"Dude, ano'ng ginagawa natin dito? Hapon na. Bukas ay lilipad ka pa patungong middle east," takang usisa ni Jildon. Kanina pa ito nagrereklamo kung bakit sila nasa Sorsogon, lalo na nang huminto ang sasakyan sa loob ng sementeryo kung saan inilibing si Shavy mahigit sampung taon na ang nakararaan.
"Go, look for a gravedigger and bring him here," utos ni Zigfred nang mahanap na ang museleo ni Shavy.
"Ha?" Napanganga ang kaibigan, litong napabaling sa kanya.
"Dude, ano'ng gagawin natin sa sepulturero?" maang na usisa.
Isang matalim lang na tingin ang kanyang isinagot. Napaatras ito agad pagkakita sa galit niyang mukha at halos tumakbo palabas ng museleo ni Shavy.
Sumasakit na ang kanyang ulo sa antisipasyon. Ayaw niyang gawin ang bagay na iyon pero kailangan niyang malaman kung ano ang nangyayari kay Lovan. Bakit sa hula niya ay dalawa ang katauhan nito? Malakas ang kanyang kutob na may koneksyon ang aksidenteng iyon sampung taon na ang nakararaan sa nagaganap ngayon.
Halos kalahating oras ang kanyang hinintay bago nakaharap ang dalawang sepulturerong inarkila ni Jildon. Dalawang oras din ang itinagal bago tuluyang nahukay ang kabaong na pinagsidlan sa katawan ng kinakapatid ni Lovan.
Iniabot niya ang sampung libong peso sa dalawa bago pinaalis kasabay ng isang babalang walang sinumang pwedeng makaalam sa ginawa ng mga ito.
"Dude, ano ba'ng nasa isip mo? Mamaya multuhin tayo ni Shavy dahil pinakialaman mo ang bangkay niya." Nanginginig ang boses ni Jildon sa takot habang panay tingin sa palibot, baka nga may multo talaga, lalo at isang bombilya lang ng ilaw ang nagbibigay sa kanila ng liwanag doon.
Kumabog ang kanyang dibdib, lalong sumasal nang bumaba na siya sa hukay at pumwesto sa paanan ng kabaong na sa tagal ng panahon ay nanatili pa rin iyong intact.
Humugot siya nang isang malalim na paghinga bago buong lakas na tinanggal ang takip niyon at tumambad sa kanya ang puting kumot na sabi ni Jildon ay ibinalot sa katawan ni Shavy.
Nayakap ni Jildon ang katawan nang makaramdam ng malamig na hanging biglang umihip papasok sa loob ng museleo. Nang hindi makatiis ay bumaba na rin at yumakap sa kanya.
"Dude, andito na ang kaluluwa ni Shavy. Nagpaparamdam na. Umalis na tayo rito," nahihintakutang pakiusap nito.
Gigil niyang itinulak ang kaibigan palayo sana ngunit nabuwal ito't natumba papasok sa loob ng kabaong, parang palakang napadapa roon.
Sa lakas ng sigaw nito sa takot, muntik na niyang masipa kung hindi lang ito nagmadaling bumangon at gumapang paakyat sa hukay.
Nang tignan niya ang kumot, napansin niya ang itim na bagay sa loob niyon.
Dahan-dahan siyang yumukod, marahang binuksan ang kumot subalit napanganga siya nang makita ang loob niyon.
Dalawang itim na maliliit na unan na sa loob ng sampung taon ay hindi man lang kakikitaan ng pagbabago ng hugis. Nang makabawi'y agad niyang tinanggal ang mga unang iyon at tiningnan kung may buto ba o buhok man lang ni Shavy na naiwan sa loob ng kumot pero kahit palatandaan ng bungo o buto ng tao ay wala man lang.
Hindi niya alam kung bakit sa tigas ng kanyang puso ay biglang pumatak ang masaganang luha sa kanyang mga mata nang masegurong walang palatandaan ng patay na katawan ng tao sa kabaong na 'yon.
Umiiling siyang napaatras at nanghihinang napasandig sa gilid ng hukay.
