Chereads / The Stolen Identity / Chapter 20 - Instinct

Chapter 20 - Instinct

Ilang minutong palakad-lakad si Lovan sa loob ng kwarto ni Zigfred habang pinag-iisipan ang gagawin para lang mapapayag itong ibalik sa kanya ang kwintas nang makaalis na siya sa lugar na iyon pero sa sinabi nito kanina, lahat seguro ng pabor ay magagawa nito sa kanya maliban lang sa pagsasauli ng kanyang kwintas.

Gigil na naipameywang niya ang mga kamay saka matalim na tumingin sa saradong pinto.

"Grrrr! Ang mayabang na 'yon! 'Kala mo kung sinong hari! Naku! Sarap sapakin!" gigil niyang sambit saka muling nagparuo't parito sa loob ng kwarto.

Bakit ba kasi hindi pa nagpapakita ang totoong jowa ng hambog na 'yon para maniwala na itong hindi nga siya ang una? Na mukha lang at pangalan ang magkatulad sa kanila pero magkaiba sila ng katawan at personalidad.

Sinipat niya ang suot na relo. Alas otso, iyon ang nakasaad doon. Nang hawiin niya ang makapal na kurtinang nakatabing sa glass window malapit sa kama'y nakita niyang maliwanag na sa labas, ibig sabihin, umaga pa lang. Isang araw na ang dumaan mula nang ikasal sila ni Zigfred.

Tinanaw niya mula roon ang labas ng bahay, halos malula nang makita ang nagpapaligsahang mga building sa tayog at ang mga sasakyan sa babang tila mga langgam na lang na umuusad sa maluwang na highway.

Saka niya naalala ang City Garden Hotel. Baka nasa suite siya ng lalaki.

Lumayo siya sa bintana at tinungo ang pinto ng silid. Kailangan niyang makabili ng wig at makagawa ng bagong nunal para makabalik sa kompanyang tumanggap sa kanya sa trabaho at gusto siyang pabalikin ngayong araw.

Sandali siyang natahimik nang mapansin ang suot na maluwang na T-shirt at medyo maluwang ding jogging pants. Hula niya'y pag-aari ito ni Zigfred. Wala bang damit man lang doon ang totoong jowa ng lalaki?

Inihilig niya ang ulo. Wala siyang pakialam sa dalawang 'yon. Ang mahalaga ngayo'y makapasok siya sa bago niyang trabaho.

Dali-dali siyang lumabas ng silid upang hanapin sana si Zigfred ngunit namangha nang bumulaga sa kanyang harapan ang maluwang na sala, marahil ay kasing lawak iyon ng kanilang buong bahay.

Sa kisame ay nakasabit ang isang malaking modern crystal chandelier. Sa baba niyon ay ang european furniture living room sofa set at sa gitna ay may four-seaters glass coffee table.

Sa likod ng sofa set ay ang makapal at malapad na kurtinang nakatabing sa glass wall ng suite.

Kung tama ang hula niyang nasa City Garden Hotel sila, lawak pa lang ng salang kinatatayuan, masasabi na niyang mayaman ang nakatira roon. Ilan kaya ang kwarto roon---isa, dalawa, tatlo? Liban pa sa library at kusina? Ilan ang banyo? May banyo ba sa bawat kwarto?

Napangiti siya at hinanap ng tingin ang posible niyang maging kwarto subalit sa halip na silid ay si Yaya Greta ang nahagip ng kanyang paningin. Kalalabas lang nito sa nakabukas na pinto sa kanang bahagi ng sala.

"Yaya Greta!" tawag niya sabay kaway rito upang lumapit sa kanyang kinatatayuan.

Subalit sa halip na lumapit ay muli itong pumasok sa pintong nilabasan nang makita siya, halatang iniiwasang magkrus ang kanilang landas.

Gigil siyang napahampas sa hangin. Kailangan niyang mabawi ang kwintas at makaalis sa lugar na iyon. Pero paano?

Nilingon niya ang kwartong nilabasan. Imposibleng nasa loob niyon ang kanyang hinahanap. Segurado siyang hawak iyon ni Zigfred. Kung mananatili siya sa lugar na iyon, hindi na siya makakapasok pa sa kompanyang tumanggap sa kanya sa trabaho.

Nanlulumo siyang napabuntunghininga. Bahala na, aalis siya sa lugar na iyon. Kailangan niyang makapasok sa trabaho. Subalit nang maalalang kahit piso ay wala siya't hindi na rin niya makita ang sling bag na dala kahapo'y lalo siyang pinanghinaan ng loob saka napaupo sa carpeted na sahig at wala sa sariling napatitig sa kawalan.

"Anak, ano'ng ginagawa mo dito sa sala?"

Bigla siyang napamulagat pagkarinig sa tinig na iyon, napatayo uli nang makita ang kanina'y nakilalang mommy ng totoong si Lovan.

"Baka mabinat ka niyan. Ang sabi ng doctor, kailangan mo daw munang magpahinga nang ilang araw," nag-aalalang saway nito sa kanya.

Napangiti siya, hindi sa sinabi nito, kundi dahil sa naisip gawin. Sa ginang na ito siya hihingi ng pera para makaalis na roon.

