Alas Otso ang pangako ni Lovan na darating sa venue ng party pero dahil sa todo paghahanda sa kanyang outfit ay pasado alas syete na ngunit nasa harap pa rin siya ng tokador, pinagmamasdan ang mukha sa salamin, pinag-iisipang mabuti kung tatanggalin niya ang wig at nunal sa mukha, sa huli'y hindi niya ginawa. Ginandahan na lang niya ang suot na inifinity dress, kulay lilac iyon, sleeveless kaya lantad ang mapuputi niyang mga balikat. Baka sakali sa damit niya'y mapapayag niya ang may-ari ng GIO Enterprise na aprobahan ang kanyang promotion, wala na siyang pakialam gaano man kapangit ang kanyang mukha basta maganda lang ang kanyang damit.
Dinampot niya sa ibabaw ng tokador ang kanyang kwintas, hinimas ng daliri ang pendant niyon bago binuksan ang lock.
Nasa loob ng pendant ang kanyang picture noong sixteen siya kaya lang ay wala siyang maalala kung saan siya kinunan, bakit sa likod niya'y pansin ang bughaw na dagat.
Ang sabi ng kanyang mama, binili pa raw ang kwintas noong dumalo ito ng conference sa Hongkong, manager kasi ito sa isang bangko sa Legaspi at boss ng kanyang papa.
Bumakas ang lungkot sa kanyang mukha ngunit napalitan din ng pangungunot ng noo pagkakita sa dalawang maliliit na letrang sadyang isinulat sa ilalim ng kanyang larawan, 'ZL'. Initials iyon ng pangalan nilang mag-ina. Zenaida kasi ito, siya nama'y Lovan.
Ang nakapagtataka nga lang ay hindi iyon ang penman ng kanyang mama, hindi rin ng kanyang papa pero segurado siyang sulat-kamay iyon ng isang lalaki.
Tunog ng kanyang smartphone na nakapatong sa ibabaw ng tokador ang nakaagaw sa naglalakbay niyang isip.
'Lenmark is calling,' ang nakalagay sa screen.
Mabilis niya iyong dinampot at sinagot ang tawag.
"Lovan, pababa ka na ba? May usapan kasi kami ng boss ko, 8:30PM kailangan ando'n na ako sa suite niya," bungad ng kaibigan sa kabilang linya.
Agad niyang dinampot ang sling bag na gagamitin at inilang hakbang lang palabas sa kanyang kuwarto, pababa sa hagdanan.
"Ma, aalis na po ako," paalam niya sa madrastang nakaupo sa sala at hinihintay ang pagdating ng kanyang kinakapatid.
"Ingat ka, anak," sagot nito.
Tumango lang siya bilang tugon habang nasa tenga pa rin ang phone at kausap si Lenmark.
"And'yan na ako, palabas na," sagot niya sa binata.
Pagbukas niya ng gate, nabungaran niya agad itong nakaharap sa kanilang bahay, sandaling natameme nang makita siya, lalo nang makita ang kanyang damit na sa ilang taong pagkakaibigan nila'y ngayon lang uli nito nasilayang nagsuot siya ng ganuong kahapit sa kanyang beywang at lampas tuhod lang ang haba. Hindi lang makinis na mga balikat ang nalantad sa paningin nito, pati mapuputi niyang mga binti.
Awang ang mga labing napatitig ito sa kanya, hindi inaasahang magiging gano'n ang kanyang ayos, nakaramdam tuloy siya ng pagkaasiwa at niyakap ang sarili.
"Malaswa ba?" nahihiya niyang tanong.
Umiling ito.
"You look gorgeous!" bulalas sa kanya pagkuwa'y tila natauhan nang makita siyang alanganing ngumiti.
"I mean, pwede na 'yan, h'wag ka nang magpalit, mali-late na ako sa appoinment. Mahigpit ang amo ko. Ayaw niya ng late sa usapan," mahaba nitong paliwanag, halatang biglang nataranta, kung sa ayos niya o sa iniisip nitong baka ma-late sa appoinment ay hindi siya segurado. Ang alam lang niya, ang init ng kamay nitong humawak sa kanyang palad habang inaalalayan siyang makaangkas sa motor.
