Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 19 - Mermaid’s Tale: Battle in Pirate Island part – 3

Chapter 19 - Mermaid’s Tale: Battle in Pirate Island part – 3

NAIWANG may pagsisi si Prinsipe Eldrich matapos niyang marinig ang tunay na pakay ng mga pirata. Naisahan sila ng mga ito. Ginawang pain lang ng mga tusong pirata ang dalawang bihag upang makuha tunay nilang pakay. Ang sirenang pinaniniwalaang alamat lamang ng mga tao ay tunay palang nag-e-exist sa mundo. Marami pang klase ng nilalang na hindi nila alam na nabubuhay sa kasalukyang panahon. Dahil sa pangyayaring pagkatuklas sa sirena, hindi malayong matuklasan na rin nila ang iba pang mga nilalang na hindi pa nila nakikita sa tanang buhay nila.

Maraming nasawi sa tauhan ni Zanaga subalit, mga sakripisyo lamang ang mga iyon. Dahil sa huli nagtagumpay naman sila sa kanilang plano. Ngayon, hindi mawari ni Prinsipe Eldrich ang gagawin upang iligtas sina Azurine.

"Prinsipe Eldrich, kailangan na nating umalis dito!" mungkahi ni Prinsesa Zyda na namumuno ngayon sa kanyang mga sundalo sa Elgios.

"Kung tapos na ang papel namin sa inyong plano'y babalik na kami sa Oero," paalam naman ni Sanaad.

Ikom ang palad ni Eldrich nang magbigay siya ng utos sa mga ito. "Lipulin n'yo na ang mga tauhan n'yo. Makakabalik na kayo sa inyong mga kaharian. Susundan ko naman si Seiffer." Ibinalik niya ang espada niya sa suksukan sabay nilapitan si Prinsesa Liset. "Sumama ka na sa hukbo ng Sario pauwi sa inyong kaharian. Paki sabi sa mahal na hari, patawad sa nangyaring pagdukot sa 'yo, Prinsesa Liset."

"K-Kamahalan, ano nang mangyayari sa kaguluhang ito? Narinig ko rin mula sa kanila ang tunay nilang pakay. Kaya ba, nagmamadaling umalis si Kuya Seiffer, tama 'di ba?!"

Lumapit sina Zyda at Sanaad sa prinsipe.

"Ano'ng ibig niyang sabihin? Ano ang tunay na pakay ng mga pirata?" usig ni Zyda kay Liset.

Natahimik si Liset, ayaw niyang magsalita dahil alam niyang isang malaking kaguluhan kapag nalaman pa ng iba ang tungkol kay Azurine. Isa itong habilin ni Seiffer bago mangyari ang labanan sa isla. Si Liset din ang may alam tungkol sa alagang dragon ni Seiffer na si Seiffy. Isang lihim dapat ito na hindi niya maaaring sabihin maliban na lang kung hindi sa kanya manggagaling ang kuwento.

"Hawak nila ngayon sina Azurine at Octavio," mahinang bulong ni Eldrich na ipinagtaka ni Zyda.

"Ano? Bakit?!"

Inakbayan ni Eldrich si Zyda bago binulungan, "Sasabihin ka sa 'yo mamaya." Lumapit si Eldrich kay Sanaad. "Paki sabi kay Meister Hellena, maraming salamat sa tulong na ibinigay niya."

"Sandali, huwag mong kalimutan ang usapan ninyong dalawa ni Meister Hellena. Siguradong hindi ka niya mapapatawad kapag hindi ka nagpakita ng mukha sa kanya!" madiin nitong saad sa prinsipe.

Tumango si Eldrich bilang pagsabi na naiintindihan niya. Wala naman siyang balak takasan ang pangakong binitiwan niya kay Meister Hellena. Hindi rin naman niya gustong makaalitan ang pinuno ng mga mahikerong tumulong sa kanila. Matapos ng usapan, umalis na sina Sanaad kasama ang kanyang tauhan.

Pinauna naman nina Zyda ang ibang sundalo ng Elgios pauwi sa kanilang kahiran upang mag-ulat sa kanyang amang hari. Nakahanda naman ang barko ng Sario sa pag-alis kasama si Prinsesa Liset.

