Chereads / The Stolen Identity / Chapter 60 - Ang Pakikipagharap Sa Byenan

Chapter 60 - Ang Pakikipagharap Sa Byenan

"Ano'ng ginagawa mo rito?" paasik na salubong sa kanya ng ina ni Zigfred. Hinawakan siya sa braso at hinila palapit sa pasilyo papunta sa kusina ng bahay.

"G-gusto ko pong makausap ang asawa niyo," pautal niyang sagot, bakas sa mukha ang takot.

"Lovan, iha. Akala ko sumama ka sa mama mo palabas ng bahay," tawag ng asawa nito, nakangiting lumapit sa kanila.

Pinakawalan siya agad ng ginang at gumanti ng ngiti sa asawa. "Akala ko nga din, nakauwi na siya. Mabuti naman at nagpaiwan siya. Teka lang at magluluto ako ng tanghalian para makakain ang manugang natin," anito, biglang bumait saka ngumiti sa kanya.

Nahihiya siyang gumanti ng ngiti at napasulyap sa asawa nito.

"Mabuti naman at naisipan mong magpunta rito," anang ginoo nang makalayo na ang ginang.

"Opo. Gusto ko po kayong makausap." Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa.

"Tungkol saan? Sa ginawang eksena ni Aeon sa canteen?" pakaswal na balik-tanong sa kanya.

Namula siya agad sa narinig. Alam na pala nito ang nangyari. Pero ramdam niyang hindi nito alam na hindi siya ang totoong si Lovan Claudio.

Hinawakan siya nito sa balikat.

"Pagpasensyahan mo na ang batang 'yon. Hindi kasi niya alam na ikaw ang asawa ni Zigfred. Ang akala seguro ay aagawin mo si Lenmark mula sa kanya," malumanay na saad ng ginoo, ibang-iba ito nang una niyang makita sa conference room.

Tipid siyang ngumiti. Wala nga itong alam na isa siyang impostor. Ang alam lang ay nagkukunwari siyang pangit sa paningin ng lahat.

"Hindi po 'yon ang ipinunta ko rito," pag-amin niya.

Sandali itong natahimik, tinitigan siya nang mariin.

Marahan niyang inilabas sa bag ang ibinigay ng ama ni Lovan Claudio at ipinakita sa ginoo.

Kunut-noo nitong kinuha iyon sa kanyang kamay.

"Ano 'to?" tanong sa kanya, sa papel nakatingin, inusisa kung anong nakasulat doon pero nagtaka nang wala itong makitang kahit ano.

"Ipinabibigay po ni papa sa inyo," sagot niya.

Biglang sumeryoso ang mukha nito, matagal siyang tinitigan nang mariin bago siya inayang magpunta sa mini-library nito. Tahimik lang siyang sumunod.

Sa loob ng library, tahimik siyang umupo sa visitor's seat sa harap ng work table na naroon habang ang ama ni Zigfred ay naghanap muna ng lighter at sinindihan ang papel. Nang may makita mula roon ay bigla itong natahimik, seryoso ang mukhang sumulyap sa kanya, pagkuwa'y napayuko.

Mayamaya'y tila naguguluhan nang napasulyap na uli sa kanya at biglang natulirong nagkalkal ng mga gamit sa loob ng drawer na naroon.

Nagtataka man sa ikinikilos ng ginoo'y hindi siya nagtanong. Ni hindi siya nag-usisa kung bakit kelan nito sinunog ang papel ay saka ito natuliro.

Pagkalipas ng halos sampung minutong pagkakalkal sa drawer ay umupo ito sa swivel chair sa tapat niya hawak ang isang bond paper at dinampot ang landline sa ibabaw ng mesa sa kanilang harapan.

Tahimik pa rin siyang nakikinig lang sa pakikipag-usap nito. Minsan, nagsasalita ito ng English. Minsan naman French, subalit madalas ay hindi na niya maunawaan ang iba pa nitong sinasabi. Ilang language ba ang alam nito? Gano'n din ba kadami ang lengwaheng alam ni Zigfred?

Matapos ang halos isang oras na pakikipag-usap nito sa kung kani-kanino sa iba't ibang lengwahe ay bumaling ito sa kanya sa wakas, inilahad ang isang black card na ATM.

"Give this to him," anito, sandali siyang tinitigan.

Siya nama'y tahimik pa ring inabot ang ATM. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakakita ng gano'ng klaseng card. May nakasulat sa harap niyon, BDO at sa kanang bahagi ay nakasulat naman ang WORLD ELITE.

Nakapangalan iyon kay Marcus Claudio, ang ama ni Lovan Claudio.