"'Di ka ba sasakay muna?" puna niya.
"Ahm--oo nga pala," wala sa sariling sambit saka nagmamadaling hinubad ang suot nitong coat at ibinigay sa kanya.
"Isuot mo nang hindi ka lamigin habang nagbibiyahe tayo. Malayo din kasi ang City Garden Hotel mula rito," anang binata.
Nagpatianod naman siya, maya-maya pa'y nakakapit na siya nang mahigpit sa beywang nito habang sinusubukan nitong kampantehin ang sarili at mabagal na magpatakbo nang naaayon sa gusto niya upang hindi siya makaramdam ng kunti mang takot.
Ten minutes bago mag-alas otso'y nakaparada na ang motorsiklo ni Lenmark sa harap ng City Garden Hotel.
Una siyang bumaba at huhubarin na sana ang nakapatong na coat nang pigilan nito ang kanyang kamay.
"Bukas mo na 'yan ibalik 'pag inihatid kita sa trabaho," anang binata saka bumaba na sa motor.
Tumango naman siya bilang tugon. Mas mabuti na nga segurong mamaya na niya iyon tanggalin 'pag nasa party na siya.
Nagtaka pa siya nang magpatiuna itong maglakad papasok sa hotel, nang mapansing hindi siya nakasunod ay huminto at napalingon sa kanya.
"Dito din nakatira ang boss ko. Saan ka nga palang floor papunta?" wika nito, bumalik sa kinatatayuan niya, hinawakan ang kanyang kamay saka sila sabay na pumasok sa loob at gumamit ng elevator.
"Sa rooftop ako." Noon lang siya sumagot.
Tango naman ang iginanti nito sabay marahang pisil sa kanyang palad. Tinapunan niya ito ng tingin, ngumiti at pasimpleng hinila ang kamay mula rito. Noon lang din ito tila natauhan at agad iyong binitawan sabay tingin sa kanya.
"Wala ka yata sa sarili ngayon," puna niya.
Nagkamot ito ng batok, alanganing ngumiti. Siya nama'y pabirong kumapit sa braso nito.
"Lenmark, bakit hindi ko nakikitang kasama mo ang gf mo?" usisa niya. Last month lang kasi'y ibinida nito sa kanya ang ka-officemate nitong gf.
"Break na kami," maagap nitong sagot.
"Ha? Bakit?" taka niyang tanong.
Bumaling sa kanya ang binata, sinulyapan ang kamay niyang nakahawak sa braso nito saka alanganin na namang ngumiti.
"N-nakita niya kasi ang picture ng crush ko sa loob ng wallet ko," paliwanag nito.
Natahimik siya, nag-isip pagkuwa'y pumalatak.
"Hanggang ngayon ba'y hindi mo pa rin makalimutan ang crush mo no'ng college tayo?" usisa niya, sa pinto ng elevator nakatingin kaya hindi niya nakitang namungay ang mga mata ng binata nang tumitig sa kanya, napako ang mga mata sa kanyang mga labi.
Kilala niya ang crush ng kaibigan noong college sila, si Emerald. Ang tinaguriang crush ng campus. Isa si Lenmark sa mga naging bf ng babae. Pero after ng kanilang graduation ay nalaman niyang nag-break ang dalawa.
"Hindi picture ni Emerald ang nasa wallet ko," pagtatama nito, sa kanya nakatitig.
Awtomatiko niyang naibaling ang mukha sa binata.
"May bago kang crush?" maang niyang tanong.
Pinitik nito ng daliri ang kanyang noo sabay mahinang tumawa.
"Kailan pa ako nagbago ng crush. Iisa lang ang crush ko," saad nito.
"Sino?"
Mahina na uling tawa bago nito binawi ang braso sa kanya, eksaktong pagbukas ng pinto ng elavator.
"Dito lang ako sa 10th floor. Mamaya, pupunta ako sa rooftop para sunduin ka," paalam nito bago lumabas doon.
