Chereads / Haraya [Filipino Short Stories] / Chapter 7 - Ang Pagkamatay ni Jojo at ang Kahulugan ng 4FRNRL60

Chapter 7 - Ang Pagkamatay ni Jojo at ang Kahulugan ng 4FRNRL60

November 05, 2006

Ilang oras na akong nakatitig sa papel na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa pagkamatay ng aso ng aming kapit-bahay na si Aling Tinay. Bigla niya na lang daw nakita na nakalupasay ito sa sahig, bumubula ang bibig. Limang taon ang aso, AsKal, puti ang kulay at ang pangalan─Jojo.

Mahal na mahal ni Aling Tinay si Jojo. Kaya ngayon, iyak siya nang iyak. Basa na nga ang kaliwang manggas ng damit ko dahil sa kaniya. Sa balikat ko ba naman humagulhol. Sinuri kong muli ang bangkay ng aso. Kailangan na nitong ilibing, ngunit, hindi ko pa rin alam kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. Kailangan kong makamit ang hustisya ni Jojo.

***

Napatawa na lamang ako nang muli kong binasa ang aking talaarawan. Ngunit kahit kailan, hinding-hindi ito mabubura sa aking isipan. Iyon ang panahon na nalaman ko sa aking sarili na mahilig akong mag-imbestiga ng isang kaso, ng isang misteryo.

Hindi ko na muli pang itinuloy ang pagbabasa dahil inililipad ng malakas na hangin ang bawat pahina. Tila bumubuo ito ng bahaghari. Bahaghari na gawa sa mga alaala ng kahapon.

Habang nagkukuwentuhan at kumakain ang mga estudyante sa aking paligid, narito ako sa ilalim ng puno. Nasanay na akong mag-isa. Ngunit, kahit isang beses, hindi ko nararamdaman na mag-isa ako. Alam kong sa bawat kilos na aking ginagawa, mayroong nilalang na mula sa kabilang mundo na nanonood sa akin. Sa laki ba naman ng uniberso, imposibleng wala nang nilalang ang nabubuhay kagaya natin.

Sinabunutan ko ang aking sarili. Napakarami ko na namang iniisip. Kinuha ko ang isang libro na patungkol sa mga karagatan. Ilang porsyento pa lamang ang nadidiskubre rito. Tunay ngang isang napakalaking misteryo ang mga dagat. Gusto kong makita ang pinakailalim nito, gusto kong makita ang Atlantis.

"Mukhang malalim ang iniisip mo," saad ng isang lalaki. Napatingin ako sa kaniya. Nakangiti ito nang malaki.

Ibinalik ko ang aking tingin sa librong aking binabasa. "Mas malalim pa rin ang karagatan. Kung ikaw lang sana si Poseidon, yayakapin kita. Pero, hindi. Ordinaryo ka lang."

Umupo ito. Tumabi sa akin. Hindi ko alam ngunit bigla akong kinilabutan. "Mali. Mas malalim pa rin ang utak ng isang tao," seryoso niyang sambit.

"Huhulaan ko, Psychology ang kinukuha mong kurso. Babaero ka. Kakausap ng isang babae tapos iiwan din pagkatapos. Kunwari, interesado ka sa buhay niya. Pero, kapag nawalan ka na ng gana, sasabihin mong magbabanyo ka muna tapos hindi ka na babalik pa."

Tumawa siya nang tumawa. Malulutong ang bawat halakhak na inilalabas niya. "Tama, Psychologist nga ako. Pero, grabe naman 'yong mga iniisip mo tungkol sa akin."

Hinawakan ko siya sa pulso. "Sinungaling ka. Aminin mo, ilang beses ka nang nakipagtalik?"

"Wala, hindi ko pa nararanasan 'yon."

Hindi bumilis ang tibok ng pulso niya. Hindi nga siya nagsisinungaling. Mayroong kakaibang hibla ng kasiyahan ang kumiliti sa aking kamalayan. Bihira lamang sa mga lalaki ang umaamin na hindi pa siya nakikipagtatalik. Marahil, mayroon ngang kakaiba sa kaniya.

"Isa pang tanong, bakla ka ba?"

Tumitig siya sa akin nang kakaiba. Bigla akong nailang. Gusto kong tapusin ang titigan namin ngunit hindi ko magawa. Para akong binabatubalani ng kaniyang mga mata.

