ABALANG-ABALA si Chloe sa pagaayos ng kanyang mga damit na nakabalot sa plastik. Halos mawalan siya ng hininga matapos niyang masinghot ang mga alikabok na bumabalot dito. Wari'y isa 'tong alipuon na ginawa lamang upang pampunas lang ng mga duming nanatiling pasakit sa gawaing bahay.
Sabay-sabay na pag-ubo ang naging resulta sa walang humpay niyang paghampas ng mga damit na nilamon nang ilang dekada. Matagal-tagal na rin bago siyang muling makapag-linis sa kwarto niyang ito.
Wala ang kanyang mga mahal sa buhay, abala ang mga ito sa pagtratrabaho upang makamit nila Chloe at ang kanyang mga kapatid ang kanilang pangarap.
Matagal na rin bago mag-pasko, siguradong mapupuno ng iba't-ibang kulay ang bahay na ito. Habang itinutupi niya ang kanyang mga damit ay inilibot niya ang kanyang mga mata. Wari'y isa siyang batang inaaliw ang sarili dahil sa kakulitan ng kanyang utak, kung anong naiisip niya may isang puno na pinapalibutan ng kung anong materyales. May isang saksakan na matapos niyang isaksak sa isang bagay na may korteng pahaba na may buntot din sa dulo.
Isinaksak niya na ito at walang humpay ang pagkislap at pagbigay ng iba't-ibang liwanag, ito ay mga bagay na pumapalibot sa puno na yari sa kahoy. Ang mas nagbigay sa kanya ng aliw ay ang kulay dilaw na nasa ibabaw ng puno, hugis bituin ito na aakalain mong siya ang dahilan kung bakit kumikinang ang mga bagay na nasa ibaba niya.
Muntikan na siyang mahulog sa kamang kanyang kinauupuan matapos may biglang tumunog sa kanyang likuran, ang cellphone niya pala na mukhang nagbibigay abiso na may kung sinong tumatawag.
Inangat niya ito, itinutok niya ito sa tapat ng kanyang tainga, at may pinidot siyang buton dahilan upang may tumunog sa kabilang linya.
"Hello?" kunot-noo niyang tinanong. Paano nalang kasi, nagkalat na rin ang iba't-ibang modus ng kawatan kaya sinisigurado niyang kakilala niya ang sasagot kung hindi naman ay babaan niya nalang ito.
"Chloe, ano ba kanina pa ako text ng text sa 'yo!"
Parang pamilyar ang boses ng taong nagsasalita sa kabilang linya.
"Ano ba, sasama ka ba sa aming mag-inuman?"
Tama nga siya ng hinala, siya ang Pareng Joseph niya.
"Pareng Joseph, pasensya na hindi ko nabasa ang mga pinadala mong text. Oh, sige ba! Baka naman hindi ka makatagal sa ilang shot ng inuman natin? Baka magsuka-suka ka riyan at tuluyang lumagapak sa lupa?"
Medyo pinilosopo niya pa itong Pare niya. May katagalan na rin ang pagiging kaibigan nila sa isa't-isa, magmula pa no'ng bata sila ay sila na yata ang magkaibigang mahirap paghiwalayin.
"Sige, Pareng Joseph, magbibihis lang ako at pupunta na ako riyan." paalam nito kasabay ng pagputol sa kabilang linya.
Medyo tapos niya na ring natupi ang lahat ng kanyang damit. Naayos niya na rin ito sa nalinisan niyang aparador.
Ngumiti siya habang nagsusuklay at naglalagay ng pulbos sa kanyang mukha at leeg. Mukhang magiging masaya ang inuman nilang magkakaibigan, isinama pa kase ng kanyang Pare ang mga dating naging kaklase ni Chloe.
Hindi maalis sa kanyang isipan ang kasiyahan na kanyang nadarama habang naglalakad siya sa daanan patungo roon sa kanyang pupuntahan.
Napahinto siya matapos naulinigan niya ang makinang nagpapandar sa isang sasakyan. May naaninag siyang isang babae, medyo may katangkaran, lagpak ang buhok na umaabot hanggang sa kanyang balikat, at nakasuot ito ng isang puting bestida na kung susumain ay mukhang nilamon na nang panahon.
Masyadong mabilis ang pangyayari. Nakita ng dalawang mata niya ang pagtawid ng babaeng nakabestida habang may paparating na humaharurot na tricycle. Halos mapaluwa ang kanyang mga mata. Bakit bigla nalang tumawid ang babaeng 'yon? May sira ba siya sa kanyang utak kung kaya't ginawa niya 'yon?
Nabalot ang kanyang kalungkutan ng takot at misteryo matapos niyang makita ang isang tela na mukhang dinaanan lang nang panahon. Paano nangyari iyon? Imposibleng hindi tumalsik ang babaeng 'yon sa kung saang dakong paroon? At imposible ring wala siyang makitang sugatang katawan ng nasabing babae?
Napahawak siya ng kanyang magkabilang braso. Alas tres pa naman nang hapon pero bakit ganito nalang ang kanyang nararamdaman? May kung anong lamig ang dumadampi sa kanyang mukha, halos manginig siya dahil baka isang multo ang kanyang nakita.
Unti-unting nakaramdam siya ng lamig sa kabila niyang mukha. Dahan-dahan niyang ipinihit ang kanyang ulo patungo sa kung saan nagmumula ang lamig.
Nagsimula siyang magbilang sa kanyang isip, ayaw niyang makakita ulit.
Isa…
Pinikit niya ang kanyang mga mata.
