Suot ang kaniyang pulang kasuotan na bigay ng asawang kano, nagpalakad-lakad siya nang painda-indayog ang puwet at balakang. Wala pa ring nagbabago, sa isip niya. Ang mukha pa rin ng mga kubakob ay magkakatulad. Marumi ang buong paligid, mabaho. Ang bubong ng bawat bahay ay mayroong mabibigat na gulong o malalaking mga bato upang hindi liparin ng malakas na hangin. Ang mga dingding ay gawa lamang sa maninipis na kahoy.
Nakahanay rin ang mga sinampay sa labas ng bawat tirahan. Kadalasan, luma na ang mga ito. Nag-iba ang ekpresiyon ng kaniyang mukha. Tila nandidiri.
"Aba, Jose. Ikaw na ba 'yan?" saad ng isang matabang lalaki.
Nagulat siya. Nahulog ang subo-subo niyang pipa na naglalabas ng usok.
Napatingin siya nang masama rito. Galit na galit ang kaniyang mukha."Buwisit kang baboy ka. Kuhanin mo 'yan,"
"J-Jose, pasensiya na," nanginginig na sambit nito habang iniaabot ang nahulog.
Nang akmang iaabot ng matabang lalaki ang pipa, tinampal ng babae ang kamay nito.
"Hindi na ako si Jose. Ako na ngayon si Reine Regina Johnson. Ang reyna ng kayamanan at kagandahan," pagmamalaki niyang sambit. Kinuha niya ang mamahaling pamunas sa bulsa at iniabot sa lalaki.
Nakilala ng lalaki si Reine dahil hindi masiyadong nagbago ang mukha nito. Naroon pa rin ang batang noon ay lagi nitong nakikita. Naroon pa rin ang larawan ng batang baklang marungis. Humaba lang ang buhok nito ngayon at sosyal na kung kumilos.
"Ano'ng gagawin ko rito, Jo─Reine?" nagtatakang tanong ng lalaki. Napaisip ito kung bakit tila hindi na siya nito naaalaala. Marahil ay nagbago na nga talaga ito nang husto, isip niya.
Baka mayroon na ngayong gamot na pampalimot na tanging mayayaman lamang ang nakabibili. Ngunit bakit naman iyon iinumin ni Jose? Nais nito sanang itanong ang bagay na ito sa kaharap ngunit nahihiya siya dahil baka magmukha lamang siyang tanga.
"Punasan mo 'yong pipa. Nakadidiri ang sahig n'yo rito."
Dali-daling pinunasan ng lalaki ang pipa at muling iniabot kay Reine.
Napatawa siya sa ginawa ng lalaki. Iyong tawa na madalas marinig sa mga kontrabida sa teleserye. "Sa 'yo na 'yan. Hindi ko na gagamitin ang bagay na nahulog na. Ano nga pala ang pangalan mo?"
Lumiwanag ang mukha ng lalaki."Berting. Berting Sandoval. Hindi mo na ba ako naaalala?" masaya nitong tanong.
Nagulat si Reine. Biglang bumalik sa kaniyang isip ang lahat ng nangyari.
Matalas ang mata ng mga tindera sa bangketa. Binabantayan ang iba't ibang anyo at istilo ng mga mangungulimbat. May nagkukunwaring hahawak sa paninda, o dili kaya naman, may isang paslit na biglang sisipot, walang kaabog-abog na dadamputin ang isang maliit na paninda, kakaripas ng takbo. Hanggang sa ang paslit na anino ng lungsod ay tuluyan nang maglaho.
Dalang-dala na ang mga magtitinda sa mga batang yaon. Bukod sa mga pulis, itinuturing din nila ang mga ito bilang peste.
At isa sa mangungulimbat na 'yon ay ang batang bakla na si Jose.
Masaya siyang naglalakad habang hawak ang tinapay na ninakaw. Ilang buwan na niya ring ginagawa ang bagay na ito. Wala silang makain. Mayroong sakit ang kaniyang ina samantalang ang kaniyang ama naman ay laging lango sa alak. Iyong mga kapatid niya, lahat ay mayroon nang mga anak. Sumama na sa kanilang mga asawa. Hindi man lang sila binibisita ng mga ito kahit sandali.
Minsan, habang kumakain siya ng ninakaw ay naiisip niya na masama pala talaga ang kaniyang ginagawa. Ngunit kung hindi naman niya ito gagawin, baka mamatay siya sa gutom. Ang kita niya sa pagtitinda ng sigarilyo at kendi ay sapat lamang para sa pambili ng gamot ng kaniyang ina. Minsan nga ay kinukuha pa ito ng kaniyang bastardong tatay.
Ang kasiyahan na bumabalot sa kaniya habang naglalakad ay biglang naglaho nang salubungin siya ni Berting. Ang matabang bata na kinatatakutan ng lahat, ang mangungulimbat sa mga mangungulimbat. Matalas ang tingin ng mga ito sa kaniya.
"Hoy bakla, ibigay mo sa akin 'yang hawak mo. Malilintikan ka sa akin kapag hindi mo ibinigay."
"Ako ang kumuha nito. Bakit ba hindi ka magsumikap! Napakatamad mo!"pasigaw na tugon ni Jose.
"Aba sumasagot ka na! Alam mo bang ako ang hari rito? Alipin lang kita. Alipin ko kayong lahat, lalo na ang baklang kagaya mo!"
Binugbog ni Berting si Jose. Nanlaban man ito, sa huli ay nanalo pa rin ang tamad.
At sa tagpong iyon, nangako siya sa sarili na iyon ang una at huli niyang pagkatalo sa laban.
Matapos ng pag-alala sa nakaraan, napatingin nang matalim si Jose na ngayon ay si Reine kay Berting.
"Oo naman. Hindi kita makalilimutan," saad niya habang kinuha ang bagong pipa at sinindihan.
"Mabuti naman. Ang yaman mo na ngayon. Reyna ka na talaga."
"Reyna talaga ako. Naging reyna ako dahil nagsumikap ako. Hindi ako kagaya mong tamad at nanlilimahid sa kahirapan. Ngayon, alipin na kita. Alipin ko na kayong lahat, lalo na ang kagaya mong halimaw," pagtatapos ni Reine habang umaalis nang painda-indayog ang puwet at balakang.