Chereads / The Stolen Identity / Chapter 5 - Ang Kasunduan ng Kasal

Chapter 5 - Ang Kasunduan ng Kasal

Kapapasok lang ni Lovan sa loob ng bahay nang bumulaga sa kanya sa sala ang mag-asawang may-ari ng subdivision at ang anak ng mga itong nasa doble ang tanda sa edad nila ni Madison pero 'di naman maitatangging gwapo pa rin ang huli.

Kumunot agad ang kanyang noo lalo na nang mapansin ang kinakapatid na nakayuko ang ulo sa tabi ng lalaking ang alam niyang pangalan ay Brandon.

Gayunpama'y mas pinili niyang tahimik na naglakad at umakyat sa hagdanan papunta sana sa ikalawang palapag ng bahay nang marinig ang tinig ng ama.

"Huwag kang mag-alala sa motor ni Madison, balae. Luma na naman iyon eh. Bibili na lang siya ng bagong kotse kapalit no'n. Ang mahalaga'y ang kasal ng mga anak natin sa sunod linggo," nakangisi pang saad ng amang nakaupo sa single sofa katabi ng kanyang madrastang pinagkasya ang katawan sa natitira pang espasyo ng upuan.

Awang ang bibig na napalingon siya sa ama. Ano'ng ibig nitong sabihin?

Nang may biglang pumasok sa isip ay tumakbo na siya pabalik sa labas ng bahay at nakita sa gilid ng gate ang kanyang pinakamamahal na Rusi. Yupi na iyon na tila ba ginulungan ng bulldozer, halos 'di na nga niya makilala kung hindi kabisado ang kulay niyon.

"Ang Rusi ko!" bulalas niya, patakbong lumapit sa kinalalagyan niyon sabay luhod at hinimas ang yupi niyong katawan. Kahit nga mga gulong ay butas na rin.

"Ano'ng nangyari sa Rusi ko?" mangiyak-ngiyak niyang tanong sa sarili habang paulit-ulit na pinapasadahan ng kamay ang bawat parte niyon. Mahal niya kasi ang kanyang motor. Maliban sa kanyang kwintas, iyon lang ang natitirang regalo ng kanyang mama bago ito namatay.

Halos isang dekada na iyon sa kanya pero parang bago pa rin ang kulay dahil alagang-alaga niya talaga, tapos ngayon, makikita na lang niyang yupi at wala nang pag-asang maayos pa.

Naningkit bigla ang kanyang mga mata, salubong ang kilay na napatayo para sumugod sa sala at papagbayarin ang naging dahilan kung bakit nasira ang kanyang motor.

Matagal na siyang nagtitiis, matagal na siyang nananahimik. Panahon na seguro para ipakita naman niya ang galit sa kinakapatid at sa ama.

Subalit nang sumugod sa sala ay siya din ang natigilan, noon lang pumasok sa isip ang kanina'y sinabi ng kanyang papa. Ikakasal si Madison kay Brandon? Paanong nangyari iyon? Hindi ba't ang jowa nito ay si Francis?

"Balae, wala tayong pag-uusapan sa gown ng aming anak na si Madison. Kami na ang gagastos sa lahat pati sa mga abay. Pero kayo ang bahala sa anak niyo at sa mga groomsman maging ang preparasyon sa kasal. Ang sagot lang namin ay ang gown ng aming anak at mga abay," patuloy ng ama sa pagsasalita habang siya nama'y nakatayo lang sa isang tabi, nawalan agad ng lakas ng loob para ilabas ang galit nang mga sandaling iyon.

Tumawa nang malakas ang ama ni Brandon saka isinenyas ang isang kamay sa kanyang papa.

"Don't worry, balae. Wala tayong pag-uusapan pagdating sa pera. Ang mahalaga sa amin ay maayos ang gulo at hindi maging bastardo ang ipinagbubuntis ni Madison," anang ginoo na sa tantya niya'y lampas nang sixty ang edad.

"'Tsaka huwag na kayong mag-alala sa kinakasama ni Brandon, ipinadakip na namin siya dahil sa ginawa niyang gulo kanina. Basta ba matuloy ang kasal sa sunod na linggo, wala tayong dapat pag-usapan pagdating sa gastos," nakangiting sabad ng ginang na 'di nalalayo ang edad sa asawa.

"O pa'no, aalis na kami Balaeng Miguel at Balaeng Areta. Aasikasuhin pa namin agad ang kasal ng dalawang 'to," pagtatapos ng ginoo sa usapan saka nagmamadali nang tumayo at hinawakan sa kamay ang asawa pagkuwa'y bumaling sa anak na katabi ni Madison sa pagkakaupo sa gilid ng mahabang sofa.

Tumango lang si Brandon sabay baling kay Madison na parang maamong tutang 'di man lang maiangat ang mukha.

"Huwag ka nang umiyak. Wala na rito si Eloisa. Ipinakulong na siya nina mama at papa," anang kwarenta anyos na lalaki.

Tumayo na rin ang kanyang papa ang at madrasta saka sinamahan palabas ng bahay ang mag-asawa.

Siya nama'y parang anino lang na nakatayo malapit sa may hagdanan, ni walang mag-aksayang tapunan siya ng tingin.

Ni wala yatang may balak na magpaliwanag sa kanya kung ano'ng nangyari sa kanyang Rusi. Bumalik na naman ang hinanakit sa dibdib kaya pagkapasok lang ng ama sa loob ng bahay ay sinalubong niya ito.

"Pa, ano'ng nangyari sa motor ko?" lakas-loob niyang tanong.

"'Di mo ba nakita? Ayun, yupi na. Sinira no'ng kinakasama ni Brandon," kaswal na sagot ng huli.

