Chereads / The Stolen Identity / Chapter 12 - Wanted Ugly Secretary

Chapter 12 - Wanted Ugly Secretary

Sa parking lot pa lang ng gusaling pag-aaplayan nila'y ang haba na ng pila, abot hangang sa katabing gusali maliban pa sa mga nakapasok na sa loob ng building.

Tingin pa lang niya sa mga nag-aaplay, mas mga pangit pa sa kanya, nawalan na agad siya ng pag-asang matanggap nga pero nang maalalang kailangan niya ng trabaho'y sumunod lang siya sa dalawang kasama at nakipila na rin sa kabila ng init ng sikat ng araw na kahit payong ay wala sila. Humanga siya sa dalawa, malalakas kasi ang loob ng mga ito kahit kung titingnan ay may mga itsura naman, hindi tulad sa disguise niyang pangit talaga.

Biglang umugong ang bulungan kung bakit gano'n ang hanap na secretary ng kompanyang pag-aaplayan.

"Baka pangit din ito kaya mas prefer ang pangit na secretary," narinig niyang sabad ng isang babae malapit sa kanila.

Nanatili lang siyang nakikinig sa usapan ng mga ito pero sa isip ay nagtatanong din kung bakit.

Bahala na, ang mahalaga ay makapagtrabaho siya. Malay niya, isa siya sa mga pumasa sa screening at final interview kahit na malayo sa pagiging secretary ang dati niyang trabaho. Lakasan lang ng loob, baka sakali lang.

Ngunit nakapagtatakang ang bilis na umusad ng pila, halos kalahating oras lang ay sila nang tatlo ang papasok sa loob. Parang bigla siyang nenerbyos.

"Teka lang, magsi-CR lang ako," paalam niya sa dalawang kapwa excited nang ma-interview.

Nagtanong siya sa isang empleyado roon kung nasaan ang CR.

"Deretsuhin mo lang ang lakad, tapos liko ka sa kaliwa, deretso na uli, nasa dulo ang CR," anang kanyang tinanong.

Tinandaan niya ang sinabi nito, dumeretso lang siya ng lakad at nang makita ang pasilyo pakaliwa ay kumaliwa rin siya, dinaanan niya ang nakabukas pang pinto ng elevator kung saan marami ang nakita niyang sakay niyon.

"Don't worry, Mr. Arunzado. We've already prepared everything for tomorrow's event."

Umalingawngaw sa kanyang pandinig ang pamilyar na boses na iyon ng isang lalaki. Kahit pumikit siya, kilalang-kilala niya ang boses na 'yun.

"Lenmark?" Napahinto siya sa paglalakad at bumalik sa kinaroroonan ng elevator ngunit nakapinid na ang pinto niyon.

Naihilig niya ang ulo at takang sumulyap uli sa pinto. Hindi siya pwedeng magkamali, boses iyon ni Lenmark. Dito din ba ito nagtatrabaho? Kaibigan niya ang binata pero masyado itong malihim sa kanya, ni hindi niya alam kung saan at ano ang kompanyang pinagtatrabahuan nito. Ngayon lang siya na-curious nang marinig ang boses na iyon, boses talaga nito.

Pero dahil sa naiihi'y iwinaksi niya ang narinig at dumeretso sa kinaroroonan ng CR.

--------

Pagbalik ni Lovan sa kinaroroonan ng mga kasama ay wala na ang mga ito, nakaalis na daw sabi ng guard. Siya na lang pala ang natitira sa mga nag-a-apply bilang secretary.

"Ma'am, pasok ka na po sa loob. Kanina ka pa hinihintay ng interviewer," utos sa kanya ng guard nang makilala siyang isa sa mga nakapila para mag-apply sabay turo sa isang nakapinid na kwarto malapit sa counter.

Tumalima naman siya't kumatok muna sa itinuro nitong kwarto saka pumasok sa loob.

Nakita niya ang babaeng nakatayo, nakatalikod sa kanya at nakadikit sa tenga ang telepono.

"Yes sir, madami sila pero walang kamukha sa picture na ibinigay mo," anang interviewer sa kausap sa kabilang linya.

"Good afternoon po, ma'am!" bati niya para ipaalam ang kanyang presensya.

Doon lang pumihit paharap sa kanya ang babaeng naka-office suit saka ibinaba ang telepono.

"Have a seat," aya sa kanya saka itinuro ang isang wooden chair sa harap ng mesa, sa ibabaw niyon ay nakapatong ang isang malambot na cushion.

Sumunod siya, umupo nga sa itinuro nitong silya.

Lumapit ito sa kanya, pinagmasdang mabuti ang kanyang mukha pagkuwa'y humarap sa computer nito, tumitig na uli sa kanya, sa computer uli hanggang sa magsalita na ito sa wakas.

"At last, I've found the right one!" bulalas nito, bakas sa mukha ang saya.

Naguguluhan ma'y 'di siya nagsalita, hinintay lang na interview-hin siya.

