Lovan, anak! Nakabihis na kami ng papa mo at papunta na sa venue ng kasal ni Madison. Nakabihis ka na rin ba? Aabangan kita sa labas ng simbahan, ha?" bungad agad ng madrasta ni Lovan pagkarinig lang ng kanyang boses sa kabilang linya.
Napahagikhik siya, sa tono kasi ng pananalita nito'y parang mas excited pang makita siya sa kasal kesa sa anak nitong maglalakad sa aisle sa araw na iyon.
Halos wala siyang tulog kagabi sa kakaisip kung paanong makatatakas kay Francis. Ngayon nga'y medyo masakit ang kanyang ulo sa puyat ngunit gumaan pa rin ang kanyang pakiramdam pagkarinig sa sinabi ng madrasta.
"Oho, Ma. Nakabihis na rin ako. Tumawag lang ako para ipaalam na papunta na rin ako sa venue ng kasal," nakangiti niyang sagot.
"Sige na anak, pumunta ka na roon at aantayin ka namin ng papa mo sa labas. H'wag kang magpapa-late ha?" huling sinabi nito bago pinatay ang tawag.
Hindi mawala ang kanyang ngiti sa labi kahit nang iabot sa landlady ng boarding house na inuukupahan ang ginamit niyang phone. Hanggang ngayon kasi'y wala pa rin siyang phone kaya't humiram na lang muna siya dito.
Pagkatapos niyang magpasalamat ay tumalikod na ito't pumasok sa maliit nitong tindahan sa harap ng boarding house.
Sinipat muna niya ang damit na binalikang bilhin kahapon sa mall, pagkuwa'y lumabas na ng gate at nag-abang ng bus.
Kusang bumukas ang pinto ng bus nang pagkaraan nang sampong minuto ay huminto iyon sa kanyang harapan. Tinanaw muna niya sa loob kung puno iyon ng pasahero pero halos wala iyong sakay kaya nagmadali siyang pumasok at nang makaupo na sa bandang likod ng driver ay saka niya sinabi sa konduktor ang lugar na bababaan.
Nagtanong-tanong na siya kagabi pa sa mga ka-boardmate kung papaanong makapuntang Intramuros. Sasakay daw ng bus papuntang Edsa. Mula roon ay aakyat siya sa flyover patawid sa kabilang kalsada. Pagkababa niya ay may sakayan ng jeep papuntang Intramuros subalit lalakarin na lang daw niya papunta mismo sa San Agustin Church.
Gan'on nga ang kanyang ginawa at sumakay na uli ng jeep papuntang Intramuros.
Pagkahinto ng jeep sa may kanto malapit sa San Agustin Church ay nagmadali siyang bumaba ng sasakyan, hinimas ng palad ang hula niya'y nalukot na parte ng damit sa kanyang pwetan bago nagsimulang maglakad paunahan papunta sa kinaroroonan ng San Agustin Church.
Subalit anong gulat niya nang mula sa likuran ay mayroong biglang humawak sa kanyang braso.
"Ayy! Sino--" Hindi na niya natapos ang sasabihin nang sa paglingon niya'y masilayan ang mukha ng nakangising si Francis, tagaktak ang pawis sa noo, wari bang kanina pa nakatayo sa gilid ng kalsada malapit sa hinintuan ng sasakyan upang abangan ang kanyang pagdating.
Nanlalaki ang mga matang napatitig siya dito. Gusto man niyang sumigaw upang humingi ng tulong ay hindi niya nagawa sa sobrang gulat niya.
Diyata't nakatakas na naman ito kahapon mula sa guard sa loob ng mall!?
"Good morning, honey," nakangiting bati sa kanya habang mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang braso.
Hindi siya nakasagot, gulat pa ring nakatingin rito, nagtataka kung paano itong nakaligtas sa paningin ng kanyang madrasta samantalang ang pangako ng ginang sa kanya'y seseguraduhin nitong hindi makadadalo sa kasal ang lalaki.
"Mapagkakatiwalaan talaga ang haliparot mong kapatid. Akala ko, binibiro lang ako nang sabihin niyang dito kita abangan." Nagpakawala ito bigla ng isang malutong na halakhak.
Noon lang siya tila nakabawi sa pagkagulat at agad na pumiglas ngunit nahawakan nito ang kanyang beywang at bigla siyang niyakap nang mahigpit ngunit sa determinasyong makahulagpos mula sa binata ay sinipa niya ang harapan nito gamit ang kanyang tuhod.
Napasigaw ito sa sakit at napilitang kumawala sa kanya't umaringkingking hawak ng dalawang palad ang harapan pagkuwa'y natumba sa semento't namilipit sa sakit.
Sinamantala niya ang pagkakataong iyon at kumaripas ng takbo papunta sa nagpakahilirang mga sasakyan sa malapit sa simbahan.
"Lovan! Bumalik ka rito!" Narinig niyang sigaw ni Francis subalit lalo lang niyang binilisan ang takbo, walang pakialam sa mga taong takang napapatingin sa kanya at nagpatuloy sa pagtakbo palayo sa binata hanggang sa mapatapat siya sa malaking shuttle bus na nakaparada sa gilid ng simbahan.
Subalit hindi pa man siya nakakalampas doo'y merun na namang mahigpit na humawak sa kanyang braso't hinila siya papasok sa loob ng shuttle bus.
Sisigaw na sana siya't papalag ngunit narinig niya ang boses ng isang babae.
"Bakit ngayon ka lang dumating? Kanina pa dapat nagsimula ang kasal pero isang oras kang wala!" iritadong sita nito.
