"Kuya, wala na po bang ibibilis ang takbo ng motor niyo?" untag niya sa driver ng Angkas na sinasakyan.
Hindi ito sumagot, sa halip ay halos paliparin na ang minamanehong motor. Sa pagkakataong iyo'y wala nang pakialam si Lovan kung gaano iyon kabilis, ang mahalaga'y makarating agad siya sa pupuntahan.
Ilang oras din siyang naglibot sa tatlong mall para lang makahanap ng wig na kahawig ng sa dati niya at ng gagawing fake na nunal. Bumili na rin siya ng itim na shoulder bag bago napagdesisyunang sumakay na lang sa Angkas.
Laking pasalamat na lang niya't nangyari nga ang kanyang gusto nang hindi sila nadidisgrasya. Bago magtanghali ay nakahinto na sila sa tapat mismo ng building na pinag-aplayan noong nakaraang araw.
Buong limandaang piso na ang kanyang ibinigay sa driver at hindi na kinuha pa ang sukli.
"Salamat po ma'am," nakangiting saad ng driver.
Isang ngiti din ang kanyang isinagot saka mabilis ang mga hakbang na tinungo ang maluwang na pinto ng matayog na building na sa tantya niya'y nasa bente ang mga palapag niyon.
Subalit sa pagkadismaya niya'y ayaw siyang papasukin ng guard dahil wala raw siyang valid ID.
"Sir, hindi niyo po ba ako natatandaan? Ako po 'yong nag-apply dito kamakalawa lang bilang ugly secretary," pakilala niya, tagaktak na ang pawis sa noo. Maliban kasing sobrang init ng panahon ay stress pa siya't wala talagang balak ang guard na papasukin siya sa loob.
"Sensya na po ma'am. Pero kailangan niyo pong sumunod sa policy ng kompanya. No ID, no entry po kami," giit ng kausap, sinadya pang iharang ang katawan sa kanyang harapan.
Naisabunot niya ang kamay sa buhok. Buti lang at hindi natanggal ang kanyang wig.
"Manong, please naman, oh. Kailangan ko pong makapasok sa loob. Baka hinihintay na po ako ng nag-interview sakin," pagmamakaawa niya, sadya pang pinalungkot ang mukha, maawa lang sa kanya ang guard.
"Sino po ba ang nag-interview sa inyo?" usisa pa nito.
Lalo siyang nanggigil sa inis. Paano nga'y hindi naman niya natanong kung ano'ng pangalan ng interviewer na 'yon. Isa pa'y hindi naman niya akalaing mangyayari ang insedente sa mall kaya nawala ang kanyang mga valid ID.
"Manong, ganito na lang po. Pumasok na lang po kayo sa loob at pakitanong sa counter kung may appoinment po si Lovan Arbante at kung may naghahanap po ba sa kanya," lakas-loob niyang pakiusap rito. Baka sakali sumunod ito.
"Lovan?"
Bigla ang tila paglaki ng butas ng kanyang mga tenga sa narinig na boses ng tumawag sa kanyang pangalan kasabay ng pagpihit niya paharap dito.
At nang magtama na ang kanilang paningin ay kusang umawang ang kanyang bibig sa pagkagulat sa nakita.
"Lovan! Is that really you?" hindi rin makapaniwalang bulalas ng kaharap.
Ilang segundo siyang nawalan ng tinig habang matagal na nakatitig sa pamilyar na mukhang iyon.
Maya-maya'y naitakip niya ang kanang palad sa bibig.
"Lenmark? Ikaw ba talaga 'yan?" paniniyak pa niya.
Sa mahabang taon nilang pagkakaibigan ng binata, ngayon niya lang ito nakitang naka-office attire. He wore a navy blue three-piece suit with silk necktie and black oxford shoes! Ibang-iba sa Lenmark na kilalang bakla ng kanyang ama. Lalaking-lalaki ang tindig nito sa dignified outfit. Muntik na nga niya itong mapagkamalang may-ari ng isang kompanya.
