Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 8 - CHAOLA!.. "Doble ang kamalasan, Doble ang Pasakit!"

Chapter 8 - CHAOLA!.. "Doble ang kamalasan, Doble ang Pasakit!"

Hindi sana ako papasok 'non sa trabaho dahil halos dalawang oras lang ang tulog ko. Gusto ko sanang magpahinga muna pero naisip ko na sayang din ang araw kaya, pumasok na lang din ako 'non. Mga mag-aalas onse palang ng gabi nakaramdam na'ku ng antok sa trabaho. Parang 'di ko na yata kakayanin pang magduty pa. Pilit kong minumulat ang aking mga mata pero kusa itong pumipikit. Ramdam ko na din ang mga ito, at ramdam ko din sa katawan ko na 'di ko na kakayanin pa. Papikit-pikit na'ku at 'di ko na kaya talagang labanan pa ang antok. Tumayo ako't naglakad-lakad. Habang naglalakad, papikit-pikit pa din, parang 'di ko na kakayanin pa talaga.

Siguro may isang oras na 'kong nakatulog 'non. Kala ko nasa 'Pinas lang ako, at naisip kong nakaduty pala ako. Ang hirap ng sitwasyon ko nu'ng time na 'yon. Gusto ko na sanang matulog ngunit hindi pwede. Napakahirap talagang labanan ang antok lalo pa't napakalamig 'don. Tapos 'non, hindi ko na alam pa ang sumunod na nangyari. Hanggang sa magising nalang ako sa tapik ng isang halimaw. Nagulat ako ng magising at kinabahan bigla. Dalawang chinese officer ang nasa harapan ko. Kinuha n'ya noon ang T.C number ko sa index card na hawak ko. Sumigaw s'ya sa'kin 'non at 'di ko na nagawang magpaliwanag pa sa kanya. Nagsorry din ako noon sa kanya.

Sa dinami-dami pa ng pgdyudyutihan bakit 'don pa 'ko nilagay sa podium, sa ground floor. Maliwanag 'don dahil sa mga ilaw at malaking chandellier sa tatas ng ulo ko. Nu'ng una, nakikita ko pa silang dalawa na pabalik-balik sa'kin. Binati ko pa nga sila noon. Doon din talaga malimit may mga dumadaan na mga officer at OIC kaya inabot ako 'non ng kamalasan.

Kinabukasan sa duty, pinatawag ako at kinausap ng ilang naming OIC. Tanggal na daw ako sa trabaho! Dahil nahuli daw ako ng isa sa mataas na officer. Sinabihan pa ako noon ng OIC naming Nepalist na lagi akong nahuhuling nakakatulog na, "Iyan, di'ba sabi ko sa'yo na mahirap kapag nahuli ka ng iba." Bigla akong nakadama ng kalungkutan, dahil ito, wala na akong trabaho. Mahirap sa'kin ang sitwasyon lalo na't hindi biro ang maghanap ng trabaho doon at paubos na din ang pera ko 'non. Sa mga oras na 'yon, dinamdam ko ng husto ang nangyari sa'kin. Hindi ko na din nagawang pumila pa sa Wynn. Hindi ko na din 'non nakita pa sila Bigboy para magpaalam. Sinabi sa'kin ni Garcia na maghanap nalang muna ako ng ibang trabaho. Nagpasalamat ako sa kanya at sinabi ko na sa ibang araw magkikita tayong muli para magkwentuhan at mag-inuman. Umuwi ako sa bahay ng luhaan, tinulog ko na lang ang nangyari sa'kin. Nang magising ako, tinanong ako ni kuya Joseph kung papasok daw ako ngayon sa trabaho. Sinabi ko sa kanya na hindi na'ko papasok dahil tinanggal na'ku sa trabaho. Nagulat s'ya at tinanong kung bakit ako tinanggal sa trabaho. Sinabi ko na nahuli akong tulog ng isang officer na intsik.

Mabait si kuya Joseph, mahilig din s'yang magbasa. Alam ko na matalino s'yang tao at maraming alam sa paligid. Sinabi n'ya din sa'kin na gusto na n'yang umuwi dahil dalawang buwan na s'yang TNT. "Ako nga Axel, 'di ko alam kung makakauwi pa'ko ng Pilipinas dahil wala naman na din akong pera. Ang hirap ng buhay dito, noh! Wala kasi tayong mga working visa." (wika n'ya sa'kin.) Bilib din ako kay kuya Joseph. (nasa 50 plus na ang edad n'ya) Magaling s'yang kasama sa bahay, concern din s'ya sa mga kasama n'ya sa bahay, at s'ya din ang nagbibigay ng advice kapag may problema ang bawat isa sa amin. Pinagluluto n'ya din kami ng pagkain. Kapag wala ako sa bahay, pinagtititra n'ya ako ng pagkain. Naaalala ko pa noon na pinagluto n'ya ako ng pagkain dahil wala akong maibaon sa trabaho at wala na din akong kapera-pera 'non.

Tinawagan ko pa nu'ng hapon si Mam na nasa agency. Sinabi ko sa kanya na kung pwede pa akong magduty kahit sa ibang lugar. Sinabi n'ya sa'kin na, wala na kaming magagawa sa'yo dahil itinawag ka na ng nakahuli sa'yo pati din sa'min na tanggalin ka na. Ang tanging gagawin mo nalang ay maghanap na lang ng ibang trabaho at yu'ng sahod mo naman ay hintayin mo nalang. Tatawagan kita kung kailan mo ito makukuha. Dagdag pa n'ya sa'kin!

