Chereads / Takot sa Dilim / Chapter 20 - BENTILADOR

Chapter 20 - BENTILADOR

MGA matang nanlilisik, mga kamay na nakakuyom dahil sa sobrang galit at mga panga na nagsisi-tagisan sa paggalaw. Heto na naman ang kanyang Inay, punong-puno ng galit at nakatitig sa kanya nang masakit.

"Ruby, ano na naman itong natanggap kong balita, na sinabunutan mo ang isa sa mga kaklase mo?" Halos mamula ito sa kakasigaw.

"Hindi ako ang nagsimula nang lahat kundi siya. Hindi ko sana siya kakalabanin pero makulit siya!" Hindi siya natinag sa galit na ipinapakita ng kanyang Inay bagkus ay nilabanan niya ito at tinaasan pa niya ng boses.

Iniikot niya ang kanyang mata dahilan upang mainis ang kanyang Inay sa katarayan na ipinapakita niya.

Isa si Ruby sa mga bully sa kanilang eskwelahan, lahat ng kanyang nakikitang kumakalaban sa kanya ay walang awa niyang sinasabunutan hanggang sa magmakaawa ito ng parang isang maamong tupa.

Laki siya sa isang sirang pamilya, iniwanan ng kanyang tatay at sumama sa kanyang kabit. Ang kanyang Inay naman ay walang oras sa kanya kaya naging ganito ang pakikitungo niya sa iba. Ginawa niya ang lahat upang makuha ang atensiyon ng kanyang Inay, lumiban sa kanyang klase, murahin ang kanyang mga guro at manggulo sa buong paaralan na kanyang pinapasukan.

Hindi niyo siya masisisi, nais niya lang ng pag-aaruga ng isang magulang. Nais niya ang kalinga at pagmamahal na matagal niya ng inaasam noong siya'y nalulungkot. Pero anong ginawa ng kanyang Inay, halos alisin siya na nito sa kanyang buhay.

"Mag-sorry ko kung ayaw mong ma-grounded sa buong linggo!" pambabanta nito sa kanya.

Padabog-dabog siyang tumungo sa kanyang kwarto, isinara niya nang malakas ang pinto dahilan upang magtaka at mamuo na naman ang galit sa kanyang Inay.

"Bastos kang bata ka, lumabas ka riyan at humingi ka ng patawad sa ginawa mo!" sigaw nito sa kanya.

Walang siyang ginawa kundi isubsob ang kanyang mukha sa unan kasabay ang sunod-sunod nitong pag-iyak. Tinapalan niya ng dalawang unan ang kanyang taenga upang hindi niya na marinig ang sigaw ng kanyang Inay ngunit kahit anong gawin niya ay boluntaryong pumapasok ito sa kanyang isipan.

Nilalason ito ng kanyang utak hanggang sa unti-unti niyang ipikit ang kanyang dalawang mata.

"Anak, huwag mong hayaan na manaig ang iyong kahinaan."

Isang boses ang umaalingawngaw sa kanyang isipan

"Lumaban ka at humingi ka ng patawad."

Ang huling litanya na iyon ang dahilan ng kanyang pagbangon. Isang panaginip galing sa kanyang ama na iniwan sila dahil nagkaanak ito sa iba niyang babae.

Nakatulala pa rin si Ruby habang pinagmamasdan ang dahan-dahang paglubog ng araw, mukhang tama nga ang kanyang Itay. Kailangan niyang humingi ng despensa sa kanyang ginawa.

Agad siyang nagbihis at tumungo sa bahay ng kanyang nakalaitan. Napag-desisyunan niyang bawasan ang tinik na nagbibigay sakit sa kanyang puso.

Pagdating niya sa bahay nila Jenny ay nabalutan siya ng kaba at takot. Hindi niya alam kung paano pa siya makakahingi ng tawad dahil sa mga dami ng ilaw sa bahay ng kanyang kaaway, mga taong walang sawa sa pagsusugal at mga palahaw na nanunuot sa kanyang puso.

Hindi niya namalayang naguunahan na sa pagdaloy ang kanyang mga luha. Paano na siya hihingi ng patawad samantalang isa nang malamig na bangkay ang nakaaway niya noong isang araw— PATAY NA SI JENNY PARAISO!

