Chereads / The Stolen Identity / Chapter 10 - Ang Paglalayas

Chapter 10 - Ang Paglalayas

Mula nang makahalikan ni Lovan ang estrangherong iyon ay hindi na siya makatulog nang maayos. Paulit-ulit na rumirehestro ang mukha nito sa kanyang utak, ang bawat anggulo niyon, mula sa mga mata hanggang sa kaliit-liitang detalyeng nakita niya nang gabing iyon lalo na ang mga halik nitong lagi na'y dinadala siya sa kung saan sa twing naaalala ang nangyari sa kanila.

"Lovan! Halika rito! May bisita ka!" malakas na sigaw ng ama ang nagpabalikwas sa kanya mula sa pag-daydreaming sabay baba sa kama at nagmamadaling nag-ayos ng sarili, kinuha ang wig sa lagayan at isinuot iyon saka isinalpak sa pisngi ang fake na nunal.

Baka si Ricah iyon, aayain siyang mamasyal. Papayag siya kesa naman magmukmok sa loob ng kwarto at isipin ang mukha ng lalaking ni pangalan ay 'di nga niya alam pero ipinagkatiwala pa rin dito ang kanyang first kiss.

"Pa, si Ricah--" Sa hagdanan pa lang ay nakangiti na niyang tawag sa ama ngunit natigil din sa pagbaba at napahigpit ang hawak sa barandilya ng hagdanan pagkakita sa nakangising si Francis na tila mamamanhikan sa gara ng damit na suot, nakabarong-tagalog talaga.

"Kausapin mo si Francis, anak. Gusto raw niyang manligaw sa'yo. Sabi niya hindi naman daw siya galit sa atin at sa Ate Madison mo dahil ang totoo'y ikaw daw ang gusto niya," anang ama sabay senyas sa kanyang bumaba na at lumapit sa mga ito.

Ngunit sa halip na ipagpatuloy ang paghakbang pababa ay kumaripas siya ng takbo pabalik sa kanyang kwarto.

"Pa, may lakad kami ng jowa ko. Pakisabi sa kanya, may boyfriend na ako!" hiyaw niya bago pumasok sa loob ng kwarto.

"Aba't Lovan! Lovan!" tawag na uli ng ama pero hindi niya iyon pinansin, nagamadaling inilock ang pinto ng silid baka sundan siya ni Francis.

Mula nang mangyaring ang insidenteng iyon sa City Garden Hotel tatlong araw na ang nakararaan ay hindi na tumigil ang lalaki sa pagpunta sa kanilang bahay, kunwari ay nangungumusta lang sa kanyang ama ngunit hindi umaalis hangga't hindi siya nakakauwi galing sa trabaho. Madalas ay sinusundan siya nito ng tingin kapag umaakyat na sa hagdanan papunta sa kanyang kwarto.

Minsa pa nga'y sinubukan nitong buksan ang kanyang pinto pero tumigil din nang malamang naka-lock iyon kaya mula nang mangyari iyo'y lagi na niyang inila-lock ang pinto ng kwarto.

Naisandal niya ang katawan sa dahon ng pinto. Ngayo'y lantaran na nitong sinabi sa amang manliligaw sa kanya.

Nakaramdam siya ng inis. Hindi ba talaga ramdam ng ama ang panganib na hatid sa kanya ni Francis o nagbubulag-bulagan lang ito dahil sa alam ng huling anak ng isang kilalang brigadier general ang binata?

"Mahal, alam kong takot ka sa'kin."

Gulat siyang napalayo sa pinto ng sariling silid. Sabi na nga niya't susunod ito.

"Mahal, sorry na. Bati na tayo, mag-usap tayo nang maayos."

Nagsimula na namang kumabog ang kanyang dibdib nang makitang pinipihit nito ang doorknob pero hindi mabuksan.

Nababaliw na talaga ang lalaking ito, pati sa loob ng kanilang bahay ay hinahabol siya bagay na lalo niyang ikinabahala.

"Sinabi ko na sa'yo! May jowa na ako at ikakasal na kami next week kaya tantanan mo na ako!" sigaw niya mula sa loob, pero sa huli'y pinagsisihan din niya ang sinabi lalo na nang suntukin nito ang pinto, akala niya'y bibigay iyon.

