Chereads / The Stolen Identity / Chapter 59 - Alexandra Claudio

Chapter 59 - Alexandra Claudio

Nanlaki ang mga mata ng guard pagkabukas lang sa gate ng mansyong iyon. Rumihestro sa mukha nito ang takot.

"Senyorita Lovan!" Bulalas nito, nang makabawi't agad na yumukod, nakilala siya agad.

Hindi na kasi siya nagkunwaring pangit. Ipinakita na niya ang totoong mukha. Kailangan niya iyon sa pakikipagharap niya sa ama ni Zigfred.

Alanganin siyang ngumiti kahit na nagtataka sa ikinilos nito.

"Good morning. Andito ba ang--si p-papa?" pautal niyang tanong.

Gulat na nag-angat ng mukha ang guard, pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa, puno ng pagkalito ang mababanaag sa mukha.

"Opo, Senyorita. Kausap po ang mommy niyo," sagot sa kanya.

"Ha?" Natuliro siya bigla. Bakit andito ang mama ni Lovan Claudio?

Mabilis na kumilos ang guard at niluwagan ang bukas sa gate ng bahay upang makapasok siya.

Alanganin pa rin siyang pumasok. Pangalawang punta niya pa lang sa lugar na 'yon ngayon pero kabisado na niya iyon. Gano'n siya, matandain sa mga lugar at bahay.

Kahit papasok na ng kabahayan ay nagdadalawang-isip pa rin siya kung tutuloy at makikipag-usap nga sa ama ni Zigfred. Paano niya haharapin ang ina ni Lovan sakali mang makita siya? Bakit ba kasi andito ang ginang na 'yon?

"Lovan!"

Muntik na siyang mapatalon sa kaba pagkarinig lang sa pamilyar na boses na iyon ng ina ni Lovan Claudio. Pagkakataon nga naman. Gusto niya itong iwasan ngunit ito pa mismo ang unang nakakita sa kanya. Wala siyang choice kundi ang harapin ang ginang.

"My god, ano'ng nangyari sa'yo? Bakit wala ka man lang make up sa mukha? Kahit BB cream ay hindi ka naglagay. Paano kung magkakulubot 'yang mukha mo? Paano kung magkatigyawat ka sa mukha?" dismayadong salubong sa kanya.

Natameme siya, hindi alam ang isasagot lalo na nang hawakan nito ang kanyang simpleng satin blouse na plain ang kulay at disenyo at paldang lampas binti ang haba, binagayan niya lang ng flat shoes na suot sa paa.

"My god, Lovan! Nakasal lang kayo ni Zigfred, ganyan na ang naging outfit mo? Ano'ng nangyari sa beauty mo, ha?" Rumihestro agad sa mukha nito ang galit at nagpalinga-linga sa palibot.

"Balae! Balae!" aburidong tawag sa mga may-ari ng bahay.

Siya nama'y namula agad ang pisngi sa hiya. Bakit, ano ba'ng problema sa kanyang mukha at suot? Kahit naman wala siyang ilagay sa pisngi ay maganda pa rin naman siya. At presentable naman ang kanyang damit kahit simple lang. Paano ba manamit ang anak nito na halos magwala ito sa galit pagkakita lang sa kanya?

"Balae, akala ko ba aalis ka na?" Mula sa hagdanan sa ikalawang palapag ng bahay ay wika ng ina ni Zigfred.

Nang tumingala siya rito'y nagtama ang kanilang paningin. Napalunok siya sa kaba lalo na nang maningkit ang mga mata nito, nakilala agad siyang isang impostor.

Napayuko siya, hindi kayang titigan ang ginang. Nagi-guilty siya.

"Lovan iha, andito ka pala," salubong sa kanya, hindi pinahalatang may nangyaring hindi maganda sa pagitan nilang dalawa ilang araw na ang nakalilipas.

Hinawakan siya ng ina ni Lovan Claudio sa braso.

