"AH! ang sakit!" nakangiwi na sabi ni Kyrine habang pinipindot pindot ang tigyawat niya, nakaharap siya ngayon sa salamin. "Bakit kasi sa dinami-dami naman ng lugar na pwede niyong pagtambayan sa gilid ng ilong ko pa? Mga lapastangan kayo!" naiiyak na usal niya habang nakatingin sa tigyawat niya.
Umalis na ako sa pagkakasandal sa gilid ng pintuan at umupo sa sofa.
"Huwag mo kasi pansinin. Kasi kapag pinapansin mo raw iyan, lalong dumadami," sambit ko na hindi tumitingin sa kanya at kinuha ang remote control saka binuksan ang television.
"Totoo ba 'yan? Parang hindi naman. Hindi ko man talaga pinapansin, ngayong araw lang dahil masakit. Pakiramdam ko nga naglalandian ang mga pimples ko kaya bawat araw dumadami," inis na sambit niya.
"Ang bibig mo, Kyrine," tiningnan ko siya ng nagbabantang tingin at tumingin ulit sa pinapanood.
"S-Sorry. Ih kasi naman, e! Ang sakit talaga!" reklamo ulit niya.
"Huwag mo kasi hawakan. Madumi ang mga kamay natin kaya kapag hinawakan mo 'yang nag-iisang pimples mo sa gilid ng ilong. Baka talaga dumami 'yan." Pangangaral ko sa kanya.
Tiningnan ko siya at nakanguso na siya sa akin. Honestly, Kyrine is beautiful. Inaamin ko rin na mas maganda siya sa akin kaya kung pagsasamahin mo kami at naglakad kami sa isang mall, masasabi ko na siya ang unang-una mong mapapansin kesa sa akin. Simple lang akong babae habang si Kyrine kahit ano yata suotin nito, maganda pa rin habang ako kailangan ko pa mag-ayos at magsuot ng maganda para gumanda.
Maputi at makinis ang balat. May matangos na ilong. May magandang katawan. May malaking hinaharap at may puwet. At higit sa lahat may nakakahangang mukha.
"Depende na lang kung may nagugustuhan ka. Sabi nila kapag may pimple raw, ayan daw ang crush mo," hindi ko mapigilang mapangisi.
Kumunot ang noo niya at tumalim ang tingin sa akin.
"Seriously, Caelian Joy? Ako may nagugustuhan dahil may pimple sa mukha? We are not teenager anymore. Pambihira ka may anak ka na't lahat naniniwala ka pa sa mga ganyan," nakangiwi na sambit niya sa akin at tumabi sa akin sa pagkakaupo.
"Bata pa rin naman tayo," kibit balikat ko at nagpokus sa pinapanood.
"Hindi. Dalaga na tayo. Ako magandang dalaga tapos ikaw dalagang-ina," natatawang sambit niya at nakitawa rin ako.
Sanay na ako sa pang-aasar niya sa akin na ganyan, pero syempre diba minsan kahit na ayos lang ay may konting kirot pa rin? Pinababayaan ko na lang tutal kaibigan ko naman siya.
Sabay kaming napalingon ni Kyrine sa kuwarto ko nang marinig ang iyak ni baby Abdiel. Mabilis akong tumayo para pumuntang kuwarto. Pinatulog ko kasi baby Abdiel sa crib kaya pinabayaan ko muna at ngayon gising na siya baka naiinitan dahil electric fan lang ang gamit namin sa bahay.
Lumapit ako sa crib at binuhat ang baby Abdiel.
"Nandito na si mommy, huwag ka na iyak baby Abdiel. Naiinitan ba ang baby namin?" pagpapatahan ko sa bata at mas nilakasan ang electric fan.
Isang taon na si Baby Abdiel at napakalusog na bata kaya sino man makakita sa kanya ay matutuksong kurutin ang hita at pisngi niya.
Dahil sa paghimas-himas ko sa likod niya at paghalik ay tumigil sa pag-iyak si Baby Abdiel.
"Nasaan ba ang ate Caelyn mo?" tanong sa akin ni Kyrine na kasama ko pala pumunta sa loob. Tiningnan ko siya at pilit na ngumiti.
"Hindi ko alam, e. Pero alam ko sa susunod na araw, magpapakita naman siya."
"Mag-ate nga talaga kayo. Pero ikaw alam mo ang responsibilidad mo bilang ina pero ang ate mo—ewan ko," naiiling na sambit niya sa akin at napatahimik naman ako.
