Chereads / The Stolen Identity / Chapter 62 - Ang Pakikipagtagisan Kay Avril

Chapter 62 - Ang Pakikipagtagisan Kay Avril

Pagkatapos ng lunch break, nawendang siya nang makita ang nakatambak na mga folder sa kanyang mesa. Kahit si Crissy na kasama niyang lumabas ng building ay nagulat din.

Eksakto namang pagpasok ng manager galing din sa labas ng department. Agad itong lumapit sa kanila.

"Utos ng chairman. Pag-aralan mo raw ang mga 'yan," anito saka ibinigay sa kanya ang isang note.

'You'll be the new computer systems anlayst. Start from the beginning. Show me your ability,' saad sa card.

Kunut-noong napasulyap siya sa manager pagkatapos ay kinalkal ang mga folder, dumampot ng isang folder at binuklat ang laman ng mga iyon.

"Computer systems analyst ang bago ko pong work pero bakit po web designing andito pa rin sa'kin? 'Di po ba may web designer tayo?" taka niyang usisa.

Hindi agad nakasagot ang manager, pinaglipat-lipat muna ang tingin sa kanila ni Crissy bago napilitang sumagot.

"Hayy, si Ma'am Avril ang nagpahatid ng mga 'yan dito. Utos daw ng chairman. Don't put me in a dufficult situation, Lovan. Alam mo namang hamak lang akong empleyado dito. Kailangan kong sumunod sa utos ng mga nasa taas," tila sumusukong wika nito, may halong pakiusap sa tono ng salita.

Sinasabi na nga ba niya. Alam niyang may pakulo na naman ang babaeng 'yon mula nang malamang bumalik siya sa kompanya.

Isang buntunghininga muna ang kanyang pinakawalan bago ngumiti nang matamis, pati mga mata ay nakangiti.

"Okay lang po, Ma'am. Kaya ko 'yan. Bukas ko na lang po ibabalik sa inyo ang mga iyan after ko pag-aralan lahat," aniyang puno ng kumpiyansa sa sarili.

Nakangiti na sana si Ma'am Irene ngunit biglang nag-iba ang ekspresyon ng mukha nito pagkarinig sa huli niyang sinabi.

"Kailangan na raw 'yan ng director ngayong araw. Ipasa mo sa kanya mamayang hapon," may awtoridad na sa boses nito.

Napanganga sila ni Crissy sa pagkagulat.

"Ma'am, kahit yata si Einstein ang magpunta ngayon, hindi niya matatapos ang mga 'yan sa loob lang ng ilang oras." Hindi nakatiis si Crissy at sumabad na rin.

Tumaas na ang kilay ng manager.

"Ano'ng gagawin ko eh 'yon din ng utos sa'kin?" Tumaas bigla ang boses sa kaibigan na agad namang natahimik at napayuko saka lihim na sumulyap sa kanya.

Kagat-labi niyang pinagmasdan ang nakasalansan na mga folder na humigit-kumulang Labinlimang bilang. Imposibleng matapos niya 'yon ngayong araw kung siya lang ang gagawa. Kailangan niyang makaisip ng paraan.

Nang may maisip ay saka siya ngumiti nang matamis sa manager upang mawala na ang stress nito.

"Don't worry, Ma'am. Ako na po bahala. Mamayang hapon, ako po mismo ang magpapasa sa summary ng report kay Ma'am Avril," maangas niyang saad.

Noon lang nakahinga nang maluwang ang manager at nagpasalamat sa kanya.

"Loka, ano'ng gagawin mo? Mamaya, na-zombie ka na sa dami ng mga report na 'yan.

Tumamis ang ngiti niya sa dalaga, mamaya'y namungay ang mga mata. Nang hindi nito maintindihan ang ibig niyang sabihin ay nagpaawa na siya.

"Crissy, alam mo namang hindi ko kayang tapusin ang mga 'to ngayong araw, itabi mo muna trabaho mo, ikaw na muna ang humawak sa web designing," panunuyo niya.

"Asus, iyon lang pala, akina. Pero hindi ko maipapangakong matatapos ko agad ha?" anang dalaga.

Napapalakpak siya sa tuwa. Minadali niyang buklatin at basahin lahat ng mga nasa folder at ipinasa kay Crissy ang lahat ng related sa web designing.