"Balae, ano itong ginawa ni Zigfred sa anak ko, ha? Nawala lang ako ng isang buwan ay gan'to na ang itsura ng kaisa-isa kong anak!" Hindi mapigilan ng ginang ang pagtaas ng boses sa balae nitong alanganing ngumiti at pinakalma ang huli.

"I don't know, Balae. Ngayon ko nga lang uli nakita si Lovan simula nang magpunta siya rito sa birthday ko," pagtatanggol ng huli sa sarili.

"My god, Balae. He's your son! You should remind him well na hindi porke't nakasal na ang anak ko sa kanya ay hahayaan na lang niyang magmukhang pulubi ang anak ko!" sermon ng una sa huling hindi alam kung ano ang isasagot.

"M-mama. Tama na. Ito ang gusto ko. Walang may kasalanan ng lahat maliban sa'kin, kaya tama na," saway niya sa ina ni Lovan.

Humarap ito sa kanya.

"Ano ka ba? Ang yaman ng napangasawa mo pero hindi ka man lang mabilhan ng magagandamg damit. Hindi kita ipinakasal sa kanya para lang gawin kang basahan at itapon kung saan! Nagpunta ako sa suite niya pero wala ka ro'n. Tatlong linggo na kita tinatawagan pero laging out of reach ang number mo! Ito pala ang itinatago mo sa'kin. Ayaw mong malaman kong pinapabayaan ka ni Zigfred! Hindi maaari 'to anak. Hindi ako papayag na tratuhin ka niya nang gan'to!" Wala itong tigil sa pagbubunganga hanggang sa bumaba na rin ang ama ni Zigfred at lumapit sa kanila.

Hinawakan na niya sa braso ang ginang sa sobra niyang hiya.

"Ma, tama na. Hindi ako pinababayaan ni Zigfred. Ako ang may gusto nito, maniwala ka," paliwanag niya ngunit pinandalitan lang siya nito saka bumaling sa mga balae.

"Kita niyo na, Balaeng Carla. Kahit pinahihirapan ni Zigfred ang anak ko. Kahit hindi niyo siya tinatratong tao, napakabait pa rin ng anak ko sa inyo! Ano'ng klase kayong mga byenan? Huwag niyong sabihing porke lumulubog na ang negosyo namin at inutil na ang asawa ko'y pwede niyo na itong gawin sa anak ko! Hindi ako papayag!" nanlalaki ang mga mata nitong baling sa dalawang nagkatinginan na lang.

Wala siyang nagawa kundi tumahimik na lang kesa siya naman ang pagbuntunan nito ng galit, baka malaman pang hindi siya ang totoo nitong anak.

Ngising-asong lumapit ang ama ni Zigfred sa ginang at hinawakan ito sa balikat.

"C'mon, Alexandra. Parang hindi mo kilala ang anak mo. Kung ano'ng gusto niya, iyon ang masusunod. Iyan ang outfit na gusto niya kahit madami siyang damit, so be it. Hari siya ng kanyang kagustuhan. Let's not make it a big deal," sabad na ng ama ni Zigfred saka marahang tinapik sa balikat ang kausap na namumula na ang magkabiling pisngi sa galit.

Umirap lang ang huli bilang tugon sabay kapit sa kanyang braso.

"Mas mabuti nang nagkakaintindihan tayo, David. Hindi ko ipinakasal ang anak ko sa anak mo para lang gawing alila!" giit nito saka pumiglas sa ginoo at hinatak siya palabas ng bahay.

"Ano ba'ng pumasok d'yan sa kukuti mo't ganyang ang itsura mo?" gigil na usisa nito sa kanya nang nasa labas na sila.

"Relax, Ma. Ako pa rin 'to! Kahit pagbaligtarin ang mundo, may make up ako wala, ako pa rin ang asawa ni Zigfred, si Lovan Claudio," katwiran niya, tinaasan na ang boses upang tumahimik na ito. Buti na lang naalala niya ang sinabi ni yaya Greta noon na hindi siya pwedeng maging mabait sa harapan ng ina ni Lovan Claudio.

Noon lang ito tumahimik at umirap na lang sa kanya saka tumingin sa palibot kung may tao, pagkuwa'y hinampas siya sa braso.