Kahit si Jildon ay napanganga rin. Ilang beses na tiningnan ang loob ng kabaong, nang hindi makuntento'y lumusong na sa hukay at tinanggal ang kumot, pinagpagpag pa iyon upang maseguro lang na walang kahit abo man lang na naruon maliban sa dalawang itim na maliliit na mga unan na ginawang katawan ng namatay.
"Dude, ano'ng ibig sabihin nito?" litong napabaling sa kanyang tulala pa rin nang mga oras na iyon ngunit walang tigil sa pagpatak ang mga luha.
Ngayon niya naunawaan ang lahat. Kaya pala. Kaya pala hindi masagot ni Lovan noon ang kanyang tanong kung nasaan ang kwintas na iniregalo niya rito dahil hindi pala talaga nito alam iyon. Ni hindi nito nakita ang kwintas na 'yon.
"Zigfred, nasaan ang agnas na katawan ni Shavy? Bakit wala rito?" maang na tanong ng kaibigan ngunit nang maunawaan ang lahat ay tulala ding napatitig sa kanya.
"Dude, ano'ng nangyari? Hindi ba't si Shavy ang namatay? Hindi ba't si Lovan lang ang naligtas sa aksidente?" Paulit-ulit nitong sambit habang nakatitig sa blangko niyang mukha.
"Walang namatay sa aksidente? Walang namatay sa aksidente. Kung gano'n, asan si Shavy?" tanong na uli.
Hindi siya makasagot. Tila naging shock iyon sa kanya. Gusto niyang himatayin nang mga oras na iyon, gusto niyang makalimutan agad ang kanyang natuklasan subalit heto siya, tulala man ay paulit-ulit na umuukilkil sa kanyang utak kung ano ang totoong nangyari noon.
Nang biglang magliwanag ang kanyang paningin...
Iisa lang ang makakasagot sa isa pa niyang katanungan.
Nagmadali siyang umahon sa hukay at walang salitang bumalik sa kanyang kotse.
Nahintakutang tumakbo pasunod sa kanya si Jildon.
----------
"Senyorito Zigfred?" Magkahalong gulat at pagtataka ang biglang rumihestro sa mukha ni Yaya Greta nang makita siyang bumaba sa sasakyan na biglang pumarada sa harap nito habang naghihintay ito ng tricycle sa tapat ng palengke sa bayan ng Sorsogon bitbit ang mga pinamili sa loob ng may kalakihang basket.
Tiim-bagang niya itong hinawakan sa kamay at hinila papasok sa sasakyan sa tabi ni Jildon sa likod ng driver's seat.
Nagtataka ma'y hindi nagsalita ang yaya ngunit mahigpit ang hawak sa basket hanggang sa makarating sila sa sementeryo.
Subalit nang hila pa rin niya ito sa kamay papasok sa museleo ay duon niya naramdamang nanginig ito sa takot.
"S-senyorito, a-ano pong gagawin natin dito?" pautal na usisa.
Nanatili siyang tiim-bagang na naglakad hanggang sa huminto sila sa harap ng hukay.
Biglang napasigaw ang yaya sa nakita at nagpumiglas sabay hagulhol nang malakas.
"Wala akong kinalaman sa nangyari! Wala akong kinalaman sa nangyari!" paulit-ulit na sigaw habang nangangatal ang mga labi sa pagkasindak. Mayamaya'y yakap na ang sarili sa takot.
Pagalit niyang hinawakan ang magkabilang balikat nito.
"Look at me!" paasik niyang utos nang maramdamang naghihisterya ito sa takot.
"Wala akong kinalaman sa nangyari, maniwala kayo sa'kin. Mahal na mahal ko ang alaga ko. Hindi ko siya ipapahamak. Maniwala kayo sa'kin," paulit-ulit nitong sambit sa pagitan ng paghagulhol.
Nakaramdam siya ng awa para rito kaya't sa halip na magalit ay niyakap niya ito.
"It's okay. I'll not be mad at you. But tell me everything. What happened that day? Don't miss even a single detail," aniya na may halo nang pakiusap.
Hinayaan niya muna niya itong humagulhol nang humagulhol hanggang sa kumalma at nakiusap na dalhin niya sa loob ng sasakyan.
