Chereads / Haraya [Filipino Short Stories] / Chapter 4 - Nakalimutang Paghuhugas

Chapter 4 - Nakalimutang Paghuhugas

Naiinggit ako sa mga normal na babae. 'Yong hinihiling nila na makasakay sa chubibo kasama ng lalaking kanilang mahal. 'Yong pagkahilig nila sa pink, unicorn, bulaklak, boy bands at higit sa lahat, sa walang hanggang pag-ibig. Heto na naman kasi ako, nakaupo habang gumagawa ng tula. Dinarama ang hangin, nakatulala sa bituin, putol ang dalawang binti. At kahit kailan, hindi na magiging normal.

Hindi niya alam kung paano sila nakarating sa

parte na kung saan ang lahat ay naging isang giyera, pagsisimula ko. Kadalasan, hindi masaya ang tema ng aking mga tula. Ampalaya nga raw ako sa buhay, sabi nila. Ayaw ko kasing mabuhay sa kasiyahan. Alam kong walang mararating ang isang kagaya ko. Aasa lang ako nang aasa.

Napatingin ako sa canvas na nasa aking harapan. Nakapinta roon ang aking sarili. Nakalugay ang buhok, suot ang magarang damit, malamlam ang mukha, mayroong binti at paa. Sobrang perpekto kung tititigan.

"Kapag ibinenta ko 'yan, siguradong mag-aagawan ang mayayaman. Napakaganda mo kasing modelo," naalala kong sambit ng aking kapatid na pintor.

Ibinenta niya 'yong obra sa isang mayamang lalaki. Nabighani raw kasi ito sa aking kagandahan. Hindi ko inaasahan na pupuntahan niya ako sa aming bahay. Tandang-tanda ko ang ekspresiyon ng kaniyang mukha nang nakita ako. Ang pangit ko raw pala sa personal, putol pa ang paa. Ang mas matindi, isinauli niya 'yong obra sa aking kapatid.

Simula no'n, hindi na ako lumabas ng aming bahay. Mas lalo akong nainggit sa ibang mga tao. Nakikita nila ang ganda ng mundo, malaya silang lumalagalag. Ako, marahil ay habambuhay na lamang nakakulong sa katotohanang 'to.

Pilit niyang hinahanap kung nasaan ba ang kampo,

kung nasaan ba ang katotohanan na tinatakpan ng kasinunalingan.

Ganiyan naman talaga ang sa pag-ibig. Nakabubulag. Mas gugustuhin pang malasap ang kasinungalingan na itinatago ng magaganda at mabubulaklak na salita kaysa sa masakit na katotohanan na dapat talagang malaman. Oo na, inaamin ko naman. Ampalaya talaga ako. Wala namang dahilan para maging masaya.

Hindi ko mararanasan ang paglalakad papunta sa altar. Noon, pangarap kong magsuot ng napakagandang damit-pangkasal habang nakangiti sa akin ang lalaking bumuo sa aking buhay. Ngunit ngayon, hindi ko na aasahan na mangyayari sa akin ang bagay na 'yon. Wala nang magkakagusto sa isang kagaya ko. Wala namang tangang lalaki na gugustuhing magkaroon ng asawang walang kayang gawin kung hindi ang magsulat.

Minsan, kailangan nating tanggapin na nasa realidad tayo. Walang prinsipe na tutulong sa 'yo, walang salamin na sapatos na maiiwan mo, walang diwata na gagamit ng mahika para maging maganda ka, walang hahalik sa'yo para magising ka mula sa sumpa.

"Anak, kumain ka muna. Nagsusulat ka na naman ba? Mamaya mo na ituloy 'yan," sambit ng aking ina. Binitawan ko ang aking panulat. Kinuha ko ang aking saklay at tumungo na sa kusina.

Pagkarating ko sa aming hapag ay nabungaran ko ang aking magulang. Nakangiti si Nanay. Ngiti na nagtatakip sa kaniyang pagkakaawa. Samantalang si Tatay, nakakunot ang noo. Walang bago.