Dalawa…
Nanginginig ang kanyang katawan habang pinipihit niya ang kanyang ulo patungo kung saan nanggaling ang lamig.
Tatlo…
Dahan dahan siyang nakiramdam, mukhang wala na ang lamig na kanyang nararamdaman.
Apat…
Iminulat niyang unti-unti ang kanyang mga mata.
Halos masuka siya, maluwa, at mawalan ng ulirat matapos niyang makita ang
Ang…
Babaeng kama-kailan lang tumawid…
Na ngayo'y nasa harapan niya…
Bumalandra sa kanyang harapan ang mukha nitong—
LASOG-LASOG NA HALOS MAWALA ANG KALAHATI NITONG MUKHA!
Hindi niya alam pero sa mga oras na iyon ay naisipan niyang maupo at mariing umusal ng dasal. Mga ilang minuto rin ay natapos niya ito ngunit parang mukhang nagpupuyos sa galit ang babaeng multo na kanina lang ay umiiyak sa lungkot.
Ngayo'y namumula na ang mga mata nito at nanlilisik kay Chloe. Hindi na niya alam ang gagawin, naramdaman na niya lang na may dumadaloy na luha sa kanyang mukha. Namumutla na rin siya dahil sa takot na kanyang nadarama.
Nabigla na lamang siya sa sumunod na nangyari. Mayroon isang babaeng tumabi sa kanyang kinauupuan. Medyo may katandaan na rin ito dahil sa kulubot nitong balat at sa damit nitong ginantsilyo.
"Hija, matatapos lang iyong pighati 'pag ibinalik mo siya sa kung saan mo siya nakita. Humingi ka ng tawad, 'yan ang tanging susi."
Hindi alam ni Chloe kung maniniwala ba siya sa pinagsasabi ng matandang ito ngunit dahil na rin sa ayaw niya na itong makita ay nagbaka sakali siyang gawin ang suhestiyon ng matanda.
Bumalik siya sa kanyang pinuntahan, nagdasal nang taimtim at humingi siya ng tawad dahil na rin sa nagambala niya ang babaeng naka-bestida.
Matapos niya itong magawa ay nakaramdam siya ng ginhawa. Sa wakas, sinag nang araw ang dumadampi sa kanyang balat.
Nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad, nais pa niya sanang magpasalamat doon sa matandang tumulong sa kanya ngunit bigla nalang itong nawala roon sa kinauupuan niya kanina.
Sa wakas at nakarating na siya sa bahay ng kanyang Pare. Nagmano muna siya sa magulang nito at tumuloy sa kanilang bahay.
Pansin ang kanyang pagkamangha dahil sa napa-awang ang bibig nito. Mga mata niya ay unti-unti nitong nilalasap ang mga larawan na kanyang nakikita.
Habang inaayos ng Pareng Joseph ang mga gamit para sa inuman.
"Chloe, kuha ka ng limang yelo roon sa kusina namin. Hindi ka naman mawawala dahil may labasan naman 'yang bahay namin." sarkastikong utos niya.
Tumango nalang si Chloe at tumungo siya sa kusinahan. Nasa loob na siya ng bahay ng kanyang kaibigan at tama nga siya, nawawala na siya. Hindi niya na alam kong saan ang kusinahan.
Pakamot-kamot siya habang nililibot ng kanyang mga mata ang bahay. Naaninag niya ang isang bata sa hindi kalayuan, may hawak itong bola na ibinabato niya sa sahig.
Alam niyang isa ito sa mga kapatid ng Pare niyang si Joseph. Si Arthur ang bunso.
"Arthur, alam mo ba kung saan 'yong kusinahan niyo?" nakangiting tanong ni Chloe.
Huminto si Arthur sa paglalaro at dahan-dahang itinuro niya kung saan ang kusinahan.
"Salamat!" Agad kumaripas siya ng takbo. Sa wakas nahanap niya rin ang kusinahan. Inuman na ito hanggang madaling araw.
Nang bumalik na siya ay nagtaka ang kanyang Pare kung bakit ang bilis niyang makabalik. Habang abala ito sa pagaayos ng karaoke na gagamitin nila mamaya ay nagawa pa niya biruin ito.
"Ang bilis mo naman. Siguro, nagtanong ka kila mama?" biro nito sa kanya.
"Hindi kay Arthur lang naman ako nagtanong." nakangising niyang saad.
Halos mabitawan ng kanyang Pare ang microponong kanyang hawak.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa kanya.
"Baliw ka ba? Matagal nang patay si Arthur, nasagasaan siya dahil sa paglalaro ng basketball." Sa tono ng boses nito ay kapansin-pansin ang galit at kalungkutan na kanyang nadarama.
Halos mawalan nang balanse ang katawan ni Chloe matapos niyang mapagtanto na patay na pala ang kinausap niya kama-kailan lang.
Naaninag niya ang batang si Arthur na naglalaro sa tapat ng kusinahan. Kitang-kita niya ang mga lamang-loob nito na sumasabay rin sa pagtalbog ng bolang hawak niya. Ang mukha niya'y gutay-gutay na animo'y ginupit-gupit nang matutulis at mahahabang gunting.
Napa-awang ang kanyang bibig, maluwa-luwa ang kanyang mga mata matapos bigla itong lumapit sa kanyang harapan.
"Ate, halika maglaro tayo." Nakangisi ito habang inaabot nito ang kamay sa kanya.
Nandilim ang paningin ni Chloe dahilan upang matumba sa siya sa kanyang kinaroroonan.