Subalit naagaw ng tulak-tulak nitong wheelchair ang kanyang atensyon. Sandaling nangunot ang kanyang noo pagkakita sa nakangiting lalaking nakabuka ang bibig at gustong magsalita ngunit walang lumalabas mula roon maliban sa malakas na ungol.

"Gusto ka munang makita ng Papa mo bago kami bumalik sa Sorsogon," patuloy ng ginang habang dahan-dahang ipinupwesto ang wheelchair sa kanyang harapan.

Tipid siyang ngumiti lalo nang mapansing pilit na iniaangat ng ginoo ang kamay para hawakan siya subalit biglang nanindig ang kanyang mga balahibo nang hindi makita sa nakabuka nitong bibig ang dila.

'Bakit walang dila ang lalaking ito?'

Nahintakutan siyang napaatras bagay na ikinalungkot ng nakaupo sa wheelchair.

"See, I told you. She doesn't want to talk to you," nakaarko ang kilay na saad ng ina ni Lovan sabay yukod sa asawa pala nito.

Pinaglipat-lipat niya ang tingin sa dalawa at nang akmang tatalikod na ang ginang ay lakas-loob siyang nagsalita.

"B-bigyan niyo po muna ako ng pera. Wala akong dala rito." Muntik na siyang pumiyok nang sabihin iyon sabay lunok ng laway.

Naisip niya, paano kaya kung sabihin niya ang totoong hindi siya ang anak nito? Subalit paneguradong hindi siya nito bibigyan ng pera kapag nalaman nitong hindi nga siya ang totoong si Lovan. At baka hindi na rin maibalik sa kanyang ang kwintas. Kaya sa halip na magtapat ng katotohana'y naidasal niyang hindi nito mahalatang isa siyang impostor.

Sandali siyang tinitigan ng kausap, agad siyang napayuko nang maramdamang naninimbang ang mga titig nito. O baka nakahalata nang hindi siya ang totoong si Lovan?

"Look at you. Kung kelan naging asawa ka na ni Zigfred, saka ka naman nawalan ng pera. Saan mo na naman ba naiwan ang wallet mo?" Nakasimangot na sambit nito, ilang beses na umirap sa kanya bago kumuha ng limanlibong piso sa pouch nitong nakaipit sa kilikili.

Hindi siya sumagot lalo't hindi niya alam ang sasabihin. Pero tuluyan nang lumapad ang kanyang ngiti pagkaabot nito sa pera.

"Salamat po. Babayaran ko din 'to pag nagkapera ako," usal niya sa nakaarko pa rin ang kilay na ginang.

"O, siya. Kausapin mo muna itong ama mo't may kukunin lang ako sa kabilang suite," paalam nito at walang lingon-likong naglakad palabas ng pinto.

Naiwan siyang tinutupi ang perang ibinigay ng huli, pagkuwa'y napasulyap sa lalaking nanatili lang nakatitig sa kanya, nakangit subalit nakalarawan sa mga mata ang lungkot.

Ang sulyap lang sana'y naging titig nang makaramdam ng awa para dito, awang nagdulot ng kalungkutan hanggang sa makita na lamang niya ang sariling nakaluhod na sa harapan nito.

"Bakit wala kayong dila? Nag-stroke ba kayo?" curious niyang usisa.

Natigilan ito, hindi seguro inaasahan ang taong na iyon. O baka nalaman nitong hindi si ang totoo nitong anak. Kinabahan tuloy siya.

Subalit sa sobra niyang pagtataka'y biglang pumatak ang luha nito sa mga mata at pilit na iniangat ang nanginginig na mga kamay upang haplusin ang kanyang kanang pisngi.

Ewan, pakiramdam niya tumatagos sa kaibuturan ng kanyang puso ang impit nitong iyak, nag-iiwan ng sugat sa kanyang dibdib hanggang sa maramdaman niyang sumasakit na iyon kaya't agad siyang napatayo at nagmadaling humakbang palapit sa pinto subalit bago pa iyon binuksan ay nilingon niya ang ginoong patuloy pa rin ang pagpatak ng luha sa mga mata.

Ilang segundo pa'y binuksan na niya ang pinto at akma nang lalabas nang bigla na lang kumuwala ang isang hikbi sa kanyang bibig.

Hindi! Hindi niya kayang iwan mag-isa ang ginoo. Dala ng awa ay bumalik siya at muling lumuhod sa harapan nito.

"Tahan na po. Huwag na kayong umiyak," pang-aalo niya sabay pahid ng mga luha sa pisngi nito. Siya na rin ang kusang humawak sa nanginginig at malamig nitong kamay, pinisil-pisil iyon hanggang sa maramdaman niyang umiinit ang palad nito.

Bumukas-sumara ang bibig ng lalaki subalit walang salitang lumalabas mula roon, lalo tuloy siyang nakaramdam ng awa. Pakiwari niya, ito ang kanyang papa at hinihiling na manatili siya sa harapan nito at huwag aalis doon.

"Aalis lang po ako saglit pero babalik din po ako. Promise, babalik ako. Kakausapin uli kita pagbalik ko," pangako niya at bago pa tuluyang pumatak ang namumuong luha sa mga mata'y nakatayo na siya at nagmadaling lumabas sa suite na iyon.