Louise
Nagising ako sa hindi pamilyar na silid. Inilibot ko ang tingin. Halos puting kulay ang pumuno sa kabuuan nito at iilang gamit lang ang nakapaloob rito. Isang maliit na mesa, upuan sa tabi nito at isang aparato.
Nasaan ako? Anong ginagawa ko sa lugar na ito? Anong nangyari?
Natigilan ako.
Doon bumalik sa akin ang lahat.
Ang gabing kinuyog ako ng taong bayan. Gusto nila akong patayin. Pumasok ako sa Dermont forest, ang pinakatatakutang lugar sa bayan ng Dermont. Nakawala man ako sa mga ito, isang halimaw na mukhang tao naman ang gusto akong paslangin. Pero may kung sino ang nagligtas sa akin. At sa pagkawala ng aking malay-tao, narinig ko ang isang babaeng nagsalita ngunit hindi naging malinaw sa akin ang sinabi nito pero may tinawag ito na sa tingin ko ay ang nagligtas sa akin.
Sino ito?
Sino sila?
Alam kong hindi lang sila dalawa. Marami sila. Rinig ko ang iba't-ibang boses nang gabing iyon lalung-lalo na ang lalaking halimaw na gustong pumatay sa akin na tila pinaparusahan dumadaing sa matinding sakit.
Sa tingin ko, katulad din ng lalaki ang mga nagligtas sa akin. Anong klaseng mga nilalang sila? Parang hindi sila normal. Sa paraan ng pagkilos at paggalaw nila ay hindi iyon kayang gawin ng isang normal na tao.
Halimaw.
Bigla akong kinabahan. Halimaw.
Baka nga halimaw sila?
Pero bakit mukha silang tao? Ang kulay na mga mata na katulad ng sa akin, matatalim na pangil at matutulis na kuko lamang ang kakaiba sa kanila. Maliban sa mga ito ay kawangis na nila ang isang tao.
Nawala ako sa pag-iisip ng makaramdam ng pamamalat ng lalamunan. Uhaw na uhaw ako.
Tubig. Kailangan ko ng tubig. Sinubukan kong bumangon subalit gumuhit ang sakit sa ulo ko, sumunod ang tiyan ko.
Natatandaan ko, may sugat pala ako rito, gawa ng lalaking may matutulis na kuko na dahilan kung bakit ako nawalan ng malay.
Wala akong nagawa kung 'di ang humiga na lamang. Sobra akong nanghihina para igalaw pa ang katawan ko. Hindi ko rin alam kung sino ang tatawagin. Ni hindi ko alam kung nasaan ako ngayon. Kung nasa hospital ba ako? Kung iniligtas nga ba ako ng mga nilalang na iyon o ikinulong sa kung saan at balak ding patayin.
Bago pa nasagot ang mga tanong ko ay bumukas ang pinto ng silid na kinaroroonan ko. Iniluwa nito ang isang matangkad na babae. Nakasuot ito ng puting damit hanggang sa tuhod na para bang uniporme ng isang nurse.
Nang dumako ang tingin nito sa akin ay nanlaki ang mga mata nito. Parang nakakita ng multo ngunit agad na gumuhit ang tuwa sa mukha. Mabilis itong lumapit sa akin.
"At last, you're awake." Natutuwang saad nito. Kita sa mukha nito ang kasiyahan.
"Anong pakiramdam mo?" Muli itong nagsalita. Parang pamilyar sa akin ang boses nito. Maigi kong tinitigan ang babae. Nang muli itong magtanong kung kumusta ang pakiramdam ko, doon ako nagkaroon ng recognition. Bago ako nawalan ng malay nang gabing iyon ay ito ang nagmamay-ari ng huling boses na narinig ko.
Hindi ko sinagot ang tanong ng babae. "S-Sino ka? N-Nasaan ako?" Bagkus ito ang sinabi ko. Halos pabulong lang din dahil sa panghihina at pamamalat ng lalamunan ko.
"Oh! Ako nga pala si Bella. And you are here in our hospital." Sagot nito. Bago pa man ako muling makapagtanong ay bumukas ulit ang pinto. Sabay kaming napalingon ng babae roon. Pumasok ang isang lalaki. Tulad ng una ay ganoon din ang naging reaksyon nito nang makita akong gising.
Natutuwang ibinalita ng babae ang paggising ko. Inutusan rin nito ang lalaki na kumuha ng pagkain at tubig na agad nitong sinunod. Pero bago ito lumabas ay tumingin ito sa akin. Umukit ang isang ngiti sa mukha nito.
