretso sa mga mata ko. Mukhang tinitingnan niya ng mabuti kung anong magiging reaksyon ko at sasabihin ko.

Kilala niya si Heizelle dahil kasabwat ko rin siya noon sa pagliligaw at pagpapapansin ko kay Heizelle dati. Kilalang-kilala niya ito at saksi rin siya sa mga panahon na naging magkarelasyon kami ni Heizelle.

Madalas puro kalokohan at palabiro si Abram pero kapag nagseryoso na siya, minsan maiilang ka dahil hindi ka sanay na nakikita mo siyang ganito. Nakakakilabot siya kapag seryoso.

Bumuntong-hininga ako at tinanggal ang tingin sa kanya saka muling tumingin sa tanawin na nasa harap ko.

"Hindi ko alam," sagot ko sa kanya.

"Anong hindi mo alam? Oo o hindi lang ang gusto kong marinig na sagot. Ano nga? Mahal mo pa ba siya?" tanong niya muli sa akin.

Uminom ulit ako ng Delmonte four seasons at tinapon ito nang wala ng laman. Sinipsip ko at dinalaan ko ang labi ko dahil may naiwan pang tamis do'n.

Napaisip ako sa tanong niya. Pinakiramdam ko ang puso ko, kung ano talaga ang totoong nararamdaman ko.

"Hindi. Hindi ko na siya mahal," sagot ko sa tanong niya.

Oo, totoo yon. Wala na akong nararamdaman kay Heizelle. Hindi ko na siya mahal.

"Pero...alam mo iyon? Sigurado na akong wala na akong nararamdaman sa kanya. Pero hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko nang makita ko ulit siya. Naramdaman ko ulit ang parehong sakit dalawang taon na ang nakakalipas," pag-aamin ko sa kanya at nakinig naman siya ng mabuti sa akin base sa paglaki ng tenga niya.

"Hindi kaya...pinapaniwala mo lang ang sarili mo na naka-move on ka na kahit hindi naman? Sa totoo lang kasi, hindi ganyan ang ini-expect kong magiging reaksyon mo. Akala ko ayos lang sayo at parang wala na lang sayo ang pagdating niya rito sa Pampanga pero hindi pala. Mali pala ako. Dahil sa totoo, may nararamdaman ka pa rin sa kanya." Kumunot ang noo ko sa sinabi niya at nanliit ang matang tiningnan siya.

"Paano mo naman nasabi na mahal ko pa siya?" tanong ko sa kanya.

Ngumisi siya sa akin, "Mag-tatatlong araw ka na kasing wala sa sarili. Para kang may sariling mundo. At sa sinabi mo kanina, walang ng stock ng Delmonte four seasons do'n sa fridge dahil sa sunod-sunod na inom mo."

Nakuha niya ang atensyon ko. Totoo ba 'yon? Tatlong araw na raw akong wala sa sarili? Ibig sabihin tatlong araw na din ang nakalipas ng makita ko ulit siya? Hindi ko napansin.

"See? Hindi mo alam, 'no? Bangag ka kasi. Sa tuwing tinitingnan nga kita pakiramdam ko ay may tangang sasanib na kaluluwa sa katawan mo at bigla ka na lang pupunta sa bahay nila Heizelle para magmakaawa ulit para balikan ka niya," walang preno na sambit niya sa akin at hindi man lang ako nakailag, sapol na sapol ako.

"Hindi na ako magmamakaawa sa kanya. Tapos na ako do'n. Hindi ko na ulit gagawin iyon. Graduate na ako pagiging tanga," nakangiwi kong sagot sa kanya. Sa tatlong araw na nakalipas ay hindi ko man naisip na gawin yon. Baka noon maiisip ko pa pero ngayon hindi na. Ayaw ko ng magmakaawa para balikan at mahalin niya ulit ako. Nakakasawa magsuyo sa isang taong wala naman pakialam sayo.

"Oo, mabuti 'yan!" tango-tango na sambit niya at proud pa akong tinapik sa balikat. "Nagugutom ka na ba? Nagluto ako ng adobo, ribs ng baboy iyon!" nakangising sambit niya at nagpintig ang tenga ko.

"Totoo ribs ng baboy? Bilis kain na pala tayo. Nagugutom na ako." Napahimas pa ako sa tiyan ko at nauna nang naglakad pababa ng hagdan. Nagutom ako bigla.

Dumiretso ako ng kusina at naghain na ng kanin sa aming dalawa pagkatapos ay binuksan ko rin ang kaserola kung saan niluto ni Abram ang adobo. Naamoy ko ang pinaghalong tuyo at anghang ng adobo. Kumalam lalo ang tiyan ko.

Kumuha ako ng lalagyanan at nilagay don ang adobo saka ito nilapag sa lamesa.

"Abram! Kain na tayo!" sigaw ko sa kanya at sakto naman na dumating siya.

"Kapag talaga gusto mo ang ulam, nawawala ka agad, e." sambit niya at umupo sa harap ko.

Kumuha na kami ng ulam at nagkatinginan kami. Ngumisi kami sa isa't isa at kumuha ng isang karne sa plato namin.

"Ang mga lahi ng Cadenza ay masasarap kaya dapat babae ang nangangarap!" sabay na sabi namin at pinagdikit ang karne namin na parang mga baso at tawa-tawa kaming nagpatuloy sa pagkain.