Chereads / The Stolen Identity / Chapter 56 - Mapagkunwari

Chapter 56 - Mapagkunwari

Heto si Lovan, tila lutang na nakatitig sa kawalan habang nakatayo sa loob ng elevator papunta sa suite ni Zigfred. Si Lenmark nama'y tahimik lang ding pasulyap-sulyap sa kanya. Ngunit nang makalabas na ng elevator ay hindi ito nakatiis na hindi siya kausapin.

"Lovan..." untag nito sa katahimikan.

Hindi siya sumagot, tahimik lang na naglakad hanggang huminto sa tapat ng suite ni Zigfred at kumatok sa pinto.

Sa totoo lang, hindi niya na alam kung ano pa'ng iisipin at gagawin pagkatapos ng pag-uusap nila ng ina ng lalaki. Ayaw nitong mapalapit siya sa anak nito pero ayaw din nitong umalis siya sa kompanyang pinagtatrabahuan.

Napakagat-labi siya. Ang gusto lang naman niya'y mabawi ang sariling kwintas at magkaroon ng trabaho upang hindi siya umasa sa kahit na kanino.

"Lovan, you can stay at my new condo if you like," presenta ng kaibigan, hinawakan na ang magkabila niyang balikat upang humarap siya rito.

Isang pagod na ngiti ang kanyang pinakawalan.

"Okay lang ako, Lenmark. Huwag mo akong alalahanin. Magkita na lang tayo sa kompanya bukas. Gusto ko muna kasing magpahinga," tugon niya, nagpakawala ng isang malalim na buntonghininga.

"Lovan..." nag-aalalang usal ng binata.

Eksakto namang bumukas ang pinto ng suite, dumungaw mula roon si Ivory.

"Good day po, Mrs. Arunzado," bati sa kanya.

Nagsalubong agad ang kilay ni Lenmark. Isang payak namang ngiti ang kanyang iginanti saka bumaling sa binata.

"Sensya na, hindi na kita aayaing pumasok sa loob," prangka niyang sambit.

Pigil ang ngiting pinakawalan nito.

"You can call me anytime if you need help," anito.

Tumango lang siya bilang tugon at nagmadali nang pumasok sa loob ng suite. Naiwan ang binatang muling nagsalubong ang mga kilay, mayamaya'y umalis na rin.

"Ivory, ito na ang huling duty mo rito para alagaan si papa. Babayaran ko na lang ang mga araw na ipinasok mo ngayong buwan," baling niya sa nurse na napanganga sa pagkagulat.

"Pero bakit po? Hindi niyo ba nagustuhan ang serbisyo ko sa papa niyo? Ma'am, kung nalalakihan kayo sa isinasahod niyo sakin, kahit gawin niyo na lang po akong minimum. Napalapit na po kasi sa'kin ang papa niyo. Tsaka honest naman po ako sa inyo, ano po ba'ng inayawan niyo bigla sa'kin?" mahaba nitong pakiusap, gumaralgal bigla ang boses.

Tinitigan niya ito sa mata, napansin niya ang pamumula niyon, namuo agad ang mga luha sa gilid ng mga iyon.

Nakaramdam siya ng awa para rito pero wala naman siyang sapat na pera para ipasahod dito. Nakapag-decide na siyang umalis sa suite na iyon at dalhin na lang ang kanyang papa kahit saan siya nagpunta. Hahanap na lang siya ng taga-alaga rito habang nagtatrabaho siya.

"Pasensya na pero hindi na kita kailangan," pagtatapat niya.

Tuluyan nang pumatak ang luha nito sabay hawak sa kamay niya.

"Senyorita Lovan, nakikiusap ako. Kahit hindi niyo ako sahuran ngayon, okay lang. Basta maseguro ko lang po na maayos ang lagay ng alaga ko," pakiusap nito.

Tumaas bigla ang kilay niya sa paraan ng pagtawag nito na tila ba sanay itong tawagin siya nang gano'n.

Nakaramdam siya ng awa rito lalo na nang impit na itong umiyak.

"Kahit 500 lang ang isahod ko sayo sa isang araw, okay lang?" paniniyak niya.

