Chereads / The Stolen Identity / Chapter 58 - Dalawang Lovan Claudio

Chapter 58 - Dalawang Lovan Claudio

"Pakinggan mo ako, Zigfred. Hindi ako 'yan, maniwala ka." Mga salitang pilit na umuukilkil sa utak ni Zigfred habang tahimik na nakaupo sa driver's seat at pinagmamasdan si Lovan papasok sa inuupahan nitong apartment.

Kahit ilang beses niyang pakinggan ang recorder na ibinigay ni Avril sa kanya kung saan dinig na dinig ang masamang balak ni Lovan mahulog lang ang loob niya rito upang maangkin ang yaman ng kanyang pamilya, hindi niya kayang itangging boses ng kanyang asawa nga iyon.

Subalit may parte ng kanyang utak ang ayaw maniwala. May munting boses na nagsasabing hindi ito 'yon, na inosente ito, na walang itong alam sa nangyari kanina lang sa loob ng canteen.

Naguguluhan na siya. Ramdam niyang ito si Lovan, ang kanyang si Lovan. Pero bakit siya nagdadalawang-isip na magtiwala rito?

"Dude, hindi pa ba tayo aalis? Nakapasok na siya sa apartment," untag ni Jildon sa naglalakbay niyang isip.

Hindi siya tuminag man lang sa kainauupuan. Ano'ng gagawin niya? Kahit ipa-DNA test niya ito at alamin kung ano ang tunay nitong pagkatao, segurado siyang lalabas doon na ito nga si Lovan Claudio. Pero bakit iba ang ipinapakita nitong ugali ngayon kaysa noon bagong sila ikinasal? Hula niya'y nagka-amnesia ito. Pero bakit ito magsisinungaling sa kanya noon pa pagkatapos ng aksidenteng iyon? Hanggang ngayon, naaalala pa niya kung paano nitong isinalaysay ang nangyari dito at ni Shavy bago nahulog sa bangin ang sasakyang kinalululanan ng mga ito.

Pero ang nangyari dito noong nakaraang araw lang na bigla ay gusto nitong iuntog ang ulo sa sobrang sakit at ang sabi kay Lenmark, sinusumpong na naman ito ng sakit ng ulo, paano niya ipaliliwanag 'yon? Kahit nagbago ang pagtingin niya rito pagkatapos ng aksidente, hindi niya pa rin maitatangging walang ganoong sakit si Lovan. Never na nagsumbong ito na sinusumpong ng sakit ng ulo, liban na lang kung ang Lovan noon ay hindi ang Lovan ngayon.

Natigilan siya sa naisip, kunut-noong napariin ang titig sa kawalan.

Paanong ang Lovan noon ay hindi ang Lovan ngayon? Imposible 'yon. Ito si Lovan Claudio. Ito lang ang binigyan niya ng kwintas na 'yon, wala nang iba.

"Dude, nag-aalala ako para kay Lovan. Paano kung tutuhanin ng mama mo na ipakulong siya dahil naniniwala ang ina mo na ninakaw ni Lovan ang katauhan ng fiancée mo para lang mapalapit sa'yo?" muling wika ng kaibigan, sa labas ng apartment nakatingin.

Bumaling siya rito. Bakas sa mukha nitong totoong nag-aalala para sa kanyang asawa. Hindi nito alam na nagpa-DNA test na siya sa buhok nina Lovan at ng kanyang byenang lalaki upang patunayang ito nga si Lovan Claudio.

Tumingin ang kaibigan sa kanya. "Dude, ano'ng gagawin mo ngayon? Ang alam ko, nagpasa na siya ng resignation kay Irene," anang lalaki.

Muling dumako ang tingin niya sa apartment ng asawa.

Kailangan niyang alamin kung ano'ng nangyayari dito at kung ano'ng nangyari bago sila ikinasal. Bakit may picture si Lenmark sa babae na may kasamang ibang lalaki sa airport? No'ng time na 'yon, naroon na ito sa kanyang suite.

Paano kung totoo ang sinasabi nitong hindi ito ang babaeng nagsasalita sa recorder na kausap ang madrasta nito? Sino pala 'yon?