Sino sila? Bakit ganito ang pakikitungo nila sa akin?
Ang babae ito. Katulad ito ng halimaw na lalaking iyon. Baka saktan din ako nito na gusto akong patayin. Kahit iniligtas ako nito at ng mga kasama ay alam kong nasa panganib pa rin ako sa mga kamay nila.
Muling napatingin sa akin ang babae. Nakaukit pa rin sa mukha nito ang ngiti. Pinakiramdaman ko ito. Wala akong nararamdamang panganib. Kahit sa buong paligid. Pero kinakabahan pa rin ako. Hindi pa rin ako sigurado sa abilidad kong makaramdam ng panganib katulad na lang nang nangyari ng gabing iyon.
"Kumusta ang pakiramdam mo? Magdadalawang araw ka ng tulog."
Ganoon na ako katagal na natutulog?
"Mabuti na lang at naagapan namin ang sugat mo. You are alreasy safe now and all you need is to rest." Dagdag pa nito at binigyan ako ng isang matamis na ngiti.
Hindi ko alam kung magpapasalamat ako rito. Baka nagpapakita lang ito ng magandang loob pero iyon pala ay masama rin itong gagawin sa akin.
"Don't be afraid. Hindi ka namin sasaktan. Hindi namin gagawin ang ginawa sayo ng lalaking 'yon. Thankful nga kami dahil at last, nahuli na rin namin siya." Sabi ulit nito. Tila napansin ang nararamdaman kong takot.
Hindi na ako nagsalita at muling tumahimik na lamang. Wala man akong nararamdaman na panganib, hindi pa rin ako siguradong ligtas sa kanila. Nawalan na ako ng tiwala simula nang mamatay ang pamilya ko. Isa pa ay ito lang ang mga taong pinagkakatiwalaan ko.
"You know what, you're different. Ikaw lang ang naiiba sa mga kalahi natin. You're eyes were still in that color. It should be shifted in normal right now." Puna nito. "At parang ngayon lang kita nakita."
Nangunot ang noo ko sa sinabi ng babae. Anong lahi ang pinagsasabi nito? At bakit magpapalit ang kulay ng mga mata ko e ganito na ang normal nito.
"Where have you been that night? Bakit nandoon ka sa kagubatan? Don't you know na delikado ang lugar na iyon?"
Wala akong maapuhap na sasabihin. Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang mga tanong ng babae. Naguguluhan ako sa mga pinagsasabi nito.
Akmang magsasalita ulit ito nang muling bumukas ang pinto at pumasok ang lalaki kanina. May dala na itong tray na may lamang pagkain at tubig. Agad nitong nilapag ang dala sa katabing mesa nitong kama.
Tumayo si Bella at akmang aalalayan ako pero mabilis akong umusog. Bigla tuloy gumuhit ang sakit sa tiyan ko. Napadaing ako sa sakit.
"Are you okay?" Nababahalang tanong nito. "Don't be afraid. Wala kaming gagawing masama sayo. At huwag ka ring masyadong maggagagalaw dahil sariwa pa ang tahi sa sugat mo."
Wala akong nagawa kung 'di ang tanggapin ang tulong ng babae. Pinabangon ako nito at pinasandig sa headboard ng kama. Kalahati ng katawan ko ay nakahiga.
"Here." Anang lalaki at inilahad sa akin ang tubig. Inabot ko naman ito at agad uminom. Naubos ko ang laman nito.
"Kumain ka na rin. You need to eat para lumakas ka."
Pagkatapos kumain ay muli akong kinausap ni Bella. Inusisa kung anong ginagawa ko sa gubat nang gabing iyon. Pero nanatili akong tahimik. Mabuti na lang at inaya na ng lalaki na nagngangalang Thadeus si Bella. Sinabi nito sa huli na hayaan muna akong magpahinga. Napabuntong-hininga na lamang si Bella at itinigil na ang pang-uusisa sa akin. Kalauna'y iniwan na nila ako sa kwarto.
"Just press the button if you need anything. Take a rest now. Babalik din ako mamaya para i-check ka." Anito bago tuluyang umalis.
Muli kong pinakiramdaman ang dalawa. Sinubukan ko ring pakinggan ang boses nila kung may masama nga ba talaga silang balak sa akin pero hanggang sa nakalayo sila na hindi na abot ng pandinig ko ay ang tungkol sa pagkagising ko lamang ang pinag-usapan nila. May sinabi pa silang ipapaalam nila ito sa kanilang pinuno.
