Chereads / Takot sa Dilim / Chapter 24 - KUNG NAKINIG KALANG SA'KIN

Chapter 24 - KUNG NAKINIG KALANG SA'KIN

Pabilis nang pabilis ang panginginig ng aking buong katawan. Tingin dito at tingin doon ang ikinikilos ng aking mga mata. Ang aking mga kamay na binabalutan ng pulang likido na walang humpay sa pag-agos.

Bakit ko ito nagawa, isang masayang bagong taon ang dapat na ipinagdiriwang namin ngayon pero ito ako ngayon, nakaupo sa isang sulok. Unti-unting nilalamon ng depresyon.

Pinatay ko siya…pinatay ko ang lalaking minamahal ko.

Naalala ko pa noong mga panahon na kami'y nagkakasiyahan, kahit may konti kaming hindi pagkakaintindihan ay agad-agad naman namin itong nalulutas.

Naalala ko pa noong kami pa ni Luis…

"Agnes, saan tayo magdidiwang ng Pasko at Bagong Taon?" tanong niya sa akin habang siya'y abala sa pagmamaneho.

Sa mga oras din na iyon ay natigil ako sa aking ginagawa. Abala ako sa pag-aayos ng aming gamit, hindi ko namalayan na magbabakasyon kami rito sa Pilipinas sa kabila ng pinagdadaanan ng kanyang magulang na iniwanan namin sa ibang bansa. Nakuha pa niya akong pasayahin.

Magsasalita pa sana ako nang inihinto niya ang sasakyan na kanyang minamaneho. Muntikan na akong masubsob sa ginawa niya.

"Pasensya na, ano kaya kung sa inyo nalang tayo tumuloy? Alam mo naman na gustong-gusto ko nang makilala ang mga magulang mo kaya siguro ito na ang tamang panahon," mahaba niyang litanya.

Nanlaki ang aking mga mata sa kanyang suhestiyon…Hindi pa pwede ngayon, hindi pa ako handa upang sabihin sa kanya ang…

"Agnes, sa ginagawa mong 'yan, tumatahimik ka na naman 'pag ang usapan ay tungkol sa pamilya mo. So now it's my chance para makilala ko sila at maihatid na kita sa altar." Ngumisi siya sa akin pagkatapos niyang magsalita.

May mga luhang nangingilid sa aking mga mata. Ganoon niya ako kamahal, noong una palang kaming nagkita ay alam ko sa sarili ko na siya ang karapat-dapat na mag-may-ari ng aking puso.

Umiling nalang akong paulit-ulit bilang tugon. Hindi ko na rin napigilan ang aking mga luha, para silang mga sasakyang patuloy na umaandar pababa sa aking mukha.

Bigla kong naramdaman ang kanyang mga kamay, pinisil niya ito na kaagad kinagaan ng aking sarili. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng ginhawa sa ginagawa niya, huminto ang mga luhang nagbabadyang tumulo muli.

"Huwag kang magalala, dadaan lang tayo roon atsaka pupunta na tayo sa Baguio. Mabilis lang ito, promise!" Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay habang siya'y nagsasalita.

Tumango nalang ako. Ganito talaga ang ugali niya, nilalambing ka niya hanggang sa hindi mo na makayanan at mapapa-Oo kana lang bigla.

"Oo, ngunit huwag lang tayong gagabihan doon." tugon ko.

Tumango nalang siya at nagsimula na ulit siyang magmaneho. Habang tinatahak namin ang daan patungo sa amin ay nakararamdam ako nang pananayo ng aking mga balahibo sa braso.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili na matakot at mangamba sa pupuntahan namin. Mga ilang oras din ang naging biyahe namin ay nakarating narin kami sa aking bahay.

Wala naman masyadong pagbabago tulad pa rin sa dati ang naturang struktura nito. Pinapalibutan ng mga bato sa gilid nito, tanging kahoy ang nagsisilbing dingding nito at mga kurtina na walang humpay sa pagsayaw dahil sa simoy ng hangin.

"Nandito na ba tayo?" kunot ang noo ni Luis nang mga oras na bababa siya sa sasakyan namin.

"Oo, nandito na tayo. Kaya kung maari ay rito ka lang sa tabi ko." anas ko na kanyang ipinagtaka.

Kumatok ako sa pintuan upang tignan kung nandito pa ba sila.

Umawang ang pinto nang sinubukan ko ulit kumatok. Nanindig ang aking balahibo, luminga-linga ako sa aking paligid ngunit tanging mga antigong gamit lang ang aking nakikita.

Hindi ko alam pero siguradong nararamdaman na ni Luis ang aking nararamdaman. Hinigpitan ko ang aking kapit sa kanyang mga kamay.

Sa mga oras na 'yon ay nakarinig ako ng isang tunog. Parang mga baryang nagsisitalsikan?

Lumapit ako patungo roon…lapit pa… lumapit pa ako.

Kitang-kita ko sila Inay at Tatay na nagsusugal, may mga kasama pa silang kasugalan nila siguro.

Nagulantang ako nang bigla nalang akong niyakap ng aking Inay.