"Oh, ang pekeng asawa mo? Kailan naman daw niya ulit bibisitahin ang anak niya sayo?" tanong niya sa akin at dahil do'n ay inalis ko ang tingin sa kanya.
"Wala akong asawa, Kyrine, " mabilis na sagot ko. Totoo naman kasi, wala naman talaga akong asawa.
"Sus! Anong wala? Ano 'yan nabuo lang si Baby Abdiel dahil sa pagsasarili mo? Aba syempre may kasama kang gumawa sa kanya. Ano nga? Kailan pupunta si Kuya Gerwyn?"
Oo tama. Si Kuya Gerwyn ang ama ni baby Abdiel. Masuwerte nga si Baby Abdiel dahil siya ang ama nito. Responsable at mapagmahal na tatay si Gerwyn.
"Tumawag siya kanina sa akin, sabi niya bukas daw pupunta siya para bisitahin si Baby Abdiel."
Napakagat sa labi si Kyrine habang may nakakalokong ngiti sa akin saka niya ako sinundot sa tagiliran kaya napaiwas naman ako.
"Ayie! Kilig naman ang bilbil mo, 'no? Bibisitahin ka niya bukas." Pang-aasar niya sa akin at hindi ko mapigilang mapangiti dahil taas baba ang kilay niya.
"Ano ba!" sambit ko at pinigilan ang kamay niya. "Si baby Abdiel ang bibisitahin niya at hindi ako. Saka isa pa tigilan mo na nga ang pang-aasar sa aming dalawa;" suway ko kay Kyrine.
"Gustong-gusto mo naman kaya! Kunwari ka pa! Hmp! At syempre dinahilan niya lang ang bata pero sa totoo lang talaga ikaw ang gusto niyang makita! Miss na miss ka na non! At hindi biro ang tatlong araw, ah!" sambit niya at hinampas pa ako sa braso ngunit napatigil siya at gumuhit ang ngisi. "Hala! Mag-ready ka na bukas, Caelian. Nafe-feel ko ng masusundan na si Baby Abdiel!" usal niya at malakas na tumawa habang ako ay namula ang mukha sa hiya.
"T-Tumigil ka nga!" nauutal na suway ko sa kanya.
"Uy! Namumula si Ateng! Hoy may anak na kayo, tigil tigilan mo ko, Caelian sa kaartehan mo."
Napalabi naman ako. Ang bibig talaga ng babaeng ito napakatalas, e.
Inis kong inalis ang tingin sa kanya at nginitian si baby Abdiel. Hinawakan ko ang puwetan niya at doon ko napagtanto na puno na pala ang diaper niya kaya yata umiiyak siya kanina.
"Puno na pala ang diaper ng baby Abdiel, sorry po. Papalitan ka na ni mommy ng bagong diaper"
Hiniga ko siya sa kama ko at tinanggal ang diaper niya. Puno ng ihi ang diaper niya. Tinanggal ko ito at tinupi ng maayos saka ako kumuha ng bagong diaper at sinuot sa kanya.
"Mabango na ulit ang baby namin!" usal ko at tinayo ang bata sa kama. Tuwang-tuwa naman niyang pinalakpak ang kamay niya. Tumutulo ang laway ni Baby Abdiel kaya kinuha ko ang towel at pinangpunas sa bibig niya.
Masasabi ko na hindi biro ang maging isang ina. Oo, very fulfilling siya sa part natin mga babae o bilang isang magulang pero masasabi ko na napakahirap nitong gawain. Napakahirap, nakakapagod, nakakapuyat, at nakakakain ng oras kaya dapat bago ka pumasok sa ganitong stage ay dapat handa ang buong pagkatao mo dahil ang trabaho na ito ay walang day off at hindi ka rin makakahingi ng leave kahit isang araw. Dahil ang trabaho na ito ay pang-habang buhay. Pero gano'n pa man, masasabi ko rin na masaya rin ito mas lalo kung nakikita mo ang anak mo na nakangiti sayo at doon mawawala ang pagod na nadadama mo. Ganon yata talaga kapag isang magulang ka na. Ang ngiti ng anak mo ang makakawala ng pagod na nararamdaman mo.
"Caelian, punta naman tayong mall, oh. Sama na natin si Baby Abdiel. Nakakabagot kasi, e," sambit ni Kyrine na nakanguso at umupo sa kama paharap sa akin.
"Hindi pwede. Dito nalang kami baby Abdiel at saka may uumpisahan akong manuscript," sagot ko sa kanya.