Halos mapugto ang kanyang hininga nang bumaling rito at nang masegurong hindi nga iyon si Francis ay saka lang niya pinakawalan ang isang malalim na paghinga sabay himas ng dibdib.
"Bakit ngayon ka lang sumulpot? Ilang beses nang nagpunta rito ang mommy mo, hinahanap ka. Nasa loob na raw ang pari. Ikaw na lang ang hinihintay," muling tanong sa kanya, salubong ang mga kilay, pagkuwa'y pinasadahan ng tingin ang suot niyang damit.
Nagliwanag bigla ang kanyang mukha pagkarinig lang na hinahanap siya ng madrasta.
"Talaga, hinihintay ako ni Mama? Sensya na ho, na-late lang ako. Pero akala ko ba Alas-Nwebe ang kasal?" saad niya, magkahalong tuwa at pagtataka ang nakarehistro sa mukha.
"Ano'ng Alas-Nwebe? Hindi ba't alam mo nang Alas-Otso ang kasal?" pagtatama nito saka dumungaw sa pinto ng shuttle bus at nagtawag ng mga kasama.
Siya nama'y hinawi ang kurtina sa tinted na bintana ng bus upang usisain kung naroon ba sa labas si Francis, pero wala.
"Sige na magbihis ka na nang makapasok ka na sa simbahan," aburido nitong utos nang muling lumapit sa kanya na lalo niyang ikinapagtaka.
"Nakabihis na ho ako," sagot niya ngunit tila wala itong narinig at umikot sa kanyang likuran upang ibaba ang zipper ng kanyang suot saka muling humarap sa kanya.
Napansin naman niya ang dalawang matatangkad na babaeng nag-unahang pumasok sa loob ng shuttle bus, hawak ng isa ang nasa hanger na gown at ng isa naman ang mahaba niyong laylayan upang hindi sumayad sa sahig.
"Oh, nahanap mo na pala ang kwintas mo?"
Naagaw ng ginang ang kanyang atensyon. Nang muli niya itong sulyapan ay nakaharap na sa kanya, nakatitig sa kwintas na nalantad sa paningin nito.
Kunut-noo niyang hinawakan ang pendant ng kwintas. Bakit nito alam na may kwintas siyang gan'on? Ang alam niya, maliban sa kanyang mga magulang, madrasta at ni Madison ay ang estrangherong lalaki pa lang ang nakakita niyon.
"Hindi naman nawala ang kwintas ko ah," pagtatama niya ngunit nanatili itong nakatanga habang nakatingin sa kanyang leeg.
Wala namang sabi-sabing hinubad ng dalawang babae ang kanyang damit, nalantad sa tatlo ang hubad niyang katawan na ang tangi lang takip ay ang kanyang mga panloob.
"Utos ba ito ni Mama?" usisa niya, nakataas ang dalawang kilay sa magkahalong hiya at inis dahil walang pakialam ang lahat kung ano ang nararamdaman niya ngayong halos hubad siya sa paningin ng mga ito.
Napaatras ang tigagal pa ring ginang at hinayaang isuot ng dalawang babae ang damit sa kanya.
Isa iyong eleganteng lapover short sleeve at V-neck gown, kulay champagne gold, embroidered with flower lace mula sa dibdib hanggang sa may beywang. Hapit naman sa balakang at hanggang sa sakong ang haba. May slit iyon sa gilid mula sa hita pababa, at pinalibutan ng mga mamahaling diamonds hanggang sa laylayan ng damit na sumayad sa sahig.
Pagkatapos ay pinaupo siya ng dalawa sa isang silyang may cushion sa ibabaw saka inayos ang kanyang buhok, inilagay ang 5 meters white ivory cathedral veil, gawa sa floral lace din at ipinatong roon ang isang tiara.
"Teka, teka. Ba't ako may belo?" puno ng pagtatakang tanong niya sa dalawa ngunit wala yatang narinig ang mga ito't busy sa pag-aayos ng kanyang makeup saka siya pinatayong muli.
"Greta! Nasaan na si Lovan?" galit na sigaw ng nasa labas ng shuttle.
Doon lang tila natauhan ang ginang na humila sa kanya papasok sa loob ng shuttle.
Greta pala ang pangalan nito.
"Narito na, Senyora! Palabas na!" pahiyaw ding sagot ng tinanong saka nagmadaling pinalabas ang dalawang babae nang masegurong tapos na siyang suotan ng damit at lagyan ng makeup sa mukha, pagkuwa'y ibinigay sa kanya ang isang boquet ng white roses.
"Manang, bakit ako pinalagyan ng belo ni Mama? Dadalo lang naman ako sa kasal." Nakarehistro sa maganda niyang mukha ang pagtataka ngunit sa halip na sumagot ay lumapit na uli ito't huminto sa kanyang likod. Ang akala niya'y aayusin lang ang pagkakaayos ng kanyang buhok subalit nagulat na lang siya nang kumawala sa leeg ang kanyang kwintas. Bago niya nahawakang muli ay nahablot na iyon ng ginang.
"Ba't mo kinuha ang kwintas ko?" pabalang niyang sita sa babae sabay harap dito ngunit umatras ito agad hawak ang kwintas nang akmang babawiin niya iyon mula rito.
"S-sa akin muna ito. Ibabalik ko sa'yo pagkatapos ng kasal," mahina nitong saad. Halata sa nag-i-stammer nitong tinig ang pagkataranta.
"Give it to me."
Kapwa sila napalingon sa maawtoridad na boses na iyon ng isang lalaki.
Napanganga siya sa pagkagulat sa nakita.
'It's him! Why on earth is he here!?' sigaw ng kanyang utak.