"Kahit 200 lang po, basta maalagaan ko lang po ang papa niyo at masegurong ligtas siya," anito.

Muli niya itong tinitigan. Bakit pakiwari niya'y malalim na ang koneksyon nito sa kanyang itinuring nang ama? O baka dahil naaaawa lang ito sa ginoo?

"O sige. Pakiayos na lang ng mga gamit niyo ni Papa. Aalis tayo rito ngayon din." Sa wakas ay pumayag na rin siya.

Bumakas agad ang tuwa sa mukha ng nurse. Agad itong tumalima at pumasok sa kwarto ng alaga, ni hindi man lang nagtanong kung bakit sila aalis sa lugar na iyon.

Nag-iwan lang siya ng sulat kay Zigfred na umalis na siya at nagpasalamat sa mga bagay na ipinagkaloob nito sa kanya. Pero wala siyang balak na ibalik ang mga iyon dito, ginamit pa rin niya kahit ang bigay nitong motor. Sina Ivory lang at ang kanyang papa ang pinasakay niya sa taxi.

--------

"Hi! Mabuti andito ka na," bungad agad ni Crissy nang makita siyang kapapasok lang sa kanyang cubicle. Nakadungaw ito sa sariling cubicle.

Kahapon pa siya nagpaalam sa manager na mali-late pasok dahil pupunta siyang bangko upang mag-withdraw over the counter nang makabayad siya ng advanced payment sa bago nilang inuupahang apartment malapit lang sa pinapasukang kompanya.

"Bakit, hinanap ba ako ng manager?" baling niya sabay upo sa swivel chair, inilapag ang bag sa mesa at binuksan ang computer.

Pinagulong ni Crissy ang inuupuang swivel chair upang makalapit sa kanya.

"Gurl, kanina pa pabalik-balik dito si Sir GM. Seguro may gusto 'yon sa'yo," tudyo nito, namumungay ang mga mata habang nakangiti sa kanya.

Napahagikhik siya sa narinig, umirap sa kausap.

"Sira, bestfriend ko 'yon. Gano'n lang 'yon sa'kin," katwiran niya pero kinalabit pa rin siya nito sa tagiliran habang patuloy ang panunudyo.

"Naku, Lovan. Maniwala akong wala siyang gusto sa'yo. Ang gwapo kaya niya. Kahit na hindi ka kagandahan pero matalino ka naman, bagay kayo," dugtong nito.

Lalo siyang napahagikhik sa narinig sa halip na mainsulto, itinulak na ang swivel chair nito para bumalik sa sariling cubicle.

"Magtrabaho ka na. Mamaya makita tayo ni Ma'am Irene," saway niya rito.

Kahit nang bumalik ito sa cubicle ay nakakaloka pa rin ang mga ngiting ipinukol sa kanya. Hindi tuloy niya maiwasang mapailing.

Pero hindi si Lenmark ang laman ng kanyang isip kahapon pa, kundi si Zigfred. Nasaan na ang lalaki? Bakit kahapon pa ito hindi tumatawag? Hindi man lang magpakita sa kanya, magpaliwanag kung bakit basta na lang siyang inilipat sa IT department. Ni hindi nag-usisa kung bakit wala na sila ng ama sa suite nito. Tuluyan na ba siya nitong kinalimutan?

Napabuntunghininga siya. Sa isang banda, maganda rin 'yon kung tutuusin. Baka nga naniwala na itong hindi siya ang totoong si Lovan Claudio at ibalik na sa kanya ang kwintas. Kapag nangyari 'yon, siya na mismo ang lalayo rito.

Subalit hindi niya maiwasang malungkot. Aminin man niya o hindi, nahulog na ang loob niya sa lalaki simula nang mangyari ang drama niya sa loob ng banyo.

"Lovan!"

Sa lalim ng iniisip ay bahagya lang niyang narinig ang tawag na 'yon ng pamilyar na boses.

Napatayo siya agad pagkakita kay Miss Aeon sa harap ng kanyang cubicle.

"Good noon po, Ma'am!" bati niya sabay yukod, sa isip ay nagtataka kung bakit ito naroon.

