Para sa taong nagbibigay sa akin ng lakas upang mabuhay at patuloy na lumaban,
Lucia, alam kong hanggang ngayon, hirap na hirap ka pa rin sa ating sitwasiyon. Sana ay laging pumasok sa iyong isipan kung gaano kita kamahal. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa pagsapit ng panibagong araw at sa mga susunod pa, ngunit isa lang ang mahalaga ngayon: nagmamahalan tayo. At alam kong kahit kailanman, hindi magbabago ang katotohanang iyon.
Ilang gabi na rin akong walang tulog. Iniutos ni Pangulong Marcos na halughugin ang maraming bayan upang hanapin ang natitira pang mga rebelde. Alam kong maraming tao ang nasasaktan ngunit, ito ang kailangan naming gawin. Kailangan naming patunayan sa marami ang puso ng mga militar. Mangyayari lamang iyon kung mauubos na ang mga rebolusyonaryo.
Narito ako ngayon sa Nueva Ecija. Malamig. Sana ay kapiling kita upang mayroon akong kayakap. Habang isinusulat ko ito ay naririnig ko ang mga nahuli naming rebelde na kumakanta ng Bayan Ko ni Fredie Aguilar.
Pilipinas kong minumutya, pugad ng luha at dalita.
Hindi ko maiwasang mapigilan na lumuha. Sana ay patawarin mo ako dahil sa aking ginagawa. Sana ay patawarin ako ng ating bayan.
Ilang beses akong binabangungot dahil sa ginawa ng aking mga kasamahan. Noong isang linggo, hinuli nila ang isang kolehiyala dahil sa pagiging aktibista. Habang pinagsasamantalahan nila ito, sinusunog din nila ang labi ng babae gamit ang sigarilyo. Binugbog. Tinurukan ng droga. Ngunit ang hindi ko nakayanan, kinuha nila ang lamang-loob nito at kinain. Dahil sa kapangyarihan ng aming pinuno, ipinalabas na nagpakamatay lang ang estudiyante.
Sina Maria Elena Ang, Archimedes Trajano, Boyet Mijares at Dr. Juan Escandor ay ilan lamang sa mga biktima ng Batas Militar. Ilan lamang sa mga napangalanan. Naroon din ang sanggol na walang muwang sa buhay, ang matatandang halos hindi na makakilos. Alam kong galit na galit ka sa amin dahil sa kuwento ng kanilang pagkamatay. Ngunit kahit ako, Lucia. Kahit ako ay galit na galit sa aking sarili. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi na ako pumasok pa sa mundong ito.
Sa tuwing ibinabalot ako ng takot, pagsisisi at galit ay iniisip ko na lamang ang ating unang pagkikita. Alam ko sa aking sarili na minahal kita 'agad noong nagkasalubong ang ating mga tingin. Mayroong kakaiba sa iyo. Ikaw ang anghel sa impiyernong paligid. Ikaw ang bulaklak sa mundong puno ng tinik. Ikaw ang pag-asa sa kadilimang bumabalot sa aking buhay.
Minsan, iniisip ko kung ano ang iyong hitsura kapag ihaharap na kita sa altar. Kung ano ang ipapangalan natin sa ating mga anak. Ilan ba ang iyong gusting supling? Kahit ilan, Lucia, ayos lang. Pagsusumikapan nating iahon sila sa paghihirap. Mahal na mahal kita.
Naghihinala na si Tiniyente Reyes dahil hindi raw hindi maubos-ubos ang mga rebelde. Sa tingin niya, mayroong koneksiyon ang mga ito sa amin. Lahat daw ay kaniyang gagawin, mapatay niya lang ang taksil. Natatakot ako, Lucia. Ilang beses ko na siyang nakita na tinititigan ako nang masama. Marahil, alam na niyang tinutulungan ko kayo.
Mahal na mahal kita. Sana ay hindi mo ako makalimutan. Lagi mong tandaan na kahit ano ang mangyari, parte ako ng inyong pakikibaka.
Nagmamahal, Roderick.
***
Napapikit ako nang mariin habang binabasa ang huling sulat ni Roderick. Dahan-dahang umagos ang luha sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kaniya. Nangangamba na rin ang aking mga kasamahan. Wala na kaming koneksiyon. Baka isang gabi, hindi na muli namin pang masilayan ang sinag ng araw dahil pinagpapatay na kami ng mga militar.
"Josie, kakain na raw tayo," saad ni Mang Berto, ang pinakamatanda sa amin. Ibang pangalan ang ginagamit namin dito sa kilusan. "Alam kong nalulungkot ka. Ngunit, kailangan mong tanggapin na wala na siya."
Napatingin ako sa matanda nang masama. "Hindi pa siya patay! Buhay pa ang mahal ko. Alam kong babalikan niya ako. Nangako siya sa akin na aalis na siya sa pagiging militar at sasamahan ako sa pakikibaka! Nangako siya!" Lalo akong humagulhol.
Nagsilapitan ang iba naming kasamahan. Marahil narinig nila ang aking pag-iyak. Kahit na mayroong nagpadala sa amin ng duguang damit ni Roderick, umaasa pa rin ako na buhay siya. Alam kong hindi niya ako iiwan. Mahal na mahal namin ang isa't isa. Magpapakasal pa kami. Magkakaroon ng maraming anak. Hindi niya ako pababayaan.
Niyakap ako ng aming pinuno. Itinali niya ang pulang laso sa aking noo. "Kasama, tandaan mo, gaganti tayo. Matatapos din ang paghihirap mo. Sama-sama tayong kikilos." Tumingin siya sa aming mga kasamahan. "Mga kasama, mabuhay ang pakikibaka!", sigaw niya habang nakataas ang kamao sa ere.
"Mabuhay!" sama-samang sigaw ng marami.
Tahimik ang buong paligid. Oras na ng aming pagtulog. Tila walang hangin na nagpapasayaw sa dahon ng mga puno. Walang tunog ng mga kuliglig.
Nang ipipikit ko na ang aking mga mata, biglang nagkaroon ng putukan. Nagsitayuan ang aking mga kasamahan. Natagpuan na kami ng militar!
Pinasok ng mga sundalo ang bawat bahay. Binugbog ang mga lalaki. Hinubaran kaming mga babae. Matapos ng isang oras na paghihirap, dinala kami sa isang kulungan.
Itinulak ako ng isang sundalo sa loob ng madilim na selda. Walang imik ang aking mga kasamahan. Marahil, ito na ang pagtatapos ng aming ipinaglalaban. Wala nang pag-asa. Mamamatay na lang kami rito sa loob nang walang nagawa upang matapos ang paghihirap ng Inang Bayan.
Napaupo ako. Mabaho ang loob ng silid. Amoy kalawang, amoy ng natuyong dugo. Napansin ko ang isang lalaki. Hindi ko maaninag ang mukha niya dahil sa dilim ng paligid. Tila hirap na hirap itong kumilos.
Lumapit ako sa kaniya. Unti-unti kong nakita ang kaniyang imahe. Bumilis ang tibok ng aking puso. "Roderick!" sigaw ko. Mahigpit ko siyang niyakap. Muling tumulo ang luha sa aking pisngi.
"L-Lucia," mahina niyang sambit. Puno ng pasa ang kaniyang katawan.
Marahil, hindi kami ipinagtagpo ng tadhana upang magmahalan bilang isang rebelde at militar dahil sa mundong aming ginagalawan. Ngunit sa loob ng rehas na ito, wala nang hangganan. Bubuo kami ng isang magandang alaala. Walang tinataguan, malayang magmamahalan.
Marahil, ito ang tunay na pakikibaka.