Sa halip na magalit sa ginawa niya'y mas lumapad pa ang tila ngising-aso nito nang muling bumaling sa kanya. Sa tingin niya, isa itong rapist na anumang oras ay pwede siyang gahasain.
Naramdaman niya ang panginginig ng mga tuhod sa takot nang bigla nitong hilain ang kanyang braso at idikit sa dibdib nito. Kung hindi niya naitukod ang isang kamay sa dibdib nito'y baka pati mukha niya'y naidikit din sa mukha ng huli.
"Ano ba'ng ayaw mo sa'kin, ha? Kaya ko namang ibigay sa'yo ang lahat, mahalin mo lang ako. Kaya kong magbago para sa'yo. Sabihin mo lang kung ano ang kailangan kong gawin para mahalin mo," puno ng emosyong sambit nito ngunit naruruon pa rin sa mga labi ang nakakalokong ngisi na tila ba naging mannerism na iyon.
"Hindi kita kailanman magagawang mahalin! May boyfriend na ako at ikakasal na kami," biglang lumabas sa kanyang bibig sa pag-aakalang bibitawan na siya nito kapag narinig ang mga salitang iyon.
Ngunit hindi niya inaasahang kakabigin nito ang kanyang beywang palapit dito. Ilang beses siyang pumiglas ngunit sadyang malakas ang tila mga batong braso ng lalaki.
"Bitiwan mo ako, bastos! Bitiwan mo ako!" paulit-ulit niyang hiyaw dahilan upang mapatingin sa dako nila ang mga nagdaraan sa hallway malapit sa kanila ngunit walang may balak tumulong sa kanya.
"Akin ka lang, Lovan. Hindi ko papayagang mapunta ka sa iba! Hindi mangyayari 'yun!" Umiba ang tono ng pananalita nito't biglang nagtagis ang bagang habang pilit na kinakabig palapit dito ang kanyang mukha.
Siya nama'y lalong tinigasan ang katawan upang tutulan ang gusto nitong mangyari sa kabila ng katotohanang nangangatal ang kanyang mga tuhod sa takot at ang isip ay puno ng antisipasyon sa pwedeng gawin sa kanya ni Francis.
Hindi! Hindi siya magpapatalo sa nararamdaman! Kailangan niyang lumaban. Hindi siya papayag na dungisan nito ang kanyang pagkababae.
"Tulong! Tulong!" sigaw na niya nang isang pulgada na lang ang layo ng kanyang mukha mula sa lalaki at ang katawa'y nakadikit na sa katawan nito.
"Akin ka lang, Lovan. Akin ka lang!" matigas ang boses na hiyaw ng lalaking halos lahat yata ng lakas ay inilabas na mahalikan lang siya sa bibig ngunit bago pa mangyari iyo'y buong lakas niyang kinagat ang kamay nitong nakahawak sa kanyang ulo.
Napasigaw ito sa sakit at nabitawan siya ngunit ang isang kamay ay nakakapit pa rin sa kanyang beywang.
Mabuti na lang, may nakita siyang guard na papalapit, sinamantala niya iyon.
"Guard! Tulungan niyo ako! Gusto akong gahasain ng lalaking ito!" buong lakas niyang sigaw marinig lang ng gwardiyang mabilis ang mga hakbang na lumapit sa kanila.
Duon siya nagkalakas ng loob na ibalibag sa binata ang nakasukbit niyang shoulder bag dahilan upang mapaatras ito't mabitawan siya. Hindi siya nakuntento't malakas iyong ipinalo sa ulo ng binata, uulitin pa sana niya kung hindi niyo iyon nahawakan kaya't binitawan niya na lang ang bag saka kumaripas ng takbo palayo nang tuluyan na siyang makawala mula sa pagkakahawak nito.
"Lovan! Mapapasa akin ka rin, tandaan mo 'yan!" habol nitong sigaw sa kanya ngunit hindi nakapiglas nang pusasan ng guard ang mga kamay.
Siya nama'y walang-lingon likong tumakbo palayo't hinanap ang exit ng mall at agad na lumabas mula ruon. Tamang-tama namang may pumaradang sasakyan sa kanyang tapat at nagmadaling lumapit ang driver para pagbuksan siya ng pinto. Agad siyang pumasok sa loob.
