Excited na pinagmasdan ni Lovan ang sarili sa whole body mirror sa bagong kwartong ibinigay ni Zigfred sa kanya. Iniregalo na nito sa kanya ang maluwang nitong kwarto at inilabas ang mga gamit nito at inilipat sa mini-library, maliban lang sa kama at malaki nitong closet.
Sa totoo lang, kahit saan pa ito malipat ay wala siyang pakialam. Ang mahalaga ay may sarili siyang silid, sariling mga gamit at bagong mga damit na pumuno sa buong kabinet.
Binilhan rin siya ng lalaki ng bagong wig, pinagawan ng mas malaki pang nunal at isang atache case ng puro make-up upang magamit niya sa pagpapapangit ng mukha.
Pero ang suot niyang office attire ay naaayon pa rin sa standard ng kompanya. Isa iyong cream long sleeve sweetheart neck chiffon blouse na ini-tucked in niya sa itim na slacks. No worries, sinabi na ni Zigfred kahapon pa kung ano'ng suot nito ngayon pati kulay ng sapatos. Cream din na flat shoes ang kanyang isinuot.
Napangiti siya nang maalala ang lalaking iyon. Mula nang mangyari ang pagdadrama niya tatlong araw na ang nakararaan at palipatin siya sa dati nitong kwarto ay hindi pa sila nagkakausap nang maayos.
Nang lumabas siya mula sa kwarto ng ama'y hindi na niya naabutan pa si Lenmark. Kung ano man ang napag-usapan ng dalawa ay gusto niyang alamin ngayon dahil simula nang araw na iyon, ay hindi na uli niya nakita pa si Zigfred ngunit palagi itong tumatawag sa kanya sa phone upang kumustahin kung okay lang siya. Gano'n din ang ginawa ni Lenmark.
Pagkababa sa parking lot ay malapad ang ngiting hinanap ng kanyang paningin ang binili ni Zigfred na Rusi Gala, kasingkulay ng motor na binili ng kanyang mama noon.
Halos takbuhin niya ang kinaroroonan niyon at agad na kinuha sa sling bag na dala ang susi at excited iyong pinaandar.
Tulad ng ginagawa noon, mabagal lang siyang magpatakbo ngunit tiyak ang rotang dinaraanan at nang makarating sa building na pinapasukan ay hinanap niya sa parking area ang kotse ni Zigfred ngunit wala iyon, ibig sabihin, wala pa doon ang lalaki. Ini-park niya ang motor sa gilid malapit sa may elevator.
Sinipat niya ang relong suot ng nasa loob na siya ng elevator. Twenty minutes bago mag-alas otso. Tamang-tama iyon, sa opisina siya maghihintay kay Zigfred. Aminin man niya o hindi, excited siyang makita ang mukha nito. Curious siya kung nakapag-ahit na ba ito ng bigote, kung ano ang itsura nito ngayon. Kasinggwapo ba ito ng baritono nitong boses kapag kausap niya sa phone o higit pa doon?
Ginamit niya ang tahimik na lobby upang makapunta sa opisina ng lalaki ngunit nang pihitin niya ang door knob, naka-lock iyon. Ibig sabihin, kahit si Jildon ay hindi pa dumarating. Okay lang, hihintayin na lang niya sa labas.
Nang tingnan niya ang loob ng HR department, mangilan-ngilan lang din ang mga employee na naroon. Masyado yatang napaaga ang kanyang pagdating pero okey lang, tiniis niya ang halos tatlong linggong hindi nakapasok sa trabaho. Balewala sa kanya ang twenty minutes na pagtayo sa labas ng opisina ni Zigfred at paghihintay ng pagdating nito kasama ang mga direktor at ni Jildon na naging close na sa kanya mula nang palagi itong bumibisita sa suite habang nasa suite siya nang ilang linggo.
Ten minutes before eight o'clock, puno na ng empleyado ang loob ng HR department, madami na nga ang nakikiusyoso't nakatingin sa kanya, seguradong pinagtsitsismisan siya ng mga ito.
Ang sabi ni Jildon, huwag daw siyang mag-alala't wala raw nakakita sa totoo niyang mukha sa birthday party ng ina ni Zigfred. Hindi raw kumalat sa social media ang sex scandal ni Lovan Claudio kaya wala siyang dapat ipag-alala ngayon. Malaya siyang makakakilos sa kompanyang iyon nang hindi siya napagkakamalang si Lovan Claudio.
Exactly eight o'clock in the morning nang magsipagtayo sa gilid ng hallway ng department ang mga empleyado. Biglang kumabog ang kanyang dibdib sa kaba. Sa wakas, makikita na niya ang kanyang asawa.
Inayos niya ang suot na damit. Gusto niyang maging presentable sa paningin nito kahit pangit ang kanyang mukha.
Halos lumundag sa tuwa ang kanyang puso nang makita sa glass wall ng HR department si Zigfred na tila haring naglalakad kasama ang mga bigating direktor habang nagpakayuko ang mga empleyado sa mga ito lalo sa kanyang asawa.
