Chereads / My Wacky Girlfriend / Chapter 43 - Chapter 37 - Stalker

Chapter 43 - Chapter 37 - Stalker

• ALYNNA MARIE PAREDES •

Ang buhay ng tao, parang gulong. Minsan nasa taas, minsan nasa baba. Nasa taas nga ako ngayon ng himpapawid pagkat ako ay naka-eroplano. Pero ang bigat sobra ng pakiramdam ko. Parang may nawalang malaking bahagi ng buhay ko. 

Noong una kong sakay ng eroplano, sobrang saya ko noon dahil sa wakas ay maisasatupad na rin ang pangarap kong makapag-aral, dinoble pa ni Lord dahil sinamahan pa niya iyon ng mga mabubuting kaibigan at isang ka-ibigan na tunay na minahal ko at minahal ako. Sino ba namang mag-aakala na ang pangalawang sakay ko rito sa eroplano ay ang pinakamasakit. Pinakamadugo. Pinakanakakamatay. 

Patuloy lang akong nagdrama sa eroplano hanggang nakarating na kami ni Caloy sa Bohol airport. Nakakatawa kasi medyo nagpapanic yung mga ibang tao tuwing umiiyak ako sa eroplano. Ang akala nila siguro ay inaatake ako ng kung ano. Pero wala akong pakialam nung mga oras na iyon. Wala akong pakialam sa kung ano man ang sabihin o isipin ng ibang tao sa akin. Basta ang alam ko lang, malungkot na malungkot ako. At baka mamatay ako sa lungkot kapag hindi ko ito inilabas. 

Pagbaba na pagbaba namin ni Caloy ng eroplano ay sinalubong agad ako ng yakap ni papa. Hindi ko napigilan at umiyak nanaman ako sa mga bisig ng tatay ko. Sa yakap ng tatay ko lang ang pinaka-safe na lugar sa akin sa ngayon. 

"Okay lang yan anak. Pagsubok lang iyan ng buhay." pagpapatahan sa akin ni papa.

"I miss you, papa." umiiyak kong sinasabi habang yakap yakap ko pa rin siya.

"I miss you more, anak."

Matagal ang naging yakapan namin ni papa nang kumalas siya at naglabas ng cellphone sa kanyang bulsa. Doon ko lang napansin na may kasama pa pala siyang isang lalaki. Kasing tanda ni papa ang lalaking kasama niya. Medyo pamilyar siya sa akin. Siguro ay isa siya sa mga kabarkada ni papa noon. Hindi ko nalang siguro maalala kung sino.

"Anak, may gustong kuma-usap sa iyo." binigay sa akin ni papa ang cellphone. Hindi ko alam kung sino dahil numero lang ito pero sinagot ko nalang din. May tiwala naman ako kay papa.

"Hello?" panimula ko.

[Anak! Ynna! Kamusta ka na? Are you okay? I hope everything's fine there. Do you want me to come and visit you?] si mama pala.

"Mama, o-okay lang ako."

[I know you're not. I'm so sorry about Janina's attitude. Seriously, lagot siya sa akin kapag nagkita kam--]

"Mama, huwag mo nang pagalitan si Janina. Mayroon din siyang pinagdadaanan." Hindi ko alam kung bakit ko nasabi ang mga katagang ito. Siguro ay ayoko nalang lumaki pa ang galit sa akin ni Janina. 

Kapag pumunta dito sa Bohol si mama, iisipin nanaman ni Janina na inagaw ko nanaman ang lahat sa kanya. Kahit mainit talaga ngayon ang dugo ko sa kanya dahil sa pagpapalala niya ng mga sitwasyon ko, kapatid ko pa rin siya. Dapat ko pa rin siyang intindihin sa abot ng aking makakaya. 

[Ang bait mo talaga Ynna anak. I love you so much.]

"I-I love you too, ma." Um, medyo awkward.

[O siya, bye bye na muna. Call me kung may problema, okay?]

"Okay, ma."

