"Ang halimaw!" Sigaw ng isang lalaki pagkakita nito sa akin. Napalingon sa akin ang mga kasamahan niya at ang mga kasabayang naglalakad. Kahit nakajacket na ako ng may hood ay namukhaan pa rin nila ako.
Nagsitakbuhan sila. Bakas sa sigaw nila ang takot na may halong pang-iinsulto. Isa-isa silang nawala sa paningin ko hanggang sa ako na lang ang natirang naglalakad sa daan nang gabing iyon.
Hinila ko na lang ang hood at pinilit na kinubli ang mga mata nang sa gayon ay hindi na ako mamukhaan kung may muling makasalubong man ako.
Halimaw.
Simula bata pa ako ay ito na ang turing ng mga tao sa akin. Dahilan nito ang pagkakaroon ko ng kakaibang kulay ng mga mata na hindi normal para sa isang tao. Nakakatakot itong tingnan kaya ganoon na lang ang turing nila sa akin lalo na kapag sumasapit ang gabi. Mas tumitingkad ito at mas makinang pa sa makinang na ginto sa t'wing tinatamaan ng liwanag ng buwan.
Umagos ang sariwang luha sa aking mga mata. Dapat ay sanay na ako sa turing ng ibang tao sa akin. Halimaw na ang tingin nila sa akin simula bata pa lang ako. Subalit iba na ang sitwasyon ngayon. Wala na akong masasandalan na pamilya. Kinuha sila sa akin tatlong buwan na ang nakakalipas. Hanggang ngayon ay wala pa ring resulta sa imbestigasyon na ginawa ng pulisya sa pagkaka-massacre sa kanila. Pinagbintangan pa ako na ako mismo ang pumatay sa sarili kong pamilya dahil sa isa nga akong halimaw.
Pero hindi totoo iyon! Paano ko magawang paslangin ang tanging mga tao na totoong nagmamahal sa akin? Sila ang pumrotekta sa akin sa loob ng labimpitong taon upang walang may makapanakit sa akin. Kahit anong pilit kong ipaintindi iyon sa kanila, nakatatak na sa kanilang isipan na ako ang may gawa ng krimen na iyon.
Napakuyom ako ng kamay. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala ng pamilya ko. Mababait sila. Wala silang kaaway. Walang motibo para paslangin sila maliban sa isa.
Dahil sa akin.
Malakas ang kutob ko na ako ang dahilan niyon. Walang pwedeng sisihin kung 'di ako lamang.
Binalak kong magpakamatay. Wala na ring saysay kung mabubuhay pa ako. Wala ng tatanggap sa akin. Itatakwil ako ng buong mundo dahil sa anyo ko. Anong pang halaga ng buhay ko? Pero hindi pwede! Hindi pa sa ngayon. Hindi pa nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pamilya ko. Kapag nawala ako, hindi nila makakamtan iyon. Buhay ang kinuha kaya buhay din ang kapalit.
Pangako sa inyo, Nay, Tay, Kuya Gilbert at Nesra. Ipaghihiganti ko kayo.
Parang wala ako sa sarili habang naglalakad. Dala marahil ng matinding pagod sa pag-aaral, pang-iinsulto ng kapwa estudyante at ng ibang tao at patuloy na pagdadalamhati sa pagkawala ng mga mahal ko sa buhay, hindi ko namalayan ang mga nagkikislapang ilaw ng torch sa labas ng bahay namin.
Natigil ako sa kinatatayuan. Mula rito, rinig ko ang sigaw ng mga tao. Bakas sa mga ito ang galit. Sumikdo ang puso ko sa kaba. Nagkaroon agad ako ng ideya kung bakit mayroong komosyon sa labas ng aming bahay.
Sunod-sunod ang walang-awang pagpaslang dito sa ibat-ibang lugar ng bayan ng Dermont. Sa loob ng limang buwan ay lagpas sa dalawampung katao na ang namamatay. Sa nakikitang paraan ng pagkakapaslang sa mga biktima, hindi ito kayang gawin ng isang normal na tao. Isang halimaw lamang ay may kayang gawin iyon...
Bago umalis ng bahay kanina ay narinig ko ang balitang iyon sa radyo. Ilang buwan nang laman ng mga balita ang tungkol sa krimen at kasama sa bilang ng biktima ang pamilya ko at parehong paraan ng pagkakapaslang sa mga ito katulad ng sa iba.
Hindi ko nakuhang gumalaw. Hanggang sa nakita nila ako. Nanginig ang kalamnan ko lalo na nang makakita ako ng itak na hawak ng karamihan sa kanila.
"Ang halimaw! Nandun ang halimaw!" Sigaw ng nakakita sa akin. Sabay-sabay na napalingon sa akin ang mga kasamahan nito. Sa tansya ko ay nasa lagpas limampu ang bilang nila at kung hindi ako tatakbo ay siguradong mapapatay nila ako.
Sa nanghihinang tuhod ay pinilit kong igalaw ang mga paa ko.