"Senyorita, aalis na po ba-?" usisa ng driver pero nang bigla na lang niyang itinakip ang kamay sa mukha at mapahagulhol ng iyak ay hindi na ito nagsalita pa't ini-lock na lang ang pinto, maya-maya'y marahan nang pinatakbo ang sasakyan.
Kung kelan siya nakatakas kay Francis ay saka naman siya tila lantang gulay na pinanghinaan ng loob at walang magawa kundi ibuhos ang lahat ng takot at sama ng loob sa pag-iyak na baka sakali lang, sa pamamagitan niyon ay gumaan ang kanyang pakiramdam.
Saan na siya pupunta ngayon? Kanino siya hihingi ng tulong ngayong nakita na ng lalaki ang totoo niyang mukha? Kilala niya si Francis. Lahat ng babaeng gusto nito'y hindi nakakaligtas dito. By hook or by crook, aangkinin nito ang mga iyon lalo't kinukunsente palagi ng heneral na ama ang masasamang gawin ng huli. Sino ba naman siya para kalabanin ang gano'ng klaseng pamilyang mataas ang posisyon sa lipunan? Kung gugustuhin ng mga itong dakpin siya't patayin, tiyak na wala siyang lunggang pwedeng pagtaguan. Isa lang siyang hamak na manang na babaeng ni ang sariling ama'y hindi siya magawang mahalin at ipagtanggol.
Napalakas ang kanyang hagulhol habang nakatakip ang mga kamay sa mukha at nakatukod sa kanyang mga tuhod ang sariling mga siko dahilan upang lalong magtaka ang driver sa kanyang ikinikilos ngunit napailing na lang pagkuwan.
Maya-maya'y may kausap na ito sa phone pero kahit pakinggan niya'y wala din siyang maunawaan dahil ibang lenggwahe ang gamit nito.
Ngayon siya nakaramdam ng sobrang awa sa sarili habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha. Ilang taon siyang nagtiis mula sa pang-aapi ng kinakapatid at panghahamak ng mga nakakakilala sa kanya dahil sa kanyang itsura. Ilang baso ng luha ang pumatak sa kanyang mga mata habang tahimik na tinatanggap ang mga pangkukutya ng lahat subalit kung kelan handa na siyang ipakita sa madla ang totoo niyang kagandahan ay saka naman lalong nabaliw si Francis sa kanya at walang balak na siya'y tantanan sa kabila nang paglalayas niya sa kanila makatakas lang mula rito. Sadyang napakaliit ng mundo para sa kanilang dalawa. Kung sana'y narito lang si Lenmark para ipatanggol siya, hindi sana siya magsi-self pity ngayon. Sa naisip ay lalo pang napalakas ang kanyang hagulhol, walang pakialam sa nangyayari sa kanyang palibot.
Ni hindi nga niya napansing huminto ang sasakyan at pumasok ang isang maskulado at matangkad na lalaking naka-office suit saka tumabi sa kanya sa pagkakaupo sa back seat.
Hindi rin niya nakita ang pagtiim ng bagang nitong tila alam kung bakit gano'n ang ayos niya.
"Stop acting like a childish brat, Lovan," malamig na wika ng lalaki, sapat lang ang baritonong boses para mapansin niya ito.
Bigla siyang natigil sa pag-iyak, kunut-noong pinakiramdaman ang paligid at pilit inalala kung ano'ng nangyari pagkatapos niyang lumabas sa mall at nang mapagtanto niya ang ginawang pagpasok sa loob ng Grab o Uber na sasakyang huminto sa kanyang harapan ay saka lang niya naalalang may claustrophobia pala siya, nangangatal ang buo niyang katawan sa takot kapag nasa loob ng ganuong klaseng mga sasakyan kasabay ng pagsakit ng kanyang ulo na halos mabiak na iyon.
Subalit sa halip na maramdaman iyon ngayon ay mas nangibabaw ang curiosity niya sa lalaking nagsalita sa kanyang tabi. Para kasing pamilyar ang boses nito.
Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha, bahagyang hinawi ang magulong buhok na tumabing sa kanyang pisngi saka sinipat ang mukha ng katabi ngunit napaatras agad sa may pinto ng kotse pagkakita sa lalaki.
"Ikaw na naman?!" bulalas niya sa pagkagulat sabay kapit sa headboard ng malambot na upuan.
Subalit malibang bahagyang nakataas ang isang kilay ng lalaki'y hindi man lang ito nagulat pagkakita sa kanya.
"Sinusundan mo ba ako? Bakit ka nandito?" paasik niyang akusa rito.
Pasarkastiko itong ngumiti at nang sumulyap sa kanya'y puno ng panunuya ang maaaninag sa matatalim na mga mata.
"What a stupid question when you knew from the very start that this is my own car," patuya nitong sagot sabay pagpag sa braso na tila nandidiri sa tumalsik niyang laway kanina nang gulat na magsalita.
Awang ang labing napatitig siya rito, pagkatapos ay sa driver ng sasakyan na nakatungo lang at tila sadyang iniiwasan ang kanyang mga titig sa takot na ito ang pagalitan niya.
"Pero, mister. Ang alam ko, Grab itong sinakyan ko--" Hindi pa man siya natatapos magsalita'y walang anumang binuksan ng estrangherong lalaki ang pinto saka ito lumabas. Naiwan siyang natitigilan at puno ng pagtatakang sinundan ito ng tingin habang umiikot papunta sa pinto kung saan siya nakasandig.
Ilang segundo pa ang dumaa'y walang sabi-sabi nitong binuksan ang pinto saka siya hinila palabas. Ni hindi siya nakareklamo man lang sa ginawa nito at kung kelan gusto na niyang magsalita'y walang anumang humampas sa kanyang mukha ang maliit na sling bag na itinapon nito palabas saka nagmamadaling pumasok sa loob ng sasakyan. Agad na humarurot iyon pagkatapos.
Naiwan siyang natitilihan habang awang ang mga labi.
Ano'ng nangyari? Kanina lang ay umiiyak siya. Ngayon nama'y narito siya sa gilid ng daan at hawak,-hawak ang sling bag na itinapon ng lalaki sa kanyang mukha. Ngunit mas nakapagtatakang hindi man lang siya nakaramdam ng kunting takot habang nasa loob ng sasakyan gayung dati'y ipasok lang niya ang ulo sa ganoong klaseng mga sasakyan ay halos mabiak na iyon sa sakit at nangangatal ang kanyang buong katawan. Pero hindi nangyari iyon kanina.
Sino ba ang lalaking iyon, bakit lagi na lang nagku-krus ang kanilang landas?
Tila lutang pa rin niyang tinitigan ang turquoise color at cute na sling bag na wala halos laman sa gaan niyon. Kanino iyon at bakit inihagis sa kanya ng lalaki? Baka naiwan ng gf nito tapos ang akala ay sa kanya.
Nang maalalang wala siyang kahit pisong dala ay lakas-loob niyang binuksan ang sling bag, inalam kung may pera sa loob niyon. Anong tuwa niya nang makitang may limanlibong nakalagay sa loob, liban duon ay wala na iyong laman.
Naalala niya ang damit, hindi pa iyon nababayaran. Naiwan din niya sa mall ang kanyang mga gamit kasama na ang kanyang ATM. Naisip niyang baka tulong na lang ito ng lalaking iyon kaya ibinigay sa kanya ang bag. Sinusundan ba talaga siya nito? Bakit ang sabi kanina'y pag-aari daw nito ang sasakyang iyon na akala niya'y Grab o 'di kaya'y Uber?
Ah bahala na, sa ngayon, hihiramin na muna niya ang pera. Saka na niya iyon babayaran kapag may trabaho na siya. Baka sakali, magkita uli sila ng lalaki. Sa sunod na pagsasanga ng kanilang landas ay seseguraduhin niyang malalaman na niya ang pangalan nito at kung saan ito nagtatrabaho nang maibalik niya ang bag na iyon kasama na yung pera sa loob niyon.