HALOS sumayad ang magkabilang braso ni Leonara sa magaspang na semento na kanyang tinatapakan. Maghapon kasing nagbigay ang kanilang guro ng mga pagsusulit. Hindi pa naawa ang kanyang guro, nagpauwi pa ito ng isang Takdang Aralin.
Isang babaeng nakasuot ng daster. Bumungad kay Leonora ang mukha ng babae, hindi mabilang ang mga linyang lumalabas sa noo nito at halos magiging isang mahaba ang itim nitong kilay.
"Anak, kumain ka muna. Alam kong gutom ka na." malamyos ang kanyang boses na naging dahilan upang makuha nito ang kanyang atensiyon.
Sunod-sunod na tango ang kanyang itinugon. Inilapag niya ang kanyang mga dala upang guminhawa naman ang kanyang pakiramdam.
Tumungo muna siya sa kanilang kusina upang maghugas ng kamay. Nang matapos siyang magpunas ay nanlaki ang kanyang mga mata, sumilay ang kanyang ngiti sa kanyang labi.
Nang tumungo na siya sa hapag-kainan ay hindi pa rin natitinag ang sayang kanyang ipanapakita. Bumungad sa kanya ang kanyang Inay na abala sa paglalagay ng kanin sa mga plato.
Hindi siya nagdalawang-isip, niyakap niya ng mahigpit ang kanyang Inay. Napatigil naman ang kanyang Inay at nagsimulang magtaka.
"Anak, bakit, anong meron?" tanong nito sa kanya habang nakalapat din ang kamay nito sa kanyang kamay.
"Ma, salamat… salamat at nagluto ka ng adobo." wika niya kasabay nang kanyang pagngiti.
"Wala 'yon, anak. Basta't mag-aral ka ng mabuti." tugon nito sa kanya.
Tumango nalang ito at umupo sa isa sa mga silyang gawa sa kahoy.
"Ma, bago po muna tayo kumain ay humingi muna tayo ng pasasalamat kay Lord." suhestiyon nito.
Ngunit hindi ito nasunod ng kanyang Inay, bagkus nagpatuloy nalang itong kumain.
Napailing nalang si Leonora.
Hindi pa rin talaga siya nagbabago, katulad pa rin siya ng dati?
Nagsisimula na siyang bumuo ng mga katanungan sa kanyang isipan.
Naging ganito nalang ang kanyang Inay noong mga panahong sinalanta sila ng bagyo. Lahat ng panalangin ay idinasal na ng kanyang Inay ngunit ang tanging sukli lang sa kanila ay ang baha at mga putik na nag-iiwan ng masasakit na alaala.
Dito kasi sa bahay na ito, nalunod ang kanyang Lola dahilan upang hindi na maniwala ang kanyang Inay sa paghihingi ng pasasalamat at patawad sa itaas.
Hindi nagtagal ay natapos na rin silang kumain. Tutulungan na sana niya ang kanyang Inay ngunit tinaasan siya nito ng boses.
"Leonora, nasa ikalawang baitang ka na ng hayskul pero hindi mo pa rin alam kung ano ang responsibilidad mo sa buhay?"
Alam niya sa mga oras na iyon ay pag-aaral ang tinutukoy ng kanyang Inay. Wala na ang ngiti niya, napalitan na ito ng lungkot at sakit.
Kaagad naman siyang umakyat patungo sa kanyang kwarto. Kailangan niya palang sagutan ang mga tanong sa Takdang Aralin na ibinigay ng kanilang guro.
Habang siya'y abala sa pagbabasa ay nakarinig siya ng mga sigawan na naging dahilan upang siya'y maabala.
Sa mga oras na iyon ay binalewala niya muna ang sigaw na iyon. Siguro, naglalaro lang sila ng isa sa mga pinsan niya.
Nang siya'y bumalik sa kanyang ginagawa ay mas lalong lumakas ang sigawan sa kabilang kwarto. Bigla nalang siyang namula, kinuyom niya ang kanyang kamay, at naningkit ang kanyang mga mata.
Padabog-dabog niyang pinukpok ang kanyang kamay sa pintuan ng kanyang mga pinsan. Dahil sa tagal itong bumukas ay nilakasan niya ang paghampas.
Nanlilisik ang mga mata ni Leonora nang bumungad sa kanya ang pinsan niyang si Albert na nakikipagkulitan kay Allan na isa sa mga batang kapatid ni Albert.
Natigili nalang ang kanilang kulitan nang mapansin nila ang nasa harapan nila.
"Pwede ba, alam niyong abala ako sa aking Takdang Aralin tapos ang ingay-ingay niyo! Wala na nga kayong ginagawa tama! Sana mawala nalang kayo!" taas kilay na sigaw ni Leonora. Bakas ang pagkabigla ng mga taong pinahiya ni Leonora.
Pabalik na sana siya sa kanyang kwarto nang masagi ng kanyang mga mata ang kanyang Inay. Nasa madilim ito na parte ng kanilang bahay at nakangiti ito.
Huminga nalang siya ng malalim sabay pumasok sa kanyang kwarto. Naging tahimik ang paligid, nagsisimula na ring lamunin ng buwan ang sikat ng araw.
Mga ilang minuto rin ay natapos niya ang Takdang Aralin. Isang malalim at mahabang hikab ang kanyang pinakawalan na naging sanhi upang magsimulang pumikit ang dalawa niyang mga mata.
Ang init na dumadampi sa kanyang balat ang dahilan upang bumalikwas siya sa kanyang hinihigaan.
Pasado alas nueve na ng umaga. Agad siyang nagaayos ng kanyang sarili, hindi na siya nagabalang gisingin ang kanyang Inay dahil alam niyang ayaw na ayaw nito na ginigising. Kumain nalang muna siya bago tuluyang pumasok.
Naging mabilis ang oras dahil na rin sa karamihan ng kanyang guro ay hindi pumasok. Iyong iba ay may sakit, iyong iba naman ay dumalo sa burol ng kanilang kamag-anak. Kaya naman napaaga ang kanyang paguwi sa kanyang tahanan.
Nang mga sandaling itapak niya ang isa sa mga kanyang paa ay nakaramdam siya ng kaba.
Bakit ang tahimik, parang walang ni isang taong nakatira?
Iyan ang konklusyon na tumatakbo sa kanyang isipan. Inilibot niyang muli ang kanyang paningin ngunit kahit anino ng kanyang pinsan ay wala.
Sadyang nakakabingi ang katahimikan. Mga ilang oras din ang tinaggal ng kanyang paghahanap ngunit wala pa rin siyang nakikitang bakas ng kanyang Inay maging sila Albert at Allan ay wala.
Hinagilap niya lahat ng kwarto sa kanilang bahay ngunit isang parte ng bahay ang hindi niya pa napupuntahan at iyon ang BASEMENT!
Tumakbo siya patungo roon, naka-awang ang pinto kaya kaagad niya itong tinignan.
Nanlaki ang kanyang mga mata at napatakip nalang ito dahil sa mga nakakasulasok na amoy na nanggagaling sa mga ulo… mga ulo nila Albert at Allan.
Napaatras siya sa kanyang kinatatayuan nang maaninag niya ang kanyang Inay. Puno ito ng dugo sa iba't-ibang parte ng kanyang suot. May hawak itong itak na may bahid pa ng dugo.
Parang siyang nabalutan ng yelo nang may ibulong ang kanyang Inay sa kanya.
"Wala na sila, anak. Makaka-pag-aral ka na ng mabuti."
Sa mga oras na iyon ay nakasisigurado siya. Hindi na siya ang kanyang Inay, malaki na ang kanyang pagbabago.