"You mind if I invite you for lunch?" tanong sa kanya.

Gulat siyang napatitig dito. Hindi siya nito ka-close pero bakit inaaya siyang mag-lunch?

"Wala kasi si Lenmark, kaya ikaw muna ang chaperon ko ngayon," nakangiti nitong dugtong nang mapansing nag-aalangan siyang tumango.

Napasulyap siya kay Crissy na nakadungaw na naman sa cubicle nito, nakikiusyoso. Pagkuwa'y agad din niyang ibinalik sa boss ang tingin, marahang tumango at nahihiyang ngumiti.

"Come with me." Mabilis na tumalikod si Aeon at nagpatiuna nang lumabas ng department.

Siya nama'y dinampot agad ang bag at isinukbit sa balikat.

Isang kibit-balikat lang ang isinagot niya sa nagtatanong na mga mata ni Crissy at mabilis na ang hakbang na sumunod kay Miss Aeon palabas ng department.

Sa malaking canteen ng building na iyon siya dinala ng babae, kung saan libre ang pagkain doon. Sa kilos nito, halatang sanay na itong kumain sa lugar na iyon. Nakikipagbiruan din ito sa mga naroong empleyado na para bang hindi ito isa sa mga director ng kompanya.

Chicken pot pie, tetrazzini at dalawang basong cold-pressed juice ang napili nilang pananghalian na kung tutuusin ay snack lamang iyon sa kanya pero dahil nahihiya siyang makita nito kung gaano siya katakaw kumain ay magda-diet na lang muna siya ngayon.

Inukupa nila ang bakanteng mesa sa gitna ng canteen.

"Dito kami ni Lenmark kumakain kapag madami kaming work," simula ng dalaga habang ngumunguya ng chicken pot pie.

Tetrazzini naman ang sa kanya.

Tumango lang siya at tipid na ngumiti, pagkuwa'y panaka-nakang sumulyap sa mga empleyadong naroon na panay ang bulungan habang pinagmamasdan silang dalawa lalo na siya. Para tuloy silang naging center of attraction sa loob ng canteen, ang kasama lang pala niya, siya--center of distraction.

"Alam mo bang mga bata pa lang kami ni Lenmark ay ipinagkasundo na kaming pakasal ng mga magulang namin?" patuloy nito sa pagkukwento na para bang hindi niya alam ang bagay na iyon.

Hindi naman talaga niya alam na ito pala ang sinasabi ni Lenmark na gf nitong co-worker.

Tipid na uli siyang ngumiti nang sumulyap dito, pagkuwa'y muling sumubo ng tetrazzini at sumimsim ng juice.

Subalit bigla siyang kinabahan nang marinig ang malalim na buntunghininga nito. Napatitig siya sa dalaga habang humihiwa ito ng isang slice ng chicken pot pie gamit ang kutsara pagkuwa'y ngumiti sa kanya.

"Ikakasal na sana kami sa sunod na buwan pero bigla siyang umatras. May pakakasalan na daw siyang iba." Biglang lumungkot ang mukha nito sabay subo sa kinakain.

Nakaramdam siya ng awa para sa babae. Wala siyang gaanong alam sa lovelife ni Lenmark. Hindi naman kasi ito makwento. Pero alam niyang nakipag-break ito sa gf dahil sa crush nito noong college sila. Meron pa nga itong picture ng huli sa loob ng wallet nito.

Subalit kung ikukumpara ang crush ng kaibigan kay Miss Aeon, 'di hamak na mas maganda ang kasama keysa sa una.

Tumigil ang kasama sa pagnguya at tumitig nang mariin sa kanya. Siya nama'y hahawakan na sana uli ang baso ng juice nang hawakan nito ang kanyang kamay.

"Lovan, pwede bang makiusap sa'yong kausapin mo si Lenmark? Mahal ko siya. Handa akong maghintay kung kelan niya ako mamahalin uli basta ituloy lang namin ang aming kasal," pakiusap sa kanya sa nagmamakaawang tinig, sumasabay kahit ang malamlam nitong mga mata.