Inutusan naman niya ni Jildon na ayusin ang kabaong at ibalik sa dating pagkakalagay ang loob niyon saka ipinasemento na uli sa mga sepulturero at ibinalik sa dating ayos upang walang makaalam na hinukay iyon.
"Pagkabalik ko lang sa mansyon, nakita ko si Senyora Alexandra, may hilang sako at inilagay sa loob ng sasakyan ni Senyor Marcus. Nagtaka ako kasi parang tao ng laman niyon kaya sinundan ko siya kung saan siya pupunta hanggang makita ko siya---" simula nito sa pagkukwento ngunit muli ring napahagulhol.
Hinimas niya ang likod ng katulong upang kumalma.
"Nakita ko siya, tawa nang tawa sa paanan ng bangin, wala na ang sasakyang gamit niya. Tapos narinig ko na lang na may sumabog sa bangin. Nagtaka ako bakit masaya siya gayo'ng nahulog sa bangin ang sasakyan ni Senyor. Nang usisain ko--n-nakita ko si--si Senyorita Lovan, wala nang malay habang nasa labas ng lumiliyab na sasakyan at umaagos ang dugo mula sa ulo at tadtad ng sugat ang buong katawan." Bigla na naman itong nanginig at napahagulhol.
Nakagat niya ang ibabang labi sa magkahalong galit at awa, galit para sa byenang babae at awa para sa kanyang asawa. Subalit hindi pa rin niya mapigilan ang sarili't nasuntok na ang manibela ng sasakyan.
"Binuhat ko siya hanggang makarating kami sa bahay ng kapatid ko. Nagmakaawa ako sa kanyang dalhin si Senyorita sa Manila at ipagamot duon. Pero hindi niya alam na siya si Senyorita Lovan. Ang sabi ko lang sa asawa niya, ginulpi ang bata ng mga magulang, naawa naman ako kaya tinulungan ko. Ampunin 'ka ko nila dahil wala naman silang anak at ibinigay ko ang kwintas sa asawa ng kapatid ko para ibigay kay Senyorita kapag nagising na siya. Pagkatapos no'n hindi ko na sila nakita pa hanggang sa--makita ko si Senyorita Lovan sa loob ng shuttle bus sa araw ng kasal niyo suot ang kwintas na 'yon," mahabang kwento ng yaya sa pagitan ng pag-iyak.
Mataman lang siyang nakinig.
Ngayon, nauunawaan na niya kung bakit napunta si Lovan sa walanghiyang lalaking umampon dito. Tama nga ang hula niya, nagka-amnesia ang kanyang asawa. Hindi nito alam na ito ang totoong Lovan Claudio.
"Nang malaman kung nasa ospital si Lovan, nagpapagamot, pinuntahan ko agad. Alam kong hindi siya 'yon pero nagulat ako nang pag-uwi niya, wala siyang ipinagkaiba kay Senyorita Lovan. Kahit ang boses niya, ang tangkad, parehas na parehas sila. Hanggang ngayon, hindi ko alam kung sino siya maliban na lang sa ugali niya na tulad kay Senyorita Shavy," pagtatapos ng yaya sa mahabang kwento.
Tila lantang gulay siyang napasandal sa backseat. Naniniwala siya sa salaysay ni Yaya Greta. Pero ito man ay hindi alam kung sino ang impostor na nakasama nila sa loob ng sampung taon. Liban kay Shavy, wala na siyang ibang pinaghihinalaan kung sino ang impostor na 'yon.
"Alam ba nilang buhay si Lovan?" wala sa sariling tanong niya.
Mabilis na umiling ang yaya. "Hindi po, Senyorito. Hindi nila alam. Ako at si Senyor lang ang nakakaalam," kompirma ng katulong, saka muling niyakap ang sarili sa takot.
Nagkaroon siya bigla ng lakas. Hindi pwedeng may makaalam sa sekretong iyon. Saka na siya maniningil sa mga may kagagawan ng lahat kapag nalaman na niya kung saan naroon ang impostor na Lovan Claudio. Sa ngayon, kailangan niyang masegurong ligtas si Lovan mula sa madrasta nito at sa mga taong may kinalaman sa nangyari sa aksidenteng iyon.