Chereads / The Stolen Identity / Chapter 63 - Ang Pagtatapat ni Lenmark

Chapter 63 - Ang Pagtatapat ni Lenmark

"Lovan!"

Bigla siyang napapihit paharap sa may-ari ng boses na iyon pagkalabas lang niya sa IT department. Siya na lang kasi ang nasa loob niyon. Kanina pa umuwi si Crissy at ang kanyang mga kasama sa trabaho.

Sumilay agad ang ngiti sa mga labi niya pagkakita lang kay Lenmark na halos tumakbo na makalapit lang agad.

"Hi!" kaswal bati niya.

"Lovan, about what happened the other day, I wasn't aware until today," bungad agad sa kanya, halata sa boses ang pag-alala.

Pero hindi pa rin niya inalis ang ngiti sa labi, nagkibit-balikat lang at nagpatiunang naglakad papunta sa elevator.

"How's your day?" pakli niya, hindi sinagot ang sinabi nito.

"Galing ako sa probinsya for an emergency meeting. Hindi na ako nakapagpaalam no'ng nakaraang araw kasi wala ka raw sa department mo," Paliwanag nito habang sumasabay sa kanya sa paglalakad.

Tumango lang siya, nakangiti pa rin itong sinulyapan.

"Ihahatid na kita pauwi," presenta nito.

Noon lang siya huminto at humarap dito, tinitigan itong mabuti.

"Lenmark, may gusto ka ba sa'kin?" kaswal niyang tanong. Hindi niya alam kung paano siyang nagkaroon ng lakas ng loob na itanong 'yon pero nang maalala si Aeon ay bigla na lang iyong lumabas sa kanyang bibig.

Sabagay, curious din siyang malaman ang sagot nito.

Napatda bigla ang binata, hindi agad nakasagot. Naging malikot din ang mga mata, hindi agad nakatingin sa kanya nang deretso.

"May sarili na akong motor. Hindi mo na ako kailangang ihatid. 'Tsaka salamat din sa mga tulong at suportang ibinigay mo sa'kin." Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin iyon sa kaibigan.

Ayaw na niya ng gulo. Kahit naniniwala siyang bestfriend lang ang turing nito sa kanya, kailangan pa rin niya itong iwasan upang walang masabi si Aeon sa kanya. Ayaw niyang makasira ng relasyon ng kahit na sino maliban sa magulong relasyon niya kay Zigfred.

"Pasensya na, pero simula ngayon, hindi mo na kailangang mag-alala pa sa'kin. Bumalik ka kay Aeon. Ayukong isipin niyang ako ang dahilan kung bakit ayaw mo nang pakasal sa kanya," madamdamin niyang wika sa paraang mauunawaan nito, sa paraang hindi ito magtatampo sa kanya.

Pagkatapos itong titigan at pukulan ng payak na ngiti ay tumalikod na siya palapit sa kabubukas lang na elevator.

Papasok na sana siya nang umalingawngaw ang boses nito dahilan upang mapahinto siya sa paglalakad.

"I like you, Lovan! No, more than that. I love you!"

Bigla ang pagkabog ng kanyang dibdib. Pakiramdam niya, may kung ano'ng masamang hangin ang biglang umihip dahilan upang sandali siyang mahilo at mapatda sa kinatatayuan. Ni hindi siya makakilos upang pumasok sa loob ng elevator kung saan nagpakanganga sa kanila ang mga nasa loob niyon, nagulat din sa confession na ginawa ni Lenmark.

Sumasal ang tibok ng kanyang dibdib, hindi niya iyon makontrol. Ilang beses siyang lumunok upang mawala ang kung anong bumara sa kanyang lalamunan nang mga sandaling iyon.

Hindi! Baka namali lang siya ng dinig. Pero ang ekspresyon ng mga empleyado sa loob ng elevator ang nagpapatunay na hindi lang siya nagkamali ng dinig, na totoo ngang gusto siya ng kaibigan.

Bigla na lang ay namula ang kanyang magkabilang pisngi, kasabay ng pagyuko niya upang itago ang hiyang nararamdaman sa ginawa ni Lenmark, bigla na pumatak ang kanyang luha.