"Mangako kang wala kang ibang pagsasabihan, Zyda." Hindi naging pormal ang pagsasalita ni Eldrich kay Zyda. Tinuring na niya itong ordinaryong kaibigan na mapagsasabihan ng lihim.

Nakinig naman nang mabuti si Zyda. Dito ipinagtapat ni Eldrich ang lahat ng kanyang nalalaman. Mula noong una nilang pagkikita noong mga bata pa sila hanggang sa magkahiwalay sila at hindi niya maalala ang lahat. Kailan lang bumalik ang memorya niya at ngayon nasabi na niya ang tungkol sa tunay na pagkatao ni Azurine at Octavio.

Gumuhit ang pagkabigla sa mukha ni Zyda, hindi siya makapaniwal sa mga narinig. "Tunay ang mga sirena?"

"Pakiusap Lady Zdya, huwag mong ipagkakalat lalo na sa kaharian ng Elgios!" pakiusap ni Liset. "Kailangan ko nang umuwi, hindi na ako magtatagal pa."

"Mag-iingat kayo, Prinsesa Liset," pabaong wika ni Eldrich.

Bago tuluyang umakyat ng barko nagawa panga sumigaw ni Liset. "Iligtas n'yo sila! Umaasa akong magiging maayos din ang lahat!!!" Kumaway siya bilang paalam sa dalawang naiwan sa isla.

Inutusan ni Zyda na sumunod na rin ang ibang naiwang sundalo pabalik ng Elgios. Hindi siya babalik sa kaharian nila dahil gusto pa niyang tulungan si Eldrich sa pagliligtas kina Azurine at Octavio.

"Sigurado ka ba, Zyda?" seryosong tanong ni Eldrich habang umaakyat sa barko nila.

Tumango si Zyda. "Huwag mo akong alalahanin. Mas malakas pa ako kaysa sa mga kawal mo. At isa pa…" pinutol niya ang sasabihin niya.

Lumitaw ang pamumula ng pisngi ni Prinsesa Zyda. Sumandal siya sa braso ni Eldrich, niyapos ito nang marahan. "Alam mong handa kong gawin ang lahat para sa 'yo, Eldrich." Hindi rin pormal ang pagtawag niya sa pangalan ni Eldrich. Nagpapatunay lamang ito ng kanyang malalim na pagtingin sa prinsipe.

Hinawakan ni Eldrich ang kamay ni Zyda na nakakapit sa braso niya. Tinanggal niya ito saka ibinababa. "Zyda, salamat sa pag-ibig mo…" Inilapat ni Eldrich ang palad niya sa kanyang dibdib, sa bandang puso. "May tinitibok na ang puso ko… at iyon ay si Azurine."

Tumalikod si Eldrich, nagtungo sa kawal niyang may hawak ng manibela ng barko. Naiwan si Prinsesa Zyda, nakahawak sa kanyang dibdib na nanakit. Tumulo ang mga luha niya. Luha ng pagkabigo. Batid niyang kahit kailan hinding-hindi niya makukuha ang puso ng minamahal niyang prinsipe. Lalo pa ngayon na may nilalaman na pala itong iba.

Tuloy ang kanilang paglalakbay sa karagatan. Ang ruta nila ngayon ay pabalik sa lugar na pinag-iwanan nila kina Azurine. Mabigo man silang makarating sa takdang oras, susundin nila ang dereksyong niliparan ni Seiffer. Nag-iwan kasi si Seiffer ng guhit sa kalangitan. Guide iyon upang makasunod sina Eldrich sa kanya. Ngunit putol ang kulay puti at tila ulap na guhit sa langit.

"Marahil nakaabot si Seiffer sa mga piratang dumukot kina Azurine. Siguradong magtitipon-tipon sa dereksyong iyon pati ang barko ni Zanaga. Kapag nagkataon, tatlong hari ng pirata ang makakalaban ni Seiffer."

"Kamahalan, pabibilisin pa po ba ang pagpapatakbo ng barko?"

"Oo! Ilagay sa pinakamabilis na pagsagwan ang barko!" atubiling utos ni Prinsipe Eldrich.

***

SAMANTALA, dahil sa bilis ng lipad ni Seiffer, nagawa nga niyang abutan ang barko nina Serarah. Nakatakap siya ngayon sa ibabaw ng barko ng isa sa tatlong hari ng mga pirata.