Inialis ko na ang hawak ko sa kaniyang pulso. Mukhang alam niya ang Pulse Reading. Ngayon ko lang naalala na Psychology nga pala ang kurso niya. Marahil, napag-aralan na nila ito at kung paano magsinungaling sa ganitong gawain.

Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. "Paano ko ba mapatutunayan sa 'yo na lalaki talaga ako? Hindi pa ba sapat 'yong pag-uusap natin?"

Kahit ilang na ilang na ako, hindi ko inilayo ang aking mukha sa kaniya. Sa halip, mas lalo pa akong lumapit. Natawa ako nang nakita ko ang kaniyang paglunok. "Halikan mo ako," mariin kong sambit.

"A-Ano?" gulat na gulat niyang tanong.

Inilayo ko na ang aking mukha. Muli kong itinuon ang aking atensyon sa pagbabasa.

Kinuha niya ang libro mula sa aking mga kamay. "Tinatanong kita, ano 'yong sinabi mo kanina? Gusto mong halikan kita?"

Sinuntok ko siya. "Gago. Naniwala ka naman. Gumising ka nga sa katotohanan. Hindi ko pa nga alam ang pangalan mo, tapos makikipaghalikan ako sa 'yo? Hindi ako puta."

Dali-dali kong iniayos ang aking mga gamit. Tumayo na ako mula sa aking pagkakaupo.

"Saan ka pupunta?"

"Sa mundo kung saan walang iistorbo sa akin. Sa mundo kung saan ako lamang mag-isa, inaalam ang kasagutan sa misteryo ng daigdig. Sa mundo na kung saan. . . walang ikaw," inis kong sambit.

Dali-dali niyang kinuha ang papel sa kaniyang bag. Mayroon siyang isinulat. "Iyan. Kapag nasagutan mo 'yang code na 'yan, papayagan kitang pumunta sa kahit anong mundong gusto mo. Pero, hanggat hindi mo pa nasasagot, hindi kita titigilan," saad niya habang iniaabot ang papel sa akin.

Tiningnan ko ang papel. 4FRNRL60.

Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na wala siyang karapatang sabihan ako ng ganoon, ngunit, mayroong parte sa aking pagkatao na gusto pa siyang makilala. Mali, hindi ko siya gustong makilala, gusto ko lang sagutan 'tong ibinigay niyang code at ipamukha sa kaniya na wala siyang mapapala sa akin.

Nang tatanungin ko kung ano'ng pangalan niya, bigla na lamang siyang nawala sa kaniyang puwesto kanina. Ang bilis kumilos ng gago.

Pagkarating ko sa bahay, ginawa ko ang lahat ng paraan upang malaman ang sagot sa ibinigay no'ng lalaki, pero, wala akong mahanap. Mula sa Vignère, Public-Key Cryptography, True Codes at Monoalphabetic Substitution, wala pa rin akong mahanap na tama.

Itinigil ko na ang pagsasagot nang sumakit ang aking ulo. Buwisit na lalaki 'yon.

Dahil gusto kong mawala siya sa aking isipan, nagbasa na lamang ako ng mga artikulo tungkol sa mga misteryo na hindi pa rin nasasagot. Si Jack the Ripper na kilala sa walang habas na pagpatay, hindi pa rin nakikilala hanggang ngayon. Mayroong nagsasabi na baka raw si Jose Rizal ang tao sa likod nito dahil sa bawat pinapatay niya, inilalagay niya ang isang initial─J.R. Naroon din ang misteryo sa Bermuda Triangle na sinasabing kapag dinaanan ng mga sasakyang pandagat at panghimpapawid, bigla na lamang maglahahalo ang mga ito at hindi na mahahanap pa. Ang mga Stonehenge na hindi malaman kung bakit ginawa, ang mga aliens na nanghuhuli raw ng mga tao.

Nang natapos na ako sa pagbabasa, bigla na namang pumasok sa aking isipan ang lalaki. Ang ngiti at pagsasalita niya, ang paglalapit ng aming mukha, ang pagkagulat niya nang sinabi kong halikan niya ako. Totoo nga ang sinabi niya kanina, hindi niya ako titigilan hanggat hindi ko nasasagot ang ibinigay niyang code. Pero, ang hindi ko inaasahan, nang nakilala ko siya kanina, unti-unti kong naunawaan ang konsepto ng pag-ibig.