***

Sumakay na kami sa jeep na pag-aari ni papa. Kahit nagdradrama ako sa sobrang lungkot ko ngayon ay hindi ko maiwasang mapangiti nang sumakay ako muli sa jeepney na ito. Ito ang ikinabubuhay namin noon pati na rin ang pagiging mekaniko ni papa. Ganito lang kasimple ang buhay namin noon pero masaya kami at walang problema.  

Pero kahit ganito ang kinahantungan ay hindi ko pa rin naman pinagsisisihan ang pagpunta ko sa Maynila. Marami pa rin naman akong natutunan. Mayroon akong naging mga kaibigan at nagkaron din ako doon ng isang bagong pamilya. Maaaring galit sila sa akin ngayon pero umaasa pa rin akong magiging maayos ang lahat balang araw.

Nakikinig lang kami ng music sa byahe nang biglang pinatay ng kaibigan ni papa na napag-alaman kong kanina na siya pala ay ang Tito Rick ko. Kababata ni papa noon pa man. Tatanungin ko sana siya kung bakit niya pinatay ang radyo nang bigla siyang nagsalita...

"SI YNNA MAY PIGSA! MATIGAS! BILOG! PULA!"

Nanlaki ang mga mata ko, ganun din sila Caloy at papa sa sinabi niya. Pero nagpatuloy pa rin siya. 

"MAY LUGA TUMUTULO GALING SA TENGA! MAY MUTANG MATIGAS AT NANINILAW PA! GARAPATA MO AY LUMOLOBO NA!"

Imposible. Paano niya nalaman ang mga salitang ito?! Si Sky lang ang nagsabi sa akin nito. B-Bakit niya memorize? Sino ba siya? Naka-rak-en-rol pa yung kamay niya habang nirarap niya yung rap ni Sky. Hindi ko alam kung malukungkot ako, maiinis ba o matatawa. Basta, naguguluhan ako!

"MAY ALIPUNGA GALING SA MABAHONG PAA! WIWI MO'Y YUCKY KAKULAY NG ICED TEA! TAE MO'Y SWIRLY PARANG ICE CREAM SA JOLLIBEE!"

"Rick! Ano ba yang pinagsasabi mo?!" pagsaway sa kanya ni papa.

"Hahaha! Pasensya na 'tol. Naalala ko lang yung rap ng boyfriend ng anak mo noong naisakay ko siya noon sa taxi tapos lasing yung boyfriend niya." sagot niya na nagpalinaw ng lahat sa akin.

"I-Ikaw yung taxi driver nun?" tanong ko.

"Oo. Alynna."

"Kung ganun, hindi pala aksidenteng natawag mo akong 'Alynna' noon dahil kilala mo na talaga ako?"

"Tumpak." ngumisi siya sa akin bago tumingin kay papa. "Yang anak mong yan, dalaga na. Pero kahit ganun kung makapag-rap ang lalaking iyon, alam kong mahal nila ang isa't-isa. Hanggang ngayon." tapos lumingon naman siya sa akin at ngumisi ng nakakaloko.

Anong ibig niyang sabihin? Ngumuso pa siya sa bintana.

Pagkanguso ni Tito Rick ay biglang ihinarang ni Caloy ang kanyang katawan sa bintana ng jeep upang hindi ko makadungaw. Pero dahil pasaway ako, pinilit ko pa ring silipin kung ano ang meron doon. At laking gulat ko sa nakita ko. 

"S-Sky?" bulong ko sa sarili ko.

Naroon si Sky na naglalakad sa damuhan at nakatingin siya sa jeep naming umaandar palayo sa kanya.

"Si S-Sky ba yon? Nasa Bohol siya?" tanong ko, medyo napalakas na.

"Hindi." tinakpan ni Caloy ang mata ko at ipinahiga ako sa dibdib niya. "Guni-guni mo lang yan, Ynna. Imagination lang. Masyado pa kasing masakit ang sugat sa puso mo kaya feeling mo lang nakikita mo siya lagi. Hayaan mong tulungan kitang mawala ang sakit na yan."

Siguro nga, guni guni ko lang.