Mas lalong humaba ang nguso ni Kyrine.
"Sige na kasi. Hindi ka ba nababagot dito sa bahay n'yo? Ako ang nakakaramdam ng pagkabagot sayo, e. Laptop lagi ang kaharap mo buong maghapon. Magsaya ka naman paminsan minsan."
Kailan pa naging kabagot-bagot ang pagtambay sa bahay? Sa bahay magagawa mo ang gusto mo. Makakain ka at pwede kang humilata sa kama mo buong araw. Hindi 'yon nakakabagot sa akin. Idagdag mo pa na nagbabasa ka ng isang libro habang nakahiga.
"Ayaw ko. Ikaw na lang," mabilis na sagot ko sa kanya.
"Sige na kasi!" pagpupumilit niya pa at niyugyog ang balikat ko kaya pati si Baby Abdiel ay gumalaw.
"Ano ba! Baka mahilo si Baby Abdiel!" suway ko sa kanya.
"Alis na kasi tayo! Ako ang magbubuhat kay baby Abdiel basta samahan mo lang ako," nakipag-negotiate pa ang bruha.
"Ano ba kasing gagawin mo do'n?" tanong ko sa kanya na nakakunot ang noo.
"Wala naman. Magtitingin lang ng mga damit o kaya bibili ng make up sa watsons basta kahit ano!" sagot niya at kinuha sa akin si Baby Abdiel saka niya binuhat.
"Wala ka naman mapapala sa mga binibili mo, e. Mapapagastos ka lang," naiiling na sambit ko at tumayo na.
"Ang dami naman dada! Kumilos ka na lang. Hintayin ka namin sa labas ni baby Abdiel." nakangiting usal niya at humalik pa sa pisngi ko bago lumabas.
"Aba't—"
"Bilisan mo!" sambit niya at pabagsak na sinira ang pintuan. Napabuntong hininga na lang ako.
"YEHEY! Kakain kami sa Jollibee! Look baby Abdiel, ang laki ng tiyan ni Jollibee, oh!" usal ni Kyrine kay baby Abdiel.
Nandito na kami ngayon sa Mall, actually kakarating lang namin pero itong si Kyrine nagyayang kumain dahil nagugutom daw siya.
Naglakad na kami papasok sa loob at umupo sa malapit na table at upuan.Lihim akong nagpapasalamat dahil hindi masyadong matao rito ngayon.Madalas kasi sa mga Fast food na ganito, parang sardinas ang mga tao sa dami, e.
"Anong order mo?" tanong ni Kyrine sa akin.
"One piece chicken with rice...bff fries and cokefloat...at...hmm sundae na rin" sambit ko na nakatingin sa menu na nakadisplay sa taas at tumingin sa kanya.
"Anong kamay na iyan?" nagtatakang tanong ko sa kanya.Nakalahad kasi sa akin ang kamay niya.
"Bayad mo."maiksing sagot niya.
"Hindi ba ikaw ang manglilibre?" takang tanong ko pa sa kanya. Diba siya ang lakas loob na nagyaya? Edi siya ang manglibre.
"No problem. Ako ang manglilibre basta magresign ka na diyan sa pagsusulat mo. Ikaw talaga, kaya nga diba nagsusulat ka para kumita? Anong silbi ng pera mo kung hindi mo gagastusin? Mabubusog ka ba niyan kapag hindi ka gumastos?"
Inirapan ko nga siya at padabog na kumuha ng bayad sa wallet ko.
Nagsusulat ako hindi para kumita, kundi para magbahagi ng mga istorya ng iba't ibang karakter. Kung makasalita 'to para naman ang laki ng kinikita ng writer na isang katulad ko.
"Ayan, oh," sambit ko at inilagay ang pera sa palad niya.
"Kulang pa," sambit niya at dito talaga ako nanlalaking mata na tumingin sa kanya.
"Anong kulang?" tanong ko at binilang ko pa ang pera sa palad niya. "Sakto lang kaya 'yan. May sukli pa nga akong tatlong piso, e."
"Oo sakto lang ang bayad mo. Paano naman ako? Nasaan ang bayad ng pagkain ko?"
"Ano?" hindi makapaniwalang sambit ko.
"Ibigay mo nalang ang pera para tapos na," parang nauubusan na pasensya na sambit niya.
Bulong bulong naman akong kumuha ng pera sa wallet ko at ibinigay sa kanya. Ngiting tagumpay naman siyang tumingin sa akin at inirapan ko lang siya.
