Chereads / Haraya [Filipino Short Stories] / Chapter 11 - Luha ng Sundalo

Chapter 11 - Luha ng Sundalo

Bumanaag na ang silahis ng takip-silim nang pamuli akong magkamalay. Binuksan ko ang pintuan ng aming kuwarto. Hindi ko alam ngunit may kakaibang damdamin na bumabalot sa aking puso't isipan.

Tumingin ako sa salamin na nasa aking harapan. Naalala ko bigla si Ama. Maraming nagsasabi na kamukhang-kamukha ko siya. Sa tuwing nalulungkot ako, tinitingnan ko lang ang aking sariling repleksiyon upang maalala ko ang kaniyang hitsura.

Naalala ko noong ako'y bata pa. Ipinaggagawa niya ako ng laruang baril na gawa sa kahoy. Itinuturo niya sa akin ang tamang paghawak at ang tamang pagtira. Hindi ko alam ngunit, ayaw kong pakinggan ang kaniyang mga payo. Ayaw kong sumunod sa kaniyang mga yapak. Hindi ko gusto ang ganitong buhay.

Mayroon akong kapatid na sanggol. Sana, sa kaniyang paglaki, maayos na ang aming buhay. 'Yong ipaggawa siya ni Ama ng guryon sa halip na baril-barilan. 'Yong tuturuan siya kung paano ito paliparin.

Minsan, gusto kong sabihin sa kaniya ang mga tanong na nasa aking isipan. Hindi ba siya nagsasawa sa buhay namin? Bakit hindi niya magawang umalis sa samahang ito para maging normal ang aming pamumuhay? Nangangako siya na itatakas niya kami rito ngunit bakit hindi niya pa rin magawa?

Nakita ko si Ina sa labas ng aming bahay. May lungkot sa kaniyang mga mata. Kagabi ko pa naririnig ang kaniyang pag-iyak dahil hindi pa rin umuuwi si Ama mula sa digmaan. Narinig namin sa radyo na pinasabog ng mga militar ang kanilang pinagtataguan.

Gusto ko nang tumakas sa pagiging isang rebelde. Gusto kong lasapin ang pagiging malaya. Hindi ko na kaya na parang lagi na lang nakabaon ang isang paa naming sa hukay. Natatakot ako na baka habambuhay na lang kami magtago nang magtago.

Nagtatago kami ngayon ng aking ina at aking kapatid na sanggol sa isang tagong bayan kasama ang aming mga kasamahan. Naghihintay kami sa pag-asang darating sina Ama na nanalo sa kanilang laban. Ngunit dahil sa ibinalita kagabi ay tila nawalan ng boses ang aming lugar. Nanatiling tahimik ang lahat. Naghihintay na mayroong magsalita upang matapos na ang nakabibinging katahimikan dulot ng kalungkutan at pag-aalala.

"Nanay, 'wag na po kayong malungkot. Alam ko pong darating si Ama. Hindi ba't nangako siya sa atin na itatakas niya tayo sa ating kalagayan?" saad ko sa aking nakatalikod na ina.

Humarap siya sa akin at bigla akong niyakap. Humahagulhol siya. Marahil alam niyang kakarampot lang ang pag-asa na matupad ang aking sinabi.

"Mario, tandaan mong kahit ano'ng mangyari, mahal na mahal ka namin ng tatay mo. Kapag nawala na kami, ikaw ang mag-aalaga sa kapatid mo. Mangako ka sa akin," aniya habang nakatingin sa aking mga mata.

Nag-iba ang ekspresiyon ng aking mukha, bumilis din ang tibok ng aking puso."'Wag po kayong magsalita nang ganiyan."

Hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking luha. Bakit ganito ang aking nararamdaman? Sana naman ay hindi mangyari ang aking iniisip. Hindi ko kaya kapag nawala sila.

"Mangako ka, Mario," sambit niya.

"Opo. Nangangako po ak—"

Hindi ko natapos ang aking sinasabi dahil biglang nagkagulo ang aming mga kapit-bahay.

Sinilip ko kung ano ang nangyayari. Nakita ko ang mga sundalo na hinahalughog ang mga bahay. Marahil ay may nakapagsabi sa kanila kung saan kami nagtatago. Naririnig ko ang pag-iyak ng mga bata. Ang tahol ng mga aso. Marahil, ito na ang katapusan naming lahat. Tapos na ang aming laban.

Hinigit ako ni Ina papasok sa aming bahay at dali-dali niyang isinara ang aming pintuan at mga bintana.

Pumunta siya sa aming altar habang hawak ang rosaryo. Dali-dali siyang lumuhod at tumingin sa santong nasa kaniyang harapan.

"Ama namin, sumasalangit Ka . . . " nanginginig niyang sambit. Naririnig ko ang papalapit na yabag.

"Sambahin ang ngalan Mo . . . " binabaklas na ang aming pintuan. Naririning ko ang iyak ng aking kapatid na sanggol dahil sa tunog ng mga baril.

Nagulat kami nang nakapasok ang isang sundalong may takip ang mukha na dala ang isang armalite. Tumigil ang pagdarasal ni Ina. Kitang-kita ko ang takot sa kaniyang mukha. Tila nakakita ng halimaw, tila mahuhulog sa napakalalim na bangin.

"Maawa na po kayo. 'Wag ninyo po kaming patayin ng aking mga anak." sambit ni Ina habang lumuluha. Hindi siya pinakinggan ng sundalo.

Sa isang iglap, binaril niya ang aking Ina sa ulo.

Hindi ko mapigilan ang umiyak. Diyos ko. Tulungan ninyo kami ng aking kapatid. Inaamin ko, ngayon ko lang ako humingi ng tulong sa Kaniya. Hindi ako naniniwala na mayroong Diyos. Dahil kung mayroon, hindi niya hahayaang humantong sa ganito ang aming buhay. Ngunit hindi ko alam pero bigla ko na lang Siyang naalala ngayon.

Maawa Ka na sa amin. Huwag Mo kaming pababayan.

Tumingin ako sa sundalo. Nakatutok ang kaniyang baril sa aking kapatid. Kukuhanin ko sana ito ngunit naiputok na niya ito agad. Napansin ko ang kaniyang pagluha. Bakit?

Tumingin siya sa akin. Pamilyar ang tabas ng kaniyang mukha.

Patuyan Mo sa akin kung totoo Ka nga bang talaga.

"Patawad, anak. Kailangan kong gawin ito."

Narinig ko ang putok ng baril. At unti-unti, dumilim na ang aking paligid.