"Salamat, best friend." sabi ko bago ako sumandal sa kanyang balikat. 

***

Pagkarating namin sa kubo namin, para akong baliw na niyakap iyon. Kahit maliit lang iyon at mukhang lilipad na anumang oras, mahal na mahal ko iyon. 17 years din akong binigyan ng bahay ng kubong iyon. Hinding hindi ko ipagpapalit ang kubong ito sa magarang condo ni Janina sa Maynila.

Pagpasok namin ay hinawak hawakan ko ang mga gamit namin. Waaa! Sobrang nakakamiss! Kahit papaano ay medyo masaya na rin ako sa pagbabalik ko. Bawat gamit na mahawakan ko ay sumisimbolo kung gaano kasimple ang buhay ko noon. 

Lumabas ako at isa isang binati ang mga kapitbahay namin. Namiss ko talaga sila. Ganun pa rin sila. Maiitim. Ako kasi medyo pumuti na ako kasi hindi ako hinahayaang maarawan ni Shibama kasi masisira daw ang skin ko. Pero ngayon, kung umitim man ako uli tulad ng noon, wala na akong pakialam. Iyon naman talaga ang tunay na Alynna eh. Dugyot. Batang kalye. Batang mahirap. 

Doon ko lang narealize na sawang sawa na pala ako maging ibang tao. Ito na ang tamang oras para ibalik ang sarili ko. Ang tunay na ako. Hindi ko na kailangang magpaka-miss perfect. Kasi dito sa Bohol, kahit sobrang dugyot ko at walang ligo, maganda pa rin ako sa paningin nila. At tanggap na tanggap nila akong lahat dito. 

Pagkatapos kong ligpitin ang mga kakaunting gamit na dinala ko pauwi ay lumabas muna ako ng kubo at iniwan si papa na nagpapahinga sa kwarto. Sinamahan ako ni Caloy na magpahangin muna sa labas. Madami dami rin kaming nakapag-usapan. Hindi kasi kami masyado nakakapag-usap sa Maynila kasi gabi siya lagi umuuwi dahil sa trabaho. At bukod pa roon, lagi lang kaming nag-aaway noon dahil kay Sky.

Habang masaya kaming nag-uusap ni Caloy ay dumating ang taong pinaka-namimiss ko! Si Merylle! Lumaki ang ngiti ko nang nakita ko siyang palapit na sa amin. Sa isip isip ko ay... 'Sa wakas! Buo na ulit kami! Kami ang perfect trio best friends!'.

Ang buong akala ko ay yayakapin niya kaming dalawa ng sabay pero si Caloy lang ang niyakap niya. Ang akala ko ay isusunod niya akong yakapin pero ngumiti lang siya ng awkward sa akin pagkatapos niyang yakapin si Caloy. Bakit ganun? Bakit parang ang lamig ng panimulang bati sa akin ni Merylle? Ganun ba magbatian ang best friends? 

"Namiss kita, Merylle!" sabi ni Caloy. "Tara maglaro tayo ulit ng luksong lubid tulad noon!" aya pa niya.

"Sige!" ngiting-ngiti at sabay pa naming nasabi ni Merylle na lalong nagpa-awkward ng sitwayson kasi pareho kaming natahimik. Ito namang si Caloy, mukhang hindi napansin ang tensyon sa amin ni Merylle.

Wala naman talagang tensyon, ako lang siguro ang naprapraning. O kaya kung mayroon mang tensyon, si Merylle lang yun sa akin. Ang dahilan? Hindi ko rin alam. Baka naninibago siya dahil medyo mas gumanda at pumuti ako. Salamat sa glutha na pinainom sa akin ni Shibama at sa ilang pagbalik namin noon sa mga skin clinic. Namiss ko tuloy bigla ang bakla. Matawagan nga mamaya.

Naglaro na kami ng luksong lubid. Pero tulad ng kanina, hindi ako kinakausap ni Merylle. Tumatawa lang siya kapag kausap niya si Caloy. At buong laro, si Caloy lang ang kinakausap niya. Kapag ako na ang tatalon, nakasimangot siya.