Nalilito siya. Sobrang nalilito. Paano siyang nagustuhan nito sa pangit niyang mukha? Huwag sabihing ang mga ginawa nito sa kanya noon ay hindi dahil sa kaibigan ang turing nito sa kanya, kundi dahil gusto siya niyo?

Kagat-labi siyang nag-angat ng mukha, pinakalma ang sarili. Eksakto namang sumara ang pinto ng elevator.

"I admit. I have loved you since the day I've met you," pag-amin na nito nang makalapit sa kanya.

Nagpakurap-kurap siya upang pigilan ang muling pagpatak ng mga luha. Hindi niya kailangan magalit sa binata. Hindi nito kasalanan kung bakit ito nagkagusto sa kanya. Pero pakiramdam niya, she had been betrayed for more than ten years. She thought, it was a friendly love na lagi itong nasa tabi niya sa t'wing kailangan niya nang makakausap at masasandalan sa mga problema niya. Nagkunwari pa nga itong bakla sa harapan ng kanyang mga magulang para lang kahit sa bahay nila ay mabantayan siya.

Kahit ba 'yon ay ginawa nito dahil sa gusto siya, dahil sa mahal siya?

Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at ipinihit siya paharapa dito.

"Lovan, I'm sorry sa ginawa ni Aeon sa'yo. But I just can't hide my feelings anymore. I even talked to Zigfred's parents that I wanted to marry you kaya kailangan nating mapapaniwala si Zigfred na hindi ikaw si Lovan Claudio," paliwanag nito sa mahinang boses.

Natawa siya nang pagak. Ngunit hindi yata sapat ang simpleng tawa lang kaya nilakasan na niya ang halakhak subalit ang kanyang mga tuhod ay nagsimula nang manlambot sa rebelasyong ginawa ni Lenmark.

"That's ridiculous," sambit niya sa pagitan ng pagtawa.

"Lovan..." nag-aalalang usal nito.

Bigla niyang tinapik ang kamay ng binata at nanunumbat ang mga matang tumitig rito.

"This is really absurd. Nagpaalam ka na sa mga magulang ni Zigfred, pero sa'kin, hindi mo man lang sinabi?"

"Lovan..." Hahawakan na siya nitong muli nang pumiglas siya bigla.

"Take your hands off me!" hiyaw na niya, nag-unahan nang pumatak ang kanyang mga luha sa sari-saring emosyong nararamdaman.

Doon lang bumakas sa mukha nito ang lungkot. Hindi makapaniwalang gano'n ang magiging reaksyon niya.

"Alam mo ba kung ano'ng naramdaman ko sa loob ng canteen habang pinagdidiinan ni Aeon na ako ang dahilan kung bakit kayo naghiwalay? Alam mo ba 'yon?" panunumbat na niya habang patuloy ang pagpatak ng mga luha.

"Lovan, stop it. Please..." pakiusap nito, gusto siyang hawakan sa kamay.

Pero hindi siya nakinig, muling tinapik ang kamay nito.

"Gusto kong isigaw sa lahat ng nando'n na mali ang paratang niya sa'kin. Na wala akong kinalaman sa relasyon niyo, na kaibigan lang ang turing mo sa'kin!" patuloy niya sa panunumbat.

Napayuko ito, hindi nakasagot. Bumakas sa mukha ang pait ng mga sinabi niya.

"Pero ano'ng ginawa mo? Ipinaalam mo sa kanila na gusto mo akong pakasalan, samantalang ako---ang alam ko, ginagawa mo 'yon dahil iyon ang tama. Dahil kaibigan mo ako!"

Tiim-bagang itong nag-angat ng mukha, tumitig sa kanyang hilam na sa luha ang mga mata.

"Stop this nonsense, Lovan. Please. Sa ibang lugar tayo mag-usap," pkiusap na sa kanya, muli nag-attempt na hawakan siya.

"Nonsense? Ginawa mo akong tanga kay Aeon at sa mga magulang ni Zigfred! Ginawa mo akong tanga, Lenmark! Tapos sasabihin mo ngayong this is just nonsense? Ano'ng klase kang kaibigan!" sigaw niya rito.

"Alright, fine! I'm sorry because I never treated you as a friend but as my love, my only love." Garalgal na ang boses nito, tila sumusuko sa kanya.