Kinabukasan, sa halip na dumiretso ako sa punong aking tinatambayan, nilibot ko ang buong eskuwelahan para makita siya. Hindi na nga ako pumasok sa aking mga klase.

Ilang oras na akong naglalakad ngunit hindi ko pa rin siya matagpuan. Napaupo na lamang ako sa isang bench. Pinunasan ko ang pawis sa aking mukha. Unang beses kong ginawa ang bagay na 'to para sa isang tao.

"Gusto mo ng tubig?"

Napatingin ako sa nagsalita. Dali-dali akong tumayo at itinulak siya sa isang pader. "Gago ka! Alam mo bang kanina pa kita hinahanap? Hindi mo ako pinatulog kagabi! Lintik naman kasi 'yong code na ibinigay mo!" sigaw ko.

Humagikhik siya. "Talagang sinagutan mo 'yong code? Ibang klase ka talaga."

"'Tang-ina, siyempre! Sabi mo, hindi mo ako titigilan kapag hindi ko 'yon nasasagutan."

Kinuha niya ang aking kamay. Wala siyang sinabi na kahit anong salita. Hindi ko namalayan na naroon na pala kami ilalim ng puno.

Umupo kaming dalawa. Gusto ko sanang bumitiw mula kaniyang pagkakahawak sa aking kamay ngunit hindi ko na naman magawa.

"Hindi naman talaga kita titigilan kahit anong mangyari. Tatakbo ako nang tatakbo sa isipan mo," sambit niya habang nakatingin sa kalangitan.

Pinisil ko siya sa ilong. "Ang kapal mo talaga! Ano ba kasing sagot doon sa code?"

"Hindi naman kasi 'yon code. Password lang 'yon ng WiFi namin. Gusto ko lang mapunta ang atensyon mo sa akin. Alam ko kasing mahilig ka sa mga ganoon."

Biglang uminit ang aking ulo. Inialis ko ang ang aking kamay mula sa kaniya ay bigla ko siyang sinuntok nang paulit-ulit. "Wala kang kuwenta. Putang-ina, alam mo bang halos mabaliw na ako kaiisip sa 'yo tapos pinaglalaruan mo lang pala ako. Mamatay ka na sanang ga─"

Hindi ko natapos ang aking sinasabi dahil hinalikan niya ako sa labi. Napapikit ako. Totoo nga ang sinasabi nila, gasgas man ngunit tila bumagal ang takbo ng oras. Tila wala itong katapusan. Tila napunta kaming dalawa sa isang bagong dimensyon.

Napamulat ako nang naramdaman kong hindi na nakadampi ang kaniyang labi sa akin.

"Hindi kita pinaglaruan, tandaan mo 'yan. At kahit kailan, hindi kita magagawang paglaruan. Hindi ko alam kung bakit ko 'to ginagawa. Pero alam ko, ito ang dapat kong gawin. Alam kong dito ako magiging masaya. Kabaliwan man pero. . . mahal na yata kita."

Napatawa ako. "Hindi pa nga natin alam ang pangalan ng isa't isa."

"Ako si Nathan de Leon, ang iyong magiging kapiling habambuhay. Ipinapangako ko sa 'yo na magkasama nating sasagutan ang bawat misteryo, ang bawat katanungan, ang bawat titik at numero na tila walang patutunguhan."

Hindi ko alam kong ano ang aking sasabihin. Sa pagkakataong ito, ako naman ng humalik sa kaniya. Biglang pumasok ang sa aking isipan ang nakasulat sa aking talaarawan.

***

Ilang araw ang lumipas, nailibing na si Jojo. Nagbasa ako ng napakaraming libro. Nalaman kong nilason ang kawawang aso. Maayos na naman ang kalagayan ni Aling Tinay. Masiyahin na ulit siya.

Isang beses, habang nakikipagkuwentuhan ako sa kaniya tungkol sa panaginip, nakita ko ang isang muriatic acid sa kanilang lamesa. Itinanong ko kung bakit doon nakalagay ang delikadong bagay. Ginamit daw kasi ito ng kaniyang anak na si Nathan noong isang araw at nakalimutan nang ilagay muli sa kanilang banyo. Mahilig daw kasi ito mag-eksperimento. Kinuha ko ang bote, binasa ang nakasulat. "N. de Leon's Property."

Siya ang pumatay kay Jojo! Ang mismong anak ni Aling Tinay ang kumitil sa buhay ng kaniyang pinakamamahal na aso.

Love, Mark.