"Nawalan na ako ng gana. Babalik lang ako sandali sa bahay." sabi ni Merylle nang bumwelo palang ako na kakausapin siya.

"Ah ganun ba. Okay. Sige, pahinga ka na." sabi ni Caloy sa kanya. "Pahinga ka na rin muna, Ynna." sabi naman niya sa akin.

"Ah, sige." sagot ko.

Pumasok na sila Caloy at Merylle sa kani-kanilang mga kubo pero nanatili muna ako dito sa labas. Naglakad lakad ako hanggang na nakita ko nalang ang aking sarili sa tuktok ng isang marupok na slide na medyo malayo malayo na sa kubo namin. Mahilig talaga akong maupo sa taas ng slide kapag medyo namromroblema ako. Doon ko naisipang tawagan ni Shibama.

[Ynna dear! I miss you so much!] sumagot agad si Shibama sa unang ring.

"I miss you more, Shibs!"

[Kamusta ka naman diyan sa Bohol? Okay ka na ba? Gusto mo bang magjoke ako ulit sayo para mapasaya kita? Just tell me! I'll do anything.]

"Ano bang ang ginawa ko para ma-deserve ang isang tulad mo, Shibs?" medyo naluluha kong sinabi. Nakakatouch kasi na gagawin talaga niya ang lahat para lang mapasaya ako.

[Because you are a good friend and a good person. Tss! Stop the drama nga! You're making me teary!]

"Hahaha. Oo na. Titigil na ako."

[Hindi mo na ba namimiss si Sky? Wala ka na bang balak bumalik dito?]

"Shibs naman, wala pa akong isang araw dito. Pababalikin mo na ako agad?" natatawa akong sinabi. Iniiwas ko sanang mapag-usapan ngayon si Sky. Gusto ko munang makalimot kahit ngayon lang.

[Anong gagawin mo kapag sinundan ka pala dyan ni Sky?] tanong niya. Ramdam ko sa kabilang linya na nakangiti siya at tumitirik tirik ang mga mata.

"Tumigil ka na nga, Shibs! Imposible! Galit yun sa akin noh! Hindi nga ako kinakausap nung huli kong punta sa ECB eh."

[Talaga? Bakit hindi mo tignan sa likuran mo? Baka nandyan pala si Sky at minamanmanan ang bawat kilos mo. Baka nandyan pa rin siya para makasigurado na walang manliligaw na iba sayo. Lalo na si Caloyskie.]

"Shibs naman, best friend ko kaya si Caloy."

[Tignan mo nga kasi paligid mo. Baka nandyan si Sky. Dali na! Bye!]

Hindi ko alam kung ipinanganak nga talaga akong uto uto kasi sinunod ko ang utos sa akin ni Shibama pagkababa ko ng telepono. Inikot ko ang tingin ko sa paligid ko para makita si Sky pero wala namang bakas niya. Hindi naman sa umaasa akong makikita ko siya dito sa Bohol. Wala lang, nagpapauto lang ako kay Shibama.

Nang nakita kong wala namang tao sa likod ko at sa mga gilid ko ay ibinalik ko na ang tingin ko sa harapan. Mahirap na at baka mahulog ako. Nasa taas pa rin kasi ako ng slide hanggang ngayon. Pero pagkaharap na pagkaharap ko, nagulat ako nang nagkatinginan kami ng mga matang kilalang kilala ko. 

Totoo nga kaya yung sinasabi ni Shibama? May kinalaman kaya si Shibama dito? Si Sky nga rin kaya ang nakita ko kanina noong nasa jeep palang kami at hindi lang guni guni ko? Inilalayo nga ba sa akin ni Caloy si Sky o nababaliw na talaga ako? Kung nababaliw na ako, aba'y malala na ito.