Pumunta na siyang counter para mag-order at ilang saglit lang ay bumalik na siyang daladala ang pagkain namin.
Kumain na rin kami at nagkuwentuhan ni Kyrine. Sinusubuan ko rin ng pagkain si Baby Abdiel pero hindi madami dahil hindi healthy ang pagkain sa fast food at mas lalo bata pa siya.
Pagkatapos namin kumain ay pumunta na kaming boutique ni Kyrine kasama si baby Abdiel. Pumipili pili lang siya ng damit at nagrereklamo kapag mahal. At dahil tukso nga ang pagpunta sa mga ganito ay napabili rin ako ng damit.
Kasunod naman ay pumunta kaming watsons. Sa totoo lang hindi ako mahilig mag-make up kaya kahit 25 years old na ako, ang gamit ko lang ay powder at lip gloss o lip tint pero syempre kapag formal party ang pupuntahan ko, doon palang ako nag-ma-make up. Sabi nga nila, binabagayan 'yan.
Tiningnan ko ang hindi mabilang na mga babae sa loob ng watsons. 'Yong iba kasama ang bestfriend nila, ang iba mukhang mga mommy nila ang kasama at iba naman kasama ang mga boyfriend nila.
Hindi ko maintindihan ang mga kapwa ko babae. Bakit sila gumagastos para sa isang pirasong lipstick? Sa foundation? Sa facial mask? At mga kahit ano pang ka-ek-ekan.
Napapansin ko sa mga kababaihan ngayon, masyado silang napapamahal sa mga make up na 'yan. Kahit gaano pa 'yan kamahal basta pampaganda ay bibilhin at titirahin na nila, hindi ba natin alam na may natural na tayong ganda? Sa panahon kasi ngayon, ang tinuturing na maganda ay 'yong may patong-patong na make up sa mukha at hindi na ang may natural na ganda.
"Caelian, bagay ba sa akin ang lipstick ko?" tanong ni Kyrine sa akin at nag-pout pa sa harap ko. Pilit na ngumiti ako.
"Oo, bagay mo pero mas maganda pa rin ang natural na labi mo," sagot ko sa kanya. Totoo naman kasi, mamula-mula ang labi ni Kyrine kaya hindi niya na kailangan mag-lipstick.
Ngumiti siya ng malaki sa akin at pumuntang counter para bayaran ang lipstick niya.
"Kyrine, punta tayong book store," pagyaya ko kay Kyrine. Simula kasi na nagbakasyon ako nong minsan, hindi pa ako nakakapunta ulit do'n.
"Ay oo nga pala! Buti nagyaya ka may gusto pala akong bilhin na libro," nakangiting sambit niya at sabay kaming pumasok sa book store.
Nagningning ang dalawang mata ko nang makita ko ang mga nakahilerang mga libro. Ito ang gustong-gustong nakikita ng mga mata ko, ang makakita ng maraming libro. Ito ang dahilan kung bakit nagustuhan kong magsulat dahil mahilig ako magbasa at isang araw naramdaman ko na lang na gusto kong gumawa ng sariling libro. 'Yong makikita ko ang mga naisulat kong nobela sa isang book store at sa libro, nakasulat do'n ang pangalan ko.
Pumunta ako sa lugar kung saan nakalagay ang libro ng favorite author ko ngunit puro mga dati niya pa itong libro, mukhang wala pa siyang napa-publish na bago.
Ngumiti ako ng matamis bago lumipat sa isang lugar. Dito nakalagay ang mga na-publish na dalawang libro ko at baka susunod na buwan pa ipa-published ang bagong nobela na nagawa ko. Madami pa kasi pagdadaanan na proseso iyon bago ma-published.
Nakita ko na marami pang nakadisplay na libro ko, hindi naman kasi ako sikat na author katulad ng iba pero natutuwa pa rin ako kapag may bumibili ng libro ko. Ang sarap-sarap lang sa feeling.
"Besh ang ganda ng mga book ni Miss Keyl, 'no? Hindi ako mahilig sa tragic na kuwento pero kapag si Miss Keyl ang gumawa ay napapabili at napapabasa ako. Ang ganda kasi ng plot at ng mga binibitawang salita ng mga bida!"
Lihim na napangiti ako sa narinig.
Yes. Miss Keyl ang pen name ko.