Inihilig niya ang ulo. Ang daming pumapasok sa kanyang utak.

What if, iba pala talaga ang babaeng nagsasalita sa recorder. What if dalawa pala talaga ang Lovan Claudio sa iisa lang identity? What if, isa pala sa dalawa ay impostor at ang isa ay ang totoong si Lovan? What if--

Natigilan siya sa naisip.

"Dude, ano kaya kung bago ka magpunta sa middle east ay kausapin mo muna siya, ayusin niyo ang problema niyong dalawa," suhestyon ng kaibigan.

"Dude, dumalo ka sa libing ni Shavy, hindi ba?" pakli niya sa kaibigan na biglang nagulat sa kanyang tanong.

"Oo, bakit?" maang na balik-tanong.

"Nakita mo ba ang mukha niya bago ilibing?" usisa niya. No'ng araw kasing inilibing si Shavy, nasa ospital siya, nagbabantay kay Lovan. Ni hindi niya nakita ang bangkay nito.

Sandaling natahimik si Jildon, nag-isip, pagkuwa'y kunut-noo pa ring tumitig sa kanya.

"Ang pagkakatanda ko, nasunog ang kanyang buong katawan kaya tinakpan siya ng kumot hanggang sa mailibing," kaswal na sagot nito.

Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa sinabi ng kaibigan. Ang tanda niya, hindi pumayag ang kanyang byenang lalaki na ipa-cremate ang katawan ni Shavy kahit sunog na ang ilang parte niyon.

Ilang beses siyang huminga nang malalim bago pinaandar ang makina ng sasakyan. This time, segurado na siya sa gustong gawin. Siya mismo ang huhukay sa ilang taon nang nakahimlay na katawan ng kinakapatid ni Lovan upang matiyak lang ang bagay na bumabagabag sa kanyang isip.

------

Isang oras nang nakaupo si Lovan sa gilid ng kama ng kanyang ama. Mula sa malamlam na liwanag na nagmumula sa lampshade na nakapatong sa bedside table ng kanilang kwarto ay pinagmamasdan niya ang mukha nitong mahimbing na natutulog.

Ano'ng mangyayari sa kanilang dalawa ngayon? Paano niya ito susuportahan sa gamot nito at sa sahod kay Ivory? Wala na siyang trabaho. Nag-resign na siya kanina nang makuha ang kanyang kwintas mula kay Zigfred. Nangako na siyang hindi na magpapakita rito kahit kelan.

Hinawakan niya ang kamay ng amang nakapatong sa dibdib nito, marahan iyong pinisil-pisil.

"Papa, 'sensya ka na. Wala na akong trabaho. Hindi na kita masusuportahan sa gamot mo," malungkot niyang usal.

Ngunit nagulat siya nang kumilos ito, kanina pa pala siya pinapakiramdaman.

Nakita niyang bumukas ang bibig nito ngunit ungol lang ang kanyang narinig, pagkuwa'y itinuro ang nakatupi nitong wheelchair sa tabi ng bedside table.

Tumayo siya, kinuha ang wheelchair at inilapit dito. Ito nama'y sumenyas na ibangon kaya't tinulungan niyang maisandig nito ang likod sa headboard ng kama.

Ang sabi ni Ivory kahapon, nakita nito ang amang nagsusulat sa papel, saka itinago sa ilalim ng wheelchair.

Muling itinuro ng ama ang wheelchair kaya tumalima siya at kinapa ang ibabaw ng upuan niyon ngunit wala siyang nakapa, kinapa na uli ang ilalim ng upuan ngunit wala siyang maramdamang nakaumbok doon.

Nang bumaling siya sa ginoo ay nakangiti ito, tila natutuwa siyang pagmasdan habang kinakalikot niya ang upuan ng wheelchair.

Binuksan na niya ang ilaw sa loob ng silid saka binalikan ang wheelchair, lumuhod sa harap niyon at pinagmasdan iyong mabuti. Duon niya lang napansin ang munting button sa ilalim ng armrest niyon. Nang pindutin niya ay bumukas ang tila lagayan ng battery sa tabi ng button. Nalantad sa kanya ang sinasabing sulat na ginawa ng ama kahapon.