"Ano ba kasing nasa utak mo't ayaw mo akong kausapin? Tawag ako nang tawag sa'yo pero ayaw mong sumagot. Nakapangasawa ka lang ng bilyonaryo ay nakalimutan mo na ako!" pagtatampo nito.

Naipameywang na niya ang dalawang kamay. "Busy lang ako ngayon, Ma," tipid niyang sagot. "Nagkasagutan kami ni Zigfred dahil kay Avril kaya naglayas ako. Isinama ko si Papa," pag-amin niya.

Tinitigan siya nito sa mga mata, agad siyang umiwas ng tingin at tumikhim.

"Sinabi ko naman sa'yong mag-iingat ka sa babaeng 'yon dahil iyon ang totoong pinsan ni Zigfred. Ano man ang sabihin niya laban sa'yo, tiyak na paniniwalaan 'yon ng asawa mo!" sermon nito, hinampas na uli siya sa braso sa inis nito.

Katahimikan...

"O siya, ibigay mo na lang muna ang number mo sa'kin nang matawagan kita, mayamaya'y untag nito.

Hindi siya agad sumagot, pagkuwa'y kinuha sa sling bag na dala ang iPhone, ito nama'y agad iyong hinablot, tinawagan ang sarili nitong number 'tsaka ini-save ang kanyang number sa phone nito, saka lang ibinalik sa kanya ang iPhone. Napapailing na lang siya.

"Bigyan mo muna ako ng limang milyon," pakaswal nitong bulong.

"Limang milyon!?" bulalas niya, agad namutla sa narinig.

Hinampas na naman siya nito sa braso sabay tingin sa paligid kung may tao, pero wala.

"Huwag kang maingay, baka isipin nilang namumulubi na nga ako," saway sa kanya sabay titig nang matalim.

"Ma, saan ako kukuha ng limang milyon?" angal niya, pinagpawisan bigla. Ni isang milyon nga ay wala siya. Kahit fifty thousand na lang, wala talaga siya. Sampung libo na lang ang natitira sa kanyang wallet.

"Gaga! Ang yaman ng asawa mo, limang milyon lang hindi ka makahingi?" mahinang singhal sa kanya.

"Nag-away nga kami. Hindi pa kami nag-uusap ngayon," katwiran niya.

Grabe ang babaeng ito. Limang milyon lang daw? Samantalang kahit buong araw siyang magtrabaho, hindi siya makakasahod ng limang milyon sa loob ng isang taon. Ano pa kaya ngayong wala siyang trabaho?

"O siya, isang milyon na lang, makabayad man lang ako sa utang sa casino," anito, sumusuko na.

"Sampung libo lang ang pera ko dito," pagtatapat niya.

Ito naman ang napangangang tumitig sa kanya.

"Sampung libo? Pera ba ang sampung libo? Ano'ng gagawin ko sa sampung libo mo?" singhal na nito.

Hindi siya nakaimik. Ano'ng klaseng ina 'to? Malaking pera na ang sampung libo kung tutuusin.

"Pasensya na pero ito lang talaga ang pera ko," aniya, kinuha na sa wallet ang sampung libo at iniladlad sa kamay nito.

Gigil nitong inabot 'yon. "Tatawag ako sa'yo bukas. Hindi ako pwedeng umuwi ng Sorsogon hangga't wala akong dalang limang milyon," matigas nitong sambit saka hinablot ang kanyang braso.

"Gaga ka! Huwag mo na uli akong iisnabin at tatamaan ka sa'kin! Baka nakakalimutan mong ako ang naglagay sa'yo sa luklukang iyong kinalalagyan kaya huwag mo akong bibiguin!" banta sa kanya. Kinabahan siya nang maramdamang totoo na ang galit nito.

Talaga bang ina ito ni Lovan? Bakit ganito ito kung magsalita sa anak?

Napilitan siyang tumango upang bitiwan siya nito.

Nakahinga siya nang maluwang nang sa wakas ay lumabas na ito ng gate.