Nagslide na akong pababa para habulin ang pigurang iyon. Pero pagbaba ko ay wala na siya. Maaaring tumakbo na siya palayo, sumakay na sa isang tricycle, o kaya naman nawala nalang na parang bula. Kung multo man siya, ang gwapo niya dahil kamukha niya si Sky. Kung si Sky man siya, anong ginagawa niya dito sa Bohol? Ang akala ko ba galit siya sa akin? At kung imagination ko lang siya, kailangan ko na sigurong pumunta sa mental mamaya.

Sa tatlong choices ko, ano kaya ang paniniwalaan ko?

***

Isang buwan...

Isang buwan na ang nakalilipas simula nang dumating ako dito sa Bohol. Whew! Ang bilis ng panahon! Disyembre na. Ibig sabihin, ilang araw nalang ay magdidisi-otso na ako. Magiging legal na ako. Makakapagtrabaho na ako. Sa wakas. Ayoko na kasing maging walang kwenta lang dito sa kubo namin. Para akong tambay na batugan. Buti sana kung mayaman kami okay lang tumambay, pero hindi naman kami mayaman. Naaawa na din ako kay papa kasi kayod kabayo siya dahil dalawa na ulit kaming kailangan niyang pakainin. 

Mahina ang pagmemekaniko niya sa ngayon. At ang pamamasahe sa jeep, hindi naman kasing lakas ng sa Maynila ang dito sa Bohol. Pantawid gutom lang namin ang kanyang mga kinikita. Hindi na ako nakapag-aral pa. Pero hindi ko na muna iyon iniisip, maraming panahon para ipagpatuloy ko ang pag-aaral ko. Sa ngayon, ang dapat kong gawin at tumulong kay papa.

Sa isang buwan kong pananatiling muli dito. Masasabi kong okay naman ang lahat. Pero hindi ko maiwasan na isipin na parang may kulang. Lagi pa rin kaming nag-uusap ni Shibama sa cellphone. Tinanong ko na rin siya kung narito ba talaga si Sky, ang sinasabi niya sa akin 'aba'y malay mo!' lang. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba siya o hindi. Pero mas pinili kong hindi nalang maniwala. Hindi ko na rin kasi nakikita yung multo ni Sky. 

Isang buwan na rin pala akong hindi pinapansin ni Merylle. Ayoko namang isumbong iyon kay Caloy dahil baka lalong magalit sa akin si Merylle, baka isipin pa niya sumbungera ako. Pero dahil nga isang buwan na rin ang nakakalipas, napagpasyahan kong kumprontahin na siya. Gusto kong malaman ang rason niya kung bakit niya ako iniiwasan dahil hindi naman kami ganun dati. Dali dali ko siyang pinuntahan sa kubo niya at isinara ang pinto upang makapag-usap kami.

"Anong ginagawa mo dito?" masungit niyang tanong.

"Merylle, mag-usap tayo." malumanay lang ang pagkakasabi ko.

"Diretsuhin mo na ako sa kung ano ang gusto mong sabihin. Ayokong matagal kitang nakikita." sabi niya habang nakatingin ng diretso sa aking mata. Huminga ako ng malalim bago ako sumagot.

"Sige. Merylle, bakit mo ba ako iniiwasan? Ano bang meron? Ano bang ginawa ko sayo? Hindi ba mag-best friends tayo? Anong nangyari sayo? Hindi ba perfect trio tayong tatl--"

"Yan ang hirap sayo, Ynna eh. Manhid ka!" nagulat ako dahil bigla nalang umiiyak na siya. "Alam mo namang gusto ko si Caloy hindi ba?!"

"Hindi ko naman inaagaw sayo si Caloy ah." pagdedepensa ko sa sarili ko.

"Talaga?! Hindi mo siya inaagaw? Pero dinala mo siya sa Maynila at iniwan niyo ako!"

"Merylle naman, may trabaho si Caloy sa Maynila noon!"

"At dinala mo siya sa Maynila para pahirapan mo siya!" sigaw niya sa akin habang patuloy na umiiyak.

"Ano?! Anong ibig mong sabihin? Hindi kita maintindihan..."