Wala sa paligid sina Azurine, tanging mga tauhang pirata ni Serarah ang kanyang naabutan.

"Azurine!!! Octavio!!!" sigaw ni Seiffer.

"Hoy! Ang lakas ng loob mong magtungo rito nang nag-iisa!" yabang ng isa sa mga tauhang pirata.

"Heh! Gusto yatang makatay ng isang 'to!" angas pa ng isa.

"Wala akong panahong makipaglaro sa mga panget na tulad n'yo! Ilabas n'yo ang binihag n'yo kanina. Nasaan ang babae at ang isa niyang kasama!"

Nagkangisian ang mga lalaking pirata nang lumabas si Serarah. "Ang ingay mo talaga! Dapat tinapos kana namin noong bihag ka palang ni Zanaga!" singhal ng babaeng pirata.

"Wala, eh. Hindi niya ako napatay!" yabang ni Seiffer, umakto itong agrisibo na nakikiramdam sa mga piratang pumapalibot sa kanya. "Ang dami n'yo isa lang ako, ang hard n'yo naman!" sarkastiko pa niyang angas.

"Tingnan nga natin kung tunay kang may ibubuga!" Itinaas ni Serarah ang sandata niyang dual knife bago ibinaba ito nang mabilis. "Sugurin n'yo siya!!!" malakas niyang utos sa mga tauhan niyang pirata.

Lumabas naman sa kabilang barko si Ashlando, nanunuod lang ito sa kanilang napipintong pakikipaglaban sa nag-iisang binata.

"Galingan n'yo! Pirata ni Serarah!" sigaw na may panunukso ni Ashlando.

"Tumahimik ka, manyakis na matanda!!!" ibinalik ni Serarah ang pang-aasar kay Ashlando.

Tumahimik ito at nanuod na lamang ng kanilang labanan.

Lumipad si Seiffer, hindi siya naabot ng mga piratang nakatungtong sa kahoy na barko. "Ano kayo ngayon?! bleh!!" Nagawa pa nitong mang-inis sa mga pirata.

"Ang yabang mo, ah!" nagpasirko-sirko si Serarah bago tumalon sa pinakadulong patusok ng barko. Mataas ang naging talon niya't inabot niya ng hiwa ang damit ni Seiffer. Muntik nang mahulog ang lokong wizard kung hindi pa siya nakakuha ulit ng balanse sa ere.

"Tsk! Nadaplisan mo 'ko roon, ah!!!" inis niyang anas sa nagawang paghiwa sa damit niya ni Serarah.

"Huwag mo nga akong itulad sa mga tauhan ko. Ngayon, bumaba ka d'yan at lumaban dito sa ship deck! O baka naman naduduwag ka lang? Inaasa mo ang yabang mo dahil may kakayahan kang gumamit ng mahika? Huwag mo nga akong minamaliit, bata!!!"

Muling sumugod si Serarah, sa pagkakataong ito ginamit niyang tungtungan ang mga tauhan niyang pirata upang maabot si Seiffer. Bago pa man siya tuluyang maabot ng piratang pinuno bumaba siya sa ship deck at umatras upang hindi siya matamaan ng patalim ni Serarah.

"Hahaha! Kita mo na, bumaba ka rin!"

"Pasalamat ka, hindi ako makalipad nang mataas!" Dahil kakaunti na lamang ang mana ni Seiffer kaya hindi na niya magawang tumaas pa ng lipad. Nagamit na kasi niya ang ilang porsyento ng mana niya sa paglipad nang mabilis. Tinitira niya ang natitira niyang mana para sa pag-cast ng magic spell na panlaban.

"Sige mga tauhan ko naman ang makikipaglaro sa 'yo!"

Sa pagkakataong ito, lumusob muli ang mga tauhan ni Serarah. Nakadikit na sa gilid ng barko si Seiffer. Wala na siyang matatakasan pa. Tanging magagawa niya ay isang mabilisang pag-cast ng magic attack. Isang mabilis na pag-atake at pagtakbo patungo sa loob ng barko at iligtas sina Azurine. Subalit, magawa nga kaya niya ang plano sa isip niya? Makarating kaya sina Eldrich sa tamang oras?