"Bilisan niyo! Kailangan mapatay na ang halimaw!"
Sigaw muli ng isa sa kanila. Sinundan ito ng karamihan habang patuloy sa pagtakbo. Binilisan ko ang kilos. Ngunit pakiramdam ko ang bagal ng naging pagtakbo ko dahil sa labis na kaba. Sa nakikita ko sa mga taong ito ay desidido talaga silang patayin ako.
Hindi ko alam kung saan ako patungo. Ang tanging nasa isip ko na lamang ay kung paano akong makakalayo sa kanila.
"Halimaw ka! Dapat sayo ay mamatay!"
Kasabay ng pagtakbo ko ang pag-agos ng mga luha sa mga mata. Hindi ko lubos akalain na aabot sa ganito ang lahat. Hindi ko na mababago pa ang isipan ng mga taong ito. Matagal ko ng alam na pinaghihinalaan na ako ang kriminal pero ipinagsawalang bahala ko iyon. Dapat sana'y umalis na ako noon pa. Magiging walang kwenta ang pagkamatay ng pamilya ko kapag nawala rin ako.
Patuloy akong tumatakbo. Minsan nadadapa ako kaya nababawasan ang distansya ko mula sa mga humahabol sa akin. Humahapdi man ang mga tuhod ko ay pinipilit ko pa rin ang tumakbo. Kailangan ko silang mailigaw.
Dumoble ang kaba ko nang makita ko kung saan ako patungo. Natigil ako sa pagtakbo. Kung may higit na natatakot sa mga taong gustong pumaslang sa akin, triple naman ang hatid ng nasa harap ko ngayon.
Ang Dermont Forest.
Ang pinakakatakutang lugar sa bayan ng Dermont. Lahat ng taong pumapasok sa lugar na ito ay hindi na nakakabalik o natatagpuang patay sa ilog na nanggaling din sa gubat. Maliban dito, maraming mababangis na mga hayop ang nakatira at higit sa lahat mga halimaw. Tingin din ng mga tao ay nanggaling ako sa kagubatang ito.
"Bilisan niyo! Ang halimaw! Kailangan ng mapatay ang halimaw na 'yan!"
Napalingon ako. Ilang metro na lang ang layo sa akin ng mga tao. Kapag hindi pa ako kumilos sa susunod na ilang segundo ay siguradong maabutan nila ako.
Muli akong humarap sa bungad ng kagubatan. Nagdadalawang isip pa rin ako kung papasok ako sa loob. Pero wala na akong pagpipilian. Mamatay na lang din ako, hindi sa mga taong ito. Wala silang karapatan. Mas pipiliin kong sa kamay ng halimaw na lang ako mawalan ng buhay.
"Patayin ang halimaw!"
Inipon ko ang natitirang lakas ng loob at nagsimulang kumilos. Hindi na ako pwedeng umatras. Ang kagubatan na lang ang pag-asa ko para matakasan ang panganib na dala ng mga humahabol sa akin.
Sumalubong sa akin ang madilim na paligid. Ngunit unti-unting nagiging malinaw ang paningin ko. Isa sa advantage sa pagkakaroon ng ganitong mga mata ay ang malinaw na paningin sa madilim na paligid. Maliban dito ay may abilidad din akong makarinig ng mga boses sa malayo pero kanina'y masyadong ukopado ang utak ko kaya't hindi ko na narinig ang panganib na naghihintay sa akin.
Ang mga abilidad na ito ay isang lihim na matagal ko ng tinatago. Kahit ang pamilya ko ay hindi alam ito. Ayaw kong pati sila ay isiping halimaw din ako. Tama na ang pagkakaroon ko ng kakaibang mga mata.
Muli akong napatigil sa pagtakbo. Liningon ko ang mga humahabol sa akin. Malayo na ako sa kanila. Hindi rin kasi sila pumasok sa gubat. Tumigil sila sa bungad nito.
Napahinga ako ng maluwag. Alam kong hindi na nila ako hahabulin sa loob ng gubat. Wala na silang lakas ng loob na pumasok dito.
Pinakinggan ko sila. Naririnig ko ang usapan nila na lahat pa rin ay galit na galit.
"Mamatay na sana ang halimaw na 'yon!"
"Siguradong babalik siya sa lungga niya."
"Umalis na tayo dito. Baka tatawag iyon ng mga kasama at pati tayo ay mapatay!"
Pagkasabi ng isa ay agad silang nagsialisan. Ilang sandali pa'y nawala ang ilaw ng mga torch kasabay ang kanilang mga boses.
Natigil ako sa paghinga nang makarinig ng kaluskos. Nanigas ako sa kinatatayuan kasabay ang paninindig ng balahibo ko sa buong katawan. Tila noon ko lang napagtanto kung nasaan ako. Umihip ang malamig na hangin. Nagsayawan ang mga puno't halaman. Napahawak ako sa magkabilang braso ko.
