Chereads / ILYSB / Chapter 8 - Chapter 8

Chapter 8 - Chapter 8

Galing ng palengke si Paige para mamalengke ng magiging tanghalian niya. Wala naman kasing malapit na fast food sa dati nilang tirahan na siyang tutuluyan niya habang nasa Dagupan siya. Napakasimple lang kasi ng buhay doon. Medyo nag-a-adjust pa siya dahil hindi na siya sanay sa buhay na ganoon ngayon. Pero kaya naman niya. Atleast, advantage iyon sa kanya. Walang chance na makita niya si Kaden.

Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Napahinto siya sa paglalakad. Tumingin siya sa likuran niya. Parang may sumusunod sa kanya. Pero wala naman siyang taong nakita na iba kung kumilos.

Nagpatuloy siya sa paglalakad. Napahinto uli siya. Iba talaga ang pakiramdam niya. Tumingin uli siya sa likuran niya.

Isang lalaking nakasuot ng jacket, cap at naka-shades ang nakita niya. Nakaramdam siya ng matinding takot. Hindi kaya ang lalaking iyon ang kanina pa sumusunod sa kanya?

Kinakabahang ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Mabibilis ang bawat hakbang niya. Dahan-dahan niyang nilingon ang lalaki. Confirm! Sinusundan siya nito.

Anong kailangan nito sa kanya? Matinding-matindi na ang takot na nararamdaman niya pero hindi siya magpapadala sa takot na iyon. Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Sinadya niyang sa maraming tao siya dumaan.

"Miss, sandali—"

Nanigas si Paige ng maramdaman niya ang kamay ng lalaki sa balikat niya. Nagsisisigaw siya agad ng makita ang lalaki na naka-jacket ang humawak sa kanya. "Kalma—"

"Tulong po," sigaw niya. Pinaghahampas niya dito ang plastic na dala niya at nasira iyon kaya nahulog ang mga pinamili niya. "Tulong,"

"Miss, san—"

Nagulat siya ng bigla na lang may sumuntok sa lalaki. May isa pang lalaki ang humawak dito. "Bawal sa lugar namin ang kagaya mo dito."

Pilit na nagpupumiglas ang lalaki at ng makawala ito ay agad itong hinarangan ng isa pang lalaki kaya nasuntok uli ito. Nahulog ang cap na suot nito.

"I-Ikaw?" aniya.

"Kilala mo siya?" anang lalaking humarang dito.

Naghilakbot siya dahil iyon ang lalaki na lihim siyang kinukuhanan ng picture. Totoo ang hinala niyang manyak ito dahil may binabalak itong masama sa kanya. "O-Opo… siya po iyong manyak na lalaki sa beach." Parang maiiyak siya sa sobrang takot. Baka kung anong masama pa ang nangyari sa kanya kung hindi siya naging alerto.

"A-Ano?" tila nanggalaiti sa matinding galit ang unang lalaking nanuntok. "Sumama ka sa amin. Dalhin natin ito sa presinto."

"Wait up. Hindi ako masamang tao."

"H-Hindi totoo iyan." Baka kung ano pa ang gawin nitong masama sa kanya kung hindi makukulong ito.

Nakita niya na lumaban ito sa tatlong lalaki. Medyo malakas ito. At parang makakawala na ito sa mga lalaki. Nakita niya na dumadami na ang mga tao at parang ayaw ng makigulo pa sa mga tumulong sa kanya at sa manyak na lalaki. Hindi ito pwedeng makawala.

Nakita niya ang kahoy na nakatapon sa madamong bahagi ng lugar. Kinuha niya iyon at agad na pinagpapalo ang lalaki. Sunod-sunod na tumama iyon sa kaliwang kamay nito.

"Ouch," sigaw nito at saka ito napaluhod.

Napalunok siya ng makita ang panghihina ng lalaki. Nakonsensiya siya sa ginawa niya. Wala ng kalaban-laban ito ngayon.

"S-Sasama na ako." Nanghihinang wika nito.

Napakagat siya ng labi. Bakit ba naaawa ako sa kanya? E siya ang may balak na gawan ako ng masama. Mali ba na ipagtanggol niya ang sarili?