"Ano, Alexandra? Habambuhay ka na lang bang ganiyan? Ang tanda mo na! Wala ka pang trabaho," pasaring ni Tatay. Kumuha siya ng kanin at inilagay ito sa kaniyang plato. "Tingnan mo nga 'yong iba na may ibang kapansanan, nakatutulong sa pamilya. Hindi ka ba nainggit sa kanila? Ikaw, pasulat-sulat lang. Paano kapag namatay na kami? Papakainin ka ba ng mga tinta at papel?"

Hindi ako sumagot. Wala ring nasabi si Nanay. Parehas kaming takot sa kaniya. Tahimik ang buong bahay habang kumakain kami. Kung naandito lang sana ang kapatid ko, sana kahit papaano ay mayroong nagsasalita. Nasa ibang bansa na kasi siya, para raw maiahon kami.

Nang natapos na ako ay kinuha ko ang aking saklay upang dalhin ang aking pinagkainan sa lababo. Ramdam ko ang tingin ni Tatay sa akin. Minamanmanan ang bawat kilos na aking ginagawa.

"Pilay ka lang, hindi ka pipi o bingi. Bakit hindi ka sumasagot kapag kinakausap kita?" mariing sabi ng aking ama.

Napupuno na ako sa kaniya. Hindi ko na kaya. "Bakit? Makikinig ba kayo sa sasabihin ko kung sakaling magsalita ako? Hindi naman 'di ba? At oo nga pala, hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit ako nagkaganito. Ikaw! Hinayaan mong masagasaan ako habang kinakausap mo 'yong kabit mo. Akala mo hindi ko tanda? Ipinalabas mo na aksidente ang lahat pero ang totoo, ikaw naman talaga ang may kagagawan."

Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni Nanay. Hindi siya nakapagsalita. Tumulo lang ang kaniyang luha. Inilagay ko ang plato sa lababo at pumunta na ako sa aking kuwarto. Narinig ko ang paghingi ng patawad ni Tatay.

Kinuha ko ang papel at itinuloy na ang aking pagsusulat.

Ang dating matamis na mga salita ay

napalitan na ng luha, sigawan at kaguluhan.

Nagsimula na rin ang aking pag-iyak. Naalala ko ang pagkagising ko noon sa ospital. Nakita ko ang aking putol na binti. Iyak ako nang iyak noong panahon na 'yon. Nakiusap si Tatay sa akin na huwag ko raw sasabihin kahit kanino kung bakit ako nasagasaan. Papatayin niya raw ako sa oras na sambitin ko ang katotohanan.

Ang sintas ng kanilang sapatos

na noon ay magkatali,

ay unti-unti at dahan-dahan nang naghiwalay.

Nakita ko kasi siyang nakikipag-usap sa isang magandang babae. Akala ko magkaibigan lang silang dalawa. Ngunit nagulat ako nang naghalikan sila. Sa murang edad, alam ko na 'agad ang katotohanan. Niloko niya kami. Ipinagpalit niya si Nanay.

Ang mga halik ay napalitan

ng walang humpay na kasakiman

upang magwagi sa giyerang sila ang lumikha.

Nagtatakbo ako papalayo sa kanila no'ng kabit niya. Hindi ko inaasahan na mayroong paparating na malaking trak. Nagdilim ang aking paligid.

Ang kapangyarihan ng pagmamahal

ay ginamitan ng baril at armas

upang mawalan ito ng bisa.

Simula no'n, hindi na ako naniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig. Ang alam ko lang, masasaktan ako sa bagay na ito. Lason para sa isang tao. Nakamamatay.

Naranasan ko rin ang panlalait sa akin ng aking mga kaklase dahil putol ang aking binti. Doon ko naranasan kung gaano kapait ang buhay. Hindi na ako nagiging masaya. Naiinggit ako sa iba dahil hindi nila naranasan ang mga naranasan ko. Gusto kong maramdaman nila kung gaano kasakit. Na mas gugustuhin na lang nilang mamatay kaysa dumating sa puntong ganito ang kanilang buhay.