Bakas sa mukha ng binata ang kakaibang tuwa nang masegurong siya nga iyon. Muntik na nga siya nitong mayakap kung hindi ito nakapagpigil, sa halip ay hinawakan na lang ang kanyang kamay.
"Look at you! I thought nasa Novaliches ka." Pigil ang matamis nitong ngiti pero parang ayaw pakawalan ang kanyang kaliwang kamay, marahang pinisil ang kanyang palad, walang pakialam sa guard na pinaglipat-lipat na ang tingin sa kanilang dalawa.
Namula siya bigla, hindi alam kung paano lulusutan ang kasinungalingang tinahi niya noon.
"Ah--" Alanganin siyang ngumiti. "Hindi ako tumuloy. Nag-resign na lang ako. Ang layo pala ng pagdadalhan sakin, sa Neuva Viscaya pa," pagsisisnungaling niya uli.
Inakbayan siya ni Lenmark at inaya sa loob ng building.
Takang napatingin siya sa guard na himala't binati pa ang kasama ng "Good morning, Sir."
'Di man lang nito hiningi ang ID ng huli.
Isang tipid na tango lang ang iginanti ng binata.
"Kilala ka niya? Dito ka din pala nagtatrabaho?" sunud-sunod niyang tanong.
Mahina itong tumawa saka pinitik ang kanyang ilong patunay na sobra itong natuwa pagkakita sa kanya.
"Alam mo bang umiyak ako pagkauwi ko ng bahay noon? Akala ko kasi hindi na kita makikita pa," pakaswal nitong sambit.
Mahina siyang napahagikhik sabay kurot sa tagiliran nito. Gano'n pa rin ito kung magbiro, pakaswal lang pero may laman.
Hindi nito inalis man lang ang braso sa kanyang balikat hanggang sa mapatapat sila sa counter at makilala siya ng employee na nag-interview sa kanya.
Ilang beses na itong napaparuo't parito sa lugar na iyon, halatang balisa subalit nang makita siya'y nagliwanag agad ang mukha.
"Miss Arbante!" Nakilala siya ng babae't agad na lumapit sa kanila.
Noon lang umayos ng tindig si Lenmark, inalis ang braso nito sa kanyang balita saka naging seryoso ang mukha.
Ang empleyado nama'y yumukod muna sa binata. "Good morning, Sir," bati pa sa lalaki bago bumaling na muli sa kanya.
"Good morning po, Ma'am!" bati niya kasabay ng pagpakawala ng isang matamis na ngiti.
"May I have her, Sir?" paalam nito kay Lenmark. Ang huli nama'y bumaling muna sa kanya.
"Dito ka ba nag-apply ng panibagong trabaho?" usisa ng binata sa kanya.
Agad siyang tumango. "Oo, secretary ang inaplayan ko."
Nangunot bigla ang noo nito ngunit hindi nagsalita lalo nang hawakan na siya sa kamay ng employee na nag-interview sa kanya noon saka dinala sa 10th floor ng building.
"Akala ko, hindi ka na darating. Buti na lang hindi pa rin dumarating si sir," untag ng babae sa sandaling katahimikan habang nasa loob sila ng elevator, pagkuwa'y sumulyap sa kanya.
"Basta 'pag nakita ka ni sir mamaya, huwag kang magpapapansin. Ayaw ni sir ng nagpapa-cute sa trabaho. Ayaw din niyang tinititigan siya. Bawal kang lumapit sa kanya kapag hindi ka niya tinatawag. Tsaka higit sa lahat, ayaw niya nang tatanga-tanga. Kailangang smart ka sumagot lalo kapag isinasama ka sa mga meeting at conference," mahaba nitong bilin sa kanya.
Napansin niyang pinagpapawisan din ang noo nito kahit malamig naman sa loob ng elevator, halatang kinakabahan. Pakiramdam niya, mas nati-tense pa nga ito kesa sa kanya gayon'g siya haharap sa boss nito.
