Chereads / Haraya [Filipino Short Stories] / Chapter 10 - Lason ni Sandro

Chapter 10 - Lason ni Sandro

Isang lipunan ang bangketa. Mayroong batas na sinusunod. Puno ng mga kaluluwang itinapon ng kamay ng tadhana para sa isang araw ng pagkabuhay. Mga kaluluwang bumubuo sa isang detalye na parang isang kanbas.

Ngunit ang lipunan na iyon ay isang malaking lason para mabuo ang isang nilalang na tulad ni Sandro. Nagising siya dahil sa mga busina ng sasakyan na araw-araw na niyang naririnig.

Tumayo siya sa mula sa malamig na semento. Pinagpag niya ang kaniyang maruming damit. Kinusot ang mga mata. Pagkamulat ay nakita niya ang kahabaan ng bangketa. Nakapuwesto ang mga nagtitinda ng sigarilyo at chewing gum. Naamoy ni Sandro ang hangin na parang ipinagsanib na sinunog na bawang dahil sa mga nagtitinda ng mani at amoy ng tambutso ng dumaraan na mga sasakyan.

Naramdaman niyang tila kumukulo na ang kaniyang tiyan dahil sa pagkagutom. Naglakad siya papunta sa kanilang hapag. Habang naglalakad ay nakita niya ang kaniyang mga kasamahan. Nakatulala ang mga ito sa malalaking litrato ng mga artista na ang iba ay halos wala nang takip sa katawan na parang isang musmos.

Natatakam na naman ang mga ito, bulong niya sa kaniyang sarili.

"Tama na ang paglalaway ninyo. Tara na, kakain na tayo," tawag ni Sandro sa mga kasama.

Napatingin ang mga ito sa kaniya at nagtawanan. Lumapit sila sa binata at nagyaya na para umalis.

"Ano ba ang ulam natin ngayon?" tanong ni Mario. Ito ang pinakabata sa kanilang lima. Mabilis itong tumakbo kaya ito ang nagnanakaw upang makakain sila.

"Ikaw ang bahala. Kahit ano'ng gusto mo, puwede."

Nalampasan nila ang simbahan at teatro ng kalaswaan na pinamamagitnaan ng sangkatauhan ng mga tindero't tindera, ng tambak ng binabangaw na basura, ng mga pulubi't saragate, matatandang nakahilig sa may mga sandalang silya o mga pulubing nakaunat sa mga kartong inilatag sa malalamig na sulok ng bangketa.

Pinagtitinginan sila ng mga tao. Ang iba ay nakataas ang kilay at ang iba ay tila nandidiring lumalayo sa kanila. Sino nga ba naman ang matutuwa kapag nakakita ng mga batang may kulay ang buhok, maitim, puro butas ang damit at marungis?

"Sandali lang. Mayroon pa ba tayong kakainin doon? Baka ubos na," saad ni Leo. Puno ito ng tigyawat sa mukha. Nakatatakot din ang katawan nito dahil malapad ang kaniyang balikat at malaki ang tiyan. Madalas itong nakaaaway ni Sandro dahil sa pagiging masiba sa pagkain at pagiging makasarili.

"Mayroon. Mawawala lang 'yon kung uubusin mo ulit," pabalang na tugon ni Sandro.

"Gago ka. Lalaban ka na sa akin?"

Nagtinginan nang matalim ang dalawa. Walang kumukurap.

"Tigilan n'yo na 'yan. Gutom na gutom na ako," sabi ni Mario. Biglang bumalik sa normal ang kamalayan ni Sandro kaya siya na ang bumitaw sa tinginan nilang dalawa. Nauna itong maglakad. Hindi pa rin nawawala ang inis niya kay Leo.

"Hindi n'yo na kailangang mag-away. Mayroon akong nakuha kay Mang Berto kanina," saad ni Lukas habang itinaas ang nakuha niyang pagkain. Kinuha niya ito sa limpiabota ng matandang sapatero nang nakatalikod ang matanda habang nililinisan ang isang lalaki na tila nakaupo sa trono.