Napakagat-labi siya, pigil ang ngiting gustong kumawala sa kanyang mga labi at nang tuluyan na itong makalabas ng HR department ay agad siya napayukod bilang paggalang sa mga boss niya. Huminto sa harap niya ang lahat.
Dahan-dahan naman siyang nag-angat ng mukha.
Subalit ang kaninang excitement ay biglang napalitan ng pagkalito nang makita si Miss Yhanie sa mismong tabi ni Zigfred at sa likod ng dalawa ay si Jildon na pormal ang mukha habang iwas ang tingin sa kanya.
Litong napasulyap siya kay Zigfred ngunit walang emosyong makikita sa mukha nito at tuloy-tuloy na pumasok sa loob ng opisina pagkatapos na buksan ni Jildon ng pinto niyon.
Kumirot bigla ang kanyang dibdib sa naging reaksyon ng lalaki. Kagabi lang ay ramdam pa niya ang tuwa nito habang kausap siya sa phone. Bakit ngayo'y para na siyang estranghera, ni hindi siya sinulyapan man lang?
"Good morning po, Sir!" lakas-loob niyang bati bago ito pumasok sa loob ng opisina ngunit hindi ito lumingon man lang.
"Oh, good morning Lovan," nakangiting bati ni Miss Yhanie, ang tamis ng ngiting iyon na sinuman ay hindi mag-aakalang isa iyong kapalstikan.
"Good morning po, Ma'am," ganti niyang bati kahit na may kung ano'ng nakabara sa kanyang lalamunan.
Nang bumaling siya sa mga direktor, sabay-sabay ang mga itong nag-alisan.
"Nice meeting you here after almost two weeks ng sick leave mo," anito at marahan siyang hinampas sa braso na para bang mag-close sila.
"Ang swerte mo talaga. Kahit ikaw ang pinakabago dito pero pumayag pa rin si Sir na mag-sick leave ka. Welcome back. Okay ka na ba?" malambing nitong saad.
Pilit siyang ngumiti ngunit hindi makatingin nang deretso dito.
Sick leave pala ang ginawang dahilan ni Zigfred sa ilang linggo niyang pagkawala doon.
"By the way, ipapaalam ko lang sa'yo na ako talaga ang secretary ng CEO. Inutusan ko lang si Jildon na sabihin sa'yong ikaw ang iti-train niyang secretary dahil kumalat ang video namin ni Zigfred sa social media at ayaw niyang malaman ng lahat na may relasyon kaming dalawa," pabulong na pagbibida ng dalaga bago matamis ang ngiting tumalikod sa kanya.
Naiwan siyang tila naging tuod sa kinatatayuan, hindi halos magawang huminga sa natuklasan.
"By the way, sinabi ko na kay Jildon na ilipat ka sa IT department tutal ay computer programming naman ang natapos mong kurso," kaswal nitong wika nang muling lumingon sa kanya.
Hindi siya nagsalita, ni hindi niya halos marinig ang sinabi nito. Ibang-iba ang babaeng ito nang una niyang makita. Ngayon at tila ito isang reynang batas ang bawat bigkasing salita. Ni walang pag-aalinlangan sa tono ng pananalita nito.
"What do you think, Lovan?" basag sa kanyang katahimikan.
Ilang beses siyang lumunok at nagpakurap-kurap upang pigilan ang luhang gustong kumawala sa kanyang mga mata. Nang makabawi'y nag-angat siya ng mukha at nakangiting bumaling rito.
"Thank you po, Ma'am," tugon niya, hangga't maaari ay ayaw niyang mahalata nitong sobrang sakit ng kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon.
Nang buksan nito ang pinto sa opisina ay tinawag si Jildon.
"Jildon, bring Lovan to her new department," utos nito sa HR manager na minsan ay hindi niya ginawa noong nasa posisyon siya nito.
"Yes, Ma'am." Narinig niya ang tila maamong tutang pagsagot ni Jildon sa dalaga na lalo niyang ikinapanghina.
Nang lumabas si Jildon sa opisina ay hindi na niya hinintay na makalapit pa ito, agad na siyang tumalikod at nagpatiunang naglakad papunta sa elevator.
Nagmadaling sumunod sa kanya ang lalaki, sa harap ng elevator siya inabutan.
"Lovan, believe me. I don't know anything about this," pampalubag-loob na pahayag nito.
"It's okay," nakangiti siyang humarap dito, pilit na itinago ang sakit ng dibdib at sama ng loob.
Tinitigan siya nito, inarok ang totoo niyang damdamin. Nakipagtitigan naman siya upang mapanatag ang isip nito. Saka lang ito nakahinga nang maluwang.
"Kasalanan 'to ng Avril na 'yon," wala sa sariling sambit nito.
Nagkunwari siyang walang narinig at agad na pumasok sa bumukas na elevator.