"Bakit pumayag kayong sirain 'yun? Anong kasalanan ng motor ko?" reklamo niya, nakasimangot na.

Hinawakan siya nito sa braso at hinatak palapit sa may kusina.

"Ano ka ba, motor lang 'yon. Pwede ka pang bumili ng bago, mas maganda pa do'n," anang ginoo.

"Pero Pa, alam mo namang bigay 'yun ni mama sa'kin noong buhay pa siya," katwiran niya ngunit pumalatak lang ito bilang sagot.

"Siyangapala, anak. Pahiramin mo muna ang papa mo ng pera nang hindi tayo mapahiya sa magiging byenan ng kapatid mo." Lumambot bigla ang boses nito, may halo nang paglalambing sa kanya. Ganuon ito kapag may gustong hingin. Hindi naman hiram 'yun, hingi.

Tumaas tuloy bigla ang kanyang isang kilay sa pagkadismaya. Siya na nga ang dehado sa kanyang motor, siya pa ang gagastos sa kasal ni Madison. Siya na nga halos gumagastos sa mga kailangan sa buong bahay pati ilaw at kuryente, pati ba naman para kay Madison, kanya pa rin?

Subalit hindi niya kayang hindian ang ama. May sakit kasi ito sa puso, hindi pwedeng magalit nang sobra kaya napabuntunghininga na lang siya ngunit nakaingos.

"50k lang po ang natitira sa savings ko dito, Pa. Alam niyo naman pong kunti lang ang sahod ko sa trabaho," pagdadahilan niya.

"Gawin mo nang 100k, anak. Alam mo namang malaki ang loan ko ngayon dahil sa binili kong sasakyan. 'Di pa ako pwedeng mag-loan ngayon. Kawawa naman ang kapatid mo kung 'di natin tutulungan sa gastos. mapapahiya siya sa pamilya ni Brandon," mahaba nitong paliwanag, mapapayag lang siya.

"Pa naman..." angal uli niya ngunit ito na mismo ang kumuha ng kanyang wallet sa loob ng nakasukbit niyang bag at kinuha ang ATM card doon saka ngumiti nang matamis.

"Promise, babayaran ko 'to," saad nito sabay talikod at nagtungo sa loob ng kusina.

Nasapo na lang niya ang noo sa inis ngunit hindi naman makapagreklamo. Kahit magreklamo siya, uutuin lang siya kunti tapos wala na, mapapapayag na siya sa gusto nito. Bakit ba kasi sobra siyang mabait, 'di marunong panindigan ang galit? Minsan tuloy naiinis na siya sa sarili. Nawalan na nga ng hustisya ang nangyari sa kanyang motor, nakuhanan pa siya ng ATM card. Mabuti na lang, itinago niya ang kanyang isa pang ATM para 'pag kailangan na talaga niya ng pera'y may madudukot siya.

"Lovan!"

Napapihit siya paharap pagkarinig sa boses ng kanyang madrasta.

"Ma," sagot niya.

Pagkalapit lang ay hinawakan nito ang kanyang braso.

"Pasensya ka na sa nangyari sa motor mo. Ang hitad mo kasing kapatid eh ilang beses na palang nakikipagkita kay Brandon sa isang motel. Hindi nila alam na ando'n din ang kainakasama nito, nagmamanman. Ayon, napagbuntunan ng galit ang motor mo," kwento nito.

So, gano'n pala ang nangyari sa kanyang motor. Kaya pala humihikbi si Madison. Natakot seguro pagkakita sa kinakasama ni Brandon.

Kilala niya ang magiging asawa nito, malibang sadista raw ay para lang nagpapalit ng damit kung magpalit ng babaeng ibabahay ngunit kahit isa'y wala itong pinakasalan sa mga iyon. Ngunit bakit pakakasalan nito si Madison? Dahil ba sa buntis ang kinakapatid batay sa narinig niya kanina?

"Lovan, ikaw ang kukunin naming maid of honor dahil ikaw lang naman ang kapatid ng anak ko," saad ng madrasta mayamaya.

"Ma, nahihibang ka na ba? 'Yang pagmumukha ng babaeng 'yan ang gagawin mong maid of honor sa kasal ko? No way!" mula sa likuran ng madrasta'y malakas na sabad ni Madison.

Napansin niyang wala na roon si Brandon, hindi man lang nagpaalam sa kanila bago umalis.

Hindi na rin umiiyak ang kinakaptid tulad nang napansin niya kanina, o nagdrama lang ito sa harap ng mga bisita.

Napabaling dito ang madrasta habang ito nama'y nakasimangot na pairap siyang sinulyapan at nang makalapit ay humalukipkip sabay harap sa ina.

"Ma, ang kasal ko dapat ang pinakamasayang araw sa buong buhay ko, tapos bibigyan niyo ako ng maid of honor na mas pangit pa sa palaka? Ayuko!" tutol nito sa patuyang boses, halata ang pandidiri habang pailalim siyang sinipat mula ulo hanggang paa.

Balak niyang barahin ang kinakapatid pero dahil malaki ang respeto niya sa ina nito'y hindi niya ginawa.

"Ma, okay lang po 'yon. Busy din naman po ako sa trabaho. Kaya dadalo na lang po ako sa kasal," sabad niya, sumilay ang ngiti sa mga labi para hindi ito mag-alala sa kanya.

Sa totoo lang, kahit hindi sila magkadugo ng ginang ay mas ramdam niya ang concern nito sa kanya kesa sa kanyang sariling ama.

"Pero Lovan--"

Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat.

"Ma, okay lang ako, promise. Busy talaga ako sa trabaho ngayon. Sige na po magpapalit na ako ng damit," pagbibigay niya ng assurance saka nagpaalam muna bago lumayo sa dalawa ngunit 'di niya ginawang tapunan ng tingin ang kinakapatid.