'Yong iba pang folder, ginamit na niya ang pagiging asawa ni Zigfred upang mapakiusapan ang mga kasamang tulungan siyang gumawa ng report sa mga nasa folder na related sa mga trabaho nito. Hanggang sa wakas ay tatlong folder na lang ang naiwan sa kanya. Kaya na niya 'yon.

Hindi naman sa pagmamayabang pero matatalino lahat ang mga kasama niya sa trabaho kaya bago mag-uwian ay hawak na niya ang mga report na gawa ng mga ito kahit ang kay Crissy. Todo pasalamat niya sa lahat.

Siya na lang ang nag-assemble at gumawa ng summary report sa mga iyon. Eksaktong alas-kwatro ay nasa harap na siya ng opisina ni Avril, ang IT director ng kompanya.

Tatlong beses siyang kumatok bago siya pagbuksan ng secretary nito.

Subalit isang halakhak lang ang isinagot ng babae pagkatapos basahin ang kanyang report at itinapon sa trash bin ang folder.

"Huwag!" tangi niya lang naisigaw sa pagkagulat ngunit huli na. Nag-landing na sa trash bin ang pinaghirapan niya at ng lahat ng mga kasama niya sa IT department.

Hindi maiwasang magsalubong ang kanyang kilay sa galit. Nalaman niyang ito ang totoong pinsan ni Zigfred. Si Aeon ay kinakapatid lang nito, pero hindi ibig sabihin pwede na nitong gawin sa kanya ang lahat ng gusto nito para lang ipahiya siya sa lahat. Ginagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho kahit marami na itong atraso sa kanya. Hindi siya nagsasalita, ni hindi siya nagagalit dito.

Subalit sobra na yata ang ginagawa nito. Sukat bang itapon nito ang report niya nang gano'n lang.

Nagtagis bigla ang kanyang mga ipin sa galit at naikuyom niya ang mga kamao. Nangako siya sa ama ni Zigfred na ihihiwalay ang personal issue sa trabaho. Kahit iyon na lang ang maging dahilan niya upang pigilan ang galit na nararamdaman.

Nagpakurap-kurap siya at huminga nang malalim. Hindi siya dapat magpaapekto sa nararamdaman.

Tumayo si Avril mula sa pagkakaupo sa swivel chair nito. As usual, para itong modelo nang maglakad palapit sa kanya, kahit office attire ang suot nito at pinatungan ng kulay cream na coat ay hindi maikakailang maganda ang hubog ng katawan ng dalaga.

"Oopps, hindi ko pala nasabi sa'yong hindi written report ang kailangan ko, kundi ang actual demo. Kailangan kasi ng kompanyang ma-make sure na hindi mabibiktima ang program natin ng anumang cybersecurity threats. Iyon ang utos sa'kin ng Chairman," malumanay nitong sambit, nagpakawala pa ng isang mapagkunwaring ngiti sa mga labi ngunit para sa kanya, isa iyong lason na nagpapahiwatig kung ano'ng klaseng pagkatao mero'n ang babaeng ito.

Pigil ang nararamdamang ngumiti rin siya ng payak.

"Sure. When would it be?" kaswal niyang sagot na parang balewala lang ang ginawa nito sa kanya.

Lalo lang lumapad ang ngiti sa mga labi nito.

"Tomorrow morning at the conference room," anito sa malumanay pa ring boses.

Ang tingin niya rito nang mga sandaling iyon, isa itong kampon ni hudas na nagbalatkayong inosenteng nilalang sa kanyang harapan. Nakakalason kahit ang mga titig nito.

Hindi niya inalis ang composure ng mga sandaling iyon. Pinandigan niyang isa siyang computer systems analyst, hindi nakakaramdam ng takot anuman ang pagdaanang problema related sa trabaho niya.

"Okay. See you at the conference room," aniya, sinabayan na ng talikod at walang anumang naglakad palayo.

"Bitch! Hindi pa ako tapos magsalita!" bigla ay sigaw nito.

Lihim siyang napangiti nang sa wakas ay maramdaman sa boses nito ang itinatagong galit sa kanya.

Huminto siya sa paglalakad saka pumihit paharap dito.

"Well, I'm already done talking," tipid niyang sagot, pinukulan ng nang-uuyam na ngiti ang babae bago muling tumalikod at walang lingon-likong naglakad palabas ng opisina.

Naiwan itong nakakuyom ang mga kamao sa panggigigil sa kanya.