Sino namang pinuno ang sinasabi nila? At bakit kailangan nilang ipaalam dito ang kalagayan ko?
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung sino sila. Kung totoo nga bang halimaw sila, na katulad sila ng lalaking iyon. Nagpapalit lang sila ng anyo kaya mukhang normal na tao sila kung titingnan pero ang totoo ay may lahi silang halimaw. Kaya nasabi ni Bella na kakaiba raw ako sa kalahi nila.
Muli akong nakaramdam ng takot para sa sarili. Siguro hanggang dito na lang ako. Hindi ko na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga mahal ko sa bu—
Bigla akong natigilan. Muling umalingawngaw sa akin ang narinig kong balita sa radyo nang umalis ako ng umagang iyon.
Halimaw.
Halimaw lang ang may kayang pumatay sa lahat ng naging biktima ng pagpaslang sa bayan ng Dermont.
Sila ang mga halimaw ibig sabihin, sila ang mga pumapatay sa bayan. Sila ang pumatay sa pamilya ko. Mula sa takot ay nakaramdam ako ng matinding galit. Naikuyom ko ang aking mga kamay. Nagtangis ang aking bagang.
Ang mga halimaw na iyon ang kumitil sa mga pinakamamahal ko sa buhay. Maaring isa lamang ang pwedeng pumatay sa kanila pero pareho pa rin silang halimaw. Pare-pareho lang silang pumapaslang. Dapat sa kanila ay mamatay!
Kailangan kong malaman ang totoo. Alam ko na kung ano sila pero kailangang makita ng mismong mga mata ko ang totoong anyo nila.
Gusto ko silang sugurin at pagbayarin sa ginawa nila sa pamilya ko pero wala akong magiging laban pagnagkataon. Malalakas sila at walang-wala ang lakas ko upang kalabanin sila. Kailangan kong mag-isip ng magandang paraan. Marahil dinala na ako ng pagkakataon sa sitwasyong ito para makamit ang hustisyang hinahangad ko.
Magbabayad sila. Buhay ang kinuha nila kaya buhay din ang magiging kapalit.
ILANG araw din akong nanatili sa kwartong iyon bago tuluyang naghilom ang sugat sa tiyan ko. Araw-araw din akong mino-monitor at sinusuri ni Bella at hinahatiran naman ng pagkain na may kasamang gamot ni Thadeus. Mabilis lang din silang nanatili sa kwarto, kinukumusta ang pakiramdam ko at agad ding lumilisan.
Sa tuwing nakikita ko sila ay gusto ko silang sugurin. Kinikimkim ko na lang ang galit dahil kapag nagpadalus-dalos ako ay mabibigo ako. Wala pa akong sapat na lakas at hindi ko rin alam kung paano sila kakalabanin.
Sa bawat araw ay pinapakiramdaman at pinakikinggan ko ang galaw ng paligid pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong nararamdamang panganib para sa sarili ko.
Sinubukan ko ring lumabas ngunit parating nakakandado ang pinto. May bintana ang kwarto ngunit may rehas naman ito. Wala rin akong nakikita sa labas nito kung 'di, malapad na kakahuyan at sa tingin ko ay nasa itaas na parte ang kwartong kinaroroonan ko.
Wala mang panganib ngunit bakit tila kinukulong nila ako? At saan nga bang lugar ito? Kung hindi ako nagkakamali ay hindi na ito ang bayan ng Dermont.
Tahimik ang lugar na ito. Malayung-malayo sa matao at maingay na bayan ng Dermont. Huni ng mga hayop at tunog ng mga punot halaman sa tuwing hahampas ang hangin.
Wala rin akong naririnig na boses ng mga tao pwera na lang kina Bella at Thadeus. May limitasyon lang din ang abilidad ko na makarinig ng boses sa malayo. Sa tansya ko, nasa pagitan lang ng isandaang metro.
Kasalukuyan akong nakaupo sa kama nang bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang nakangiting si Bella at may dalang pagkain na si Thadeus. Inilapag ng huli ang pagkain sa mesa.
"Mabuti at gising ka na Louise." Masiglang wika nito. Alam na nila ang pangalan ko. Louise lang din ang sinabi ko. Hindi nila pwedeng malaman ang apilyedo ko at baka malaman nila kung sino ako.
"Mukhang maayos na rin ang pakiramdam mo dahil nakakagalaw ka na ng maayos. At maghanda ka nga pala dahil pupunta ngayon dito ang Alpha para kausapin ka."
***