Sandali siyang natahimik. So, iyon pala ang dahilan kung bakit siya nito niyayang kumain sa canteen, para pakiusapan siyang kausapin ang kanyang kaibigan upang magkabalikan ang dalawa.

"Sinabi niya sa'king awa lang ang nararamdaman niya sa'yo dahil kahit noon pa man ay kinukutya ka na ng mga tao. Pero hindi ko akalaing uurong siya sa kasal dahil nakikiusap ka raw na mahalin ka niya."

Bigla siyang namutla sa narinig. Pakiramdam niya, binuhusan ang mainit niyang katawan ng napakalamig na tubig, subalit ano't biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata lalo na nang makita ang mga empleyadong napadako lahat ang tingin sa kanila?

'Hindi! Hindi iyon totoo!' gusto niyang isigaw sa lahat. Ngunit wala siyang lakas na sabihin 'yon.

Ni hindi nga siya makapaniwalang iyon ang lalabas sa bibig ng kausap, wala siyang ideya kahit sa hinagap man lang.

Bigla niyang nahila ang kamay mula sa dalaga nang makabawi, nagpakurap-kurap upang pigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata sa sobrang pagkapahiya.

Sa ugali ng dalaga, ang alam niya, hindi ito ang klase ng taong magpapahiya sa kapwa at gagawing kasuklam-suklam ang isa ring babae sa harapan ng lahat. Pero nagulat siya sa sinabi nito. Hindi tuloy niya alam kung sinadya nitong dalhin siya roon upang marinig ng lahat na siya ang naghahabol kay Lenmark kaya napilitan itong umurong sa kasal.

Hindi! Hindi siya naniniwalang sinabi iyon ni Lenmark sa dalaga. Pero hindi rin siya naniniwalang magagawang magsinungaling ng huli sa kanya. Kahit noong una niyang makita si Miss Aeon, mabait na ito sa kanya lalo nang malamang bestfriend niya ang boyfried nito.

"Ang kapal ng mukha ng mukhang unggoy na 'yan. Akala naman niya papatulan siya ng general manager," narinig niyang bulong ng isang babaeng nakaukupa sa mesa sa kaniyang likuran.

Lalo siyang namutla sa pagkapahiya.

"Wow, ha. Baka pinikot niya si Sir Lenmark kaya nakipag-break kay Ma'am Aeon," saad naman ng isang babae sa isa pang mesa sa kanyang tabi.

Gusto na niyang mapaiyak nang mga sandaling iyon lalo't hindi alam kung paanong ipagtatanggol ang sarili.

Bigla siyang napatayo nang tumayo si Miss Aeon at walang anumang lumuhod sa kanyang harapan.

"Nakikiusap ako, Lovan. Huwag mong agawin sa'kin ang lalaking pinakamamahal ko," garalgal na ang boses nito habang nakatingala sa kanya.

Hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha sa mga mata.

Bakit siya nito ipinapahiya sa lahat sa gano'ng paraan? Wala siyang alam na dahilan upang gawin iyon sa kanya. Wala silang relasyon ni Lenmark. Magkaibigan lamang sila.

Subalit ang mapanghusgang tingin ng mga empleyado sa kanya ay sapat na upang ipaalam sa lahat kung gaano siya kasama. Ano ba'ng ginawa niyang kasalanan para ganito sa mangyari sa kanya?

Kung pwede lang maglahong parang bula sa paningin ng mga naroon, kung meron lang siyang kapangyarihang gawin iyon ay ginawa na niya kanina pa.

Kagat-labi siyang napatingin sa palibot at lalong nanliit sa sarili nang iisa ang ekspresyon ng mga mukha ng mga empleyado pati mga manggagawa sa canteen na nakiusyoso na rin sa drama ni Miss Aeon.

Subalit nagulat siya nang biglang may humawak sa kanyang kamay sabay kabig palapit dito at hinablot ang makapal niyang wig dahilan upang malantad sa lahat ang makintab niyang buhok na umabot na hanggang beywang.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang masilayan ang mukha ng gumawa niyon.

"Why is my tulip crying?"