Kakaiba ang kaba ko noon. Higit pa sa kaba na aking nararamdaman noong high school sa magiging resulta ng exam ko sa Math.
"Salazar, 16 over 80", tandang-tanda ko pang sabi ni Ma'am Ginucod. Parang gumuho ang aking mundo nang mga sandaling iyon. Hindi ko maiwasang mapaluha. Nabasâ tuloy ang test paper ko na puro graph. X and y-axis, asymptote, variation. Putang-inang Math. Hindi na tuloy ako nag-college. Sa tuwing tinatanong ako ng aking mga customer kung gusto ko raw bang mag-aral, ang sinasabi ko lagi, ayaw ko na, mahirap kasi ang Math. Pero siyempre, palusot ko lang 'yon. Kung mag-aaral ako, mamamatay si Nanay. Mawawalan kami ng pambili ng gamot. Ayaw ko namang mamatay 'yon, kahit na noong nabubuhay pa si Tatay at kasama pa namin ang mga kapatid ko, ako ang lagi niyang pinagagalitan. Pero, tama na ang drama. Hindi naman dito iikot ang kuwento ko.
Nang iniabot sa akin ng babae sa clinic ang resulta ng ginawa nilang test sa akin, isa lang ang tumakbo sa aking isipan: manghahawa ako ng ibang tao.
Habang nakasakay ako sa kotse ng lalaking hindi ko kilala, buong biyahe, tiningnan ko lang ang mga stoplight na aming dinaanan. Sinabayan ang pagbibiláng ng mga ito. Pababa nang pababa ang numero, parang Diyos na tinititigan ng mga drayber, sapagkat ito ang magdirikta ng kanilang pag-andar, ng kanilang kapalaran.
Sinundan ko lang ang lalaki habang papasók siya sa isang motel. Napaisip ako. Ang mundo, parang graphing paper. At kabilang kaming dalawa sa axes na bubuo sa isa na namang graph na kabilang sa napakarami pang iba. Kumbaga, para lámang kaming isang pirasong buhangin. Ngunit, kung titingnan mula sa itaas, tuldok lang kami, kasama ang iba pang napakaraming piraso. Siya ang x-axis, at ako ang y-axis. Nagkatagpo kami sa bar na sinasayawan ko. At doon nagsimula ang panibagong graph. Dito sa motel, malalagyan na kami ng mga datos.
Pagkapások namin sa kuwarto, dali-dali niya akong hinalikan. Walang bago. Kagaya ng ibang lalaking nakatalik ko, tigang. Hindi ko namalayan na hubad na ang aking damit. Mabilis ang kamay ng gagong 'to. Kaagad niya akong binuhat at inihagis sa kama. Sa pagtatagpo ng x-axis at y-axis, magkakaroon na ito ng label.
"'Wag ka nang gumamit ng proteksiyon, virgin pa ako,"saad ko. Ang tanga, naniniwala naman.
Bibigyan ko ng pangalan ang x-axis. Tatawagin ko siyang Ang Ikatlong Biktima. At ang pangalan ng y-axis, Puta. Ang pangalan ng graph: Human Immunodeficiency Virus.
"Bakit kanina ka pa tahimik?" sambit niya habang nakabalot ang kumot sa aming katawan, kagaya ng eksena sa mga pelikula. Hindi ba puwedeng hubad ang mga tauhan pagkatapos magtalik? Bakit kailangan pang balutin muli ang kanilang katawan?
Ngumiti ako sa kaniya. "Bakit kailangan kong magsalita?"
"Naniniwala ka ba sa aswang?"
"Oo naman. Iyong Danag, feeling ko, totoo."
Noong dinala kami ni Tatay sa probinsiya niya, lagi niya sa aming sinasabi na huwag daw kaming lalabas sa gabî dahil mayroong Danag. Para raw itong mga bampira. Sabi niya, mula raw ang mga ito sa pangkat ng Isneg sa Apayao Province. Walang talâ na nagsasabi kung paano sila nagsimula. Pero, mayroong sabi-sabi na noon daw, ang mga Danag ay nakisasalamuha sa mga tao at nakasasama nila sa pagtatanim ng gábi. Ngunit isang beses, nahiwa raw sa kamay ang isang babae habang nagtatanim. At para maging malinis ang sugat, dahil na rin sa mga paniniwala ng mga sinaunang Pilipino, sinipsip ng isang Danag ang sugat ng babae. Nang nasarapan ito sa lasa ng dugo, sinabi niya sa iba pang Danag kung gaano kasarap ang dugo ng mga tao. At simula no'n, tumigil na sa pagtatanim ng gábi ang mga Danag, sa halip, naghahanap na lámang sila ng mabibiktimang tao sa gabî.
Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako nakakikita ng Danag. Wala pa naman kasing ibang kumakagat sa leeg ko, bukod sa aking mga costumer. Ang kaibahan lang, may halo mang panggigigil, hindi nila sinisipsip ang aking dugo.
"Pero sa manananggal, naniniwala ka?" tanong niyang muli.
"Wala na naman yatang hindi totoo ngayon. Ang mga nangyayari nga sa Pilipinas ngayon ay 'yong mga hindi mo inaasahang mangyayari. Aswang pa kaya? Tao pa kaya na nahahati ang katawan?"
Napatawa siya. "Gusto mong makakita?"
"Kaya mo ba akong pakitaan?"
