Nagising si Lovan sa mahinang kaluskos malapit sa kanyang kinaroroonan.
Dahan-dahan siyang nagdilat ng mga mata, inikot ng tingin ang buong paligid, pagkuwa'y nangunot ang noo nang mapansing nasa isang estrangherong kwarto siya.
Napako ang tingin niya sa pinaghalong kulay azure at puting kisame patunay na lalaki ang may-ari ng silid na iyon. Kahit ang mga dingding ay gano'n din ang kulay maliban sa mga appliances at furnitures na nasa loob niyon.
"Lovan, gising ka na pala."
Naagaw ng tinig na iyon ang kanyang antensyon at agad napabaling sa nagsalita.
Ang nakangiting mukha ng babaeng umagaw ng kanyang kwintas ang tumambad sa kanyang paningin.
"Ang kwintas ko! Asan na ang kwintas ko?" agad niyang usisa at akmang babangon ngunit nagmadali itong lumapit sa kama't pinigilan ang kanyang mga balikat na gumalaw.
"Ang sabi ng doktor, ilang araw ka raw walang tulog dahil sa stress kaya pinagpapahinga ka muna ngayon," anang ginang, tila walang narinig sa kanya.
"Asan ang kwintas ko? Ibalik niyo sa'kin 'yon!" pangungulit niya't tinapik ang mg kamay nitong nakahawak sa magkabila niyang balikat.
Bumangon siya't isinandal pansamantala ang likod sa headboard ng maluwang na kamang pati bedsheet at kumot ay kasingkulay ng dingding.
Umayos nang tayo ang ginang, tinitigan siyang mabuti, pagkuwa'y napalitan ng lungkot ang kanina'y masayang mukha.
"Hindi iyon dapat nasa 'yo," saad nito.
"Ano?" Taka siyang napatingin dito, salubong ang mga kilay na hinanap sa mukha ang ibig nitong sabihin pero wala siyang makita roon malibang kalungkutan.
Tinanggal niya ang makapal na kumot sa katawan at dahan-dahang ikinilos ang mga paa sa gilid ng kama, bumaba mula roon saka humarap sa ginang na nagsimulang makaramdam ng pagkatuliro.
"Sabihin mo sa mayabang na lalaking amo mo, ibalik sa'kin ang kwintas!" utos niya rito sabay turo sa saradong pinto.
Nanlaki ang mga matang muling tumitig sa kanya ang babae, napansin niya agad ang pagpatak ng luha sa mga mata nito sabay hawak sa nanlalamig pa niyang mga kamay dahil sa malakas na aircon sa loob ng kwarto.
"Lovan, maniwala ka sa'kin. Hindi mo dapat suot ang kwintas na 'yon," giit sa kanya.
Biglang kumulo ang kanyang dugo sa sinabi nito ngunit maya-maya'y napatitig na rin sa huli nang mahulaan niyang alam nitong hindi siya ang nobya ni Zigfred.
"Kilala mo ako? Alam mong hindi ako si Lovan Claudio, 'yong jowa ng amo mo?" bulalas niya, biglang sumilay ang ngiti sa mga labi.
Sa wakas, meron na ring nakakaalam na hindi nga siya ang totoong nobya ni Zigfred.
Subalit sa halip na tumango ay ano't namutla itong bigla? Ngunit wala siyang panahong alamin ang nasa isip nito. Ang gusto niyang mangyari'y makaharap si Zigfred at utusan ang babaeng ipagtapat sa lalaking hindi nga siya si Lovan Claudio. Subalit nang hawakan niya ang braso nito upang hilahin palabas ng kwarto at hanapin si Zigfred ay agad itong pumiglas.
"Halika, samahan mo ako sa amo mo. Sabihin mong hindi ako ang jowa niya," pangungulit niya, muling hinawakan ang braso nito.
Nasa gano'n silang ayos nang bigla na lang bumukas ang pinto ng silid at iniluwa roon ang lalaking gusto niyang kausapin.
He wore a fleece jogger pants and a white shirt, ang isang kamay ay nakahawak sa dala nitong envelope.
Sandali siyang natameme nang makita ang mukha nitong kahit nasa bahay lang at nakasuot ng pambahay ay gwapong-gwapo pa rin.
'Hey, Lovan! Parang ngayon ka lang nakakita ng gwapo!' saway niya sa sarili, pinilit na i-focus ang isip sa gustong sabihin at gawin.
