Chapter 22 - Chapter Twenty

Calm before the Storm

Habang nagmimisa ay hindi niya mapilgilang mapatitig sa binata - na seryosong seryoso sa ginagawa nito. Hindi pa rin siya nakikita nito dahil sa pangalawang row siya naupo - at natatakpan siya ng mga taong nasa harapan niya. Pagkatapos ng misa ay lumabas ito kaagad kasama ang paring nagmisa - kaya naman hindi na niya magawang habulin pa ito.

Siguro nga ay hindi ko na siya makakausap. Nang kaunti na ang tao ay lumabas na rin siya ng simbahan at nagtungo sa prayer area na naroon. Isa isa, kumuha siya ng kandila at sinindihan iyon. Taimtim siyang nagdasal at pagkatapos ay nilingon ang tahimik na paligid.

Uuwi na ako. Hindi ko na talaga yata siya makikita. Nanghihinayang man ay nagsimula na siyang maglakad palabas nang makita niya ang isang pamilyar na bulto, at kilalang kilala niya ang pigurang iyon na nakatayo sa di kalayuan. Nanlaki ang mga mata niya nang tuluyang mapagsino iyon!

It was Benjie!

Nanginginig man ang mga tuhod at tila nagririgodon ang dibdib ay hindi niya alam kung saan niya kinuha ang lakas ng loob para tawagin ang binata.

"Benjie!"

Hindi siya narinig nito.

"Benjie Gonzales!"

Ang kasama nito'y lumingon sa direksyon niya, at nakita pang kinalabit ito at itinuro siya. Dahilan para bumaling ito sa gawi niya at magtama ang mga mata nila. Pakiramdam niya ay tila huminto ang mundo niya ng ilang segundo nang makita niya itong nakatingin na sa kanya. Nakita niya pa itong nagpaalam sa mga kasama nito, at habang palapit ito sa kanya ay hindi nito inalis ang tingin. Dahilan upang mas lumakas ang kabog ng dibdib niya, na sa tingin niya ay naririnig nito ang pagkakagulo sa loob niya.

"Hi, Loui. Kamusta?"

Narinig niya uli ang boses nito - ang boses na hinahanap hanap niya sa loob ng ilang buwang nagdaan.

"Okay lang ako. Ikaw?"

"Ayos lang din."

Masaya man siyang sa wakas ay nakita niya ito ngayon at nakausap - ngunit hindi niya mapigilang maramdaman na tila ba may pader nang nakapagitan sa kanilang dalawa. Dahil ba ito sa hindi nila pag uusap nang ilang buwang nagdaan? Ngunit pinilit niyang hindi pansinin iyon, bagkus ay ngumiti siya sa binatang ngayon ay nasa harap niya.

"Kamusta ang trabaho? Nasa bank ka pa rin ba?"

"Oo. Okay naman ang work ko doon. Nakapag adjust na rin naman ako kahit paano. Pero...baka hanggang next year na lang ako doon."

Hindi niya alam, ngunit biglang umahon ang kaba sa dibdib niya. Tila naman naramdaman ito ng binata, kaya ilang saglit ang nakalipas bago muli itong nagsalita. "Papasok na kasi ako sa seminaryo."

Tila ba sinabugan siya ng bomba sa pagkakarinig sa sinabi nito. Naumid rin ang dila niya kaya natahimik pa siya ng ilang sandali bago siya nakabawi. "Kailan...kailan ka papasok ng seminaryo?"

Please, Louisse Althea. Wag kang magkakamaling umiyak sa harap niya. Kailangan mong ipakitang masaya ka para sa kanya. Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang lakas na ulit ulitin iyon sa sarili niya habang kaharap niya ito - habang nananatiling kalmado, ngunit ang kalooban niya ay tila may isang bagyo sa halo halong emosyong naroon.

"Next year. Pagsimula ng school year."

"So, sa June?"

"Hindi, iba kasi ang school year doon. Kaya pagkatapos ng holy week ako magsisimula. Inaayos na ang papers noong paring nagsasalita kanina."

Dumaan muli ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa, tila ba naghihintay sa kung sino ang mauunang magsalita. Nagpapakiramdaman, naghuhulaan sa nararamdaman ng isa't-isa ng mga oras na iyon habang pinaguusapan ang tuluyang pag-alis nito sa buhay niya - at ang pagtupad nito sa pangarap nito.