Napaatras ako nang makakita ng mabilis na paggalaw ng anino. Palipat-lipat ito sa mga halaman at puno. Alam ko kung anong klaseng nilalang ito. Tama nga usap-usapan na maraming halimaw sa gubat na ito.
Babalik sana ako sa pinanggalingan ko nang makaramdaman ako ng pagkilos sa likuran ko. Napahinto ito ilang dangkal mula sa akin. Dinig ko ang paghinga nito at kakaibang boses na parang mangangagat na aso.
Sa labis na takot ay tumakbo ako. Hindi ko ininda ang pagod at paninikip ng dibdib ko.
Naramdaman ko ang paghabol nito. Alam kong kaya akong habulin ng nilalang na ito kung gugustuhin nito dahil sa mabilis nitong paggalaw ngunit tila binabagalan nito ang kilos. Parang pinaglalaruan pa ako.
Takbo lang ako ng takbo. Kahit nakikita ko ang paligid, hindi ko naman alam kung saan ako patungo. Halos matisod ako dahil sa mga nakausling ugat ng malalaking puno at mga bato.
Patuloy pa rin akong hinahabol ng nilalang. Narinig ko pa ang kakaibang tawa nito. Palagay ko'y naaliw ito sa nakikitang takot mula sa akin.
Sa huli, tinapos nito ang habulan. Bigla itong sumulpot sa harapan ko. Napatigil ako't napasinghap lalo nang makita ang mukha nito.
Hindi ang kakaibang mukha ang inasahan kong makita. Mukha itong tao. Isang matangkad na lalaki. Ang kakaiba lang ay ang kulay ng mga mata na katulad ng sa akin at ang matulis na pangil nito.
"Nakakatuwa na may naligaw na kuting dito." Inaasahan ko ng nakakapagsalita dahil mukha itong tao datapwa't ikinasinghap ko pa rin iyon.
"Pero paano ba 'yan, pagod na akong makipaglaro sayo."
Napaatras ako nang lumabas ang matulis na kuko nito. Gumawa pa iyon ng tunog na parang sa kutsilyong hinulbot mula sa lalagyan nito.
Sa mabilis na sandali ay nakalapit na ito sa akin at hinawakan ako sa leeg. Walang kahirap-hirap na itinaas ako nito sa ere at isinandig sa malapit na puno. Nagpumiglas ako pero mas lalo lang akong nasakal. Napahiyaw ako sa matinding sakit nang kalmutin ako nito sa kanang bahagi ng aking tiyan. Ibayong sakit ang bumalatay sa buong katawan ko. Naramdaman ko ang pag-agos ng dugo mula sa tatlong hiwa na gawa ng matutulis na kuko ng lalaki.
Dinilaan nito ang kukong may dugo ko. Pumikit pa ito at tila ninamnam kung gaano ito kasarap. Ngumiti ito nang dumilat at deretsong tumingin sa akin.
Kasabay ang pag-agos ng dugo sa mga sugat ko ay ang pagtakas ng sariwang luha sa magkabilang mga mata ko. Alam kong hindi ako bubuhayin ng nilalang na ito kaya wala na ring saysay para magmakaawa pa ako rito. Sa pagpasok ko sa kagubatang ito ay alam ko na ang kahahantungan. Wala na rin naman akong ibang patutunguhan. Kung hindi ako pumasok dito ay papatayin din naman ako ng mga tao.
"Sige, iyak lang ng iyak. Mas lalo akong ginaganahang paslangin ka." Anito at tumawa.
Muling itinaas ng lalaki ang kamay at akmang aatakehin ako sa dibdib nang may pumigil dito. Hinila ang kamay nito mula sa pagkakasakal sa akin. Nabitawan ako nito at sa mabilis na sandali ay tumilapon na lang ito sa kung saan.
Bumagsak ako sa lupa, nakaluhod at naghahabol ng hininga. Nakarinig na lamang ako ng mga boses na galit at ang boses ng nilalang na iyon na dumadaing dahil sa matinding sakit na tila pinaparusahan.
Sinubukan kong tumayo upang makatakbo ngunit bumagsak lamang ang katawan ko. Napahawak ako sa tiyan ko. Matinding sakit ang muling bumalot sa buong katawan ko. Nakakaramdam na ako ng panghihina dahil sa maraming dugong nawala sa akin. Unti-unti na ring dumidilim ang paningin ko hanggang sa hindi ko na nakayanan. May mabilis na kamay na sumalo sa akin sa tuluyang pagbagsak. Bago ako nawalan ng malay narinig ko itong nagsalita.
"Alpha, maraming dugo na ang nawala sa kanya. Kailangan ng maagapan agad ito sa lalong madaling panahon."
***
Disclaimer:
This book is a work of fiction. Any resemblance to the name of persons dead or alive, businesses, events or places used in the story are might be coincendental and used fictitiously.
Do not transmit, copy or distribute by any forms or by any means. Please obtain permission from the owner.
Any action taken mentioned above is punishable by law. Remember, plagiarism is a crime.
Iamjaelopez WP.