"I just wonder why for ten long years ay ngayon lang siya lumapit sa'kin," anang ginoo, mariin pa ring nakatitig sa kanya, para bang sa kanyang mukha nakasulat ang sagot sa tanong nito.

Sa halip na sumagot ay tumayo siya upang magpaalam na nang masegurong wala na itong sasabihin pa.

Ngunit pagkatalikod lang niya'y muli itong nagsalita.

"By the way, iha. Sinabi sa'kin ni Irene na nagresign ka raw sa trabaho. I won't allow it."

"Po?!" bulalas niya, sabay pihit paharap dito, nagtatanong ang mga matang tumitig sa ginoo.

"You're not allowed to resign just because of a nonsense issue," seryosong turan, pormal pa ang mukha habang nakatitig din sa kanya.

Bigla siyang nanlumo sa narinig, at the same time ay na-excite din. Ayaw naman talaga niyang mag-resign sa trabaho kung hindi lang siya nagtampo kay Zigfred.

"Remember this. You have to separate personal issues from your work para walang conflict na mangyari sa hinaharap," makahulugang payo sa kanya bago siya tuluyang umalis sa bahay na iyon.

------

Heto siya sa harap na uli ng building ng Arunzado Holdings Corporation, nakatingala sa rooftop kung saan madalas siyang maglagi kapag may problema siya. Buong araw niyang pinag-isipan ang lahat. Tama ang kanyang byenang lalaki, kailangan niyang ihiwalay ang kanyang personal na problema sa trabaho upang wala nang mangyaring gulo sa hinaharap. Siya ang asawa ng CEO ng kompanya. Hindi man siya ang totoong Lovan Claudio pero siya ang humarap sa altar kasama ni Zigfred. Hindi dapat siya nagpapatalo sa kahit kanino, sa personal man o sa trabaho.

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntunghininga upang palakasin ang loob, pagkuwa'y nagsimula nang maglakad papasok ng building.

Bigla ay tumalilis ang guard pagkakita sa kanya na para bang siya ang may-ari ng kompanya.

"Senyorita Lovan!" bati sa kanya sabay yukod.

Tipid siyang napangiti kahit nagtaka sa bigla nitong ikinilos. Bakit bigla itong natakot pagkakita sa kanya?

Pagkapasok lang niya sa loob ng building ay nagsihinto agad ang mga empleyado, bakas sa mga mukha ng mga ito ang takot.

"Good morning po, Senyorita Lovan!" sabay-sabay na bati sa kanya, sabay-sabay ding nagsiyukod.

Gulat siyang napatingin sa mga ito. Ilang beses na siyang dumaraan dito subalit hindi man lang siya napapansin ng mga ito. Pero bakit ngayong wala na siyang disguise ay parang reyna siya kung itrato? Ni wala man lang may balak na mag-taas ng mukha habang naroon pa siya.

Kahit nang sumakay siya sa elevator, walang may sumabay sa kanya. Gano'n din ang nangyari pagkalabas niya ng elevator hanggang sa pumasok siya sa IT department.

Nanlaki ang mga mata ng kanyang manager pagkakita sa kanya, ito man ay dali-daling yumukod sa kanya.

"Ako po ito, si Lovan Arbante, Ma'am," pakilala niya.

Pero nanatili lang itong nakayukod. Kaya napilitan siyang utusan itong mag-angat ng mukha upang kausapin siya.

Inaya siya nito sa loob ng opisina, pinaupo siya sa swivel chair nito habang ito'y nakatayo lang sa harap niya.

"Sinabi na po sa'kin ng chairman kahapon na babalik kayo, Senyorita. Kaya lang po, nag-aalangan akong baka hindi niyo po magustuhan ang department na 'to dahil sa nangyari sa canteen," simula nito, pormal ang boses, ingat na ingat magsalita.

Hindi na siya nakatiis at tumayo saka ito nilapitan.

"Mas gusto ko po dito, Ma'am. Babalik po uli ako bilang computer programmer. Huwag niyo pong isipin ang nangyari no'ng isang araw. Ayuko na pong pag-usapan y'on," sambit niya sabay yukod sa manager at nagsimulang humakbang palabas ng opisina.

"Umasa kayong walang maririnig sa department ko tungkol sa nangyari," pahabol nito bago siya makalabas.

Pinagmasdan niya ang buong paligid ng IT department. Tama si Crissy, hindi mahalaga sa mga naroon ang status ng mga tao. IQ ang pinagbabasehan ng mga ito sa pakikitungo sa isa't isa. Kaya walang pumansin sa kanya roon maliban sa manager at kay Crissy na kadarating lang.

Napanganga ito pagkakita sa kanya sa cubicle.

"Lovan!" bulalas nito. Nang masegurong kilala nga siya ay saka ito yumukod.

