(The Writing Clash Round 1 Entry (Prequel))
Ilang beses na akong paikot-ikot sa aking kama ngunit hindi pa rin ako makatulog. Tiningnan ko ang orasan na nasa aking tabi. Nasa 198 divided by 66 ang maikling kamay at nasa square root of 49 naman ang mahaba. 3:35 pa lamang ng umaga.
Iniisip ko kung paano ko ba magagawang isda ang alaga naming aso na si Jojo. Siguro, kabaliwan nga kung iisipin. Pero, sino ba namang scientist ang hindi baliw?
Patutunayan ko sa lahat na magagawa ko ang aking plano.
Paano kaya kung buhay pa si Daddy? O kaya si Mommy? Siguro, maniniwala sila sa akin na kaya kong gawing isda ang isang aso. Sila ang nagmulat sa akin sa mundo ng siyensiya. Kung hindi lang sila namatay parehas sa ginawa nilang eksperimento, baka tinutulungan nila ako ngayon sa aking ginagawa.
Pero sa likod nito, naiisip ko na mabuti na rin sigurong napunta ako rito sa kapatid ni Mommy na si Nanay Tinay. Mas namulat ako sa kung paano mamuhay nang normal. Noon, tuwing umaga, hindi na ako nakakakain ng almusal dahil umaalis nang maaga si Mommy para pumunta sa trabaho niya. Ngayon, sa tuwing gigising ako, mayroon nang pagkain sa lamesa. Dati, wala akong makalaro. Mag-isa lang lagi. Pero ngayon, kahit papaano, sinasakyan naman ng aking pinsan ang mga laro ko kahit matanda siya sa akin. Ang kapalit lang no'n, nagpapaturo lagi siya sa akin sa mga takdang-aralin niya.
Tiningnan kong muli ang orasan. 5:11 na ng umaga. Ilang oras din pala akong nagnilay-nilay. Wala na naman akong tulog.
Lumabas ako ng aming bahay. Tuwing umaga ko lamang 'to ginagawa dahil ayaw ko sa mga tao. Hindi ko rin alam kung bakit. Sa ganitong oras, bihira lamang ang mga dumaraan sa kalsada. Kapag mayroong kumakausap sa aking iba na hindi ko kakilala, nanginginig ang buo kong katawan. Marahil, epekto ito ng pagiging mag-isa lagi sa bahay sa loob nang ilang taon.
Sa bahay ako pinag-aral nina Daddy para raw hindi delikado. Pumupunta na lamang ang aking mga guro sa bahay upang turuan ako. Sabi nga no'ng isa sa kanila, sayang daw at hindi ko naipakikita sa iba ang katalinuhan ko.
Nang nakita kong mayroong paparating, dali-dali akong pumasok sa aming bahay. Sumilip na lamang ako sa bintana at tiningnan kung sino ang taong iyon.
Pumunta ito sa aming tindahan."Pabili po! Aling Tinay, pabili!" saad no'ng batang lalaki.
"Sandali lang!" narinig kong saad ni Nanay Tinay. Galing siyang banyo. Basa pa ang buhok niya.
Nang nakita niya ako na nasa may bintana, kumunot ang kaniyang noo. "Mayroong nabili, Nathan. Bakit hindi ikaw ang nagbenta?"
"Hindi ko po siya kilala."
Napabuntong-hininga na lamang siya. "Iyon si Mark. Kapit-bahay lang natin 'yan. Kaedad mo lang din. Puwede mo siyang maging kalaro."
"Aling Tinay! Pabili po ng Magic Sarap!" muling sigaw ni Mark.
Dali-daling lumabas si Nanay at pumunta na sa aming tindahan.
Tinitigan ko ang mukha ni Mark. Mayroong kakaiba sa kaniya. Unang beses ko lamang 'tong naramdaman. Bumilis ang tibok ng aking puso. Lahat 'to, alam kong mayroong scientific explanation.
Sa kaniyang salamin sa mata, sa maputi niyang balat, sa damit niyang parang mag-iimbestiga ng isang kaso, masasabi kong hindi siya ordinaryong bata.
Mark, makikilala rin kita at makikilala mo rin ako balang-araw. Tandaan mo 'yan.
Habang kumakain kami nina Kuya ng almusal, muling pumasok sa aking isipan ang imahe ni Mark. Nababaliw na nga siguro talaga ako.
Napatingin ako kay Nanay. Hindi ko masabi sa kaniya ang gusto kong itanong. Nahihiya ako. Baka kasi kung ano pa ang isagot niya.
"Nathan, kanina ka pa nakatitig sa akin. Ano'ng problema mo?" sabi niya.
Muli kong itinuloy ang pagkain. "Wala po," mahina kong tugon.
Makalipas ang ilang sandali, biglang sumambulat ang kanina pang nais sambitin ng aking bibig. "Bakit po bumilis ang tibok ng puso ko kanina no'ng nakita ko si Mark?"
Napahawak ako sa aking bibig pagkatapos kong sabihin ang bagay na 'yon.
"Si Mark? 'Yong parang baklang kakaiba kung manamit na kapit-bahay natin?" tanong ni Kuya.
"Hoy, Eduardo! Hindi bakla 'yong si Mark. Ganoon lang talaga 'yon kumilos at magsalita." Tumingin sa akin si Nanay. "N-Nathan, kinabahan ka lang siguro kanina."
Tumango na lamang ako bilang kasagutan.
"Baka naman crush mo na si Mark," bulong ni Kuya.
Wala nang sumagot sa amin ni Nanay pagkatapos no'n. Imposible. Bakit ko naman magiging crush si Mark? Parehas kaming lalaki. Puwede ba 'yon? Ang alam ko, sa mga hayop lang maaaring mangyari 'yon, base sa mga nababasa ko.
Kinagabihan, pumunta ako sa silid-aklatan ng bahay. Maraming libro ro'n dahil dati itong kuwarto ni Mommy. Habang tumitingin ako ng mga libro na maaaring makatulong sa akin kung ano ang totoong kahulugan ng crush, nakita ko ang isang papel. Isa itong pahina na maaaring napunit sa isang libro.
Binasa ko ang papel.
"Dear Diary,
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Ilang taon na rin akong naghihinala sa asawa ko. Pero, hindi ko inaasahan ang bagay na 'to.
Kanina, nalaman kong magkarelasyon pa rin sina Ate Tinay at ang aking asawa. Nabasa ko ang mga sulat nila sa isa't isa. Matagal na nila akong niloloko."
Hindi ko alam kung ano aking gagawin. Sa unang pagkakataon, nagalit ako nang sobra. Dali-dali akong pumunta sa aking kuwarto. Kinuha ko ang muriatic acid. Alam ko ang magagawa nito sa isang tao kapag nainom niya. Maaari niya itong ikamatay. At ngayon, iyon ang gusto kong mangyari kay Nanay Tinay.
Nang naisalin ko na ito sa tasa, hindi ko inaasahang matabig ko ito dahil sa aking panginginig.
Nakita kong natapon ito sa pakainan ng mahal na aso ni Nanay Tinay na si Jojo. Dali-dali kong pinulot ang bubog at itinapon sa basurahan.
At doon, bigla akong nahimasmasan. Muli kong tiningnan ang papel na nasa aking kamay.
"Pero, alam ko namang mahal talaga nila ang isa't isa. Mayroon na nga silang anak. Si Nathan. Ipinagpilitan ko lang talaga ang sarili ko. Sa amin lang nakatira ang bata para walang masabi ang mga tao.
Alam kong hindi tama. Pero sa pagmamahal, kahit kailan, walang nagiging mali.
Love, Tintin."