Hindi siya pwedeng manatili sa lugar na 'yon. Ramdam niyang hindi na siya safe sa sarili nilang pamamahay kaya nag-isip siya ng paraan kung paanong makakatakas mula roon.

Tama! May lubid sa kanyang kabinet. Iyon ang gagamitin para makababa mula sa bintana.

Tinawagan niya muna si Lenmark at pinakiusapang makikiangkas siya sa motor nito papunta sa kanyang pinagtatrabahuan. Antayin na lang siya sa labas ng gate.

"Linggo ngayon ah, may pasok pa rin kayo?" usisa ng binata.

"Wala, pero may appoinment ako sa manager ko ngayon," pagdadahilan niya hanggang sa marinig niyang pumayag ito.

Pagkatapos patayin ang tawag ay inilapag niya ang phone sa ibabaw ng tokador.

"Mahal, mag-usap naman tayo please. Aaminin kong nagkamali ako noong nakaraang araw kaya ka nagalit sa'kin. Pero sorry na, hindi na mauulit," patuloy sa pagsasalita ni Francis, sinasadya pang lakasan ang boses habang pilit na binubuksan ang pinto para iparinig sa lahat na may relasyon talaga sila ngunit lingid sa kaalaman ng mga naroon ay gumagawa na ito ng paraan para makapasok sa loob.

Hinila niya ang kama upang iharang sa pinto nang 'di ito makapasok basta, saka niya itinali ang lubid sa pahalang na bakal ng bintana nang masegurong matibay ang kanyang pagkakatali. Hinanap niya ang kanyang shoulder bag at ipinasok sa loob ang mahahalaga niyang documents sa pag-aaral at ang itinatago niyang ATM card na pang-emergency.

Binalingan niya muna ang pintong pilit pa ring binubuksan ni Francis saka nagmamadali nang isinukbit sa balikat ang shoulder bag at dahan-dahang bumaba mula sa bintana hanggang sa maiapak ang mga paa sa bermuda grass nilang bakuran.

"Lovan?"

Gulat siyang napalingon sa madrastang bitbit ang walis-tingting habang takang nakatingala sa kanyang binabaan, pagkuwa'y nagtatanong ang mga matang bumaling sa kanya.

Nagmamadali siyang lumapit dito't niyakap ito nang mahigpit.

"Ma, sorry pero kailangan kong gawin 'to. Ang laki ng tiwala ni papa kay Francis eh alam naman niyang adik ang lalaking 'yon. Pinipilit ni Francis na buksan ang kwarto ko kaya tumakas na ako baka kung ano pa'ng gawin niya sa'kin," nanginginig ang mga kamay na paliwanag niya sa madrastang agad naman nakaunawa saka siya marahang tinapik sa likuran.

"Basta mag-iingat ka, ha? 'Wag kang mawawala sa kasal ni Madison pero seseguraduhin kong hindi makakadalo ang adik na 'yon," anang ginang, kumawala na sa pagkakayakap niya saka may inilabas na pera sa bulsa.

"May pera ako, Ma. 'Wag kang mag-alala sa'kin. Sabihin mo na lang kay papa, na-assign ako sa ibang site at mabilisan ang utos sa'kin kaya 'di na ako nakapagpaalam sa kanya," tugon niya bago ito muling niyakap. Pagkatapos ng ilang segundo'y kumawala na siya't nagmadaling naglakad palabas ng gate ng kanilang bahay.

Eksakto namang naroon na si Lenmark at naghihintay sa kanya habang nakabukas pa rin ang makina ng motor nito. Walang sabi-sabing umangkas siya roon.

"Bilisan mo, Lenmark," utos niya, sumunod naman ito.

-----

Ramdam niyang nagtataka ang kaibigan bakit punung-puno ng laman ang dala niyang shoulder bag pero hindi ito nagtanong hanggang nang maihinto nito sa harap ng GIO Enterprise ang motorsiklo.

Nagmadali siyang bumaba mula roon at matamis ang ngiting bumaling sa bumaba na ring binata, ini-center stand muna ang motorsiklo bago humarap sa kanya.