Tumango lang siya pero sa isip ay nagtataka kung sino ang tinutukoy nitong crush, pagkuwa'y napangiti. Twenty seven na sila pero teenage crush pa rin ang kanilang topic.
Malihim kasi si Lenmark, sinasarili nito ang lahat ng bagay lalo na ang private life. Pero kapag tinanong niya, saka lang ito nagkukwento. Kahit nga trabaho nito at pangalan ng kompanya kung saan ito nagtatrabaho ay hindi naikukwento sa kanya, hindi rin naman kasi niya itinatanong.
Bago sumara ang pinto ng elevator ay nahabol pa niya ang binatang lumingon, kinawayan siya sabay kindat. Isang hagikhik lang ang kanyang isinagot. Mabuti, siya lang mag-isa sa loob, walang makaririnig kahit tumawa siya nang malakas.
-----------
"Lovan!" tawag ni Mr. Mamerto Aurelio, ang kanyang manager nang makita siyang palabas sa elevator.
Nakaabang na ito sa may entrance papasok sa venue ng party, sa likod lang ng isa sa mga guard na nakatayo roon at tinitingnan ang mga bisita kung lahat ay may dalang invitation card.
Kumaway siya rito, mabilis ang mga hakbang na lumapit habang ito nama'y kinausap ang malapit ditong guard saka siya sinenyasang pumasok na.
Wala namang sumita sa kanya kahit wala siyang naibigay na invitation card, iyon seguro ang dahilan kung bakit siya inabangan ng manager, hindi kasi siya nito nabigyan niyon.
"Kanina pa kita hinihintay. Akala ko hindi ka na darating," wika sa kanya.
Isang ngiti lang ang kanyang isinagot, ang balak na pagtanggal ng coat na suot ay hindi na niya ginawa lalo't nakaramdam siya ng pagkaasiwa pagkakita sa among napatitig sa nakalantad niyang cleavage, kitang kita ang suot niyang kwintas na hindi naitago ng inifinity dress.
Pasimple niyang ikinabit ang butones ng coat upang matakpan ang nakalantad na bahagi ng kanyang katawan. Kung alam lang niyang hindi siya magiging komportable sa suot, hindi na sana iyon ang kanyang binili kanina. Mabuti na lang, hindi pumayag si Lenmark na ibalik dito ang coat, mabuti na lang din, lampas tuhod ang haba niyon, natakpan lahat ang gusto niyang takpan.
"Mahiyain pala ang empleyado mo," puna ng may-ari ng GIO Enterprise pagkakita sa kanya. Sinipat siya nito mula ulo hanggang paa, pagkuwa'y natuon ang pansin sa kanyang nunal.
"Wala ka bang balak ipaopera ang nunal na 'yan? Paneguradong gaganda ka kapag iyan ay natanggal sa mukha mo," walang gatol nitong wika.
Nahihiya siyang ngumiti sa ginoong sa tantya niya'y nasa singkwenta na ang edad pero matikas pa rin ang pangangatawan at halatang isang prominenteng tao sa lipunan sa tuxedo pa lang nitong suot.
"Ganyan lang ang itsura niya bossing pero itataya ko ang pangalan ko, magaling siya sa trabaho. Never siyang um-absent sa apat na taong pagiging empleyado sa GIO Enterprise, never din siyang na-late kahit isang beses lang," pagmamalaki ng kanyang manager, nakataas-noo pa habang nagsasalita, pagkatapos ay kumindat sa kanya.
"Opo, sir. May sarili po kasi akong rules pagdating sa trabaho, bawal po sakin ang late at absent," susog niya sa sinabi ng kanyang boss.
"Hmm--very impressive," anang may-ari ng kompanyang kanyang pinagtatrabahuan, itinaas ang kopita nitong hawak saka siya muling sinipat mula ulo hanggang paa.
"Uncle Armando!"
Maingay na ang paligid sa dami ng mga bisitang naroon, idagdag pa ang ang ballad song na naririnig sa entablado sa di-kalayuan sa kanila pero nangibabaw sa buong rooftop ang boses na iyon.
Awtomatikong napalingon siya sa tumawag. All of a sudden, her face went white and eyes widened.