Totoong masaya ako para sa kanya - dahil matutupad na niya sa wakas ang pangarap niya. Ngunit kasabay noon, ay nararamdaman niya ang puso niyang unti-until nadudurog sa maliliit na piraso. Hindi niya rin alam kung saan niya kinuha ang lakas ng loob para harapin ito nang nakangiti.

"Good for you, then. I am happy for you, Benjie. Ituloy mo lang iyan."

Muli ay nagtama ang mga mata nila - at nakita niya rin ang saglit na pagdaan ng sakit at lungkot sa mga iyon, na kaagad din namang nawala. Tila ba ito ay nahihirapan ding itago ang tunay na nararamdaman ng mga sandaling iyon - at pinipilit ding maging kalmado. "Ikaw? Anong balita sa iyo?"

"Paalis na rin ako papuntang Canada - inaayos lang ng Tita ko yung papers ko at visa ko papunta doon."

Ito naman ang natahimik at halatang nagulat sa sinabi niya. Tila ba may sasabihin ito ngunit hindi nito itinuloy - bago muling nagsalita. "Aalis ka pala...Kailan?"

"Depende sa bilis ng process. Pwedeng bago matapos ang taon, pwede ring early next year. Wala pang definite na date."

"Congratulations, nakuha mo na rin ang dream career mo. You deserve it, ang tagal mong hinintay ito."

"Ikaw rin naman, e. Matagal mo ring hinintay iyan. At long last, matutupad mo na rin."

Tumango lang ito - at nanatiling nakatingin sa kanya. Muli na naman silang natahimik, ngunit ilang sandali ay nagsalita siya. "Nagpaplano kami na magkaroon tayong ng reunion. Dapat pumunta ka, since paalis ka na rin."

"Oo, basta huwag lang ng weekdays kasi may pasok ako."

"Over the weekends namin isi-schedule, don't worry."

"Sure."

"Sige na, di ba may meeting ka pa? Baka hinihintay ka na rin ng mga kasama mo."

"Ihahatid na muna kita."

"Huwag na, okay lang ako."

Please, huwag na nating pahirapan ang mga sarili natin, Benjie! Gusto niyang isigaw dito ngunit hindi niya magawa, kaya tumalikod na siya - ngunit naramdaman niya ang mainit na palad nito na dumampi sa braso niya. Napatingin siya rito at nakita niya ang mga mata nito na tila nagsusumamo. "Please...let me."

Napatango na lang siya, kaya binitawan na nito ang braso niya at naglakad na sila papunta sa sakayan ng jeep. Walang salitang namagitan sa kanilang dalawa hanggang sa makasakay na siya. Nakita niya pang hinintay na muna nitong makaalis ang jeep kung saan lulan siya at unti-unting mawala ito sa kanyang paningin.

Saka lamang bumagsak ang mga luhang kanina niya pang pinipigil.

Bakit siya pa?

Bakit sa lahat ng tao, sa kanya pa ako na-inlove?

Bakit sa tao pang alam ko sa bandang huli ay iiwan ako?

Maybe it's time to properly let go, Loui. Maybe that's the sign that you're waiting for.

Isang buwan ang lumipas mula nang magkita silang dalawa at natuloy ang reunion nilang magbabarkada sa bahay ni Jaycee sa Taguig. Nauna silang dalawa ni Iris sa bahay ni Jaycee, at sumunod na rin ang mga kaibigan nila. Masaya na at nagiingay na silang lahat, habang silang dalawa ni Iris ay busy sa paghahanda ng makakain sa kusina nang mas lalo pang nag ingay ang barkada nila. Nagkatinginan sila ni Iris sa kung bakit lalong nagkagulo ang mga tao sa sala.

"Bakit ang ingay nila? May dumating ba?"

"Mukha nga," anito. "Teka. Silipin ko lang."

Kaagad na lumabas ito ng kusina at nagpunta sa sala, habang naiwan siyang nag-iisa. Inabala niya ang sarili sa pagluluto ng kakainin nila, nang narinig niya uli si Iris na ngayon ay nakangiti na sa kanya.

"Kaya pala maingay kasi dumating si Benjie."

Tila ba nabingi pa siya sa sinabi ng kaibigan. "Ha?"

"Ang sabi ko, nandyan na si Benjie. Dumating."

Hayun na naman ang tila rigodon sa bilis ng tibok ng puso niya. Ibang klase talaga ang tama ng taong 'to sa akin. Dinaig ko pa ang nakipagkarera, e.