Ngumiti lámang siya sa akin. Kinuha niya ang isang bote sa kaniyang bag at niyaya ako sa rooftop. Habang tumataas kami ng baitang, binibilang ko ang mga ito sa bawat paghakbang. Muli na namang pumasok sa aking isipan ang graph. Ang axis na Ang Ikatlong Biktima, malalagyan na ng mga numero. Iyon ang bílang ng araw ng unti-unting paglabas sa kaniya ng mga sintomas ng HIV. Ang sabi no'ng babae sa clinic, 2-4 weeks daw bago lumabas ang mga ito. At ang axis na Puta, malalagyan na ng mga numero na nagpapatungkol sa bílang ng mga lalakìng mabibiktima nito.
Nang nakarating na kami sa rooftop, kaagad niyang hinubad ang kaniyang damit.
"Aba, sana, sinabi mo na gusto mo ng Round 2. Nahiya ka pang gawin sa kuwarto. Sa rooftop pa talaga?"
Hindi niya ako pinansin. Ipinahid niya ang langis mula sa loob ng dala-dala niyang bote sa kaniyang hubad na katawan. Unti-unting kumintab ang kaniyang balát na nasisinagan ng liwanag ng buwan. Nagulat ako nang bigla siyang umungol. Hindi iyong klase ng ungol ng kalibugan, kung hindi iyong ungol ng uwak na ginigilitan ng isang mangangaso.
"Putang-ina. Ano'ng nangyayari sa 'yo?" Bigla akong nakadama ng takot.
Nagulat ako nang biglang mayroong tumilamsik na dugo sa sahig ng rooftop habang napupunit ang kaniyang balát sa likuran, at ilang sandali pa'y kumawala rito ang pakpak.
Napapikit ako. Nanginig ang aking buong katawan dahil sa aking nasaksihan. Nais kong sumigaw, ngunit, mayroong pumipigil sa akin. Ngayon lámang ako nakadama ng ganito. Naroon ang takot, ngunit naroon din ang pagkagusto na masaksihan ko ang maaari pang mangyari. Sa kabila ng lahat ng iyon, muli kong iminulat ang aking mga mata at tiningnan ang lalaki.
Patuloy ang kaniyang pag-ungol habang iginigiling niya ang kaniyang balakang, pakanan, pakaliwa, paulit-ulit na ritmo, hanggang sa napilas ang laman niya sa baywang. Tumulo ang dugo hanggang sa kaniyang binti.
Pumagaspas ang kaniyang pakpak. Nahati ang kaniyang katawan.
Gusto kong tumakbo dahil sa gulat, kaba at sa napakarami pang pakiramdam na sabay-sabay na dumadaloy sa aking pagkatao, ngunit, hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan. Napatitig ako sa kaniya. Sa lalaking kanina lámang ay kasalo ko sa init ng katawan at ngayon ay isa nang . . . manananggal?
"Ano, naniniwala ka na?" nakangiti niyang sabi.
"T-Totoo ba 'yan?" nanginiginig kong sambit. "Halimaw!"
Lumipad siya patungo sa akin. Hindi ko namalayan na binuhat niya ako at isinama sa kaniyang paglipad. Sumigaw ako nang sumigaw. "Tulong! Kinukuha ako ng manananggal! Tulong!"
Tuloy-tuloy lámang ang aking pagsigaw. Pumasok sa aking isipan ang hitsura ni Nanay, ang aking mga kapatid, ang aking magiging mga anak. Unti-unting naglalaho ang mga ito dahil sa pangamba na bakâ ito na ang aking huling hininga.
"Kahit sumigaw ka pa nang sumigaw rito, walang makaririnig sa 'yo. Pero kapag nairita ako, kayang-kaya kita ihulog. Ikaw ang bahala."
Bigla akong napatahimik. At sa hindi inaasahang pagkakataon, napatingin ako sa ibaba. Kitang-kita ko ang pag-andar ng mga sasakyan sa lungsod. Mabibilis. Pumasok na naman sa aking isipan ang Math. Mayroong mga kotse na parang tangent line. Isang beses lang magkasasalubong. At pagkatapos, hindi na muling magkikita pa. Mayroon namang mga sasakyan na parang parallel line na hindi magtatagpo kailanman. At naroon din ang asymptote. Papalapit nang papalapit, ngunit hindi magkakatagpo. Sa unang pagkakataon, nagustuhan ko ang konsepto ng Math. Na sabi ng Filipino teacher ko noon, Sipnayan.
Naramdaman ko na ibinaba ako ng manananggal sa rooftop. Ipinatong niya ang itaas na katawan sa kaniyang ibabang bahagi. At ngayon, siya na muli ang lalaking nakatalik ko kanina. Buo, normal. Ngunit ang dati niyang malinis na katawan, ngayon ay nahawahan na ng duming nanggaling sa akin─dumi na maaaring pumatay sa kaniya nang dahan-dahan.
Hindi ko alam pero nagkaroon ng kaonting kirot ang aking puso.
Naaawa ako sa kaniya. Para siyang tauhan at ako ang kaniyang manunulat. Tiningnan ko lámang siya bílang isang titik, bílang mga salita. Dinala ko siya sa isang kuwento na alam kong mapanganib. At wala na siyang magagawa pa.
"Masarap bang lumipad?"
Tumango lámang ako. Huminga nang malalim. Búkas, magkakaroon na naman ng panibagong graph. Tiningnan ko ang lalaki.
"Bakâ ito na ang huli mong paglipad,"saad ko.
Umalis na ako sa rooftop.