"Then that's it! I don't want your selfish love anymore! Stay away from me from now on!" huli niyang babala dito at sinabayan niya ng talikod, patakbong pumasok sa bumukas na uling elevator na tila yata umaayon sa pagkakataon at walang laman. Impit siyang umiyak sa loob niyon pagkasara lang ng pinto.

Hindi niya alam kung ano'ng nararamdaman niya ngayon. Para siyang sinaksak sa dibdib nang wala man lang pasabi. Ang sakit. Ang taong alam niyang ilang taong dumamay sa kanya sa hirap at ginhawa, ang taong nasa tabi niya at umuunawa sa kanya, hindi pala kaibigan ang turing sa kanya. Gaano kasakit ang traydurin siya nito? Mas matindi pa ito kina Aeon at Avril. Mas matindi pa ito kay Zigfred.

Ang sakit ng dibdib ay lalong nadagdagan nang paglabas niya ng building ay hindi makita sa parking lot ang kanyang motor. Sa may puno lang niya iyon inilagay sa harap ng building.

Maliban sa parking area sa basement, may parking area din para sa mga motor sa harap ng building sa dami ng empleyado ng kompanya. At dahil may guard naman ay tiwala siyang walang kukuha niyon, pero asan na?

"Sir, nakita mo ang motor ko?" usisa niya sa guard.

"Opo, Senyorita Lovan. And'yan lang po 'yon kanina," sagot nito, itinuro pa ang kinaroroonan ng motor ngunit nagulat din ito nang hindi iyon makita.

Dalawa na silang naghanap hanggang sa makita nila iyon sa may gilid ng kalsada, basag na ang dalawang side mirror at puno ng gasgas ang harapan niyon. Nang paandarin niya, umootso na ang gulong niyon.

"Naku, Senyorita. Kasalanan ko po. Nawala sa isip ko ang motor niyo. Patawad po," paghingi agad nito ng tawad sa takot na patalsikin niya sa trabaho.

"Hindi, okay lang. Ipapaayos ko na lang," sagot niya agad, tiningnan ang paligid kung mero'ng kahina-hinalang mga tambay na naroon, pero wala.

"Ako na po ang magpapaayos, Senyorita. Kasalanan ko po ang lahat kasi hindi ko ginagawa ang trabaho ko nang maayos," presenta nito, kinuha na sa kanya ang motor.

"O sige, basta sabihin mo sa'kin kung magkano ang gastos, babayaran ko," aniya na, hinayaan na lang itong asikasuhin ang motor. Hindi pwedeng masira 'yon. Kabibili lang niyon ni Zigfred.

"'Tsaka pakibago na rin ng pintura at palagyan mo ng pink tulip sa harapan," dagdag niya.

Napangiti ang guard, natuwa sa sinabi niya.

"Opo, Senyorita. Mamaya din po, dadalhin ko 'to sa shop ng kaibigan ko. Sa makalawa, dadalhin ko po uli rito," anito.

Tumango siya. Pagkatapos magpasalamat ay naglakad na palayo. Sanay naman na siyang maglakad. Pagtityagaan na niya, tutal ay tatlong kilometro lang naman ang layo ng aprtment niya mula rito.

Sayang kung mamamasahe pa siya. Dalawang daan na lang ang pera niya sa wallet. Ang black ATM card na binigay ng kanyang papa ay inilalaan niya sa pagbili ng gamot nito, hindi na iyong gamot na bigay ng ina ni Lovan Claudio. Bumili siya ng panibagong gamot na ini-recommend ng kaibigang doktor ni Ivory.

Sa lalim ng kanyang iniisip at sa dami ng problema niya, hindi niya narinig ang malakas na kulog kasabay ng pagdilim ng buong paligid. Ni hindi niya napansin na alas-singko pa lang ay parang gabi na sa kapal ng ulap sa kalangitan.

Ngunit nang maramdaman ang isang patak ng ulan sa kanyang ulo ay napahinto siya sa paglalakad, noon lang tumingala sa langit.

Subalit naagaw ng bigla na lang humintong sasakayan sa kanyang harapan ang kanyang atensyon.

"Avril?" gulat niyang sambit pagkakita sa babaeng lumabas sa sasakyan kasama ng tatlong kalalakihan.