"Ayos ka lang? Hindi ka na nakapagsalita dyan."

"O-oo.. Okay lang ako." sagot niya at bumaling sa niluluto niya. Louisse Althea! Umayos ka! "Okay na tong niluluto ko. Pwede na tayong maghain para makakain na."

"Sure ka?"

Nagkakandabuhol buhol na ang nasa loob niya, ngunit nagawa niya pang tumango sa kaibigang nakamasid sa ikinikilos niya. "Halika na, maghain na tayo. Paniguradong gutom na ang mga iyon."

"Sabi mo, e."

Lumabas na sila ng kusina at narinig niya ang mga boys na nag-uusap. "Balita namin aalis ka na sa work mo next year, a." ani Jaycee kay Benjie.

"Oo, papasok na kasi ako sa seminary," sagot nito kay Jaycee.

"Tuloy na pala iyan?" ani naman ni Daddy Robert. "Congratulations!"

"Salamat po, Daddy."

Tahimik siyang nakikinig sa kanila habang naghahain ng pagkain nila sa dining table na naroon. Nagsilapitan naman kaagad ang mga kaibigan sa mesa nang nakita ang inihain nila ni Iris.

"Wow! Ang bango naman ng pagkain!"

"Kainan na, guys!"

Habang nagkakagulo na ang mga ito ay napalingon siya sa direksyon ng binata - dahilan para magtama ang mga mata nila.

"Loui,"

"Hello, Benjie."

Hindi naman ito nakaligtas sa paningin ni Iris, at pabiro siyang sinundot sa tagiliran, waring nang-aasar. "Uuy,"

"Magtigil ka nga." baling niya sa kaibigan. "Excuse me, kukuha lang ako ng tubig natin."

Pagbalik niya ay nakaupo na ang lahat sa mesa, at ang tanging bakanteng pwesto ay ang upuan sa tabi ng binata. Mga tinamaan ng lintek, sinadya talagang itatabi ako kay Benjie!

"Oy, Loui, maupo ka na dyan at kumain na rin."

Mga tinamaan ng magaling! Mabulunan sana kayong lahat! Kundi ba naman sinadya nyo talagang pagtabihin kaming dalawa! Hindi na siya muli pang kumibo at naupo na lang sa tabi nito. Magsasandok na sana siya ng kanin at ulam nang kinuha nito sa kanya ang platong hawak niya at ito na mismo ang kumuha ng pagkain.

"Kumain ka na," ani nito sa kanya, at inilapag na ang may laman nang pinggan sa harap niya. Sa gulat ay napatango na lang siya. "S-salamat."

"Walang anuman," sagot nito, saka tipid na ngumiti. Nanatili silang tahimik hanggang sa matapos silang mag-dinner. Nagliligpit na sila ng pinagkainan ni Iris sa kitchen nang bigla itong nagsalita.

"Sweet ni Benjie kanina, a. Nakita ko iyon." ani Iris sa tinig na pang-aasar.

Napabuntong hininga siya. "O, ngayon? Ganoon naman talaga siya ka-sweet sa mga kaibigan niya, hindi ba? Normal kay Benjie iyan."

"Sus. Kailan mo ba nakitang ganoon siya sa amin? Sa iyo lang, oy. Ang sabihin mo, special ka pa rin sa kanya."

Naghalo halo na ang nararamdaman niya sa sinabi ng kaibigan - dahil para mangilid ang luha niya. Lintek na luha! Sabi ko, hindi na ako iiyak, e! Marahas niyang pinahid ito at saka hinarap ang kaibigan. "Ayokong umasa at bigyan ng kahulugan ang kinikilos niya. Hirap na akong mag-move on. Kapag binigyan ko ng rason kung bakit ganoon siya sa akin, kahit alam kong iiwan niya ako, lalo lang akong malalaglag sa balon na kinahulugan ko. Baka hindi ko na kayang umahon pa."

Nang nakita ni Iris ang hitsura niya ay niyakap siya nito. "I'm sorry, girl. Gusto lang kitang makitang masaya."

"Naiintindihan ko. I know you meant well and I thank you for it," aniya. "Mauna ka nang lumabas roon."

Nakakaunawang tumango ang kaibigan at saka lumabas na - at naiwan siyang mag-isa sa kusinang iyon, pinipilit na kalmahin ang sarili habang pinapahiran pa rin ang mga luhang hindi maawat na tumulo mula sa kanyang mga mata.