"Ang astig mo talaga," natatawang sambit ni Joseph.

Pagkarating nila sa hapag ay dali-dali silang umupo. Tago ang kanilang kainan upang hindi sila mahuli ng mga pulis at hindi makita ng ibang mga pulubi. Tahimik ang lugar. Naamoy nila ang patay na daga sa loob ng lumang eksinitang yaon.

Muli, binalot na naman ang kanilang kamalayan ng kakaibang kasiyahan.

Nabuo muli ang isang imahe ng mga batang pinagkaitan ng pagmamahal. Kinuha ni Sandro ang isang supot. Iniabot sa kaniya ni Mario ang bote. Kinuha niya ito at isinalin, makaraan ang ilang saglit . . . sininghot na niya ang rugby.

Bumalik sa kaniyang kamalayan ang alaala ng una niyang paggamit nito. Tila blangko ang lahat. Parang lumilipad sa kawalan. Isang alaalang hindi niya malilimutan. Nawala ang kaniyang pagkagutom dahil sa pagsinghot. Nabusog siya nang sobra.

Hindi niya magagawa ang bagay na ito kung hindi sila iniwang magkapatid ng kanilang magulang. Pitong taon lamang siya noon nang sinabi ng kaniyang ina na ibibili lamang sila nito ng pagkain. Hawak niya sa kamay ang bunsong kapatid. Ilang oras silang naghintay ngunit hindi pa rin dumarating ang kanilang nanay.

Bigla niyang napagtanto na hindi na talaga sila babalikan nito. Umiyak nang umiyak si Sandro. Bakit ginawa iyon ng kaniyang ina? Hindi dahil iniwan ito ng kaniyang asawa ay iiwan na rin niya ang kaniyang mga anak. Gustong niyang malaman ang kasagutan sa mga iyon ngunit hindi na iyon mangyayari pa.

Ilang araw silang nagpalaboy-laboy sa lansangan ng kaniyang kapatid. Wala silang makain. Isang gabi, habang natutulog silang magkapatid para maibsan ang kagutuman ay biglang nanginig ang kapatid ni Sandro. Putlang-putla na ang mukha nito. Tirik na rin ang mga mata. Takot na takot siya noong panahong iyon.

Namatay ang bunso niyang kapatid. Iniwan niya na lamang ito sa isang sulok nang walang buhay. Iyak siya nang iyak noong panahon na 'yon. Isang napakasakit na tagpo. Simula no'n, nangako siya sa sarili na haharapin niya ang mundo. Kung masama ito, mas magiging masama siya.

Sa tuwing mawawala na ang tama ng sinisinghot, hindi niya alam ngunit hinahanap-hanap na ito ng kaniyang pagkatao. Isang lason na nakapagpapawala ng maruming imahe na dulot ng hagibis ng mundo. Isang droga.

Habang sumisinghot siya ay nakikita niya ang sarili na kumakain ng masasarap na pagkain. Mayroong adobong karne, menudo, kaldereta, mga panghimagas at iba pang pagkain na katakam-takam. Naririnig niya rin ang malamyos na tugtog na tumitigab sa buong paligid. Wala siyang tigil sa pagkain. Minsan lang mangyari ang bagay na 'yon kaya sasamantalahin na niya. Para siyang nasa alaapap, nagagawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin. Napupuntahan niya ang lugar na gusto niyang marating. Parang isang malaking panaginip.

Tama na. Tigilan mo na 'yan.

Hindi niya alam ngunit mayroon siyang naririnig na boses. Hindi niya ito pinakinggan. Tuloy-tuloy pa rin siya sa pagkain.

Tatlong bote ang nauubos ng magbabarkada sa maghapon. Kung saan-saan nila ito ginagawa. Minsan, sa sementeryo. Minsan, sa lumang gusali. At minsan, sa loob ng mga pambublikong palikuran.

