Chereads / The Stolen Identity / Chapter 64 - Ang Bunga ng Galit ni Avril

Chapter 64 - Ang Bunga ng Galit ni Avril

Kinabahan bigla si Lovan. Mukha pa lang ni Avril nang lumabas ng sasakyan hawak ang kulay lilac na payong ay nakakakaba na.

Napahigpit ang hawak niya sa shoulder bag ngunit hindi niya pinahalatang nakaramdam agad ng takot lalo na nang makita ang maasim na mukha ng kasama nitong mga lalaking tila mga regular customer sa gym sa laki ng mga muscle sa katawan.

"Hmm... What a coincidence," palatak nito nang makalapit sa kanya.

Pinatigas niya ang mukha upang iparamdam ditong handa siya sa anumang balak nitong gawin.

Naglakad ito pasulong, bumuntot ang mga alalay. Humakbang siya paatras habang pinapakiramdaman ang susunod nitong galaw. Huwag sana nitong mapansing nanginginig ang kanyang mga tuhod sa takot.

Kilala na niya ang babaeng ito. Ito ang klase ng taong hindi pwedeng masagi man lang dahil tiyak na mangangagat. Marahil ay talagang nagalit ito kanina nang basta na lang niyang talikuran.

"Ang panahon nga naman kung umayon sa'kin," anito, nakakalokang ngumisi sa kanya.

"Ano'ng kailangan mo?" matapang niyang turan ngunit lihim na binuksan ang shoukder bag at naghanap ng ballpen o kahit ano'ng matulis na bagay na pwedeng maging sandata niya nang mga oras na 'yon. Sa wakas ay nakapa niya ang kabibili lang na sign pen.

"I've already told you, I wasn't done talking to you yet, but you insisted on leaving." Bumakas na sa mukha nito ang totoong nararamdaman, tila apoy na nagliliyab sa galit ang mga mata nito.

Bigla ay tumaas ang isang kamay nito at walang anumang lumipad padapo sa kanyang pisngi.

Napahiyaw siya sa pagkagulat, agad namanhid ang natamaang pisngi. Ang kanina'y magandang pagkakaladlad ng buhok sa likuran, ngayo'y tumabing na sa kanyang mukha ang ilang hibla niyon.

"Premyo ko 'yan sa ginawa mo kanina. Wala pa 'yan sa sermong natamo ko kay Uncle David nang pakiusapan ko siyang huwag ka nang pabalikin sa kompanya," matigas nitong sagot.

Tila walang sakit na natamo't paasik siyang humarap dito, tinapatan ang galit nitong mga mata.

"Wala akong kinalaman sa ginawa niya sa'yo," matigas din niyang sambit.

Subalit tila iyon panggatong na nagparingas lang sa nauna na nitong galit kaya't nanlilisik na ang mga mata nitong muli siyang sinampal, mas malakas kaysa una dahilan upang mapasubsob siya sa semento. Nabitiwan niya ang hawak na ballpen. Tumilapon na rin ang sariling bag sa knyang harapan. Hindi niya akalaing ang lakas pala ng babaeng ito.

Ksabay niyon ay ang pagbuhos ng malakas na ulan na bumasa agad sa manipis niyang damit. Mabuti na lang ay naka-slacks siya ngayon, kaya't kahit paano ay natatakpan ng buo niyang binti.

"Sige, gulpihin niyo siya. Sirain niyo ang mukha upang hindi na magustuhan ng kahit na sinong lalaki!" pasigaw na utos sa tatlo.

Duon na siya nakaramdam ng sobrang takot. Isa lang siyang hamak na mahinang babae. Wala siyang kalaban-laban kahit kay Avril pa lang. Subalit ayaw niyang magmakaawa ritong huwag siyang sasaktan. Hindi niya gagawin iyon. Wala siyang kasalanan dito. Ito ang may kasalanan sa kanya.

Agad siyang tumayo at nagbalak na tumakbo subalit nahablot ng isang lalaki ang kanyang mahabang buhok at parang papel siyang ibinalya pahiga sa semento.

"Mga walanghiya kayo! Pagbabayaran niyo ang ginawa niyong 'to sa'kin!" Sa kabila ng sakit na nararamdaman sa katawan at mga pasa sa siko't kamay ay nagawa pa rin niyang sumigaw sa mga ito nang muling makabangon at matalim na tumingin kay Avril na noon ay tila sadistang tuwang tuwa sa kanyang kalagayan.

Nang akmang sisipain na siya ng lalaking sumabunot sa kanya'y muli siyang napasigaw sabay yakap sa sariling katawan sa sobrang takot.

Subalit nagulat na lamang siya nang sa isang iglap, bumalandra ang katawan ng lalaki sa kanyang tabi, wala nang malay. Lalo siyang napasigaw sa takot at ibinaluktot na ang katawan upang itago ang mukha sa mga gustong manakit sa kanya.