"Hoy, mister! Patutunayan ko sa'yong hindi ako si Lovan. Kahit ang katulong mo'y alam na hindi nga ako ang jowa mo," simula niya nang walang anumang tumingin rito.
Subalit sa gulat niya, biglang kumawala ang katulong sa kanyang pagkakahawak at kusang isinubsob ang sarili sa sahig.
Taka siyang napabaling dito.
"Senyorita Lovan, tama na po. Inaamin ko pong kasalanan ko ang lahat dahil itinago ko ang sleeping pills niyo bago ang araw ng kasal," umiiyak na bulyahaw ng ginang, parang batang umiyak sa kanilang harapan.
"Ano?!" sambulat niya, litong napatingin pabalik dito. Ano'ng sleeping pills ang sinasabi nito?
Nang muli siyang bumaling sa lalaki'y nagtatagis na ang bagang nito sa tinitimping galit, halos lamukusin ang hawak na envelope.
"T-teka lang, wala naman akong ginawa--" pagtatanggol niya sa sarili habang palipat-lipat ang tingin sa lalaki at sa ginang ngunit hindi na natapos ang sasabihin nang masilayan ang mukha ng sopistikadang babaeng nakita niya sa kasal.
"That's enough, Manang Greta!" sabad nito, sa katulong nakatingin.
Lalo siyang nalito. Sino ba talaga ang babaeng ito? Ina ba ni Zigfred? Pero bakit nang sulyapan niya ang lalaki'y lalo lang tumigas ang mukha nito, ni hindi sinulyapan ang nagsalita.
Nagpatuloy sa pag-iyak ang katulong pero nang lapitan ng bagong dating at aluin ay tumigil na rin.
"Huwag mo nang patulan ang alaga mo. Kilala mo naman siya, mainitin lang ang ulo pero napagsasabihan mo naman, 'di ba?" pag-aalo pa sa katulong.
Gusto niyang sumabad sa usapan, maipagtanggol man lang ang sarili sa nangyari subalit mang muling sulyapan ang lalaking matalim pa rin ang tingin sa kanya'y ni hindi na niya maibuka man lang ang bibig.
Maya-maya'y lumapit sa kanya ang sopistikadang babae, hinawakan siya sa kamay, bahagya iyong pinisil-pisil saka ngumiti sa kanya.
"Anak, may asawa ka na ngayon. Hindi ka na bata para mag-tantrums dahil lang sa itinago ni Yaya Greta mo ang sleeping pills. Natatakot lang siyang hindi ka nga magpunta sa kasal, baka sabihin ng pamilya ng asawa mo, totoong ayaw mong makasal sa kanya," sa malumanay na boses ay paliwang sa kanya ngunit ramdam niya ang kahalong pang-uuyam sa huling sinabi, halatang pinariringgan ang lalaki sa tabi nito.
Gusto na niyang himatayin uli nang mga sandaling iyon. Paano'y wala talaga siyang maunawaan kahit kunti lang sa nangyayari. Dalawa lang ang tumatak sa utak niya, na ina ni Lovan Claudio ang babaeng nakahawak sa kanya at yaya ng babaeng iyon ang katulong na si Greta.
Maya-maya'y sa lalaki naman ito bumaling ngunit nakahawak pa rin sa kanyang kamay.
"Zigfred, iho. Pagpasensyahan mo na itong anak ko. Alam mo namang spoiled brat ito't nag-iisang anak lang namin ni Marcus," nakangiting saad sa lalaking hindi tumango o ngumiti man lang bilang tugon.
Subalit hindi nawala ang composure ng ginang, nakangiti pa rin kahit napahiya saka tinawag si Greta upang sumamang lumabas sa kwartong iyon.
Nakatungo namang sumunod ang yaya at nagmadaling lumabas ng silid.
Naiwan silang dalawa ni Zigfred.
Sandaling katahimikan...
Pakiramdam niya, umurong ang kanyang dila pagkaalis lang ng dalawa. Ano't bigla siyang nawalan ng lakas ngayon para komprontahin ang kanyang asawa kuno?
Subalit nang bahagyang ihampas ni Zigfred ang hawak na envelope sa kanyang braso ay saka lang siya tila natauhan at napapitlag.