"Senyorita Lovan," pagtatama sa unang sinabi sabay.

Napahagikhik siya sa naging reaksyon nito't tinapik ito sa braso.

"Sira. ako ito, si Lovan Arbante--ahm, Claudio," pakilala niya.

Kahit na alam na nito ang nangyari nang nakaraang araw ay nagulat pa rin ito't nakanganga siyang pinagmasdan mula ulo hanggang paa saka siya mabilis na nilapitan na halos magkadikit na ang kanilang katawan.

"Ikaw ba talaga 'yan? Talaga bang ikaw ang asawa ni Sir Zigfred?" sunod-sunod na tanong.

Hinampas niya uli ito sa braso't bumalik sa pagkakaupo sa swivel chair at humarap sa computer.

"Disguise ko lang 'yong pangit kong mukha. Nakasanayan ko na kasing gawin 'yon kahit noong bata pa ako. Pero ngayon, nakapagdesisyon na akong ipakita ang totoo kong itsura," paliwanag niya.

Lumuhod ang dalaga sa kanyang harapan. "Pero bakit noong una kitang makita kasama si Sir Zigfred noon ay pinaluhod mo ako sa harap ng building nang mahigit apat na oras dahil lang sa hindi ako bumati sa'yo't tinawag kang Senyorita Lovan?" nagtatampo nitong usisa.

Gulat siyang bumaling rito.

"Ginawa ko 'yon?" balik-tanong niya.

Nakaismid na tumango ang dalaga.

Natahimik siya. Kaya pala takot ang nakabakas sa mga mukha ng mga empleyado kanina pagpasok niya ng building dahil takot ang mga itong mapagalitan niya bilang si Lovan Claudio. Gano'n pala ka-istrikta ang babaeng 'yon?

"Hindi mo ba 'yon natatandaan?" curious na tanong ni Crissy, nakaluhod pa rin sa harap niya.

"Ahh--oo natatandaan ko na pala. Inaway pala ako noon ni Zigfred dahil do'n kaya nag-promise ako sa kanyang magbabago na," sagot niya na lang.

Noon lang napangiti ang kausap saka umayos ng tayo.

"Kalimutan mo na 'yon. Basta huwag mo na uling gagawin 'yon, ha? Nakakatakot kasi kapag gano'n ang ugali mo. Para kang si Hitler," pabirong saad at nagmadali nang bumalik sa cubicle nito.

Hindi niya napigilang matawa sa sinabi nito. Pero mayamaya'y natahimik din siya at nagpokus sa trabaho.

Simula ngayon, pangangalagaan niya ang pangalang Lovan Claudio. Ayaw na niyang apihin ng kahit na sino sa kompanyang iyon, ayaw din naman niyang maging masama sa paningin ng ibang mga empleyado. Ipapakita niya ang totoo niyang ugali sa lahat.

Wala na siyang pakialam kausapin man siya ni Zigfred o hindi. Mas mahalaga sa kanya ang trabaho niya ngayon upang masuportahan ang pangangailangan ng kanyang papa. Mas maganda na nga ito. Malayo siya sa opisina ng lalaki, hindi sila magkikita kahit nasa iisang building lang.

Pero ewan, nakaramdam siya ng lungkot nang sumagi sa isip ang pangalan nito.

"Siyangapala, Lovan," pukaw na uli ni Crissy nang dumungaw sa cubicle nito.

"Usap-usapan sa labas na pagbalik ni Sir Zigfred mula middle east ay kasama na ang CEO ng isa sa mga subsidiary company sa Dubai. Totoo ba?" tsismis nito sabay tanong sa kanya.

Napatanga na naman siya.

'Nasa middle east si Zigfred? Ilang araw ito doon? Kelan ang balik?' Hindi niya maiwasang itanong sa isip ang mga bagay na 'yon.

"Hindi ko naitanong sa kanya eh," kaswal niyang sagot, pilit ang ngiting pinakawalan.

"'Pag bumalik si Sir next week, meron daw welcome party. Sasama ako sa'yo ha? Gusto kong makakita ng mga arabo. Mga gwapo daw kasi ang mga arabo eh," kinikilig na sambit nito bago biglang nagtago sa lungga nang makita ang paglabas ng manager mula sa opisina nito.

Natigilan siya. Next week pa pala babalik si Zigfred. Ano'ng araw pa lang ba ngayon? Matagal pa ang next week. Kahit pangit ang ugali ng asungot na 'yon, hindi pa rin niya ito maiwasang isipin.

Pero hindi niya pwedeng ipakitang namimiss niya ito. Tutuparin pa rin niya ang pangakong hindi na magpapakita kahit kelan. Hangga't kaya niya itong iwasan, iiwasan niya.