Pero nang marinig ang malakas na sapakan at suntukan sa palibot ay noon lang niya na-realize na may ibang tao sa paligid. Ang kanyang knight in shining armour!

Bigla niyang narinig ang hiyaw ni Avril. Doon lang siya curious na nag-angat ng mukha at napalingon sa kinaroroonan ng dalaga.

Nakita niya itong nakasubsob sa harapan ng sasakyan nito. Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan ay kitang-kita pa rin niya ang tila nagliliyab na mga mata nito sa galit.

"You'll regret this! I already told you she's a wicked bitch! Kapag nakahimlay na ang katawan mo sa kabaong, saka mo lang mapapatunayang isa siyang demonyo! Ipinagtatanggol mo ang demonyong 'yan!" sigaw nito sa kausap habang nakaduro ang kamay sa kanya.

Subalit wala siyang narinig mula sa kausap nito.

Muli niyang isinubsob ang mukha sa sariling mga tuhod nang muling sumigaw si Avril. Mayamaya'y naramdaman niyang bumangon ang hinimatay na lalaki at tumakbo palapit sa dalaga. Pagkapos niyo'y andar ng makina ng sasakyan ang kanyang narinig hanggang sa humarurot na iyon palayo.

Nanatili lang siya sa gano'ng ayos sa kabila ng malakas na buhos ng ulan hanggang sa marinig niya ang mga yapak ng sapatos at huminto sa kanyang harapan. Doon lang siya unti-unting nag-angat ng mukha, dahan-dahang tiningala ang kanyang tagapagligtas subalit nanlaki agad ang mga mata pagkakita sa mukha ni Zigfred, duguan ang taas ng kilay, humahalo sa tubig-ulan ang dugo niyon. Pati mga labi ay pumutok din.

Bakit ito narito? Hindi ba't ang sabi ni Crissy ay nasa Middle East daw ito? Paano nito nalamang nasa panganib siya nang mga oras na 'yon?

Nagtama ang kanilang paningin. Pagtataka ang nakarehistro sa kanyang mukha at nang mapansin ang mga sugat nito'y nakaramdam siya ng awa. Ngunit hindi niya maipaliwanag kung ano'ng gustong ipahiwatig ng mga mata nitong tila namumugto.

Awang ang mga labing dahan-dahan siyang tumayo, hindi ramdam ang hapdi ng mga gasgas niya sa siko at ang kirot ng pisngi dahil sa nangyari kanina.

"Salamat," tipid niyang sambit, at umiwas ng tingin upang ikubli ang kirot ng dibdib. Alam niyang hindi siya pwedeng magkagusto rito ngunit hindi niya mapigil ang sariling marinig man lang ang boses nito.

"Why are you here?" malamig ang boses na tanong habang patuloy na humahalo ang dugo nito sa tubig-ulan at dumadaloy sa sariling pisngi.

Kagat-labi siyang yumuko, hindi ramdam ang lamig na bumabalot sa katawan. Sabi na nga ba niya, siya pa rin ang sisisihin nito sa nangyari sa kanya.

Ilang beses siyang huminga nang malalim bago muling nag-angat ng mukha.

"Hindi pumayag ang papa mo na mag-resign ako. Pero huwag kang mag-alala, hindi na mauulit ang tulad nito. Hindi na uli magsasanga ang mga landas natin." Payak ang ngiting kanyang pinakawalan upang itago ang totoong nararamdaman subalit kita niya ang pagtigas ng mukha nito kasabay ng pagkabig sa kanyang beywang, saka siya niyakap nang mahigpit.

Tila siya naging tuod sa kinatatayuan, hindi siya nakakilos man lang. Ano ba dapat ang pwede niyang gawin? Itulak ito at tumakbo palayo? Ngunit hikbi ang biglang kumawala sa bibig niya, bigla ring pumatak ang kanyang mga luha nang makabawi.

"This is all my fault," usal nito sa baritonong boses, tila nahihirapang magsalita.

"Tama, kasalanan mo 'to," sang-ayon niya, patuloy sa pagpatak ang mga luha.

Inilayo nito ang katawan sa kanya, hinawakan siya sa magkabilang balikat kasabay ng mapait na tititig na bumabaon sa kanyang puso.

"Kung hindi ka sana dumating sa buhay ko, hindi mangyayari sa akin ang lahat ng 'to," puno ng sama ng loob na wika niya habang patuloy sa pagpatak ang mga luha. Pero hindi iyon ang laman ng kanyang puso. Gusto niya itong yakapin at sabihing, okay lang. Ang mahalaga ay ligtas siya. Ang mahalaga ay nakita siya nito at iniligtas.

Ngunit nanlaki na uli ang kanyang mga mata nang bigla ay muli siya nitong kabigin at sakupin ng mga labi nito ang nakaawang niyang bibig.