"Papa," baling niya rito, tumayo at muling umupo sa gilid ng kama paharap sa ama.

Hindi nito inaalis ang ngiti sa mga labi habang dahan-dahang inaabot ang kanyang kamay na nakahawak sa papel, tila ba sinasabing basahin niya.

Binasa nga niya.

'My little tulip, I know what you're going through. Papa is just here.'

Ewan niya, bigla na lang tumulo ang kanyang mga luha sa simpleng mensaheng iyon hanggang sa hindi na niya mapigilan ang sarili't gumapang palapit sa ama't saka ito niyakap nang mahigpit.

"Papa," tangi niya lang nasambit at yumugyog na ang mga balikat, napahagulhol sa balikat nito. Ito nama'y dahan-dahang iniyakap ang mga braso sa kanyang likod, marahang inihimas ang isang palad doon upang i-comfort siya, para bang sinasabing, 'Sige, umiyak ka lang hanggang gumaan ang pakiramdam mo. Andito lang si papa, hindi ka pababayaan.'

Iyon nga ang kanyang ginawa. Lahat ng sama ng loob niya kay Zigfred ay ibinuhos niya sa pag-iyak hanggang sa gumaan ang kanyang pakiramdam at siya na mismo ang kumawala mula sa pagkakayakap dito.

Muling ngumiti ang kanyang ama, itinuro na uli ang papel na sandali niyang binitawan.

Pa-squat siyang umupo sa ibabaw ng kama paharap dito at tahimik na binasa ang isinulat nito sa papel.

'My little tulip, my only reason to survive. It's good to see that you're brave enough to face this vast world alone. My only child, help me take back what was originally ours.'

Lito siyang napabaling sa ginoo. 'My little tulip.' Iyon din ang special na tawag nito sa kanya. Marahil iyon talaga ang tawag ng dalawa sa totoong Lovan Claudio.

Nakaramdam siya ng guilt. Hindi niya kayang magsinungaling sa ginoo habambuhay. Kaya ngayon pa lang, nakapag-decide na siyang magsasabi ng totoo dito.

"Papa, sorry po. Hindi po ako ang totoo niyong anak. Napagkamalan lang po ako ni Zigfred na siya. Hindi ko po alam kung nasaan ang anak niyo. Pero promise po, hahanapin ko siya para sa inyo," pagtatapat niya, muling gumaralgal ang boses habang nakayuko.

Ngunit umungol ito nang malakas. Nang mag-angat siya ng mukha ay pumapatak na ang mga luha nito habang paulit-ulit na umiiling, saka muling hinawakan ang kanyang kamay at inilagay sa dibdib nito.

Tuluyan nang namalisbis ang kanyang mga luha sa awa para rito habang ramdam niya ang pagpipilit nitong magsalita ngunit ungol lang ang kanyang naririnig.

Mayamaya'y ito na mismo ang dumampot sa papel at sinenyasan siyang tapusin iyong basahin.

"Pumunta ka sa papa ni Zigfred. Ipakita mo ang maliit na papel na kasama nito. Alam na niya ang gagawin pagkatapos. Sundin mo lang siya kung ano ang sasabihin sa'yo."

Lito siyang bumaling rito, pagkuwa'y hinanap sa loob ng pinagkuhanan niya ng papel ang sinasabi nitong maliit na papel na kasama niyon.

May nakatupi ngang papel, maliit lang, ngunit nang buklatin niya ay wala namang nakasulat roon.

Pinagmasdan niya ang ekspresyon ng mukha ng ama. Sa nakikita niya'y hindi ito nagbibiro lang. Pero paano niya ipapakita ang papel na iyon kung wala namang sulat? Paano niya mapapaniwala ang ama ni Zigfred na galing nga iyon sa ginoo?

Ah--bahala na. Susunod na muna siya. Ano man ang mangyari pagkatapos niyang sumunod, saka na lang niya iisipin ang sunod na gagawin.