Bawat pangako ay tuluyan nang naglaho

sa alapaap ng pagkalimot.

Isang gabi, naramdaman kong pumasok ang aking Tatay sa aking kuwarto. Unti-unti kong naramdaman ang pagtaas niya sa aking damit. Ang paghipo sa bawat parte ng aking katawan. Itinali niya ang aking mga kamay. Nilagyan ng takip ang aking bibig. Nakita ko ang kakaibang ngiti sa kaniyang muka.

Lumuluha ako habang hininipo niya sa ang iba't ibang parte ng aking katawan. Ngunit tila wala siyang naririnig. Naging isa na siyang demonyo.

Ipinilit niya ang mga bagay na gusto niya. Sa tuwing hindi ko ito ginagawa, sinasaktan niya ako nang paulit-ulit. Sinasapak, sinusuntok sa tiyan, sinisipa. Sa huli, siya pa rin ang nagwagi. Ginawa ko ang lahat ng kaniyang sinabi.

Pinagsamatalahan niya ako. Matapos niya itong gawin, niyakap niya ako at sinabing, "Miss na miss na kita, Maxine."

Hindi Maxine ang pangalan ko at ng aking ina. Marahil iyon ang pangalan ng babaeng kinahuhumalingan niya.

Silang dalawa ay biktima ng

makasalanang pagkakataon.

Ilang beses niyang ginawa sa akin ang bagay na 'yon. Marahil, sa akin lang siya nakadarama ng sarap. Siguro, ito talaga ang itinadhana para sa akin. Hindi na ako magiging normal kahit kailan. Hindi ko mararanasan ang pagsakay sa chubibo kasama ng lalaking aking mahal. Hindi ko maituturo sa magiging anak ko ang pagkahilig sa pink, unicorn, bulaklak, boy bands at higit sa lahat, sa walang hanggang pag-ibig.

Manhid na manhid na ang buo kong pagkatao. Marahil ay hindi na ako makararamdam pa ng sakit. Hindi ko na nga siguro mapapansin ang problemang darating pa sa aking buhay.

Hindi ko naramdaman na malalim na pala ang gabi. Tahimik na rin ang paligid. Marahil ay natutulog na ang aking magulang. Biglang mayroong pumasok sa aking isipan. May paraan pa pala para matakasan ko ang impiyernong ito.

Ngunit nag-aabang at naghihintay pa rin

kung sino ang magwawagi

Pumunta ako sa kusina at kumuha ng isang kutsilyo. Tinungo ko ang silid ng aking mga magulang. Nakita ko na natutulong nang mahimbing ang aking ama sa sahig. Marahil hindi niya magawang lumapit sa aking ina. Mayroong luha na tumutulo sa kaniyang mukha.

Wala siyang karapatang lumuha! Huwag niyang sabihin na nagsisisi siya dahil hindi iyon nararapat para sa kaniya. Kahit lumuhod pa siya at halikan ang paa namin ni Nanay, hinding-hindi ko siya magagawang patawarin.

Sinaksak ko ang kaniyang dibdib nang paulit-ulit. Iyon ang kabayaran ng lahat ng kaniyang ginawa sa akin.

Lumabas na ako ng kuwarto. Hindi ko maiwasan na mapangiti. Natakasan ko na ang demonyo, pinatay ko na siya. Siya ang ugat kung bakit naging ganito ang aking buhay ngayon. Marahil, kapag nawala na ang ugat na yaon, magbago na ang mapait na bunga.

Kinuha ko ang aking panulat para isulat ang huling linya ng aking tula.

Sa giyera na gusto na nilang

matapos at matuldukan, pagtatapos ko. Nagulat ako nang nadampian ng dugo ang papel.

Nakalimutan ko palang hugasan ang aking mga kamay.