"Ano bang meron sa author na 'yan? Bumili ka na lang libro ng mga international authors at siguradong may matutunan ka pa. Ayan— ano ulit ang pen name? Miss Keyl? Aba! Nong pinabasa mo ako minsan ng libro niya parang may galit sa mundo. Laging tragic ang kuwento. Parang hate na hate ang salitang happy ending!" Lihim na napairap naman ako.
Porket hindi happy ending, hindi na maganda? Hindi naman sa lahat ng oras ay masaya ang ending dahil depende 'yon sa takbo ng kuwento, kung deserve ba ng mga bida kung magkakatuluyan sila o hindi. Mga tao talaga, gusto lagi masaya.
At sa sinabi niya kanina, mas maganda raw ang mga international authors. Oo, tama magaling talaga sila magsulat at kakaiba talaga ang mga plot nila pero hindi ba niya naiisip na dapat tangkilikin niya rin ang libro na kalahi niya? Na kapwa Pilipino niya? Ito ang problema sa ating mga pinoy, ang hilig-hilig natin tangkilikin ang gawa ng dayuhan pero ang sariling gawa ay hindi pinapahalagahan.
Umalis na ang dalawang magkaibigan habang ako naman ay tiningnan ang book cover ng libro ko.
Naramdaman ko na may dumating ulit na tao at tumitingin-tingin din ng libro ko.
Medyo lumapit siya sa puwesto ko kaya napaurong ako.
Ramdam ko ang pagtitig niya sa akin pero hinayaan ko lang.
"I-Ikaw?!"
"Ako?!" nagulat ako kaya napasigaw din ako.
Tiningnan ko siya. Isang matangkad na lalaki. Malinis at maganda ang pagkakaayos ng buhok, naka-classic fringe with texture haircut siya. Umaalingasaw ang nakakalalaki ngunit nakakaadik na amoy. May matangos na ilong. May magandang hugis ng mukha. May katamtaman na kulay, hindi maputi at hindi rin maitim. May magandang pangangatawan. May maliit at nakakatuksong labi. At may dalawang magagandang mata.
Ngunit...
"Sino ka?" tanong ko sa kanya. Base kasi sa pagkakasigaw niya pagkakita sa akin ay kilala niya ako pero hindi ko siya kilala.
"Ikaw. Nakita kita sa—" nanlaki ang mata ko nang may mapagtanto ako.
I knew it! Kilala niya ako na ako si Miss Keyl!
Naaalala ko kasi nong minsan na may narinig akong nag-picture sa akin nong nasa isla ako nong nakaraan at ito na nga! Tama ako! Nakilala na ako ng mga tao!
Kaya bago niya pa tapusin ang sasabihin niya ay tinakpan ko na ang bibig niya at dinikit siya sa shelf ng mga libro. Mabuti dahil walang dumadaan na tao rito.
Mas naamoy ko ang nakakawala sa huwisyo na pabango niya. Hindi ko gusto ang mga pabango ng lalaki dahil masakit sa ilong ngunit ang isang 'to kapag naamoy mo ay hahanapin mo at hindi ka magsasawang amoyin.
Kitang-kita ko ang paglaki ng mata niya. Sino ba naman ba kasi ang hindi manlalaki ang mata kung tinakpan ko lang naman siya sa bibig at ang lapit-lapit ng katawan namin sa isa't isa?
Pasimple kong tiningnan ang isang kamay niya at napapikit ako dahil hawak niya ang bagong labas na libro ko. Mukhang fan boy ko pa 'to. Nalintikan na.
"Shhh...huwag kang maingay. Sa atin na lang kung nakita mo na ako. Bilang kapalit no'n, bibilhin ko ang libro na hawak mo at pipirmahan ko pa, deal?"
Sa mga kapwa author ko kasi, napansin ko na dinudumog sila ng fans kahit saan sila magpunta. Hindi nila ito binibigyan ng privacy. At ngayon ay naranasan ko na ito. Ganito pala ang feeling na may fan kang adik na adik sayo. Hindi ko alam kung matutuwa o matatakot ako.
Unti-unti kong inalis ang kamay ko sa bibig niya.
Gulat pa rin siyang nakatingin sa akin.
"Halika. Punta tayong counter at babayaran ko 'yan," usal ko sa kanya at hinawakan ko siya sa pulsuhan, mahirap na baka tumakas at magkalat ng balita.
Nasa labas na kami ngayon ng book store at ako na ang nagbukas ng libro dahil nakabalot pa ito.
Kinuha ko sa bag ko ang pentel pen ko at tiningnan siya.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa kanya.
"D-Damien."