Halos magunaw ang kanyang mundo matapos niyang maaninag ang kanyang tinuring na Tiya. Umiiyak ito kasabay ang tangis nito na pumupunit sa puso ni Ruby.

Dati niyang naging kaibigan si Jenny ngunit dahil na rin sa umangat ang ranggo nito sa listahan ng matatalino ay iniwan niya na ito, luhaan at walang ni isang kaibigan.

Walang awa niya itong iniinsulto, minumura at pinapahiya. 'Pag ito'y may baon ay agad niya itong kinukuha at iniiwang luhaan.

Wala na siyang mukhang maihaharap sa kanyang tiya. Napaatras ito nang magtama ang tingin nilang dalawa. Sa una'y lungkot at paghihinagpis ang ipinapakita ng mata ng Inay ni Jenny ngunit bigla itong naging galit, poot at paghihiganti!

"Pinatay mo siya walang hiya ka! Papatayin ka niya!"

Napatakbo na lamang si Ruby sa 'di kalayuan. Pakiramdam niya'y mawawalan na siya ng hininga dahil sa mga nangyari sa araw na ito.

Umaalingawngaw pa rin ang sinabi ng kanyang tiya. "Pinatay mo siya walang hiya ka! Papatayin ka niya!"

"Ako ang pumatay sa kanya. P-pero papaano?" gulong-gulo niyang tanong sa kanyang isip.

Habang naglalakad siya pabalik sa kanyang bahay ay may naaninag siyang isang bagay. Isa itong Bentilador.

Agad niya itong dinala sa bahay at binuksan.

"Yes, gumagana pa. Sa wakas magiging maginhawa na ang pagtulog ko mamaya." Kahit papaano ay nabawasan ang sakit at kalungkutan sa kanyang puso.

Nais pa sana niyang hanapin ang kanyang Inay ngunit baka masermunan na naman siya kung bakit saang lugar na naman siya pumunta.

Kinagabihan…

Kumain lang siya nang kaunti dahil na rin sa nangyari sa araw na ito. Hindi niya maatim na siya ang dahilan nang pagkakamatay ni Jenny .

Pagkatapos nu'n ay agad siyang tumungo sa kanyang kwarto upang matulog. Binuksan niya ang bentilador na nakita niya sa harapan ng kanilang bahay.

Nakaramdam siya ng lamig at ginhawa. Nakahinga siya nang maluwag.

Sa mga oras na iyon ay biglang umilaw ang kanyang cellphone. "Anak, mukhang bukas pa ako ng umaga darating diyan. Isarado mo lahat ng bintana at pinto para hindi tayo manakawan." nakasaad doon.

Agad niya itong sinagot ng "Oo". Pagkatapos nu'n ay bigla nalang namatay ang ilaw, nakaramdam siya ng takot, unti-unting bumibilis ang tibok ng kanyang puso. PAANO NA 'YAN, TAKOT PA NAMAN SIYA SA DILIM!

Laking gulat niya nang mapansin niyang umiikot pa rin ang bentilador. Panno nangyari iyon e, wala namang kuryente?

Nilulukuban na siya ng kaba at pangamba. Ipipihit niya sana ang kanyang ulo patungo sa kinaroroonan ng bentilador ng pumaloob ang buhok niya sa bentilador.

Hindi pa rin tumitigil ito sa kakaikot. Ramdam niya ang sakit sa bawat pag-ikot nito. Napapaluwa na siya dahil damang-dama niya na unti-unting natatanggal ang bawat hibla ng kanyang buhok sa kanyang bunbunan.

Meron ng dugong nagsisimulang dumaloy sa kanyang mukha. Nararamdaman niyang umiikot na ang kanyang paningin, nagsasayawan na ang mga iba't-ibang bagay sa kanyang mga mata.

Bago pa siya mawalan ng malay ay may narinig pa siyang halakhak. Nakaka-sigurado siyang si Jenny ang lumikha ng tawa na iyon.

"Ang bagay na nagbigay ng ginhawa sa'yo ang siyang tatapos sa buhay mo!"

Animo'y galing sa hukay ang boses na iyon. Iyon ang huling narinig ni Ruby hanggang sa dumilim ang kanyang paningin.