"Lovan, hindi ba mabigat ang dala mo?" pasimple nitong tanong, akmang kukunin sa kanya ang bag pero isinukbit niya iyon agad sa sariling balikat.

"Naku, okay lang ako. Biglaan kasi ang tawag sa'kin ni sir. Pupunta daw kami sa Novaliches, 'yong bago kong site. Manager na ako doon, at bukas na ang grand opening niyon nang umaga kaya ngayon pa lang ay kailangang andoon na ako. Ihahatid naman niya ako kaya 'wag kang mag-alala," mahaba niyang paliwanag, pinagsisikapang huwag siyang mag-stammer para hindi ito maghinalang nagsisinungaling siya lalo na't mariin itong nakatitig sa kanya, inaalam kung nagsasabi siya ng totoo. Sa lahat ng mga taong nakakakilala sa kanya, si Lenmark lang ang nakakaalam ng kanyang ugali. Kahit pangalan ng pabango niya'y alam nito, kahit yata kaliit-liitan niyang suot ay alam nito ang brand. Natural lang iyon dahil kasama niya ito madalas 'pag namimili siya ng mga personal na gamit.

Matagal siya nitong tinitigan pero ginawa niya ang lahat para mapapaniwala itong totoo ang kanyang mga sinabi hanggang sa wakas ay sumilay ang ngiti sa mga labi nito.

"Congrats," bati sa kanya saka siya biglang niyakap nang mahigpiit.

Napahagikhik siya para maramdaman nitong masaya siya pero ewan ba kung bakit bigla siyang napapiyok, gumanti din nang mahigpit na yakap dito at ilang beses na huminga nng malalim para matanggal ang tila tinik na biglang bumara sa kanyang lalamunan.

"Mag-iingat ka doon, ha? Ibigay mo sa'kin ang address mo do'n nang mabisita kita 'pag dayoff ko," anang binata habang nakayakap sa kanya.

Magkasing-edad lang sila nito pero mas matured ito sa kanyang mag-isip, mabilis maunawaan ang lahat. Pero sana naman ay hindi nito malamang nagkukunwari lang siyang masaya.

"Okay, mamaya itanong ko sa boss ko ang address at icha-chat ko sa'yo sa messenger," pakaswal niyang sagot, sa wakas ay medyo gumaan ang kanyang pakiramdam.

Ito ang kusang kumawala sa pagkakayakap at sa makaisapa'y pinagmasdan ang kanyang mukha.

"Keep safe always," sambit nito bago tumalikod at muling sumampa sa motor.

Hindi niya tinanggal ang mga ngiti sa labi, as if excited sa pupuntahang lugar.

Subalit nang tuluyan na itong makalayo sa lugar na iyo'y saka lang nagsipatak ang sariwang mga luha sa kanyang mga mata, kulang na lang ay mapahagulhol siya. Ang laki niyang duwag. Hindi man lang niya nasabi sa matalik na kaibigang naglayas siya sa kanilang bahay dahil alam niyang 'pag sinabi iyo'y hindi siya nito hahayaang umalis. Malamang ay susugurin nito sa Francis at iyon ang ayaw niyang mangyari. Liban sa kanyang madrasta, si Lenmark lang ang taong nagparamdam ng kanyang halaga, na kahit sa pangit niyang mukha'y hindi ito nangiming makipagkaibigan at maging loyal sa kanya sa lahat ng oras.

Naitakip niya ang isang palad sa bibig upang hindi mapalakas ang iyak at makaagaw ng atensyon sa mga taong nagdaraan sa gilid ng kalsada malapit sa kanyang kinatatayuan.

Habol niya ng tanaw ang papalayong motor ng binata ngunit bigla na siyang napahagulhol nang tuluyan na iyong hindi makita. Doon lang siya nakaramdam ng kawalan ng lakas ng loob to the point na gusto na niya itong habulin o 'di kaya'y tawagan at ipagtapat ang totoo.

Subalit sa huli'y hinayaan niya ang sariling umiyak at ilabas ang lahat ng emosyong nararamdaman ng mga sandaling iyon.