"A-ano 'to?" taka niyang usisa, sa wakas ay nagawa na niyang makapagsalita.
Pero hindi ito sumagot, nagsimula lang maglakad palapit sa kama at inayos ang lukot niyong beddings.
Curious niyang binuksan ang envelope, inilabas ang dalawang pahinang bond paper sa loob at wala sa sariling naglakad palapit sa lalaki sabay upo sa gilid ng kama.
Gulat siyang napatingin sa huli, pagkuwa'y sa bond paper.
Mga rules ng lalaki ang nakaprint sa papel. Nakasaad roong walang karapatan si Lovan Claudio na pakialaman ang personal nitong buhay at lalong hindi ito pumapayag na magsama sila at mahiga sa iisang kwarto. Limited lang din ang lugar na pwedeng puntahan ng babae sa bahay na iyon, hindi ito pwedeng pumasok sa kwarto ng lalaki lalo na sa library nito.
Hindi rin sila pwedeng mag--
Napalunok siya sa nabasa. Ayaw ng lalaking may mangyaring intimate relationship sa pagitan ng mga ito at ng jowa.
Sa totoo lang, napaka-weird niyon para sa kanya pero dahil hindi naman siya si Lovan Claudio ay mas natuwa pa siya doon. At least safe siya sa piling nito, hindi tulad kay Francis, adik na, manyak pa.
Lihim siyang napasulyap sa lalaking ingat na ingat na pinupinasan ang ilalim ng lampshed sa ibabaw ng bedside table gamit lang ang palad.
"What say you?" tanong sa kanya, para bang alam nitong dito siya nakatingin nang mga sandaling iyon.
Namula bigla ang kanyang magkabilang pisngi, agad na ibinalik sa hawak na papel ang paningin.
"Payag ako pero sa isang kondisyon," biglang lumabas sa kanyang bibig.
Natigil ito sa ginagawa, hindi marahil inaasahan ang agad niyang pagpayag.
"Hindi ka rin mangingialam sa personal kong buhay at papayagan mo akong lumabas ng bahay at magtrabaho at makihabilo sa mga katrabaho at kaibigan ko lalaki man sila o babae," walang gatol niyang turan.
Napasulyap ito sa kanya, bahagyang kumunot ang noo.
Sandaling katahimikan...
"Deal!" tugon nito pagkuwan saka ibinigay sa kanya ang ballpen na dinukot nito sa bulsa ng jogging pants.
Hinablot niya iyon at ipinatong sa kanyang mga hita ang envelope saka nagmadaling isinulat sa papel ang kanyang kondisyon sa ilalim ng mga rule nito. Pagkatapos ay saka niya iyon pinirmahan at ibinalik sa lalaki. Ito naman ang pumirma.
Nakangiti pa siyang nakatingin dito habang pinipirmahan nito ang papel. Madali lang naman pala itong kausap ay kung bakit hindi nito kusang ibigay sa kanya ang kwintas?
Nawala bigla ang ngiti sa kanyang mga labi nang maalala ang kwintas.
"Teka lang! Isasali ko ang kwintas ko, kailangan mong ibalik sa'kin 'yon!" Nanlalaki ang mga matang inagaw niya ang papel.
"Except that," tipid nitong salungat, hinablot muli ang papel.
"Ano? Nakapa-unfair mo naman. Akina na ang kwintas ko! Hindi ako mapakali kapag wala sa leeg ko 'yon," giit niya, pinalungkot pa ang mukha, umaasang maaawa ito sa kanya't ibabalik ang kanyang kwintas.
Pero sa halip na pumayag ay hinablot sa ibabaw ng kanyang hita ang envelope at walang sabi-sabing naglakad palapit sa pinto ng silid.
Napatayo siya. "Hoy! Zigfred, ano ba!" hiyaw niya.
Bago nito buksan ang pinto ay bahagyang lumingon sa kanya.
"By the way, I need you out of my room," malamig na utos bago tuluyang binuksan ang pinto at lumabas mula roon.
Naiwan siyang nakasimangot, ginulong muli ang inayos nitong kumot.
"Walanghiya! Mayabang! Arogante! Magnanakaw ng kwintas!" gigil niyang sigaw habang pinaghihila ang beddings ng kama nito. Sabi na nga ba niya't ang mayabang na 'yon ang may-ari ng silid na kinaroroonan niya.