Maririnig sa buong paligid ang kanilang pagsinghot. Sa kabilang banda, nang hapong iyon ay tuloy pa rin ang buhay ng mga tao sa labas ng eskinita. Naroon pa rin ang patuloy na pagbusina ng mga sasakyan, ang paghahapunan ng mayayamang tao sa mamamahaling kainan, ang paghahalungkat ng mga dukha sa basura, ang paghihintay ng mga batang pagpag para sa kanilang kakainin at ang pag-usad ng isang lalong lumalalang lipunan.

Natigil ang pagsinghot ni Sandro dahil sa tunog ng nabasag na bote.

"Putangina, Mario! Bakit mo ba inagaw sa akin 'yong bote?" pasigaw na sabi ni Leo.

"K-Kasi, inuubos mo na naman. Gagamitin pa natin 'yan bukas. Paano kung maubos mo? Ako na naman ang magnanakaw," nauutal na tugon ni Mario.

Hinawakan ni Leo si Mario. Susuntukin na niya sana ito nang pinigilan siya ni Sandro.

"Huwag mo sasaktan ang bata. Napunta na ba 'yang utak mo sa iyong talampakan kaya nakalimutan mong wala 'yang laban sa'yo?" seryosong saad ni Sandro.

"Alam mo, kanina ka pa. Nakaiinit ka rin ng ulo. Akala mo kung sino ka."

Binitawan ni Leo sa damit si Mario at agad na nilapitan ang palabang binata.

Sinuntok niya si Sandro sa panga. Gumanti naman agad ang binata at sinipa ang malaking tiyan ng lalaki.

Napaupo ito sa semento. Lalong tumalim ang titig ng mga mata nito at dali-daling tumayo. Dinambahan niya si Sandro kaya natumba silang dalawa. Pinagsusuntok niya ang binata sa mukha.

Hindi na malaman ni Sandro ang gagawin. Nanonood lang sa kanila ang tatlo nilang kasama. Lutang pa rin ang mga ito dahil sa sininghot.

Nakapa ni Sandro ang isang bubog mula sa nabasag na bote. Kinuha niya ito.

Hindi na niya alam ang nangyari. Tila dumilim ang paligid. At nang unti-unting mawala ang dilim, nakita niya ang nakaratay na si Leo. Umaagos ang dugo sa leeg nito. Nakatusok doon ang isang bubog na kanina lamang ay hawak niya.

Biglang nanginig ang kaniyang kalamnan nang napagtanto ang nagawa. Mabilis na tumakbo sina Joseph at Lukas. Naiwan doon si Mario. Nakita niya ang mga mata nito na nakatingin sa kaniya. Matang natatakot, matang tila nakakita ng demonyo.

Napatayo siya agad. Nagtatakbo sa kawalan. Natagpuan niya ang kaniyang sarili sa tuktok ng isang overpass. Hinahampas ng hangin ang kaniyang mukha. Tiningnan niya ang ibaba. Umaandar ang mga sasakyan. Naisip niya na sana, ganoon din kabilis umandar ang buhay. Na sana, ang nangyari kanina ay maging isang nakaraan na lamang na nakalimutan. Nakaraan na dulot ng pagkakamali. Nakaraan na dulot ng galit at pagkalulong.

Ngunit bigla siyang hinampas ng katotohanan na kahit kailanman, hindi iyon mangyayari. Umakyat siya sa maliit na harang sa isang tabi. Dahil pa rin sa tama ng kaniyang sininghot, naramdaman niya na tila nagkaroon siya ng pakpak. Muli niyang tiningnan ang ibaba. May maliit na tinig sa kaniyang kamalayan na tila nag-aaya itong tumalon.

Sa unang pagkakataon, pinakinggan niya ang maliit na tinig na yaon.

Tumalon si Sandro mula sa itaas. Habang nahuhulog ay naramdaman niya ang isang kakaibang kaligayahan. Kaligahayan at kasabikan na muli niyang makasasama ang kapatid. At kaligayahan na kahit kailanman ay hindi niya naramdaman: ang pagkatakas sa lason ng buhay.