"Yan ang hirap sayo, Ynna eh. Wala kang alam. Wala kang maintindihan! Wala ka kasing pakialam sa nararamdaman ni Caloy para sayo! Hindi mo alam na tumatawag sa akin si Caloy lagi para umiyak dahil selos na selos na siya sa inyo ni Sky! Hindi mo alam na sobrang nasasaktan si Caloy sa ginagawa mo pero pinipilit pa rin niyang ngumiti para sayo."

"Merylle, bakit ngayon mo lang sinasabi ito..." napaluha na rin ako. Hindi ko inakalang ganito pala.

"Nung nag-away kayo dahil kay Sky, alam mo bang sobrang lungkot ni Caloy. Alam mo bang naglasing siya sa bar noon kahit hindi naman siya naglalasing?! Alam mo bang muntik siyang mapahamak at masagasaan kakaisip sa iyo?!"

"..." natulala nalang ako.

"Hindi lang si Caloy ang sinaktan mo, Ynna. Pati ako! Mahal na mahal ko si Caloy. Pero hindi niya ako magawang mahalin dahil nandyan ka na patuloy na sinasaktan siya! At kahit ilang beses mo pa siyang saktan, isang lapit mo lang sa kanya, nariyan nanaman siya at gagawin nanaman niya ang lahat para sayo!"

"..." patuloy lang ako sa pag-iiyak. Hindi ko alam ang sasabihin ko.

"At ngayong bumalik na kayo dito sa Bohol. Umaasa nanaman siya. Umaasa siya na baka ngayon makita mo na siya. Pero alam kong hindi mo naman siya makikita sa paraang nakikita ka niya para sa kanya. Bawat araw na dumadaan, lalo mo lang siyang sinasaktan. Pati na rin ako. Tapos sasabihin mo perfect trio best friends tayo? Sinong niloloko mo?!"

"Merylle hindi ko naman intensyon---"

"Oo alam ko! Wala ka ngang alam 'di ba?! Pero sana umalis ka nalang dito. Hindi ka namin kailangan dito sa Bohol Ynna! Mas magiging masaya ang buhay namin dito kung wala ka. Tutal ang ganda ganda mo naman, mas bagay ka doon sa Maynila. Doon ka nalang. Magsama kayo ng stalker mo! Huwag niyo kaming guluhin dito!"

"H-ha? Anong stalker?" litong-lito kong tanong. Ano bang sinasabi niya?

"Huwag ka ngang magpanggap na hindi mo alam kung ano ang sinasabi ko. Kahit ngayon lang, Ynna, tama na." sabi ni Merylle bago niya ako tinulak palabas ng kubo niya at pinagsarhan ako ng pinto.

Napaupo ako sa labas ng pintuan niya habang yakap yakap ko ang dalawang tuhod ko. Ang buong akala ko, kapag bumalik ako sa Bohol, narito na ang mga taong tatanggap talaga sa akin sa kung sino talaga ako. Pero mukhang pati sila, ayaw na akong makita. Salot nga kaya ang mga tulad kong anak sa labas? Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Hindi ko na rin alam kung saan ako nababagay. 

"Oh, Ynna! Anong ginagawa mo diyan, bakit ka umiiyak?!" nag-aalalang tanong sa akin ng kakarating lang na si Caloy. Alam kong nakikita kami ni Merylle mula sa bintana ng kubo niya.

"Caloy, pasensya na sa lahat ng ginawa ko sayo ah. Mahal na mahal kita bilang best friend ko. Kayo ni Merylle. Hindi ko sinasadya ang lahat. Sorry talaga." sabi ko sa kanya bago ako tumakbo na papunta sa kubo namin ni papa at nagkulong sa kwarto habang nag-iiyak.

***

Naging isang linggo din akong miserable. Hindi ko kinakausap si Caloy at kahit na sinong gustong kumausap sa akin. Si papa lang ang kinakausap ko. Pero naisip kong wala namang patutunguhan ang pagiging miserable ko kung ipinagpatuloy ko ito. Kaya naisipan kong lumabas muna sandali. Pumunta ako sa isang maliit na mall sa may amin at doon ako naglakad lakad hanggang sa nakita ko nalang ang aking sarili na pinapanuod ang mga batang naglalaro ng arcade games.