Inukupa nito ang silya sa kanyang tapat, matagal na naman siyang pinagmasdan saka ngumiti.

"Willing ka bang ma-assign sa probinsya?" tanong sa kanya.

"Opo! Kahit saan po basta makapagtrabaho lang po ako," mabilis niyang sagot, hindi na inalam kung saang probinsya ang sinasabi nito. Mas maganda nga iyon nang malayo siya kay Francis at tuluyan nang hindi magsanga ang kanilang landas.

Napangiti ang babaeng sa tantya niya'y sampung taon ang agwat sa kanya, saka dinampot ang isang bond paper sa ibabaw ng mesa, nagsulat doon at ibinigay sa kanya.

"Come back here a day after tomorrow nang malaman mo kung saan ka maa-assign na lugar," anang babae sabay tayo at inilahad ang pinto ng opisina para makaalis na siya.

Iyon lang? Hindi man lang itinanong ang kanyang pangalan, ang work experience niya, ni hindi binasa ang kanyang resume? Basta tanggap na siya agad? Gano'n na ba talaga tumanggap ng employee ngayon, wala nang formal interview?

Litong napabaling siya sa babaeng empleyado.

"Do you mind if I ask something?" untag niya.

"Okay, ask."

"Am I really hired now?" taka pa niyang usisa.

"Aren't you going to read my resume, at least?"

Muling napangiti ang babae.

"No need for that, ma'am. We're only adviced to look for a secretary like you, then that's it," sagot nito't muling inilahad ang pinto para makalabas na siya.

Alanganin siyang tumango at hindi na nangulit pa. Ang mahalaga ay tanggap na siya sa trabaho. Pwede na siyang makahanap ng kahit maliit lang na apartment malapit dito.

Bigla siyang na-excite. Kaya niya kayang maging secretary? Ano'ng ugali ng kanyang magiging amo? Pahirapan kaya siya nito, mabait kaya o masungit?

Sa dami ng mga tanong na pumapasok sa kanyang isip ay 'di na niya namalayang nakalabas na pala siya kung hindi niya naramdaman ang mahinang patak ng ulan. Naipatong niya agad sa ulo ang dalang shoulder bag na tanging kasama niya mula pa nang maglayas sa kanila kahapon.

Tumakbo siya patawid sa kalsada at naghanap ng mabibilhan ng payong sa mga tindahan sa tabi-tabi ngunit sa halip na payong ay isang payphone ang umagaw sa kanyang atensyon. Hindi niya nadala ang kanyang phone kahapon kaya nag-online lang siya sa computer shop nang magpasa ng resignation letter.

Agad na pumasok sa kanyang isip ang madrasta, baka nag-aalala na ito sa kanya kaya nakigamit siya ng payphone para matawagan ito.

"Lovan, 'wag mong kalilimutang dumalo sa kasal bukas, ha? Aantayin ka namin sa simbahan," bungad agad ng ginang pagkarinig lang sa kanyang boses.

"Opo, Ma. Saan po ba ang venue?" usisa niya.

"Madison, saan nga ba ang venue ng kasal? Nakalimutan ko, tinatanong ni Lovan!" hiyaw nito sa anak.

"Sa San Agustin Church sa Intramuros!" malakas na hiyaw ni Madison.

"Sa San Agustin Church daw sa Intramuros, anak," pag-uulit ng madrasta.

"Ma, bakit ang layo yata sa atin?" takang tanong niya.

"Iyon kasi ang gusto ng mga magulang ni Brandon kaya sila ang nasunod kasi sila naman ang gagastos sa kasal," paliwanag nito.

"Okay po, pupunta po ako do'n nang maaga," pagbibigay niya ng assurance.

"Alas nwebe anak, ha? Aantayin talaga kita," pangungulit nito.

Natawa siya nang pagak. Buti pa ang kanyang step-mother namimiss siya. Ang kanyang papa kaya?

"Ma, si papa?" usisa niya.

"Wala rito, may pinuntahang kaibigan."

Pagkatapos malaman kung nasaan ang ama'y nagpaalam na siya sa madrasta saka ibinaba ang telepono.

Ayaw niyang mahalata nitong nalungkot siya sa narinig. Hindi man lang inalam ng kanyang papa kung saan siya nagpunta. Hindi man lang siya nito tinawagan at pinuntahan ang kanyang kwarto para alamin kung ano'ng mga naiwan niya. Natural na magtataka ito kung bakit hindi niya dinala ang kanyang phone 'pag nakita iyong nasa ibabaw ng tokador. Pero segurado siyang hindi pa ito pumasok sa kanyang silid. Malalaman sana nitong magulo 'yon.

Napabuntung-hininga siya habang dumudukot ng barya sa kanyang wallet.

Kelan kaya niya uli mararamdaman ang pagmamahal ng kanyang ama? Mula nang mamatay ang mama niya'y nagbago na rin ang pagtingin nito sa kanya.