Lumipas ang mga araw, naghanap ako ng trabaho. Naging pagala-gala ako. Malimit akong tumambay sa San Malo ng nag-iisa, dahil naiinip ako sa bahay. Napakaraming tao sa San Malo. Iyon kasi ang pasyalan ng mga turista sa Macau at tambayan din ng mga pilipino, lalo na sa tinatawag na "Putol". (Land mark na simbahan na front lang ang ginawa kaya putol ang naging tawag.) Para akong kawawa noon! Nakita ko ang mga tao, mga turista na masayang namamasyal. Naiinggit ako sa kanila dahil para bang ang sarap-sarap ng buhay nila. Pakuha-kuha lang ng mga pictures, nagpapapicture taking habang may hawak na mga souvinir.

Naisipan kong bumili na lang ng dalawang beer in can at sigairlyo para may makasama man lang at kahit pa'no malibang din marahil. After kong maubos ang beer, naglakad-lakad ako. Pumunta ako sa isang park na 'di matao at 'don ako nagpalipas ng oras. Doon sa park na iyon, 'don malimit tumambay ang mga matatandang intsik ngunit malalakas pa din. Ang iingay nilang magkwentuhan. Kapag malakas daw kasi ang boses nila ibig sabihin masaya sila. Para silang mga kenkoy, napapangiti na lang ako kahit papano. Sa isang side naman nila, meron naman nagtutugtugan na mga senior cetizen pa din. Hindi ko alam kung anung gamit nilang mga instrumento, mga lumang may tambol na kakaiba ang tunog, 4 string na parang gitara na gawa sa kahoy na mahaba at kakaiba ang itsura, at 'di na'ku pamilyar pa sa iba nilang gamit na instrumento. Kakaibang tunog ang dala ng kanilang mga instrumento. Parang nalilibang na din ako habang pinapanuod sila.

Nag-aagaw na ang dilim at liwanag, nagpasya na ako na umuwi na lang. Gutom na din ako nu'n. Wala pa din tao noon sa bahay ng dumating ako, nasa trabaho pa rin sila. Naisipan ko nalang na matulog na lang muna. Nagising na lang ako nu'ng may tao na sa bahay. Dumating si Randy boy at Marimar na may dalang pagkain. Ginising n'ya ako at binigyan ng pagkain n'yang dala. Nahiya pa ako kay Randy 'non at sinabing sige 'pre salamat, pero hinati n'ya ito sa dalawa at pinilit akong kumain na din. At sinabayan ko s'yang kumain.

Si Randy boy na bestfriend ni Marimar ay may katagalan na din sa Macau. Dati daw din s'yang tourist dito, sinabi n'ya din sa'kin na tatlong beses s'yang nagpabalik-balik sa Macau bilang turista. Dahil sa kanyang pagpupursige, nakahanap s'ya dito ng magandang trabaho bilang mekaniko at nabigyan ng working visa o blue card, maganda din ang sahod n'ya sa trabaho. Naiintindihan ako ni Randy dahil nagdaan na din s'ya sa lagay ko. "Konting tsaga lang Axel at baka makahanap ka dito ng trabaho na may working visa na, 'pag mangyari 'yon wala ka ng magiging problema pa."

Lumabas si Randy at bibili daw s'ya ng beer dahil sa may kalamigan 'don. Alak at sigarilyo lang ang nagpapainit sa'min 'don. Sinabi ko sa kanya na ako na lang ang bibili. Nagkwentuhan kami ni pareng Randy habang umiinom ng serbesa sa labas ng aming plot sa may corridor. Doon, nagkwento s'ya tungkol sa naging buhay n'ya noon. Nalulong daw s'ya sa bisyo noon at trinabaho ito. Sinabi n'ya sa'kin na pumunta s'yang abroad dahil baka hindi magtagal ang buhay n'ya sa Pilipinas. Masyadong magulo! Wika niya. Nag buy and sell din s'ya ng mga sasakyan sa kanila sa Paranaque.

Habang lumilipas ang oras, nagkapalagayan kami ng loob ni Randy boy na dati nama'y batian lang at tanguhan lang kami. Sinabi n'ya sa'kin na tutulungan daw akong makahanap agad ng trabaho. Nagpasalamat ako sa kanya noon at nabuhayan na rin ng loob.

Noong mga panahong iyon, si kuya Joseph ay nakauwi na sa Pilipinas. Si ate Roda ang sumagot sa kanyang plane ticket. Nagpaalam sa'kin noon si kuya Joseph ng may mga ngiti sa kanyang labi at kagalakan. Pagkalipas ng ilang araw, nagtext s'ya sa'kin at nangamusta, andon daw s'ya sa kaibigan n'ya sa Marikina.

Si kuya Biong naman ay nauna ng umuwi kay kuya Joseph. At nu'ng huling araw n'ya ng pasok sa pagga-gwardya ay binilin n'ya ako kila Bigboy at sa iba pa naming katrabaho. Nagpasalamat ako 'non kay kuya Biong at buhat 'non, hindi na kami nagkita pa hanggang ngayon gaya rin ni kuya Joseph.

Isinama pa ako noon ni kuya Biong noong bago palang ako sa trabaho namin sa aming agency, doon kumuha s'ya ng sweldo at binilhan n'ya din ako ng long sleeve na itim o sweat shirt na gamit namin sa trabaho. Inilibre din n'ya ako ng mga pagkain. Namamalengke din kami sa isdaan at isinasama n'ya ako sa budget sa nabibili naming pang-ulam. Nagupitan ko din s'ya noon pati ang hanyang kapatid na babae ng pumasyal kami sa bahay nito.