Napapangiti nalang ako kasabay ng mga ngiti at tawanan nila sa isa't-isa. Buti pa sila at walang mga problema. Matagal tagal din akong nanuod ng mga naglalarong bata hanggang sa nakaramdam ako ng gutom. Pumunta ako sa isang fast food chain at doon bumili ako ng pinakamurang pagkain para magsilbing agahan ko. At baka gabihan ko na rin.

*Baby baby baby baby heaven sent you

Maybe maybe maybe maybe we were meant to be

Together be forever two little hearts go boom!*

Tinignan ko ang cellphone ko at doon may tumatawag na unknown number. Sinagot ko nalang ito at baka kasi importante.

"Hello?"

[Aly! How are you, kamusta na kayo ni Sky?]

"A-Ash?" nanlaki ang mga mata ko nang narinig ko ang boses niya. Bakit siya tumatawag sa akin? At bakit niya kami kinakamusta ni Sky gayong alam naman niyang galit sa akin ang kapatid niya?

[Yes! So how are you guys doing? Wag niyo sabihin sa aking may baby na kayo ha. Bata pa kayo.]

"Ash, anong sinasabi mo? Hindi kita magets. Alam mo namang galit sa akin si Sky 'di ba? At alam mo nalang nasa Bohol ako ngayon at wala sa Maynila hindi ba?"

[What?! You haven't seen Sky yet? It has been a month!] gulat niyang tanong.

"Anong... ibig mong sabihin..." napatakip kong bigla ang kamay ko sa bibig ko. Imposible ang naiiisip ko.

[Yes. It has been a month since Sky flew to Bohol to follow you.]

"Ash, I-Imposible. Teka, bakit naman niya gagawin iyon?"

[Sinabi ko kasing liligawan kita. Ayun, nagalit siya. Sinundan ka niya agad sa Bohol para makasiguradong hindi ako makakaporma sayo.]

"Bakit... B-Bakit mo naman sinabi iyon?" hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko.

[Hindi ba sinabi namin sayo na tutulungan ka namin? Pero hindi ko inakalang hindi pa rin kayo nakakapag-usap ni Sky hanggang ngayon! Ang weak naman niya pumorma. Masasalisihan talaga siya niyan eh.]

"Nakikita ko siya minsan, pero akala ko guni guni ko lang iyon." pag-amin ko.

[Siya yun.]

"Alam din ba ito ni Shibs?"

[Yeah.]

"P-Pero saan tumutuloy si Sky? At saka paano na ang pag-aaral ni Sky? Ibig sabihin isang buwan na rin siyang hindi pumapasok sa ECB? Paano na ang grades niya? Hindi ba't running niya for cumlaude?" nag-aalala kong tanong.

[Yup. Hindi na siya pumapasok para lang bantayan ka.]

"B-Bakit niya ginagawa yun?" naiiyak ko nang tanong. Bakit niya ginagawa ito?!

[Kailangan mo pa bang tanungin yan?]

"Mahal pa rin niya ako..." bulong ko.

[Tama. Kaya habang pwede pang ayusin, ayusin niyo na yang gusot niyo. Medyo mahirap kayong pagbatiin ah.]

"Ash, kailangan niyang bumalik sa Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral niya. Walang mangyayari sa kanya dito."

[Sa tingin mo paano mo siya pababalikin sa Maynila?]

"K-Kailangan ko ring bumalik?"

[Oo. Bumalik ka na rin muna dito. Bibigyan ka namin ng titirhan. May condo malapit dito sila Viel. at makakasama mo na ulit si Shibama. Pwede ka rin namin tulungan makapagtapos--]

"Hindi! Ash! Hindi niyo ako tutulungan. Ayoko." pagkontra ko. Ayokong kinaaawaan ako. 

Katahimikan...

[Pag-isipan mo yang mabuti, Alynna. Wag kang magpadaloy daloy sa mga desisyon mo this time. Makakapagtapos ka na, makakapagtapos pa si Sky.]