"Oo," tipid niyang sagot, tila nahawa na din dito't nagsimula nang kumabog ang dibdib.
"Masungit ba ang magiging boss ko?" Hindi niya maiwasang mag-usisa.
Mapakla ang ngiting pinakawalan nito.
"Hindi naman. Bihira lang siyang magsalita. Bihira ka lang ding utusan," sagot sa kanya.
Maang siyang napatingin dito.
"Bihira lang pala siyang magsalita, pero bakit po para yatang takot kayo sa kanya?" tanong niya uli.
"Oo nga, bihira lang siyang magsalita. 'You're fired' lang naman ang sasabihin sa'yo kapag kinausap ka niya," pakaswal lang ang sagot nito pero nahuli pa rin niya ang paglunok nito ng laway, patunay na kinakabahan nga.
Napamulagat siya sa narinig, napaayos ng tindig paharap sa pinto ng elevator. Paano kung hindi pa man siya nagsasalita upang ipakilala ang sarili'y 'yon agad ang lumabas sa
bibig ng kanyang magiging amo? Paano na siya 'pag nagkagano'n?
Wala sa sariling napisil niya ang sariling mga palad.
"Masama ba ugali ng boss mo?" Biglang lumabas sa kanyang bibig.
Napatitig sa kanya ang kasama, magkasalubong ang mga kilay. Nang magtama ang mga mata nila'y alanganin siyang napangisi. Nakadungaw kasi sa mga mata nito ang gustong sabihin, 'Kanina ko pa nga sinasabi sa'yo 'di ba? Masama talaga ang ugali niya, kaya nga kita pinapayuhan kung ano'ng gagawin mo!'
Hindi na tuloy niya alam kung ano'ng sasabihin pa kaya minabuti na lang niyang manahimik.
Isang tahimik na lobby ang bumungad sa kanila pagkalabas lang sa elevator. Dere-deretsong naglakad ang kasama hanggang sa pumasok sa isang maluwang na Human Resource Department. Tahimik lang siyang nakasunod.
Napansin niya agad ang mga empleyadong nagtayuan sa kani-kanilang cubicle at naghabaan ang mga leeg sa pagtanaw sa kanila, ang karamihang babaeng empleyado'y nagpakangiwing nakatingin sa kanyang mukha.
"Yak! Ang pangit pala talaga ng kinuha ni sir," sambulat pa ng isang babae sa 'di-kalayuan.
Hindi siya nag-react, as if walang narinig at tahimik lang na sumunod sa kasama hanggang sa may sumalubong sa kanilang isang magandang babae, saka lang din sila huminto sa paglalakad.
"Is this Miss Arbante?" tanong ng babae sa kanyang kasama.
"Yes, Ma'am," sagot ng tinanong.
Binati na rin niya ang babaeng sa hula niya'y head ng department na iyon. Sa suot nitong puting long sleeve button down lace blouse na may bow knot collar at naka-tucked in sa kulay itim na pencil skirt na hindi umabot sa tuhod ang haba, masasabi niyang pasado itong maging fashion model. Napatitig siya sa bra nitong kitang kita sa suot na lace blouse, halatang may pinapakitaan ng seksing katawan.
Pinaikutan siya ng babae, sinipat mula ulo hanggang paa saka tinitigang mabuti ang suot niyang kulay grey na long sleeve chiffon blouse at itim na slacks pants. Itim na flat shoes naman ang kanyang ipinares sa damit. Hindi pa man natatapos sa pagsisiyasat sa kanyang katawan ang babae'y bigla na lang nagkagulo ang lahat ng nasa paligid.
"Andito na siya! Andito na siya!" tarantang hiyaw ng isang bakla sa 'di-kalayuan.
Awtomatiko siyang napatingin sa bakla ngunit hindi roon natuon ang kanyang atensyon kundi sa lalaking naglalakad sa likod nito.
'Oh my! Bakit narito ang hambog na 'to?!' sigaw ng kanyang isip, hindi maiwasang mapanganga sa pagkagulat.