"Anak, napadalaw ka. Musta ka na? Dalaga ka na ah!" Kinuha niya agad ang aking kamay at niyakap niya akong mahigpit.

"Mabuti naman po… Ito po pala si Luis, ang nobyo ko." Pagmamalaki ko sa kanila.

Agad namang nagbigay galang si Luis atsaka kaagad akong hinila ni Inay palayo sa kanya.

"Bakit kayo nandito? Hindi ba sinabi ko na sa'yo na hangga't maari ay huwag na huwag kayong pupunta rito. Alam mo naman ang sumpang inilagay sa'yo hindi ba!" Galit ang kanyang tono ngunit pinipilit niyang pahinain upang hindi ito marinig ni Luis.

Pinaliwanag ko kay Inay kong bakit kami pumunta rito.

"Sumang-ayon naman siya na hindi kami magpapa-gabi kaya wala na akong nagawa, Inay."

Ramdam ko ang paghinga niya, malalim ito na sadyang nagbibigay ng kahulugan sa'kin.

"Sige, pero basta't tatandaan mo na kailangan niyo nang umalis pagkatapos niyang makipagkilala sa amin. Huwag niyong hahayaan na pumatak ang alas dose at kung maaari ay huwag niyo na ring subukang bumalik dito," paliwanag ni Inay.

Tumango nalang ako. Kaagad ko namang pinuntahan si Luis atsaka nagsimula na kaming nakipagkwentuhan sa aking pamilya.

Sa loob nang mahabang panahon ay nagsama-sama muli kami ng aking Inay at Itay. Lahat ng mga masasayang alaala ay unti-unting bumabalik sa aking isip.

Mga alas singko na ng gabi ay naisipan ni Luis na umalis dahil may bibilhin daw siya. Hindi ko naman siya pinigilan bagkus ay nagpabili rin ako ng ilang mga materyales at mahahalagang bagay na kakailanganin sa aming bahay.

Makalipas ng ilang minuto ay hindi pa rin siya bumabalik… Alas otso na ng gabi at wala pa rin siya. Kinakabahan na ako, tagaktak na ang aking mga pawis.

Paano kung napagdiskitahan siya rito? Paano kung may mangyari sa kanyang masama?

Unti-unti na ring bumubuo ng konklusyon ang aking isipan. Nagpatuloy lang ang aking pag-iisip hanggang sa makatulog ako.

Nang mga oras na pagbangon ko ay napalunok nalang ako nang sunod-sunod. Alas Onse na ang oras, ito na nga ba ang sinasabi ko. Masama ang mangyayari sa amin pag nagpatuloy pa kami rito.

Kaagad akong tumungo sa harapan ng aming pinto sakto naman na pagbukas ko ay bumungad sa akin si Luis.

Hindi ko napigilan ang aking sarili, niyapos ko siya at halos maluha ang aking mga mata.

"Akala ko kung ano nang nangyari sa'yo. Saan ka ba pumunta?"

"Wala. Bumili lang ako ng konting paputok, malapit na rin mag-alas dose kaya rito nalang tayo mag-Bagong Taon."

"Hindi! Kailangan na nating umalis dito. Iwan mo na 'yan at si Inay na ang bahala riyan." pagsusumamo ko.

"Ano bang meron at bakit ayaw mong makasama ang pamilya mo sa Bagong Taon, Agnes!" Nagulat ako nang tumaas ang kanyang boses.

"Dahil… dahil! May masamang mangyayari sa'yo kaya kailangan na nating umalis." Hinila ko ang kanyang kamay ngunit malakas siya kaya't hindi ko siya mapaalis.

Hindi matapos-tapos ang aming bangayan nang biglang tumunog ang orasan. Hudyat 'yon nang pagsanib ng isang demonyo, demonyo na kahit kailan ay aking kinakatakutan.

Naramdaman ko na unti-unting nanghihina ang aking katawan. Parang hinihiwalay niya ako sa aking katawan!

Nagpatay-sindi ang ilaw na kinagulat ni Luis.

"Papatayin kita!" sigaw ng demonyong nasa aking katawan. Tila nanabik ito dahil magmula noon ay ngayon lang ulit siya makakasanib sa'kin.

Kaagad niyang sinakal ang aking nobyo. Napapa-ngiwi rin ako sa nakikita ko na pagpapahirap kay Luis. Kitang-kita ko ang mga maitim na kuko ng halimaw na unti-unting bumabaon sa leeg ni Luis, pinipilit kong labanan ang halimaw na nasa aking loob pero sadyang malakas siya.

Parang pinaghandaan niya ang gabi na ito. Napaluwa nalang ako nang masaksihan ko ang pagpunit ng laman sa leeg ni Luis hanggang sa humiwalay ang ulo niya sa kanyang katawan.

Tumilamsik naman sa sahig ang maraming dugo…

"Patawad aking mahal… patawad kung hindi ko sinabi sa'yo ang katotohanan," anas ko habang unti-unting naglalaho sa aking katauhan ang demonyong sumanib sa aking katawan.

Related Books

Popular novel hashtag