"P-Pag-iisipan ko. Ash, alam mo namang may takot na ako sa mga offer na ganito eh."

[Hindi mo naman kailangang magpanggap this time eh.]

"Pero hindi ako sigurado kung gusto pa rin ba talaga ako ni Sky.."

[Hindi pa ba sapat ang pagpunta niya at pagbantay niya sayo sa Bohol? Ikaw rin... Sige na, Aly, may gagawin pa ako. Tawagan mo nalang ako kapag nakapag-desisyon ka na.] 

Binaba na ni Ash ang telepono. Naiwan akong nakanganga. Ano ba dapat ang desisyong gawin ko?

Naglakad lakad muli ako sa mall. Tumingin tingin ulit ako sa mga tao. Hindi pa rin ako makapaniwalang narito si Sky ngayon at binabantayan ako. Kaya pala sinabi ni Merylle na magasama daw kami ng stalker ko. Siguro ay nakikita nila si Sky lagi pero kapag ako na ang titingin, nagtatago siya.

Naging malinaw na ang lahat sa akin pati na rin yung pag-ngiti ni tito Rick at yung pagtakip ni Caloy ng mata ko nung nasa jeep palang kami. Si Sky nga iyon. Narito nga siya. Hindi ako makapaniwalang lumipas ang isang buwan na hindi ko man lang siya nakikita o nakausap man lang. 

Habang naglalakad ay napahinto ako sa isang maliit na chapel. Pumasok ako doon at nagdasal. Una, nagpasalamat pa rin ako sa lahat ng blessings na tinatama ko ngayon kahit na isang buwan na akong naghihirap muli, alam kong blessed pa rin ako. Pangalawa, nanghingi ako ng kapatawaran sa langit sa lahat ng naging kasalanan ko sa mga kaibigan ko. At pangatlo, nanghingi ako ng sign kung babalik na ba talaga ako sa Maynila. 

Gusto ko na kasing malinawan ang isip ko. Mahilig kasi talaga ako manghingi ng sign. At tulad noon, lagi naman akong binibigyan ng sign ni Lord. Kaya ngayon, hinihingi ko ay isa pang sign para makapagdesisyon na ako. Gustong gusto kong bumalik sa Maynila para makapagtapos at makapag-aral na rin si Sky. Pero alam kong may ilang bagay pa rin akong dapat kong ayusin dito sa Bohol tulad ng gusot namin ni Merylle at Caloy. Kaya ngayon, ipinapaubaya ko na muli sa panginoon ang desisyon ko.

Paglabas na paglabas ko sa chapel ay biglang nagring ang telepono ko na siyang bigla ko namang sinagot sa pag-aakala kong si Ash muli iyon.

"Hello, Ash?"

[Ynna, this is the Dean.]

"Uh... Dean? bakit po kayo napatawag?"

[I just want you to know that you can go back to ECB anytime you want. This has nothing to do with anyone. Don't worry about the Fortaleza's influence. I can handle them. I want you back because you are a good and a hardworking girl. I'm giving you a full scholarship. Please call me back if you are interested.]

"Ah...O-Okay po."

Bumalik ako ng mabilis sa chapel at nagpasalamat sa panginoon ng sobra sa sign na ibinigay niya sa akin bago ko tinawagan ang numero ni Ash. 

[Yes, Aly?]

"Babalik na ako, pakisabi naman kay Sky."

*TOOT TOOT TOOT TOOT*

Ay, wala na akong load. Narinig niya kaya?

--

A/N

Yey! Long vacation tayo! :3 Thank you for 250k++ reads. Grabe lang yung support niyo! nakakaiyak lagi. Huhu! Thank youuuu! Sensya na kung super long ng chapters ko lately, hindi ko mapigilang magtype ng magtype eh. Humahaba tuloy. Sabihin niyo lang sa akin kung you want my chapters shorter para i-limit ko yung word count. Yung iba kasi, mas gustong maikli. Madaldal kasi ako kaya napaparami. Hehe :3 

♥ Mhariz 

Next UD: Jan 18/Sunday